CHAPTER 67

Dave's pov:

Sa loob ng dalawang taon kong pananahimik at pagtatago sa mga sindikatong nagnanais manakit sa pamilya ko. At sa akin na rin ay hindi ako tumigil na gumawa ng paraan para lang makita ko sila. Kahit pa hindi nila alam.

Alam kong maraming nangyari sa lumipas na panahon. Lumaki ang anak ko na wala ako at ni hindi ko manlang naipadama sa kanya ang yakap ng isang Ama.

Pero masaya ako na ligtas sila. Maaaring sa lugar na iyon ay hindi na sila mahanap ni Don. Fabian. Ang pinuno ng sindikatong nagnanais na mawala ako sa mundo. Lumayo ako sa kanila upang magawa ko ang plano kong maipahuli sa batas ang mga masasama.

Mahirap nang magtiwala sa ngayon sa mga sangay ng pulisya. Dahil noon ay nakipag tulungan ako sa kanila, ngunit nalaman ni Don. Fabian ang lahat. Kaya ngayon ay inutusan ko muna ang sarili kong mga tauhan na mag-imbistiga at kapag nakalap na namin ang lahat ng mga tamang impormasyon ay ilalabas ko ang lahat sa media. Gumawa na ako ng sarili kong broadcasting company na siyang maglalabas ng lahat-lahat ng mga baho ni Don. Fabian.

Malalaman na ngayon ng lahat ang mga kasamaan ni Don. Fabian, dahil hindi alam ng marami kung anong kasamaan ang ginagawa niya. Dahil nagtatago siya sa pagiging isang pilantropo. Ngunit sumisira naman siya ng buhay ng maraming kabataan at ibinubulid niya ang maraming kababaihan sa prostitusyon.

Para sa kalayaan naming mabuhay ng pamilya ko. Para sa kinabukasan ng anak ko, gagawin ko ang lahat, hindi ako papayag na muli pa niyang wasakin ang kaligayahan ng marami pang mga tao. Alam kong may magagawa pa ako, at ang lahat ng yaman ko ay uubusin ko magawa lang ang mga bagay na ito.

Malaki rin ang naitulong sa akin ni Marvin, alam kong hindi alam ng sindikatong iyon na may kinalaman sa akin si Marvin, na ngayon ay tumatayong CEO ng ilang mga negosyo ko na hindi maaring ma-freez . Alam kong nagpapaimbistiga si Don Fabian, at marami na siyang mga mata sa buong paligid. Sana naman ay naabot nang lakas kong maprotektahan ang lahat ng may kinalaman sa akin.

Sa pagdaan ng dalawang taon, marami na akong mga nagawa. Kaunti na lang at maaari na akong makabalik sa pamilya ko. Sana lang ay mahintay ni Annie ang pagbabalik ko. Kasama nang aking hindi nagbabagong damdamin sa kanya. Nawa'y hindi rin nabawasan ang pag-ibig niya sa akin. Nawa'y hindi niya ako nagawang kalimutan sa pagdaan ng mga panahon. Mahal ko siya, at ang aming anak, sila ang dahilan kung bakit ko ginawa ito. Kung bakit ko piniling lumaban kay Don. Fabian. Kung ako lang ay kaya kong protektahan ang sarili ko. Pero iba na ang naging sitwasyon nang dumating na sila sa buhay ko.

Nalungkot ako nang sobra ng mamatay ang biyenan kong lalaki, at alam kong mas matinding paghihirap ang pinagdaanan ni Annie.

Maya maya ay narinig kong may kumakatok sa pintuan ng dating apartment na tinitirhan ko dati. Sa harap noon ay ang dating apartment ni Annie. "Uncle, kamusta ka? Okay ka lang ba sa lugar na'to?" tanong ni Marvin sa akin nang mapagbuksan ko na siya.

Uncle na ang tinawag niya sa akin. Ayaw raw kasi ni Annie na tawagin niya akong Papa. "Oo naman, kamusta ang Baguio? Medyo nagtagal ka ha? Ano marami na naman ba ang dala mo para sa akin?" tanong ko na alam niyang hindi ordinaryong pasalubong ang hinihingi ko sa kanya. Bumalik ako sa pagkakaupo at muling hinawakan ang mouse ng computer.

"Oo na po. Marami po akong pasalubong sa iyo na mga video's nina Ate Annie at Baby Daniel," nakangiting tugon nito sa akin.

"Talaga!" malakas kong sambit at dali-dali akong lumapit sa kanya.

"Akina ang tablet mo." Agad kong kinuha ang kalalabas pa lamang niyang gadget mula sa bag na dala niya.

"Naku! Uncle, hirap na hirap na'ko sa kakukuha ng mga video, sabi ko na nga lang sa kanila na nag-ba-vlog ako kaya panay ang kuha ko sa paligid," sabi nito sa akin na may kasamang pagsisimangot.

"Aba! Bakit may reklamo ka ba? Mabuti ka pa nga nakakasa mo mag-ina ko. Nakarga mo, anak ko simula no'ng baby pa siya hanggang ngayon," sabi ko sa kanya na nakaramdam na naman ako nang lungkot.

"O baka magkaiyakan pa tayo niyan dito Uncle," natatawang sabi sa 'kin ni Marvin.

Alam ko naman na binabago lang nito ang mood ko. Para hindi na ako tuluyang malungkot. Masuwerte ako dahil nakilala ko ang batang ito noon sa America. Alam kong mag-asawang pinoy ang mga magulang niya at doon na siya isinilang habang ang mga magulang niya ay nagpapatago-tago ro'n sa America. (TNT)

Umabot pa siya ng limang taon na kasama ang mga magulang niya ngunit nahuli ang mga ito. Nagkataong nakita ko siyang umiiyak sa gilid ng kalsada. Naawa ako sa kanya kaya dinala ko siya sa isang bahay ampunan doon na matagal ko na ring sinusuportahan. Paano'y naaawa ako sa mga batang nasa langsangan. Lalo na sa mga tulad niyang bata na nawalan ng magulang at kababayan ko pa.

Ngayon heto na siya, nang dahil sa kanya ay naaalagaan ko ang aking mag-ina ng hindi nag-aalala na baka matunton sila ng mga sindikato.

"Siya nga pala Uncle, kumusta naman po ang pangangalap niyo ng mga impormasyon at katibayan para mapakulong si Don Fabian?" tanong nito na nakapukaw sa aking pag-iisip.

"Sa ngayon hindi ko pa maaring sabihin sa'yo. Masmabuti na 'yong wala kang alam. Gusto kong ipagpatuloy mo lang ang pangangalaga sa mag-ina ko," seryosong tugon ko sa kanya.

"Bakit ho? Wala ho ba akong pwedeng maitulong sa'yo?" maang na tanong niya sa akin.

"Hindi sa ganon, kaya lang sa sobrang selan ng aking mga ginagawa ngayon; ayaw ko nang may madamay na ibapang buhay ang masira." Tinapik ko na lang ang balikat niya.

Pumunta na akong muli sa computer at isinalin sa desktop ko ang lahat ng mga video nila Annie at Baby Daniel. Iyon ang laging nagpapalakas sa akin. Sa susunod na buwan ay aalis na naman ako patungong sweetzerland. Sa Europe ang nakuha naming bagong lead ng bagong plantang itinatayo ni Don Fabian. May bago siyang business doon na tinayo ngunit front lang nila iyon. Ang totoo ay droga na naman ang nasa likod ng lahat. Pagkatapos noon ay sa Japan naman ang punta ko. Para sa isa pang pagpapanggap na pangangalakal.

Dahil sa isiping iyon ay sumagi sa akin ang malungkot na alalahanin. Na baka hindi ako magtagumpay at tuluyan nang hindi mabalikan si Annie. Malaki ang tiwala ko kay Marvin, kaya nga sa kanya ko hinahabilin si Annie, at ang anak ko. "Marvin, kung sakaling hindi ako magtagumpay. Pwede bang alagaan mo si Annie. Kailangan niya ng lalaking magmamahal sa kanya. At sa tingin ko hindi ka mahihirapang.…"

"Papa pwede ba!" biglang sambit ni Marvin, na hindi na hinayaang matapos ko ang lahat ng aking sasabihin. Tumikhim ako, at sinundan ko pa iyon ng buntong hininga. Siya naman ay nagpatuloy sa paghihiwa ng mga gulay at ingredients na lulutuin niya.

"Don't say it again, Papa ang tingin ko sa'yo kahit kailan hindi iyon nagbago. At Ina ang tanging magiging turing ko kay tita Annie. Kahit kailan hindi pumasok sa isip ko ang ganyan.…" sabi pa muli ni Marvin, na seryosong-seryoso ang mukha habang nagsasalita.

"I'm sorry," malungkot ko namang tugon sa pahayag niya.

Maaring mali nga ako sa naisip ko. Pero iyon ang nag-iisang hiling ko sana dahil wala akong ibang naiisip na maaring mangalaga kay Annie. Alam kong kung maririnig ni Annie ang mga sinasabi ko; maaaring isang malakas na sapak na ang dumapo sa mukha ko.

Malalim na buntong hininga ang pinawalan ko kahit na sa monitor ako ng computer nakaharap. Rinig ko ang hinanakit ni Marvin, sa bawat pagbagsak ng talim ng kutsilyo sa sangkalan. Lumipas pa ang mga oras at magkaharap na kami sa hapagkainan. Iyon ang isa sa mga magandang alaala ko na kasama siya. "Ano ba kasing ginagawa mo? Bakit hindi mo na lang puntahan ang pamilya mo? Bakit hindi mo gugulin ang mga oras mo kasama sila?" may hinanakit na bigla na lang nasabi ni Marvin.

"Look, I'm sorry sa mga naisip ko at nasabi sa'yo. I didn't mean to hurt you. Maniwala ka, sobrang laki lang ng tiwala ko sa'yo,"saad ko sa kanya.

"Pa, bakit ba kasi kailangan mong gawin ang lahat nang ito? Magpanggap na patay kina Annie at sa buo niyang pamilya. At gawin ang mga bagay na ginagawa mo kahit na delikado? Pa, alam mo bang hirap na hirap na si Annie, dahil miss na miss ka na niya. At sabi niya handa siyang maghintay sa iyo kahit hanggang sa pumuti na ang lahat ng buhok niya. Kahit na uugod-ugod na siya, kahit pa raw malaman niyang hindi kana babalik. Hihintayin ka niya dahil ikaw lang ang nag-iisang matandang lalaki na mamahalin niya. Para sa kanya ikaw lang ang lalaki," noon di'y naiyak si Marvin, na parang isang batang paslit. Tama ako, Papa nga ang turing niya sa akin. Iyon ang isang pagkakataon na pilit kong ipinagbawal sa kanya. Ang magkaroon ng matatawag na ama.