Chapter 7
“Kanina pa kita hinahanap, nandito ka lang pala.”
Napatingin ako sa kaniya at nakabihis na siya ngayon ng pangbahay. Ngumiti ako sa kaniya ng tipid bago ako humithit ng sigarilyo.
“Nagpapahangin lang,” tugon ko.
“Iniisip mo pa rin ba ang Daddy mo?” tanong niya sa akin.
Nag-iwas ako ng tingin sa kaniya. Bumuntong hininga ako bago tumingin sa kawalan. Mahangin dito sa rooftop ng bahay niya kaya dumito muna ako sandali para magpahangin.
“Oo, hanggang ngayon. Hindi ko pa rin alam ang dahilan kung bakit gina-ganito ako nina Mom at Dad, alam kong matigas ang ulo ko at hindi sumusunod sa kanila pero, anak pa rin nila ako. Saan sila nakakakuha ng lakas ng loob para saktan ang sarili nilang anak?” paglalabas ko ng sama ng loob.
Hinimas niya ang likod ko na parang pinapakalma. Hindi ko na rin kasi napigilan ang emosyon ko at nailabas ko na sa kaniya. Kinuha niya sa akin ang sigarilyo nang magtangka ulit akong hihithit. Napatingin ako sa kaniyang nang humithit siya sa sigarilyo ko at saka niya hinulog sa sahig at inapakan ‘yon. Binuga niya sa akin ang usok bago ngumisi.
Nanibago naman ako sa ginawa niya. Ang akala kong isang inosente ay may ganito rin pa lang side.
“Mas mabuti pang ‘wag mo munang isipin ang mga magulang mo. ‘Yong parents ko rin mahigpit sa akin pero hindi nila ako sinasaktan tulad ng pananakit ng parents mo sa’yo. Akalain mong may ganiyan pa lang magulang? Kayang saktan ang sarili nilang anak at halos mapatay na nila," malungkot niyang pahayag.
Ilang minuto kaming natahimik bago ako nagsalita. Tumingin ulit ako sa kaniya.
“Carmein?”
“Ahm?”
“P’wede na ba nating ituloy ‘yong naudlot nating bonding?”
“Oo naman, bukas na bukas. Itutuloy na natin ‘yong naudlot nating bonding.”
“Wala kang pasok bukas?”
“Wala, free ako bukas kaya p’wede na nating ituloy.”
“Sige, salamat. Nga pala, may tanong ako.”
“Ano ‘yon?”
“Med’yo malaki ang bahay mo tapos ikaw lang mag-isa rito, hindi ka ba natatakot?”
“Bakit naman ako matatakot kung nandito ka naman?” nakangiti niyang tanong sa akin.
Natahimik ako sa sinabi niya bago siya tumawa ng mahina kaya napatitig na naman ako sa maganda niyang mukha.
“Tara na nga, bumaba na tayo. Ipagluluto na lang kita ng masarap na pagkain.”
Hinawakan niya ako sa kamay kaya napatingin ako do’n bago niya ako hinila pababa ng rooftop. Nang makababa na kami, nag-umpisa na siyang magluto habang pinapanood ko siya.
Nagk’wentuhan lang kami ng kung ano-ano. Hanggang sa umabot kami sa tawanan at kulitan. Laking pasasalamat ko dahil nakilala ko si Carmein. Kung hindi dahil sa kaniya, walang liwanag ang madilim kong mundo. Hindi ko na rin alam ang gagawin ko kung mawawala siya sa akin.
Hanggang sa matapos siya sa pagluluto, sabay kaming kumain at habang kumakain Kami ay hindi pa rin kami tumitigil sa k’wentuhan at tawanan. Nang dahil kay Carmein, gumaan ang pakiramdam ko at pansamantalang nawala lahat ng problema ko.
Nang matapos kaming kumain sinama ako ni Carmein sa likod ng bahay niya. May gusto raw siyang ipakita sa akin at halata naman sa kaniya ang pagiging excited.
“Ano ba kasing ipapakita mo sa akin?” tanong ko sa kaniya.
“Basta adi, ‘wag kang sisilip hangga’t hindi ko pa sinasabi na dumilat ka. ‘Wag kang madaya.”
“‘Di naman ako sumisilip basta ayusin mo rin na hindi ako madadapa ah,” babala ko sa kaniya.
“Oo naman, ang higpit nga ng hawak mo. Hindi naman halatang takot kang madapa ‘no?” natatawang sabi niya. “Adi?”
“Oh?”
“What if, mabitawan kita tapos madapa ka. Ano’ng gagawin mo?” natatawa niyang tanong.
“Subukan mo lang akong bitawan, ikaw ang nag-aya sa akin dito. Kasalanan mo kung madadapa ako rito, pakana mo ‘to,” pangbabanta ko.
“What if lang naman adi, at saka ang sabi ko mabitawan hindi ko sinabing bitawan," pagdadahilan niya.
“Sadya man o hindi, parehas lang ‘yon.”
"What if nga kung mangyari, ano'ng gagawin mo."
“E ‘di babangon pa rin kahit may sugat pero mananagot ka sa akin kasi kasalanan mo.”
Tumawa siya sa naging reaksyon ko habang nakapikit.
“Ang cute mo talaga adi,” natatawa niyang sabi.
Hindi ko makita ang mukhang niya ngayon dahil nakapikit ako pero ramdam ko na naman ang pagbilis ng puso ko kaya napalunok na naman ako sa sariling laway dahil nanunuyo na naman ang lalamunan ko. Hindi ako nakapagsalita ng ilang segundo bago niya dugtungan ang sinasabi niya.
“Ano ang gagawin mo sa akin kung mabitawan kita? Sasaktan mo rin ba ako?” inosente niyang tanong pero sobrang lalim para sa akin.
“Bakit ko naman sasaktan ang nagligtas sa akin. Malaki ang tiwala ko na hindi mo hahayaan na madapa ako o masaktan, kaya bakit ako mangangaba o matatakot?”
“‘Yan mismo ang gusto kong marinig mula sa’o adi.”
Hindi ko man siya makita pero alam kong nakangiti siya sa akin. Hanggang sa makarating kami sa sorpresa niya.
“P’wede ka ng dumilat adi,” bulong niya sa tainga ko.
Idinilat ko na ang mga mata ko at halos mamangha ako sa nakikita ko ngayon. Pinalilibutan kami ngayon ng mga alitaptap. Napatingin ako sa kaniya na nakatingin pa rin pala sa akin dahil hinihintay niya ang magiging reaksyon ko.
“Nagustuhan mo ba?” tanong niya sa akin.
Tumango naman ako sa kaniya habang may ngiti sa mga labi. Tumingin ulit ako sa paligid ko na puro alitaptap. Sinubukan kong hawakan ‘yon kaya mas lalo akong natuwa.
“Ang ganda rito, salamat adi,” natutuwang sabi ko sa kaniya.
“Nagustuhan mo?”
“Gustong-gusto,” sabi ko sa kaniya habang nakatingin sa mga mata niya.
“Ako rin, gustong-gusto,” tugon niya habang nakatingin sa mga mata ko.
Nag-umpisa na naman tumibok ng mabilis ang puso ko kaya nag-iwas na ako ng tingin at nag-focus na lang sa mga alitaptap.
KINABUKASAN maaga akong gumising para makapaghanda na para sa bonding namin ngayon ni Carmein. Hindi man ako marunong magluto pero pinilit ko pa rin.
Nagprito lang ako ng itlog at hotdog at saka ko hinanda ang slice bread at nutella para sa palaman. Bumili na rin ako ng iba pang junk food at softdrinks. Balak ko kasing mag-picnic sa tabi ng dagat at may alam akong dagat na malapit lang din dito.
Nakangiti ako habang inaayos ang lahat, nang biglang sumulpot si Carmein na bagong gising lang. Nakadilat ang isang mata habang ang isa ay nakapikit pa.
“Good morning adi!” Pagbati ko sa umaga niya.
“Good morning, ano’ng mayroon?” takang tanong niya.
“‘Di ba bonding natin ngayon? Kaya naghanda na ako.”
Napamulat siya ng mata.
“Ngayon na ba? Kakagising ko lang, ba’t ‘di mo ako ginising? Hindi tuloy kita natulungan.”
“Ayos lang, balak ko naman talaga na ako lang ang maghahanda at magluluto para sa bonding natin ngayon.”
”Okay na ba ang lahat?”
Tumango naman ako sa kaniya habang nakangiti.
“Oh sige, maliligo lang muna ako. Ikaw ba?”
“Ang alin?” tanong ko.
“Ligo.”
“Sabay tayo?” gulat kong tanong.
“Hindi! Ang ibig kong sabihin, naligo ka na ba?” taranta niyang tanong.
Natawa naman ako sa naging reaksyon niya. Ang kaninang antok na antok ay biglang nagising ang diwa.
“Hindi pa, pero kung gusto mo sabay na lang--”
“Sige, ako muna ang maliligo!” Bigla niyang sabi habang tumatakbo papasok sa banyo.
Natawa naman ako ng mahina habang umiiling. Ang cute pala niyang mahiya lalo na’t namumula ang pisngi niya pero teka, bakit namumula ang pisngi niya? Dahil ba naiilang siya o dahil kinikilig na kinakabahan? Napailing na lang ako sa naisip ko. Sa katunayan, hindi ko pa na o-open ang nararamdaman ko para sa kaniya kaya balak ko ngayon mismo sabihin kung ano ang tunay kong nararamdaman para sa kaniya.
May parte sa akin na kinakabahan dahil malaki ang chance na baka madismaya lang ako sa magiging sagot niya pero may parte rin sa akin na gusto ko nang umamin sa kaniya para sa gano’n ay wala akong pagsisisihan sa bandang huli kundi ang pag-risk lamang ng pagkakaibigan naming dalawa. Na kay Carmein na lang ‘yon kung lalayo siya sa akin o hindi, pero kilala ko si Carmein. Kahit ano pa ang sabihin ko sa kaniya, bad side man o good side hindi niya ako kayang layuan at ayon na rin sa pinangako niya sa akin na hindi niya ako iiwan. Iyon ang malaking pinanghahawakan ko mula sa kaniya.
Napakurap-kurap ako nang biglang sumulpot si Carmein. Kanina pa pala ako nakatulala at hindi ko namalayan na tapos na siyang maligo.
“Maligo ka na Miss Azalea.”
Mabilis lang din akong naligo at nakahanda na kaming dalawa. Sabay kaming lumabas ng bahay bitbit ang isang basket na may lamang mga pagkain.
Hindi ko na rin dinala ang helmet dahil med’yo malapit lang din naman ang dagat sa bahay niya. In-enjoy na lang namin ang malakas na hangin na humahagkan sa amin.
“Woooohhhohhh!” Sigaw ni Carmein habang masayang itinaas ang isang kamay.
“Kumapit ka adi, baka mahulog ka!” Naiiling kong sabi.
Nakinig naman siya sa akin. Nag-alala rin ako dahil hawak niya ang basket baka bigla na lang siyang bumitaw sa pagkapit sa akin kanina.
“Sorry adi, ang sarap kasi ng hangin!” Pasigaw niyang sabi para marinig ko.
Nang makarating kami sa tabing dagat. Naabutan naming wala pang tao. Kitang-kita agad ang pagsikat ng araw mula rito. Nilatag ko na ang picnic blanket.
Umupo na kami do’n at inilabas na namin ang mga pagkain na nasa basket.
“Naks naman adi, itlog at hotdog na sunog,” natatawang puna niya.
Napakamot na lang ako dahil sa hiya.
“Pasensya na, ayan lang ang kinaya ng cooking skills ko.”
Natawa naman siya sa sinabi ko kaya natawa na rin ako. Nag-umpisa na kaming kumain habang nag-uusap.
“Adi.”
“Hmm?”
“Ilang b’wan na tayong magkakilala pero hanggang ngayon hindi ko pa rin alam ang apelido mo?” nagtataka niyang tanong.
“Ako rin naman ah? Hindi ko pa rin alam ang apelido mo.”
“Hindi ko pa ba nasasabi?” inosente niyang tanong.
“Hindi.”
“E, bakit hindi ka nagtatanong o nagsabi man lang?” tinampal niya pa ang noo.
“E, akala ko ayaw mo rin sabihin.”
“So, wala kang balak sabihin sa akin ang apelido mo?
“Hindi naman, pero kasi.”
"Kasi?”
“Sa tuwing sinasabi ko ‘yong apelido ko, nilalayuan nila ako.”
“Bakit, ano ba ang apelido mo? Kaapelido mo ba si Annabelle? At saka, sa tingin mo ba lalayuan kita dahil lang d’yan sa apelido mo?"
“Hindi.”
“Oh, hindi naman pala, e ‘di sabihin mo na sa akin ang buong pangalan mo.”
“Ikaw muna.”
“Ayaw ko nga baka kapag sinabi ko na ang apelido ko, hindi mo na sabihin ang apelido mo. Unfair ‘yon,” nakanguso niyang sabi kaya napailing na lang ako habang may munting pagtawa.
“Oh, e ‘di sabay na lang tayo.”
"Sige. Pagbilang ko ng tatlo sabay nating sabihin ang sariling apelido okay?"
“Okay.”
“Isa . . . dalawa .. . tatlo!"
“Montemayor!”
“Padilla!”
Parehas kaming nagulat nang sabay naming bigkasin ang sariling apelid*“.
“Padilla?”
“Montemayor?”
Sabay pa rin naming tanong. Ilang minuto kaming natahimik na parang nagkakapaan pa kung sino ang mauunang magsalita pero sa huli, siya pa rin ang unang nagtanong.
“kaw ba ang anak nila Mr. and Mrs. Montemayor sa Las De Vaña?” kinakabahan niyang tanong.
Dahan-dahan akong tumango mula sa kaniya.
“Iibig sabihin . . . ikaw si Azalea Montemayor, ang kababata ko?”
Tumango ako sa kaniya. “Oo, ako nga. Ngayon naaalala ko na rin ang pangalan ng kababata ko, ikaw si Carmein Padilla.”
Ang akala ko ay lalayuan niya ako matapos niyang malaman ang apelido ko pero kabaligtaran pala ang nasa isip ko dahil lumapit siya sa akin at saka niya ako niyakap ng mahigpit.
“Ang tagal kong hinintay ang pagkakataong ito. Ako nga Azalea, ako si Carmein Padilla.”