CHAPTER 70

Gulat na gulat silang lahat dahil halos makarating na kami sa maynila ng magising ang driver. Kinailangan ko na rin siyang gisingin dahil sa hindi na ako maari pang magmaneho pagdating sa Maynila.

"Naku! Mabuti at ginising niyo ako!" bulalas ng Driver. Tumayo naman ako matapos kong tapakan ang preno at saka tuluyan nang umalis sa harap ng manibela.

Lumakad na ako patungo uli sa kinauupuan ko. "Wow! Miss Annie sa'n mo natutunan ang pagmamaneho? Driver ba tatay mo dati?" tanong ni Chito ang katabi ko sa upuan. Nginitian ko lang ito. At umupo na ako. Alam kong ilang minuto na lang ay darating na kami sa Santivaniez Hotel. Dasal ko lang na walang makakilala sa akin doon.

Kung sabagay ay malaki naman na ang ipinagbago ko. Ang dating hanggang baywang na buhok ko, ngayon ay hanggang sa batok nalang. Halos magmukha akong tomboy o lalaki sa gupit ko. Pinakulayan ko rin ng blond kaya naman medyo lumayo na ang itsura ko sa dati. Medyo kinapalan ko rin ang kilay ko at nagsusuot na ako ng eyeglasses na wala namang grado. Kaya sa tingin ko ay hindi na ako makikilala pa ng mga stuff doon ng aking asawa.

Pagbaba pa lamang namin sa harap ng Santivaniez Hotel ay nagtitili na itong si Joy. Kaya naman nakakatawag pansin siya sa mga tao ro’n. Tanghalian nang makarating kami ro’n kaya naman sa restaurant kami dumeretso. Labing lima kaming lahat bukod sa dalawang driver na kasama namin. Sa paboritong restaurant pa namin ni Dave, kami naka-book.

"Wow... ang ganda ng model nila ha... look!" turo ni Joy. Sabay-sabay naman kaming napatingin. At nagulat ako at halos lumaki ang mga mata ko sa gulat. Napatakip ako ng bibig ko nang makita ko ang larawan ko sa napakalaking T. V monitor ng kanilang restaurant. Oo alam kong si Dave ang nagpalagay no’n pero bakit hindi pa pinaaalis ni Mr. Leo ang larawan ko diyan? Napapapikit ako ng madiin dahil baka makilala nila ako.

"Annie, okay ka lang ba?" tanong ni Mica

Pinilit ko na ngumiti, "Am, o-okay lang naman ako. Ah... Can I go to wash room, una na kayo sa table," pag-iiba ko sa usapan.

"Okay, sige..." sagot na lang ng mga ito. Tinuro naman ni Mica ang table kung saan na nagpuntahan ang mga kasama nila.

Ako naman ay lumakad na patungong wash room ng restaurant. Ang hindi ko alam ay may naiwang pagtataka sa isip ni Mica. Medyo na wirdohan pa ito sa akin dahil parang alam ko na ang pasikot-sikot sa buong lugar.

Umupo itong sinusundan pa ako ng tingin. "Sinong tinitingnan mo?" tanong ni Joy.

"Si Nurse Annie, para kasing naging weird siya no’ng dumating tayo dito sa hotel," sabi ni Mica na nagtataka.

"Ha? Naging weird? Baka dahil nakita niya kung gaano kaganda iyong model ng resto, e kahit naman ako magkaroon ng katokayo na wala manlang sa kalingkingan ko e, siyempre mai-insecure ako." Kinuha nito ang tinidor na nakalapag sa tabi ng pinggang may lamang pagkain at tinusok yun sabay subo.

"Teka nga muna baka ikaw ang na i-insecure d’yan sa picture niya? Ikaw ‘yong wala sa kaling-kingan eh," nakasimangot na sabi ni Mica. At inismiran lang siya ni Joy habang ngumunguya ito ng pagkain.

Mayamaya ay bumalik na ako. Nakita kong nagbabangayan na naman ang dalawang nurse na pilit kong iniiwasan ngunit dumidikit pa rin sa akin. Well they reminds me my two of best friends... Joan and Shiela. Ang mga tunay kong kaibigan.

Malaki ang pasasalamat ko sa dalawa. Hindi lang kaibigan sa sarap kundi sa mga hirap na pinagdaanan ko. Nakita kong kinawayan ako ni Sir Adrian upang makalapit ako sa kanila. "Annie, join us... Saan ka ba nagpupunta? Napakalaki ng hotel, baka maligaw ka rito at hindi mo pa alam ang venue," sabi nito na may himig pag-aalala.

"Bakit naman siya maliligaw Sir? E pwede naman siyang magtanong," sabat naman ni Erika. Isa sa mga nurse na naroon at parang may inis sa akin.

"Oo nga naman Sir, okay lang ako marunong naman po akong bumasa," sarkastiko ko ring sagot na hindi para kay Sir Adrian kundi para kay Erika.

Medyo naasar ako rito dahil parang nakakababae ang mga tingin sa akin. Kung may pagtingin siya kay Sir Adrian wala naman akong kinalaman. At hindi ko naman gustong makialam. "Ah hindi, what I mean eh, maiwan ka, ma-late ka sa conference. O siya kumain na para makapunta na tayo ro'n," habol pang sabi ni Sir Adrian.

"Yes Sir," sabay-sabay na nilang sambit. Ako nama'y nanatiling nakayuko lang.

Hindi ako masyadong nakakain dahil napansin kong may ilang kitchen stuff ang madalas tumingin sa akin. Kaya naman habang kumakain ako ay panay ang ayos ko, ng salamin na suot ko.

Ilang sandali pa ang lumipas at nasa conference na kami. Halos wala naman akong nauunawaan sa mga sinasabi ng mga nagtuturo sa unahan. Paano ay lumilipad ang isip ko sa mga ala-ala ko noon sa lugar na kinaroroonan ko. Nagkataon kasi na ang lugar na pinagdausan ng conference ay ang lugar kung saan ginanap ang aming graduation farewell na si Dave pa ang nag-invite sa aming lahat ng mga kaklase ko. Sa lugar na iyon lahat ko naramdaman ang unang tibok ng puso ko para kay Dave. Sa lugar na ito una kong nabasa ang mga ligaw tingin niya. Ang mga unang yakap niya sa akin. Pero ngayon nasa’n na siya?

"Nasaan ka na Dave? Hindi mo alam kung gaano kita nami-miss, kung gaano ko nangungulila sa'yo!" Mga bagay na tumatakbo sa isipan ko.

"Annie, okay ka lang ba?" tanong ni Mica na katabi ko sa upuan ng mga oras na iyon.

"Ha! A-oo naman," sagot ko naman na pilit na kinukubli ang bigat na nadarama ko sa puso ko.

"Para kasing maiiyak ka, parang namamasa ang mga mata mo, may problema ka ba?” tanong nito muli sa akin.

"Wala lang to, medyo sumakit lang ang mga mata ko. Ah... hindi na kasi tama ang grado ng salamin ko," pagdadahilan ko kay Mica na alam kong medyo hindi ko napaniwala sa mga sinabi ko. Ewan ko ba kasi wala na akong maisip na sabihin. Kaya kung ano man ang iniisip niya ay hindi ko na inintindi.