Chapter Seven: Love isn’t easily angered
Hindi ko na ikukubli, siguro nga may gusto na ako kay Cadmus. Eh ano naman kung pulubi ako tapos siya ginto? Eh hindi ko naman siya gagamitin. Gusto ko na talaga siya. Hindi lang niya naabot ang standards ko, sinobrahan niya pa. Sa maikling panahon na magkasama kami ay nararanasan kong tumawa nang mas mahabang panahon ‘di tulad nang dati.
Wala na akong paki kung iiwan ko na sa huli ang sakit na mararanasan ko. Masaktan? Okay. Normal lang ‘yon. Sumugal ako kasi mahal ko. Hindi ako susugal kung wala siyang potensyal na pinapakita sa akin.
Dalawang buwan na pala simula noong tinanggap ko ang imbitasyon para maging pekeng nobya ni Cadmus? Ang bilis ng panahon.
Bumibisita rito ang kapatid niyang si Cadesia, ang mga kaibigan ko at mga kaibigan niya. Hindi siya nawawalan ng oras sa akin kahit sa aming dalawa ay wala namang umaamin na may gusto sa isa’t isa.
Dinadala niya ako sa kung saan saan. Sa mga carnival, photo booths, parks, maraming dinner dates, book dates at marami pang klaseng dates.
Ngayong araw ay bibisitahin ko siya muli sa kanyang opisina para hindi niya na ako kailanganing sunduin pa rito sa mansion. Nitong mga nakaraang araw ay medyo nagiging busy siya pero never siyang nagreklamo sa akin na pagod siya pag nag-aaya ako ng mga date kaya gusto kong bumawi sa lanya.
Ang sabi niya, pupunta kami ngayon sa puntod ng yumaong ina niya dahil gusto niya akong ipakilala rito. Noong narinig ko ‘yon ay halos maluha luha ako dahil kilala ko siya bilang isang napaka-pribadong tao pero ngayon ay ipapakilala niya na agad sa akin ang kanyang ina. Dalawang buwan pa lang kaming magkakilala ah? Ganoon niya ba ako pinagkakatiwalaan?
Malapit nang matapos ang kasunduan… Pagkatapos non, hindi ko na alam ang sunod.
“Ma’am, binigay na po ba sa inyo ni Manang Aida ‘yung pinapabigay ni Senyorito Cadmus?” Tanong noong blonde na kasambahay sa akin noong makababa ako sa hagdanan. Naging mabait na rin ito sa akin dahil siguro nakita na mukhang totoo talaga ang bondings namin ni Cadmus.
“Hindi, meron pala siyang pinapabigay?” Kumunot ang nuo ko. “Ano naman kaya ‘yon?”
“Ito po ma’am…” Binigay niya sa akin ang isang folder. May mga bondpaper doon na puno ng eleganteng desenyo at naaamoy ko roon ang panlalaking pabango niya. “Mga tula raw ho ‘yan na ginawa ni Senyorito Cadmus para sa inyo.” Sabi nito at ngumiti sa akin.
Tula?
Napangiti ako habang binibilang kung ilang piraso ng papel ‘yon. Sampong piraso! Hindi lang ‘yon… Punong-puno pa ng mga salita sa harap at sa likod. Kinuha ko ito palabas nang biglang may mahulog na isang maliit na papel.
‘My dear Erin, I’m sorry if this one’s boring for you and it’ll tire you because it’s a lot of words. These are my poems that I’ve written since the day we met. No words can explain how beautiful you are.’
Napangiti ako. But why is he suddenly giving me this? Is there any occasions today?
“Happy birthday po, Ma’am Erin!” Biglang nagsilitawan ang mga ilaw mula sa kung saan. Si Manang Aida ang unang bumati. Sunod kong natanaw si Cadesia at si Senyor Arcajante sa gilid. Nandoon din ang mga kaibigan ko si Laurel, Renice at Nirca!
Hala… Sa sobrang kilig ko kay Cadmus ay nakalimutan ko na nagb-birthday rin ako.
“Nakakagulat… naman kayo.” Napahawak ako sa dibdib at tumawa. “Nakalimutan ko ‘yon ah… Salamat!” Ngumiti ako sa kanilang lahat.
Bumeso sa akin si Cadesia at si Senyor Arcajante. Niyakap naman ako ng mga kaibigan ko. Nasaan si Cadmus?
“Nasa trabaho pa si Cadmus ngayon…” Si Senyor Arcajante ang nagsalita na para bang nababasa niya ang aking iniisip.
Tumango ako at nginitian siya.
“Ate Amber! I have a gift for you. We’re on the same birth month! I’m born on September too.” Kinikilig na lumapit sa akin si Cadesia at binigyan ako ng kay rami-raming paper bag. “I got you Limited Edition Prada bags that I got from France last month. I’m sure you’d love them!” Niyakap niya ako nang mahigpit.
Tumawa ako at pinisil ang pisngi niya kahit medyo nahirapan ako dahil marami nga talaga siyang binigay sa aking paper bags. “Ano ka ba, Cadesia… Bakit nag-abala ka pa? Limited edition pala pero ibinigay mo sa akin.”
“Syempre! You’re my older sister now. I would choose you over my brother!” Humalakhak siya.
“Here’s my gift for you,” Senyor Arcajante extended his hand to give me a small box. Sa unang tingin pa lang ay malalaman mo na agad na alahas iyon. Nanlalaki ang mga mata ko habang umiiling. Hindi ko ‘yon matatanggap! “It’s hard to think what should I give you as a gift. Please accept this.” Ngumiti ito sa akin.
Nahihiya akong ngumiti. Grabe talaga ang pamilya Arcajante kung maka-spoil sa akin! Para bang parte rin ako ng pamilya nila.
“At least ako nagbake niyang cake.” Sabi na lang ni Renice sabay nguso sa likuran ko. May isang cake roon na may mukha ng favorite na Character ko sa Kdrama na Goblin. Kapangalan ko rin siya, si Erin na female lead.
“Huwaw! Ang ganda!” Nanlalaki ang mga mata ko dahil ang effort ni Renice sa paggawa nito. Tumakbo ako papunta sa kanya at niyakap ko siya nang mahigpit.
“Ang gift ko sa ‘yo…” Hinalikan ako sa pisngi ni Laurel. “Ako. Ako ang greatest gift mo.”
Kunwari’y nalungkot ako sa sinabi niya pero tumawa rin agad siya at may inilabas na kahon. Nakabalot iyon sa kulay pulang gift wrap na makintab. Meron din itong ribbon na kulay ginto. “Ano ‘to?” Excited kong tanong sa kanya.
“Iyan lang ang nakayanan ko eh…” Nagkamot siya ng batok. “Alam ko namang hilig mo magsulat at magbasa kaya… Binilhan kita ng diary at hardcopy ng paborito mong libro.”
Mas lalong lumapad ang ngiti ko dahil dito. Bubuksan ko na sana ‘yon nang pigilan niya ako.
“Hep hep! Mamaya ka na magbukas ng mga regalo mo. Hipan mo muna ang cake mo.” Sabi nito.
“Teka lang gago ka kinalimutan mo ‘ko, may regalo rin ako!” Umuusok ang ilong ni Nirca sa inis dahil nakalimutan siya ni Laurel. Ngumiti rin naman agad siya nang pumihit na ang mga mata niya sa akin. “Ito ay para sa pinaka maganda kong kaibigan…” Binigay niya sa akin ang isang box na naman na red din ang kulay. Hindi nga lang ito makintab katulad noong kay Laurel.
Agad naman siyang sinimangutan ni Laurel at Renice dahil sa sinabi niyang ako ang pinaka maganda. “Ganyanan na pala, erp… Cancel ko na ‘yung ticket natin sa Boracay.” Biro ni Renice na kunwari’y nalulungkot.
“Oo nga, ipapahiram ko pa sana sa ‘yo ang suki card ko sa flower shop na lagi mong binibilhan ng pangregalo mo sa crush mo…” Yumuko si Laurel.
Tawa ako nang tawa sa kanila. Puro talaga sila kalokohan!
“Happy birthday to you… Happy birthday to you… Happy birthday, happy birthday… Happy birthday to you!” Pagkanta ng mga tao sa mansion.
“Happy birthday, ‘akla!”
“Happy birthday, Amber!”
“Happy birthday, Ate Amber!”
Nagpalakpakan ang lahat. Medyo gumaan ang ngiti ko dahil sa pangalang itinawag nila sa akin. Oo nga pala, nagpapanggap pa kami… Mabuti at “akla” ang tinawag sa akin ng mga kaibigan ko na pinaikling “bakla” dahil kung hindi, nabuking na kami. Hindi ko pa kasi sila nasasabihan tungkol sa deal.
Binigyan nila ako ng nagtatanong na mga tingin nang magtama ang mga mata namin pero pinili nilang huwag na magsalita.
“Make a wish!” Nagpalakpakan ang lahat bago iniharap sa akin ang cake na gawa ni Renice. Sinindihan ni Cadesia ang kandila.
Pumikit ako.
Ang wish ko, sana lahat ng tao na nandito ngayon at si Cadmus ay maging masaya sa susunod na mga taon. Sana lahat kami ay maging successful. Kung sablay, sa magandang pamilya kahit papano ibawi.
Sana maging CEO ako.
Sana maging kasama ko si Cadmus at ang mga kaibigan ko sa pagtupad ang mga pangarap ko.
At sana… balang araw… hindi na namin kailangang magpanggap.
Hinipan ko ang kandila. Nagpalakpakan ulit sila pero hindi na kasing lapad ang ngiti ko kesa kanina.
“Amber? Anong Amber, Erin? Ano ‘yon?” Sunod-sunod na tanong ni Nirca. Napapapikit pa ito dahil sa frustration. “May hindi ka ba sinasabi sa ‘min? Bakit ka nila tinawag na Amber? Ano ba talaga ang nangyayari, ha?” Tanong niya pa.
“Erin..?” Nagtatanong din si Renice.
Hindi nagsasalita si Laurel at nakatingin lang sa akin. Marahil naghihintay rin sa isasagot ko. Nasa labas kami ng mansion. Ang dahilan nila’y hihiramin muna nila ako saglit para pumunta kami sa mall bago kami magperya.
Si Cadesia nga ay ayaw pang pumayag noong una pero dahil na rin nahihiya ito sa mga kaibigan ko at sinabihan siya ni Senyor Arcajante na huwag nang magpumilit.
Bumuntong hininga ako. “Una sa lahat, gusto kong magsorry kasi nilihim ko sa inyo ‘to hanggang ngayon…”
Natampal nila ang kanilang mga noo. Doon nga ay nakumpirma nilang may tinatago nga ako sa kanila.
“Ano ba ‘yan? Bakit mo tinago?” Seryosong tanong ni Laurel sa akin.
“Nagsimula ‘to noong nakatanggap ako ng mga imbitasyon mula sa kumpanya nila Cadmus. Noong una ay ayaw kong pumayag kasi hindi naman ako ganoong kadesperado sa pera dahil may trabaho pa naman ako. At iniisip ko na peke lang ‘yon pero noong malaman kong totoo ‘yon ay saktong napalayas ako kina Aling Pranswa, nandoon siya noong araw na ‘yon.”
“Imbitasyon? Anong imbitasyon?”
“Meeting. Gusto nila akong kausapin. Ang pagkakaalam ko ay nag-offer sila ng daang milyon para sa akin. Upang maging peke akong nobya ni Cadmus dahil ang alam ng Senyor Arcajante, ang ama ni Cadmus, ay sila pa rin ng nobya nitong hindi niya kailanman nakita. Kaya ayun… Tinanggap ko.”
“Girl I swear kung pera na ‘yan I would do the same.” Tumango tango si Renice na mukhang nakahinga ng maluwag sa sinabi ko.
“Same, pera na ‘yon eh,” pag-antabay pa ni Laurel. “Hatian ko pa kayo.”
“Mga tarantado kayo… Pero same.” Nagtawanan kami. “Pero bakit Amber? Hindi ba’t Amber din ang pangalan ng epal mong boss sa dating restaurant na pinapasukan mo, Erin?” Tanong nito sa akin kaya napaisip ako.
“Ano bang apelyido non? Nakalimutan ko eh.”
“Teka… Alam ko friend mo ‘yon sa FB nung dati mong account eh.” Kinuha ni Renice ang cellphone niya sa bag niya. “Nakita ko na!” Sigaw niya matapos ang ilang minuto.
“Ano?” Tanong ko.
Sana huwag Amber Maverick… please. Huwag Amber Maverick.
“Amber Maverick.” Aniya.
Mariin akong napapikit. Patay!
Nang makita ni Nirca at Renice ang reaksyon ko ay napatakip sila ng bibig.
“Oh my gosh… Don’t tell me…” That’s Laurel.
Unti-unti akong tumango sa kanila. At oo, ‘yon na nga. Ang dati kong amo at ang nagugustuhan ko ngayon ay dating magkasintahan. Ako ngayon ang umaakto bilang amo ko na nagpalayas sa akin sa dati kong pinagta-trabahuan.
“Umuwi na po ba si Cadmus?” Ibinaba ko ang bag ko sa upuan habang dina-dial ko ang number ni Cadmus sa cellphone ko. Ayaw niyang sumagot kaya nagtry ulit ako.
“Wala pa po ma’am,” sagot ni Manang Aida. “Ang alam ko po’y gagabihin siya ng uwi ngayon dahil maraming inaasikaso sa kumpanya. Pero uuwi rin po ‘yon agad dahil alam po niya na kaarawan niyo. Sa katunayan nga po’y nagpaayos siya ng date niyo eh…” parang kinilig pa ito sa kanyang sinabi.
Tumango ako. Wala akong paki. Gusto kong malaman ang totoo. Ngayon na mismo.
Kung alam ko lang na talagang mahuhuli siya ng uwi ngayong araw ay sana pumayag na lang akong umuwi ng late kasama ang mga kaibigan ko sa perya dahil inaaya pa nila akong sumakay ng ibang rides doon.
“Nakakainis.” Napasabunot ako ng buhok ko dahil sa frustration. Pinitik ko ang aking daliri para umisip ng paraan kung paano kami makakapag-usap ngayon na. “Tangina naman.” Napamura ako at napahilamos ng mukha. Umupo ako sa upuan para kumalma.
“Ayos lang po ba kayo, ma’am?” Tanong sa akin ni Manang Aida.
“Kumain na po ba kayo? Kain po tayo.”
“Kumain na po ako ma’am… Kayo po? Ano po bang gusto niyong kainin?” Tanong niya pabalik.
Bahala na. Hindi na ako kakain. Wala akong sasayanging oras. “Tubig na lang po sana, Manang.”
Narinig kong nilapag nito ang baso ng tubig sa harapan ko. “Ito na po ma’am,”
“Salamat po, Manang.” Inalis ko ang aking mga kamay sa mukha ko. “Gising pa po ba si Mang Elmo?”
“Opo ma’am,” sagot niya at binigyan ako ng nagtatanong na tingin. “Aalis po ba kayo ma’am? Tatawagin ko po siya--- pero gabi na po ma’am… Saan ka po pupunta?”
“Susunduin ko lang po si Cadmus, miss na miss ko na po kasi siya.” Sarkastiko akong ngumiti.
Napangiti roon si Manang Aida. Alam kong papayag siya roon. “Sige po saglit lang at tatawagin ko na si Elmo.” Nagmadali itong tumakbo paalis.
Napabuntong hininga ulit ako. Anong gagawin ko ngayon? Gusto ko na talaga siyang makausap. Hindi na ako makapaghintay.
Paano kapag nalaman ‘to ni Ma’am Amber? Paano kung ibuking niya kami? Paano?
Nang makasakay kami ni Mang Elmo sa kotse ay nakatingin lang ako sa labas buong oras. Umuulan din kaya medyo malabo ang mga nakikita ko. Ang daming pumapasok sa isip ko na my posibilidad na mangyari.
Kung kailan inamin ko na sa sarili ko na gusto ko na ang CEO ng Arcajante Bank?
“Nandito na po t—” hindi na naituloy ni Mang Elmo ang sasabihin niya nang dali dali na akong lumabas para makapasok sa loob ng company building kahit umuulan pa. “Ma’am! Payong po! Umuulan!” Hinabol pa ako nito pero nakapasok na ako sa loob kahit medyo nabasa ako.
Nagb-bow pa sa akin ang mga empleyadong mukhang pagod na sa trabaho. Ngumingiti na lang ako kahit hindi ko mapigilang mapasibangot agad.
Pagkapasok ko sa floor kung saan matatagpuan ang kwarto ni Cadmus ay bumuntong hininga ulit ako. Ni hindi ko mawari kung nakakailang buntong hininga na ako.
Maglalakad pa lamang sana ako papunta roon nang biglang bumukas ang pinto. Bumungad sa akin ang isang babaeng kulot ang buhok na kulay ginger at pamilyar nitong makurba’t morenang katawan.
Amber.
Nakahawak ang dalawang kamay niya sa dibdib ni Cadmus.
Nanlaki ang mga mata ko sa nakikita ko. Ni hindi ko nga alam kung iiyak ako o ano ba. Hindi ko malaman.
Kahit hindi ako nagpakita ay tumakbo agad ako pababa ng floor na ‘yon. Bumaba ako para makaalis agad. Sumalubong sa akin si Mang Elmo sa labas at rinig ko rin na may sumusunod sa akin. Hula ko’y si Cadmus ‘yon pero ayaw ko siyang makausap.
Sa sarili kong birthday? Ngayong araw pa talaga?
Ano? Sila na ba ulit?
Wala akong paki. Magsama silang dalawa.
Pinunasan ko ang naglalandas na luha sa aking pisngi. Narinig ko ang tawag sa akin ni Mang Elmo pero hindi ko ‘yon alintana. Pumara agad ako ng taxi at pumasok sa loob ng unang humintong kotse.
“Saan po tayo ma’am?”
“Kahit saan po.” Sagot ko sabay punas ulit ng luha ko.
“Po?” Taka ako nitong tiningnan.
“Layo muna po tayo rito. Kahit po ibaba niyo na lang ako sa kabilang kanto---” napaisip ako kung saan ako pupunta. “Sa kabilang kanto po.” Sa bahay ni Renice.
Bahala ka sa buhay mo Cadmus, iiwan na kita.
Bukas na bukas, magre-resign na ako.