Chapter 9
NANG makauwi kami sa bahay ay agad kong pinainom ng gamot si Carmein at saka ko siya pinagpahinga sa k’warto. Ako muna ang kumilos sa bahay niya. Naghugas ng plato, nagluto at naglinis ng bahay.
Tanghali na no’ng nagising siya at dumiretso sa kusina kung saan ako nagluluto ng pananghalian. Sinalubong niya ako ng ngiti kaya tinugon ko ‘yon.
“Ikaw ang nagluto?”
“Nagugutom ka na?”
Sabay naming tanong. Parehas kaming natawa dahil do’n.
“Oo,” sabay ulit naming sagot.
Napailing na lang ako at naghanda na ng makakain. Sabay kaming umupo ni Carmein nang tulungan niya akong maghanda ng plato sa lamesa.
“Okay na ba ang pakiramdam mo?” tanong ko sa kaniya.
Tumango siya sa akin at tipid na ngumiti. Nag-usap lang kami ng kung ano’ng maisipan.
“Dito ka ba matutulog mamaya?” tanong niya sa akin.
“Oo, hindi muna ako uuwi sa bahay.”
“Hindi ka ba hahanapin sa inyo?” inosente niyang tanong.
Uminom muna ako ng tubig bago ako sumagot. Nakatingin lang siya sa mga mata ko at nag-aantay sa kung ano’ng sasabihin ko.
“Hindi, umalis si Dad at wala namang pakialam sa akin si Mom,” sagot ko at nagkibit ako ng balikat.
Tumango naman siya at nalungkot sa sinagot ko.
“Wala ka na bang gagawin ngayon?”
Natawa naman ako sa tanong niya.
“Ikaw dapat ang tinatanong ko ng ganiyan, wala ka na bang gagawin ngayon?”
“Wala na,” agad niyang sagot. “Aayain sana kita.”
“Saan?” takang tanong ko.
“Manood ng movie.”
Ngumiti siya sa akin bago ako tumango at ngumiti.
“Okay.”
“Ayos!” natutuwa niyang sabi.
Nailing at natawa na lang ako bago namin pinagpatuloy ang pagkain. Hanggang sa matapos kaming kumain. Ako na ang naghugas ng pinagkainan namin habang pinapanood naman ako ni Carmein na nakipagtalo pa sa akin sa paghuhugas ng plato. Gusto niyang siya na lang ang maghugas pero hindi ko ‘yon hinayaan dahil kagagaling lang niya sa sakit ng ulo.
“Nga pala,” pagbasag ko sa katahimikan.
Nakasandal siya sa gilid ng lababo habang patuloy pa rin akong naghuhugas ng pinagkainan namin. Bumaling ako ng tingin sa kaniya.
“Mayroon akong pinagawang secret house at kakatapos lang magawan no’n,” paunang sabi ko.
“Secret house? E ‘di, hindi na secret ‘yon kase sinabi mo na sa akin.”
Natawa naman ako sa sagot niya. May point naman siya pero hindi iyon ang ibig kong sabihin sa secret house kaya napailing na lang ulit ako.
“Hindi ‘yon ang ibig kong sabihin. Gusto ko sanang sabay nating tingnan ang secret house na pinagawa ko pero sa labas ‘yon ng bayan kaya medyo malayo ang lugar.”
“Gusto mo akong sumama sa’yo para tingnan natin ang pinagawa mong secret house?”
Tumango naman ako sa tanong niya.
“Payag ka bang sumama? Don’t worry, kapag libre ang araw mo at saka lang tayo pupunta sa secret house.”
“Sure! Sasama ako, sasamahan kita.”
Natuwa naman ako sa pagpayag niya. Tinapos ko na ang paghuhugas bago kami tumungo sa sala para manood ng movie. Ang napili naming genre ay horror. Nagluto ako ng pop corn at bumili na rin ako ng softdrinks.
Dalawang movie ang pinanood namin, horror at comedy. Kahit sa simpleng panonood lang namin ni Carmein ay nakaramdam ako ng kapayapan na kasama siya.
Nakasandal ang ulo niya sa balikat ko hanggang sa matapos na ang palabas. Tiningnan ko si Carmein at natutulog na siya sa balikat ko.
Dahan-dahan ko siyang hiniga sa sofa bago ako pumunta sa k’warto niya para kumuha ng unan at kumot. Bumalik ako sa sala at inilagay ko sa ulo niya ang unan bago ko siya kinumutan.
Umupo ako sa lapag malapit sa sofa kung saan siya natutulog. Pinagmasdan ko siyang matulog. Hinaplos ko ang buhok niya at napangiti nang marinig ko ang mahina niyang paghilik.
“Sleep well, adi.”
MABILIS lang lumipas ang mga araw. Gano’n lang palagi ang ginagawa namin ni Carmein at habang tumatagal lalo lang akong nahuhulog sa kaniya. Nandito na ako sa tapat ng gate ng kanilang eskwelahan kung saan do’n ko siya laging hinihintay.
Hindi rin nagtagal at lumabas na rin si Carmein kasama ang mga kaklase niyang nagtatawanan. Napatingin agad siya sa gawi ko at ngumiti. Nginitian ko rin siya bago siya kumaway sa akin. Nagpaalam na siya sa kaniyang mga kaklase at saka lang siya lumapit sa akin.
“Kumusta ang eskwela?” sabay naming tanong kaya parehas kaming natawa.
“Ayos lang naman,” sagot ko.
“Ayos lang din.”
“Uwi na tayo?”
Tumango naman siya sa akin bago ko sinuot sa kaniya ang helmet. Bumili na rin ako ng helmet para sa kaniya dahil araw-araw ko na siyang hinahatid at sinusundo. Sumakay na siya sa likod bago ko pinaandar ang motor pauwi sa bahay.
Nang makauwi kami ay sabay kaming pumasok sa loob ng bahay. Dumiretso agad ako sa banyo dahil naiihi na ako. Paglabas ko ay nakabihis na si Carmein at nakaupo na sa sala at nanonood ng balita.
Umupo ako sa tabi niya bago ako bumaling ng tingin sa kaniya.
“Adi, may pasok ka ba bukas?”
Bumaling siya sa akin bago ulit siya tumingin sa tv. Nakatingin lang ako sa kaniya dahil mas masarap siyang panoorin kaysa sa tv. Napailing na lang ako sa ka-corny-han ko.
“Wala, pero mayroon akong gagawin bukas kasama ang mga ka-group ko sa thesis. Adi, bakit?” paliwanag niya at bumaling ulit ng tingin sa akin.
Umiling ako at ngumiti.
“Ahh, wala naman. Akala ko hindi ka na busy e.”
Napangiti naman siya sa sinabi ko.
“Nagtatampo ka ba sa akin?” nakangiti niya pa ring tanong.
“Ha? Hindi ah!”
“Asus! P’wede kang magsinungaling pero hindi mo ako maloloko. Kitang-kita ko ang pagkadismaya mo kanina at ang marinig ‘yang boses mo ay halatang malungkot.”
“Kilala mo talaga ako,” ngumiti na ako sa kaniya.
“S’yempre! Girlfriend mo ako e, don’t worry adi. After naming gumawa ng thesis bukas. I am all yours,” aniya at saka siya kumindat sa akin.
Para akong kinuryente sa huli niyang sinabi. Ramdam ko ang pamumula ng pisngi ko at ang pagtibok na naman ng puso ko.
“Kinikilig na naman sa akin si adi, tsk! Tsk!”
Panunuyo niya habang tinutusok ang pisngi ko. Nagpipigil akong ngumiti para hindi masyadong halata pero pati ‘yon ay napansin niya.
“Hindi ah!”
“Asus! Adi, ‘wag mo ng pigilan ang matamis mong ngiti. Ngumiti ka na.”
“Hindi nga ako kinikilig,” kunwari ay naiinis na ako.
“Talaga? Ngingiti na ‘yan oh, ang adi ko ay ngingiti na.”
Patuloy niyang tinutusok ang pisngi ko kaya hindi ko na napigilan ang mga ngiti ko.
“Ayan! Ngumiti ka na rin, mas maganda ka kapag nakangiti. Lalo na ‘yang cute mong dimples. Ang lalim pala ng dimples mo adi,” mangha niyang sabi.
Hinuli ko ang kamay niya kaya nagkatitigan kami. Hinalikan ko ang likod ng kamay niya bago ako ngumiti sa kaniya kaya ngumiti rin siya sa akin.
“I love you, Carmein.”
“I love you too, adi.”
KINABUKASAN alas dyis ng umaga ay hinatid ko na si Carmein sa bahay ng kaklase niya kung saan sila gagawa ng thesis.
Nag-antay kami ng ilang saglit sa labas ng gate hanggang sa lumabas ang isang lalaki. Sinalubong niya agad si Carmein ng masayang ngiti.
“Nasa loob na sila, Carmein.” Nakangiting sabi ng lalaki.
“Mukhang napaaga sila ah?” natatawang pahayag niya.
“Oo nga e, nagulat din ako.”
Sabay silang tumawa bago bumaling ng tingin sa akin ang lalaki.
“Nga pala, adi si Haru kaklase ko. Haru, si Azalea. Girlfriend ko,” nakangiting pakilala sa amin ni Carmein.
Hindi ko inasahan na ipapakilala niya ako sa kaklase niya bilang girlfriend. Pinilit kong itago ang mga ngiti ko.
“Girlfriend?” inosenteng tanong ni Haru.
Tumango sa kaniya si Carmein.
“Bakit? May problema ba?” tanong ko sa Haru.
Napatingin ulit siya sa akin na parang may mali sa sinabi ni Carmein. Umiling lang siya sa akin bago ulit tumingin kay Carmein at nginitian ang girlfriend ko ng malawak. Nakaramdam na agad ako ng kakaiba kaya hindi ako na panatag nang magpaalam na sa akin si Carmein at tuluyan na silang pumasok sa bahay.
Nakatiim ang bagang ko nang umalis. Tumambay na lang ako sa coffee shop malapit lang sa bahay ng Haru. Doon na lang ako naghintay. Kapag nag-text na sa akin si Carmein ay agad akong makakarating sa kaniya.
Kahit hindi ako mapakali ay pinilit ko na lang manatili sa coffee shop. Ilang oras pa akong naghintay. Naubos ko na rin ang kapeng in-order ko kanina bago ako nakatanggap ng text mula kay Carmein.
Agad akong nakarating sa bahay nila Haru. Hindi sa kalayuan ay nakita ko na agad silang dalawa sa labas ng gate.
Nagsalubong ang kilay ko nang biglang lumapit sa kaniya si Haru at hinalikan siya.
Pinaharurot ko ang motor ko at kaunti na lang ang pagitan ay masasagasaan ko na ang Haru pero malakas akong nakapagpreno agad. Mabilis akong bumaba sa motor at hinila mula sa kaniya si Carmein.
Nandilim na ang paningin ko kaya hindi na ako nakapag-isip ng tama kaya sinalubong ko agad siya ng suntok sa mukha. Halatang nagulat si Carmein sa ginawa ko. Lumapit siya kay Haru para alalayan ang lalaki.
Mahigpit ang pagkakuyom ng kamao ko habang nakatingin sa kanilang dalawa. Madilim pa rin ang paningin ko kay Haru, mabilis ang paghinga ko habang nagtitiim ang aking bagang.
“Adi, bakit mo sinuntok si Haru?!” pagalit niyang tanong.
“Kitang-kita ng dalawa kong mata na hinalikan ka niya, Carmein!” Galit ko ring sabi.
“Ano bang pinagsasabi mo d’yan?!”
“‘Wag mo ng itanggi Carmein!” Lalong dumilim ang paningin ko dahil sa pagtatanggol niya kay Haru.
“Hindi kita maintindihan, Lea. Hindi niya ako hinalikan!”
“Ahh! Hindi ka niya hinalikan kase nagpahalik ka, bakit? Nagustuhan mo ba ang halik niya sa’yo, ha?” sarcastic kong tanong.
Kitang-kita ko kung paano pumatak ang luha sa mga mata niya. Para akong nilatigo sa nakikita ko. Marahas niyang pinunasan ang luhang tumulo sa mata niya. Unti-unting natutunaw ang galit sa puso ko habang nakatingin sa mga mata niya. Hindi siya makapaniwala sa mga paratang na ibinato ko sa kaniya.
Hindi ko naman gustong sabihin ‘yon dahil nadala na rin ako ng emosyon at selos. Nagsisi at natauhan lang ako nang makita ko siyang umiyak.
“Azalea, iyan ba ang tingin mo sa akin?” panunuya niyang tanong.
Sa pagbanggit niya pa lang sa pangalan ko para na akong sinaksak ng ilang beses sa gawing puso. Hindi ako sumagot bagkus nag-iwas ako ng tingin habang pinipigilan ang sariling luha sa paglandas.
“Grabe ka . . . hindi ba p’wedeng napuwing lang ako kaya siya lumapit sa akin para tanggalin ang puwing sa mata ko?!” Bigla siyang sumigaw. “You’re so unfair, Azalea. I am disappointed for what you did and for your wrong accusations.”
Bumaling siya ng tingin kay Haru bago siya humingi ng tawad sa ginawa ko. Pumasok na sa loob si Haru bago niya ako tapunan ng tingin. Hindi ako tiningnan ni Carmein bago siya sumakay sa tricycle na huminto. Gusto ko siyang pigilan pero hindi ko magawa dahil sobra akong nahihiya sa nagawa at nasabi ko.
Nasuntok ko ang pader sa tabi ko at do’n ko binuhos ang lahat ng galit para sa sarili. Sumakay na ulit ako sa motor at pinaandar ‘yon. Nagdadalawang-isip pa ako kung didiretso ba ako sa bahay niya o magpapahangin muna. Alam ko sa sarili ko na hindi ako mapapakali kung papatagalin ko pa ang away naming dalawa kaya napagdesisyonan kong dumiretso na lang sa bahay niya.
Kailan kong ayusin ang ginawa ko at mas lalong kailangan kong humingi ng tawad sa na sabi ko.
“You’re so stupid, Azalea.” Bulong ko sa sarili.