Chapter 18
Abala si Ronnel sa pag-sasaayos ng report niya para maipasa niya bukas ng may matanggap siyang e-mail galing kay Mrs. Saderra. Binuksan niya iyon at binasa ang mensahe nito.
"Ronnel, ikaw na ang bahala kay Jasmine bukas. Sinabihan ko na siya na ikaw ang gagabay sa kaniya sa pamamahala ng kompanya. Malaki ang tiwala ko sa iyo Ronnel. Ikaw lang kasi ang pinakamatagal sa kompanya at alam kong magagabayan at matuturuan mo siya ng maayos." iyon ang nakasaad sa mensahe.
Jasmine Saderra, nakita niya na ito ng minsang dumalaw ito sa magulang sa kompanya. Matagal na iyon. Bago pa lamang siya noon sa kompanya. Sa pagkakaalam niya mga nasa disenuwebe anyos pa lamang ito noon.
Samantalang siya ay bente-uno na. Dalagang-dalaga na siguro ito ngayon. Hindi niya makakalimutan na nagkaroon siya ng paghanga dito noon at hanggang ngayon naman. Napaka-ganda niya at maganda ang kutis ng katawan na talagang alagang-alaga nito. Makintab na buhok at maamong mukha.
Ang alam niya kasintahan nito si Jarred Racqueza, isa sa pinaka-mayamang negosyante sa bansa. Maswerte si Jarred dahil nakuha nito ang puso ng isang Saderra. Tumipa na siya sa keyboard at nagpadala ng mensahe kay Mrs. Saderra na nagsasaad na sumasang-ayon siya sa kagustuhan nito.
Ini-off niya na ang computer, mamaya nalang niya tatapusin ang report. Tatayo na sana siya ng tumunog ang cellphone niya na nasa tabi lamang na nakapatong sa computer desk. Tiningnan niya kung sino ang caller. "Cous Genesaret" yan ang nakalagay na pangalan ng tumatawag.
"Ano naman kaya ang kailangan nito?" tanong niya sa sarili. Dali-dali niyang sinagot iyon at inilagay sa taenga ang aparato.
"Cous? Bakit napatawag ka?" tanong niya.
"Pwede ba ako pumunta diyan kuya? Need ko lang po ng kausap." anito na hindi niya mawari kung ano ang dinaramdam nito. Tumango-tango siya na para bang nakikita siya ng kausap.
"Okay. Puntahan mo ako para mapag-usapan natin iyang problema mo." aniya at pinatay na ang tawag.
Bumuga siya ng marahas na hininga. Kapag ganitong nakikipagkita sa kaniya si Genesaret, kadalasan tungkol sa pag-ibig ang problema nito at sa kaniya humihingi ng payo. Napakunot-noo siya. Sino na naman kaya ang nanakit dito? Second cousin niya ito, magpinsan ang ina niya at ang ama nito.
Magkapatid na rin ang turing nila sa isa't-isa at sa kaniya ito sumasandal kapag may problema ito. Iniligpit na niya ang kalat sa mesa at lumabas ng kwarto tsaka nagtungo sa kusina para maghanda na meryenda. Makalipas ang labin-limang minuto, nakarinig siya ng ugong ng sasakyan mula sa labas ng kaniyang bahay.
Lumabas siya ng bahay, ang two-storey house na napundar niya bilang isang Board of Director ng kompanya. Sa totoo lang, isa lamang siyang Marketing Manager ng kompanya hanggang sa ialok sa kaniya iyon ni Mrs. Saderra dahil nakita daw sa kaniya ang dedekasyon sa trabaho.
Kaya, malaki ang utang na loob niya rito. Nakakatulong na rin siya sa kaniyang mga magulang. Nang marating ang gate, binuksan niya iyon para makapasok ang sasakyan ni Genesaret. Matapos maisara, papalabas naman na ng sasakyan ito. Lumapit siya rito.
"Hello, kuya!" bati nito sa kaniya ng matapat siya rito.
"Tara sa loob, may inihanda akong meryenda." aniya at nagpatiuna na sa pagpasok sa loob.
Nang makapasok sila sa loob, pabagsak na naupo ito sa sofa. Napailing-iling nalang siya tsaka nagtungo sa kusina at kinuha ang meryenda tsaka bumalik sa sala.
Inilapag niya ang tray na may lamang biscuit at juice sa center table. Naupo siya sa sofa na nasa kanang bahagi lamang ng kinauupuan ni Genesaret at tinitigan ang pinsan na halata ang lungkot sa mukha nito.
"May problema ba?" tanong niya rito. Huminga ito ng malalim at tiningnan siya.
"Kuya, mali ba na magkagusto ako sa lalaking may fiance na?" tanong nito sa kaniya.
Nagulantang siya sa sinabi nito. Bakit sa dinami-dami ng lalaking pwedeng magustuhan ng pinsan ay sa may fiance pa. Kinuha niya ang isang baso at sinalihan iyon ng juice.
"Alam ba iyan ni Tito Allan?" tanong niya rito. Kilala niya ang pinsan, open ito kay Tito Allan. Ngunit, mas maganda na iyong matanong niya.
"Oo, kuya. Alam ni dad at sinabihan ako na itigil ko na daw." kitang-kita niya ang pagtulo ng luha sa mga mata nito na dagli rin nitong pinunasan. "Ngunit, hindi ko magawa kuya. Gustong-gusto ko talaga siya. Ano ba ang dapat kong gawin?" tanong nito. Huminga siya ng malalim. Oo, mali talaga na magkagusto sa isang taong ikakasal na.
"Sino ba ang lalaking iyon?" tanong niya. Napakagat-labi ito.
"Si Jarred Racqueza po, kuya." anito na naging dahilan ng panlalaki ng mga mata niya. Si Jasmine Saderra ba ang fiance nito? Bakit parang nakaramdam siya ng kirot sa dibdib at panghihinayang?
"Ibig sabihin si Jasmine Saderra ang fiance niya?" tanong niya rito.
"Oo kuya. Siya nga. Kilala mo siya?" tanong nito sa kaniya. Umiling siya.
"Hindi pero sa mukha, oo. Pero matagal na iyon. Pero, bukas magkikita kami dahil ako ang aalalay sa kaniya sa kompanya. Siya muna kasi ang pansamantalang mamamahala sa kompanya." aniya.
Nakaramdam siya ng excitement sa kaalamang makikita niya ito. Nakikita niya ito sa magazine dahil kasintahan ito ni Jarred Racqueza. At talaga namang mas gumanda ito. Ano ba itong nararamdaman niya? Mali ito! Ikakasal na ito sa iba.
"Kuya? Kuya?" tawag sa kaniya ni Genesaret na naging dahilan para bumalik siya sa kasalukuyan. Tumingin siya rito.
"May sinasabi ka ba?" tanong niya. Sinimangutan siya nito.
"Tinatanong ko kung pwedeng humingi ng pabor sa iyo." anito na para bang nahihiya.
"Ano iyon?" tanong niya.
"Tulungan mo naman ako na maghiwalay ang dalawa. Seduce Jasmine. Nabalitaan ko kasi na magpapahinga muna ang magulang ni Jasmine at siya muna ang mamamahala sa kompanya. Ibig sabihin magkakasama kayo sa kompanya lalo at Board of Director ka. So, seduce her please. Paibigin mo siya kuya. Maganda si Jasmine at hindi imposibleng magkagusto siya sa iyo dahil gwapo ka naman eh." anito na ikinatawa niya.
"Binola mo pa ako. Pag-iisipan ko Genesaret, hindi madali ang ipinapagawa mo. Ayaw ko maging third party ng isang relasyon." aniya sa malungkot na boses. Mukhang hindi niya mapagbibigyan ngayon ang pinsan niya. Nakita niya ang lungkot sa mukha ng pinsan pero pagdaka'y napalitan iyon ng saya hanggang sa nagkwentuhan nalang sila ng kung ano-ano.
Kanina pa nakaalis si Genesaret pero hanggang ngayon nasa isip pa rin niya ang sinabi nito. Ano naman ngayon kung i-seduce mo siya? Diba kaytagal mo na siyang pinangarap? Ngayon na ang pagkakataon na maging iyo siya. Tanggapin mo ang alok ng pinsan mo at parehas kayong makikinabang, anang isang bahagi ng isip niya. Handa ba siyang manira ng relasyon?
No. Hindi siya maninira ng relasyon! Hindi maaatim ng konsensiya niya iyon. Pasensiya na pinsan, pero hindi kita matutulungan, aniya sa sarili. Siguro naman kaya a niyang supilin ang paghanga niya sa dalaga. Sana nga, lalo at palagi na silang magkasama niyan dahil siya ang gagabay rito.
Naikwento rin ni Genesaret na nagkausap sila ni Jasmine kanina sa Cletore kanina at binantaan siya nito at sinabing maldita raw ito. Sino ba naman ang hindi matutuwa kung may babaeng umaaligid sa kasintahan mo?
Nakaramdam siya ng panghihili kay Jarred. Napakaswerte ni Jarred Racqueza, dahil ipinaglalaban siya ni Jasmine. Bukas, malalaman niya ang totoong ugali ni Jasmine Saderra. Ano kaya ang sasabihin nito kung malaman nito na pinsan niya si Genesaret?