Chapter 6

“Tang*na ka!” Sigaw sa akin ni Alexis.

Ngumisi naman ako sa kaniya para mas lalo siyang maasar. Ano’ng karapatan niyang iputan sa ulo si Carmein. Akala ko ba gusto nila ang isa’t isa e, bakit naghahanap pa siya ng iba?

Napatingin sa akin si Carmein. Biglang nagbago ang emosyon niya sa mukha pero gulat ang nangibabaw sa mga mata niya.

“Adi,” bulong niya sa hangin na parang hindi makapaniwala sa nakikita.

Sinugod niya ako ng yakap at tinugon ko naman agad ‘yon. Halata ang pag-aalala sa kaniya dahil mahigpit ang yakap niya mula sa akin.

“Carmein, sorry.” Iyon agad ang binulong ko sa tainga niya.

Humiwalay siya sa pagkakayap sa akin at hinawakan ang dalawa kong kamay. Napalitan na ng pag-aalala ang mga mata niya.

“Bakit ngayon ka lang? Ano’ng nangyari sa’yo? Bakit may pasa ka sa mukha? Sino ang gumawa niyan sa’yo?” sunod-sunod niyang tanong na mahahalata ang pag-aalala.

Sasagot pa lang sana ako sa tanong niya nang biglang sumingit ang epal na si Alexis.

“Carmein! Bakit sa kaniya ka nag-aalala? Hindi mo ba nakikita ang hitsura ko ngayon? Siya ang dahilan kung bakit puro dugo ang mukha ko ngayon!” Galit niyang duro sa akin.

Tumingin si Carmein kay Alexis at nag-alala ulit siya sa babaero. Tumingin ulit sa akin si Carmein.

“Totoo ba Lea? Ikaw ang may gawa kay Alexis niyan?” mahinahon niyang tanong pero may diin.

Napalunok ako bago ako tumango. Kinuha ko agad ang dalawa niyang kamay para sana magpaliwanag kung bakit ko nagawang saktan si Alexis pero ang babaero ay biglang sumingit.

“Kita mo na! Kaibigan mo ba talaga ‘yan Carmein? Sinaktan niya ako nang walang pag-aalinlangan, baka pati ikaw mahawaan sa pagiging barumbado at walang k’wenta niyang tao. Ako nga nasaktan niya, hindi malabong pati ikaw. Saktan din niya,” panunulsol niya kay Carmein.

Naikuyom ko ang kamao ko habang umiigtig na rin ang panga dahil sa namumuong galit para sa lalaking kaharap ko ngayon.

“Hindi magagawa ni Lea ang pinaparatang mo sa kaniya,” pagtatanggol ni Carmein sa akin.

“Carmein, bulag ka ba?” sarkastong tanong ni Alexis. “Hindi mo ba nakikita ang mukha ko ngayon dahil sa kagagawan ng tang*nang babaeng ‘yan!” Galit niyang panduduro sa akin. “Ako ang dapat mong kampihan at panigan, Carmein. Hindi ang babaeng ‘yan! Huh! 'Wag mong sabihing, nagkakagusto ka na ngayon sa lesbian, Carmein? Hindi ka ba nandidiri? O baka naman gusto mong pati ikaw, pandirihan?”

“Ang kapal ng mukha mong tarant*do ka!”

Galit kong sigaw sa kaniya at handa ko na siyang sugurin ulit pero bigla akong sinampal ni Carmein na ikinatigil ko. Napahawak ako sa pisnging sinampal niya at hindi ako makapaniwala sa ginawa niyang pananampal sa akin.

“Tama na Azalea! Tumigil ka na sa pananakit mo!” Sigaw niya sa akin habang umiiyak.

Napatingin ako kay Alexis na nakangisi na ngayon sa akin na parang nagwagi sa nakita niyang pananampal.

“Niloloko ka lang ng lalaking ‘yan Carmein. ‘Wag kang magpalason sa mga sinasabi niya, walang mali sa pagkakaibigan natin. Mas mali ang magkagusto ka sa babaerong ‘tulad ni Alexis,” mahinahon kong sabi sa kaniya.

Tumingin ulit si Carmein kay Alexis.

“Totoo ba na niloloko mo lang ako, Alexis?” mariin niyang tanong kay Alexis.

“‘Wag kang maniwala sa babaeng ‘yan, wala naman siyang ebidensya na niloloko talaga kita. Gumagawa lang siya ng k’wento para kunin ka niya sa akin.”

“Bakit naman gagawin ni Azalea sa’yo ‘yan kung hindi mo talaga ako niloloko, Alexis?”

“Manhid ka ba Carmein? Kitang-kita naman sa mga mata ng babaeng ‘yan kung gaano ka niya kagusto! Gusto ka niyang makuha mula sa akin kaya siya gumagawa ng k’wento para magkasira tayo at saka, kilala mo ako Carmein. Matagal mo na akong kilala kaysa sa babaeng ‘yan.”

“Sinungaling," bulong ko sa hangin habang masama ang tingin sa lalaki.

Hindi ko alam kung narinig ba ni Carmein ang sinabi ko pero wala na akong pakialam, ang gusto ko lang ngayon ay lamugin ang lalaking ‘to.

“Mamili ka sa amin Carmein, ako o ‘yang babaeng tomboy na ‘yan?”

Ilang segundong natahimik si Carmein bago siya lumapit ng dahan-dahan kay Alexis. Para akong sinaksak ng maraming beses habang tinitingnan siyang lumalayo sa akin habang lumalapit naman siya kay Alexis. Nakangisi na sa akin si Alexis na parang nagtagumpay sa plano. Napairap ako sa hangin habang umiigtig ang panga.

“So, my love. Ako ang pinipili mo at hindi ang babaeng lesbian na ‘yan,” nagagalak niyang sabi.

Halatang nilakasan niya para marinig at ipamukha sa akin na siya ang pinipili ni Carmein at hindi ako. Sino ba naman ako para piliin niya e, magdadalawang b’wan pa lang simula no’ng makilala ko siya kumpara sa babaerong Alexis na ‘yan.

“Hindi ko na kailangan pang pumili sa inyong dalawa, Alexis. Dahil matagal na akong nakapili.”

Sobrang sikip na ng dibdib ko dahil sobra na akong nasasaktan sa mga sinasabi ni Carmein at kaunti na lang babagsak na ang luhang kanina ko pa pinipigilan. Balak ko na lang sanang umalis dahil nagmumukha na akong katawa-tawa lalo na sa mga taong nakapaligid sa amin.

“Mabuti kung gano’n,” natutuwang sabi ni Alexis.

Ngumiti si Carmein kay Alexis at hinawakan pa niya sa magkabilang balikat ang lalaki pero biglang siyang sumeryoso at malakas niyang tinuhod sa ibaba si Alexis na ikinagulat ko.

“Ang kapal ng mukha mong tarant*do ka! Marami na nagsasabi sa akin na niloloko mo lang ako pero nagpakatanga ako sa’yo kasi mas pinaniwalaan kita, pero nang sa bibig na mismo ni Lea nanggaling. Hindi mo na ulit ako maga-g*go, Alexis.”

Malakas niyang sinuntok sa mukha si Alexis. Ang lahat ng estudyanteng ay na pa hiyaw dahil sa eksenang ‘yon. Napangisi tuloy ako dahil sobrang angas at ganda pa rin ni Carmein. S’wabe at kalmado lang siyang nakipag-usap kay Alexis kanina pero may pagtitimpi na pala siya sa mokong na ‘to. Hindi ko inasahan ‘yong ginawa niya pero natutuwa ako dahil ako ang pinaniwalaan niya kumpara sa babaerong ‘to.

“Para ‘to sa pang-iinsulto mo kay Lea!” Sigaw niya kay Alexis nang masuntok niya ‘to. “At ito, para ‘to sa panloloko mo sa akin!” Malakas niyang sinampal sa magkabilaang pisngi si Alexis. “For your information, hindi ikaw na babaero at g*go ang pinipili ko kundi si Azalea na lagi akong nililigtas at pinagta-tanggol! Kapal ng mukha mong magloko e, ang pangit mo naman!”

Napangiti na ako ng malawak dahil sa sinabi niyang ‘yon. Lumapit na sa akin si Carmein at hinila na ako paalis sa mga taong nakabalibot sa amin at iniwan na namin ang babaerong si Alexis. Napatingin ako sa magkahawak naming kamay habang hinihila niya ako.

Nakarating na kami sa motor ko kaya napatigil na kami sa paglalakad. Binitawan niya ang kamay ko at tinitigan ako sa mga mata at bumuntong hininga.

Pasensya ka na sa pananampal ko sa’yo kanina ah? Nag-alala lang ako sa’yo, baka mapuruhan mo si Alexis at ikaw pa ang mapahamak nang dahil sa akin,” paliwanag niya.

“Ayos lang, naiintindihan ko na ngayon,” ngumiti ako ng tipid.

“Umuwi na muna tayo, sa bahay na tayo mag-usap at magpapaliwanag ka pa sa akin.”

Kinuha na niya ang helmet at siya na ang nagsuot sa ulo niya. Sumakay na ako sa motor bago siya sumakay sa likod at yumakap sa baywang ko.

“Ang sexy mo pala adi,” bulong niya sa tainga ko.

Nasamid ako sa sarili kong laway kaya napaubo ako dahil sa pagkabila. Ramdam ko ang pamumula ng pisngi ko kaya pinaharurot ko na ang motor ko pauwi sa bahay niya. Nararamdaman ko na naman ang pagtibok ng puso ko at parang gusto na naman lumabas nang dahil lang sa sinabi ni Carmein. Napailing na lang ako ng palihim.

Nang makauwi kami sa bahay, binagsak ni Carmein ang sarili sa sofa.

“Hayy! Nakakapagod naman ang araw na ‘to, ang daming ganap!” Sigaw niya habang nag-iinat ng katawan.

Bigla siyang tumingin sa akin at tiningnan niya ako ng masama.

“Ano? Hindi ka ba uupo?” pagsusungit niya sa akin.

Napalunok ako kaya unti-unti akong naupo sa tabi niya. Humarap siya sa akin at nag-cross-arm.

“Where have you been? I need your valid reason, right now.”

Hindi ko alam kung saan ako magsisimula pero sinabi ko na lang sa kaniya ang totoong dahilan kung bakit ngayon lang ako dumating.

“Kinulong ako ni Dad ng anim na araw sa bahay at kinuha ng kanang kamay ni Daddy ang cell phone ko kaya hindi kita ma-text o matawagan.”

Nagbago agad ang emosyon niya at napalitan na naman ng pag-aalala.

“Sinaktan ka ba niya ulit? Kaya ba may pasa ka d’yan sa gilid ng labi mo?”

Tumango lang ako. Bigla niya akong niyakap ng mahigpit kaya agad ko namang tinugon ‘yon.

“Hindi ko alam kung paano ko papagaanin ang nararamdaman mo ngayon. Pero sana, makatulong ang yakap na ‘to para gumaan ang loob mo.”

Hinagod niya ang likuran ko na parang pinapagaan niya talaga ang loob ko kaya napangiti ako. Humiwalay na siya sa pagkaka-yakap mula sa akin bago niya ako tinitigan sa mga mata. Hinawakan niya ang pisngi ko at marahan niyang hinaplos ang pasa sa gilid ng labi ko gamit ang kaniyang hinlalaki.

“Hindi ko alam kung bakit kailangan ka pang saktan ng Daddy mo at ikulong sa bahay. Alam mo bang, sobra akong nag-alala sa’yo no’ng ‘di ka na bumalik no’ng araw na ‘yon. Akala ko kung ano na ang nangyari sa’yo, kaya hinanap kita kahit hindi ko alam kung saan kita matatagpuan.”

Nagulat naman ako sa sinabi niyang ‘yon. Nakatingin lang ako sa mapupungay niyang mga mata na may hilam na ng mga luha dahil sa pag-aalala.

“Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may nangyaring masama sa’yo dahil hinayaan lang kitang umalis at hindi kita pinigilan. Siguro kung pinigilan lang kita no’ng araw na ‘yon, hindi ka na nasaktan at kinulong ng Daddy mo, kasalanan ko ang lahat.”

Hinawakan ko ang kamay niyang nakahawak sa pisngi ko.

“Hindi mo kasalanan, wala kang kasalanan.”

Nakatingin lang siya sa akin. Halos lumabas na ang puso ko nang unti-unting lumalapit ang mukha niya sa akin hanggang sa lumapat ang labi niya sa gilid ng labi ko kung nasaan ang pasa ko.

Kahit dampi lang ‘yon ay ramdam ko ang labi niyang dumampi sa labi ko. Nagulat ako sa ginawa niya pero lamang ang saya sa kalooban ko. Nagkatinginan kami at nakita ko kung paano siya lumunok at nailang sa ginawa niya.

Lumayo agad siya sa akin at tumayo. Hindi siya makatingin sa akin at parang nahihiya. Ultimo ako ay hindi makapagsalita sa pagkabigla pero ayos lang, kinikilig naman ako.

“A-aray!”

Napatayo ako bigla nang mapahawak siya sa ulo niya. Agad ko siyang nilapitan para i-check kung ano ang nararamdaman niya.

“Adi, bakit? Ano’ng nangyari? Saan ang masakit? Ayos ka lang ba?” sunod-sunod kong tanong habang nag-aalala sa kaniya.

“A-ahm . . . ayos lang ako, nabigla lang siguro ako sa pagtayo kaya ako nahilo. Siguro dahil na rin ito sa pagod, ang dami kasing nangyari ngayong araw.”

“Sigurado ka ba?”

“Oo, ‘wag ka nang mag-alala.”

Lumapit siya sa akin at mabilis niyang hinalikan ang pisngi ko.

“A-ah . . . ahm, magpapalit na muna ako ng damit,” nauutal niyang sabi.

Hindi na niya hinintay ‘yong sagot ko at kumaripas na siya ng takbo papasok sa k’warto niya. Napahawak naman ako sa gilid ng labi ko at sa pisngi, kung saan niya ako hinalikan. Hindi mawala ang ngiting naglalaro sa mga labi ko kaya napakagat na lang ako sa ibabang labi para pigilan ang nararamdaman kong kilig.