CHAPTER 5

Mula dito ay makikita ang mga makukulay na bulaklak. Iba't ibang kulay na tila bahaghari sa kalangitan. Nagmistula ding aisle ang nilalakaran namin dahil sa mga magkakahilerang mga bulaklak sa magkabilang gilid namin.

Nilibot ko ng tingin ang buong lugar at napansin na nasa gitna parin kami ng gubat. Akala ko nakalabas na kami ngunit hindi pa pala.

Napatingin ako sa kalangitan ilang sandali lang at umawang ang labi ko nang makitang nagmistulang payong ang isang malaking puno sa aming harapan kung saan mayabong ang mga sanga nito.

Hindi ko aakalain na makakakita ako ng ganitong kalaking puno. Binalingan ko nang tingin si Mayeth nang marinig ko ang paghagikgik nito.

"Ngayon ka lamang ba nakakita ng malaking puno, Ate?" napabusangot naman ako nang makitang tatlo na silang tinatawanan ako.

"Marami na akong nakitang malalaking puno pero ito na ata ang pinakamalaki at pinakamataas na nakita ko," sabi ko sa kanila. Napatingin akong muli sa puno at inabot ng tingin ang dulo nito ngunit hindi ko man lang makita dahil sa taas ng punong iyon.

Nangunot naman ang noo ko nang maramdaman na naman iyon. Iyong tipong may nakatingin sa iyo kahit wala naman. Biglang nagsalita si Mayeth kaya napatingin ako sa kaniya. Naramdaman kong may nagmamasid sa amin nang makarating kami sa bukana ng bayan nila.

Narinig kong tumikhim si Mayeth upang kunin ang aking atensiyon at nagtagumpay naman siya ng tinapunan ko ito ng tingin.

"May nakatalagang taga-bantay ang bayan namin," saad nito at umawang ang labi ko sa gulat. Sila ba ang nararamdaman kong nakamasid sa amin simula nang makarating kami dito?

"Sila ang nagsisilbing mata sa mga nagbabantang pumasok sa aming bayan ng walang pahintulot, at ang mga tinatawag na warriors sa aming pack group," pagpapatuloy nito. Marahan akong tumango at pasimpleng nilibot ng tingin ang mga nagtataasang puno sa gilid ng mga hile-hilerang mga bulaklak.

"Hindi natin sila nakikita, ngunit alam kong nararamdaman mo ang presensiya nila, tama ba?" tanong nito sa akin kaya napatingin akong muli sa kaniya.

Akmang tatango ako bilang pag-sangayon sa sinabi nito nang biglang may taong bumagsak sa harapan namin. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat nang makitang hindi man lang ito nasaktan sa pagkakabagsak bagkus ay maayos pa ang pagkakatayo nito.

Mabilis na humarap ang magkakapatid sa bagong dating at yumuko, napatingin ang lalaki sa akin kaya mabilis din akong yumuko. Ayokong salubungin ang nanghuhusga nitong mga mata. Marahil siya na ang sinasabi ng magkakapatid na nagbabantay sa bungad ng bayan.

"Mayeth..." narinig kong sambit ng lalaki, pigil ang hininga ko nang marinig ang boses nito, naramdaman ko ring natigilan ang katabi ko at napatingin sa harapan.

"Maari ko bang malaman kung sino ang inyong kasama?" tanong nito, marahan lang ang pagkakasabi nito ngunit nararamdaman ko ang otoridad sa boses nito, mukhang mataas ang ranggo niya sa grupo nila.

"O-Opo," nauutal na saad ni Mayeth, halatang kinakabahan ito sa presensiya ng lalaki. Kalaunan nagawa na nitong magsalita muli at pinakilala ako sa lalaking nasa harapan namin. Nakayuko pa rin ako dahil abot-abot na ata ang kaba ko.

"Siya po si Ate Lily, pansamantala po siyang nakatira sa aming tahanan dahil naligaw siya papunta sa kaniyang pupuntahan at hindi namalayang napapadpad dito," narinig kong saad nito. Hindi nila binanggit ang nangyari sa akin bago ako mapadpad sa lugar nila.

"Sino ang nakakita sa kaniya?" mausisang tanong nito. Talagang inaal am nila ang bawat taong papasok sa border ng bayan nila.

"Si Lola Christina, nakita niyang wala siyang malay sa daan kaya dinala niya sa amin at pansamantalang pinatuloy sa aming tahanan," saad ni Mayeth.

"Gaano kayong nakakasigurado na hindi mapanganib ang taong ito at basta-basta nalang kayong nagpatuloy ng kunsinong taong nakita niyo sa daan?!" napaigtad ako sa gulat nang sumigaw ito. Hindi ko makita ang reaksiyon ng dalawang kambal sa harapan ngunit napansin kong natigilan si Mayeth.

Hindi ko naman mapigilang mainis, oo naninigurado lang siya pero parang ang oa naman ng reaction nitong lalaki sa harapan namin, mukha ba akong masamang tao?

Hindi ako nakatiis at nakisawsaw na ako sa usapan dahil ako naman din ang pinag-uusapan nila. Inangat ako ang aking ulo at sinalubong ang mapanuring mga mata na tinawag na Lance ni Mayeth.

Natigilan ako. Hindi ko maiwasang mamangha sa angking kagwapuhan nito, mula sa seryosong itim na kulay na mga mata, at matangos na ilong at mapulang labi. Naka-pantalong maong lang ito at plain black na round neck na damit ngunit sumisigaw na ang kagwapuhan nito, hindi ko nabigyan ng pansin ang itsura niya kanina dahil sa kaba ngunit masasabi kong malakas ang dating niya.

Nakarinig ako ng mahinang tikhim at doon lang ako natauhan, nahalata niya pa ata ang paninitig ko. Tinignan ko siyang muli sa mga mata at nagsalita.

"Wala akong balak na magtagal sa bayang ito, hahanap ako ng paraan upang makabalik sa bayan namin, at makakaasa kayo na hindi ako masamang tao," seryosong saad ko.

"Mabuti pang tanggapin niyo na ang alok ng Alpha na dito na kayo mamalagi sa sentro ng bayan," sambit nito na ang tingin ay kay Mayeth.

 "Sa ganoong paraan ay mapro-protektahan kayo dito," sabi nito at sinulyapan pa ako.

"Pag pumayag ba kami ay hahayaan niyo ring kasama naming tumira si Ate Lily?" magalang na tanong ni Mayeth na ikinatigil ng lalaki.

Tumikhim muli ito at tumingin ng diretso sa mga mata ni Mayeth at nagsalita.

"Iimpormahin ko ang Alpha sa nais niyo," saad nito. "Ngunit pag hindi ito pumayag ay kailangan niyo pa ring pag-isipan ang alok niya. Para din ito sa kapakanan ninyo," iyon lang ang huli nitong sinabi bago umalis.

Tinapunan ko ng tingin si Mayeth at nakitang seryoso ang itsura nito. Ngunit ng sulyapan pa ako at makitang nakatingin ako sa kaniya ay ngumiti ito agad.

"Pasensiya ka na sa kaniya, Ate Lily, gusto lamang nilang masiguro ang kaligtasan namin lalo na't kabilang kami sa pack ng bayan na ito," sabi niya na marahan kong ikinatango.

"Ayos lang. Naiintindihan ko naman," maikli kong tugon.

Pagkaraan ng ilang segundo ay nagpatuloy na kaming muli sa paglalakad. Tinatahak na naming muli ang tila aile na daanan at hindi ko pa ring maiwasang mamangha sa ganda ng lugar na ito.

Ilang sandali pa ay tuluyan na kaming nakapasok sa sentro ng bayan nila at masasabi kong kahanga-hanga ang ganda ng lugar na ito. Mabibilang lang sa kamay ang mga malilit ngunit matitibay na tahanan.

Gawa ang mga ilan dito sa matibay na bato at kahoy. Ang klima na pumapalibot sa bayan ay masarap sa pakiramdam dahil sa tahimik at tanging ang mga huni ng ibon at pagaspas ng mga dahon na tinatangay ng hangin ang maririnig.

Ngunit iba ang nararamdaman ko sa katahimikang dala ng bayan na ito, tila sa likod ng katahimikan at kapayaan ay ang kapahamakang dala nito. Paranoid na naman ako. Dapat siguro huwag ko na muna isipin ang mga bagay na iyon dahil sumasakit lang ang ulo ko.

Nagpatuloy lang kaming maglakad, wala na naman akong nakikitang mga kabahayan at puro puno na ulit ang nasa paligid namin. Ngunit ang akalang kong bungad ng bayan kanina ay mukhang nagkamali ako.

Huminto kami at nakatingala ako sa isang matatas na arkong gawa sa bato na may nakasulat na 'Friego' may mga baging na nagmistulang kurtina sa taas, sa gilid naman ng arko ay ang mga makukulay na bulaklak na kung titignan ay tila posteng nakatayo na nagsisilbing paa ng arko.

"Maligayang pagdating sa bayan ng Friego, Ate Lily, " narinig kong sabi ni Mayeth kaya tinignan ko ito. Ngunit wala sa akin ang kanilang paningin kundi sa harapan namin, ang sentro kanilang bayan.

Nilibot ko ng tingin ang buong lugar at napanganga lang akong muli, nagsimula kaming maglakad at hindi na ata matiklop ang bibig ko dahil sa pagkakahanga.

Ang linis ng lugar nila, may pathways sa bawat nilalakaran namin na tila nagbibigay gabay kung saan kami dapat pumunta, ang mga gawa sa bato at kahoy na mga estraktura, may mga pamilihan din kaming nadaaanan kanina, bakery, dress shop, mini library, at kung ano-ano pa, parang normal na bayan kung titignan dahil ganito din ang senaryo sa bayan namin. Hindi ko inaasahan na sa gitna ng kagubatan ay may ganitong lugar.

Napansin ko ang mga bawat tingin ng mga taong nadadaanan namin. Puno ng pagtataka ang kanilang mga mata, may ilan pa ngang nagbubulungan. Iniwas ko nalang ang tingin sa mga taong iyon at tumingin sa harapan.

Nanlaki pa ang mga mata ko nang makakita ng iilang kabayo sa loob ng kwadra, gustong-gusto kong sumakay sa kabayo dahil wala noon sa bayan namin.

"Nandito na ba tayo sa sentro?" naibulalas ko ilang sandali pa.

Narinig ko namang natawa ang magkakapatid sa sinabi ko kaya napatingin ako sa kanila.

"Nandito na nga, Ate, ngunit kailangan pa nating maglakad dahil nasa bandang dulo pa ang pamilihan ng damit," nagtaka naman ako sa sinabi nito at napatingin sa isang modernong dress shop sa harapan namin. Napansin kong may kamahalan ang mga dress doon base palang sa telang ginamit rito.

"Pasensiya ka na, Ate Lily, hindi namin kayang bumili ng ganiyang damit," napatingin ako kay Marien at nakitang nakayuko ito. Mabilis ko siyang nilapitan at hinawakan ang baba upang ipantay ang tingin namin.

"Huwag kang mag-alala, hindi naman ganiyang mga damit ang sinusuot ko, gusto ko iyong komportable gaya nitong suot ko ngayon," nakangiti kong saad at pinakita pa ang lumang pantalon at maluwang na t-shirt na suot ko.

"Ganon po ba?" nahihiyang saad nito at  napakamot nalang sa ulo.

Tumango na lamang ako upang makapagpatuloy na kami. Nang makarating kami sa pamilihan ng damit ay naghanap agad kami ng masusuot ko, nag-presinta na rin akong ako nalang ang magbabayad sa mga binili naming damit dahil nadala ko naman ang perang nakuha ko mula sa mga dumukot sa akin.

Kumain na rin kami sa isang kainan at pagkatapos non ay pinasiyal pa ako ng magkakapatid sa bayan nila.

Nagulat pa ako kanina nang may makitang sobrang laking mansion  na gawa sa semento. Ang sabi ni Mayeth ay iyon daw ang pack house nila kung saan nagtitipon-tipon ang mga kauri nila, pag may meeting at mga gathering. Kaya pala sobrang laki ng mansion na iyon. Doon din ang opisina ng Alpha ngunit wala daw ito ngayon kasama ng beta ng bayan nila dahil may pinuntahang ibang bayan.

Ang mansion na iyon ang dapat kong iwasan pag pupunta ako dito sa bayan nila. Iniiwasan din ito ng mga taong nakatira sa bayan na ito dahil na rin sa takot.

Nasabi din sa akin ni Mayeth na ang Alpha ng bayan na ito ang namumuno sa grupo ng mga lobo, pumapangalawa ang beta sa pinakamataas na ranggo sa bayang ito. Siya ang kanang kamay ng Alpha.

Habang ang nakausap naming lalaki kanina ay ang Lead warrior. Ang nangunguna sa mga lobong nagbabantay sa pack borders at ang pangatlong nakatataas. Siya rin ang nagsasanay sa mga lobong warriors na siyang magproprotekta sa bayan nila. Kaya naman pala ganoon nalang ang pag-galang nila Mayeth sa lalaking iyon.

Malapit nang sumapit ang gabi ng maisipan naming umuwi na. Masiyado kaming nalibang sa pamamasiyal at hindi na namin namalayan ang oras.

Habang tinatahak ang daan pabalik ay umaakyat na naman ang kaba sa sistema ko lalo na at napapansin kong naging aligaga ang magkakapatid na nakamasid sa nilalakaran namin.

Nasa kagubatan na kaming muli, mas lalong naalerto ang magkakapatid dahil narin sa mga kaluskos sa paligid.

Mahigpit kong hawak ang patalim sa gilid ng pantalon ko. Kailangan ko ring maging mapagmatyag sa paligid.

Tuluyan nang nakain ng kadiliman ang buong kagubatan, tanging ang lampara na lamang na dala namin ang tanging nagbibigay liwanag sa aming nilalakaran.

Nasa harapan ang dalawang kambal at panay ang tingin sa paligid. Habang nasa likod naman kami at alerto ring nakamasid sa paligid.

Nasabi kasi ni Mayeth na mapanganib ang kagubatan sa tuwing sasapit ang gabi dahil sa mababangis na hayop sa paligid at ang mga rogues na pakalat-kalat sa lugar na ito.

Ang rouges ay ang mga lobong walang pack members o hindi kabilang sa anomang grupo ng mga lobo sa kadahilanang may ginawa silang mabigat na kasalanan na naging daan upang itakwil sila sa pack group nila.

Wala silang ibang ginagawa kundi ang manakit o magnakaw sa mga gumagawi sa sa kagubatan tuwing sasapit ang kadiliman. Walang magawa ang Alpha sa mga bayang ginugulo nila dahil hindi na sakop ng lupain nila ang masukal na kagubatang ito.

"Bilisan na natin, masiyado nang mapanganib kung magtatagal pa tayo," saad ni Mayeth sa tabi ko kaya kinabahan naman ako at mabilis na naglakad. Kinilabutan ako nang maramdaman na may nagmamasid na naman sa amin. Tinignan ko ang mga nagtataasang puno at may napansin akong anino na mabilis na nawala nang makita ko ito.

"Sandali," saad ko at napansin kong natigilan sila.

"Bakit, Ate Lily?" seryosong tanong ni Mayeth sa tabi ko.

"May nakita akong nakamasid sa atin, napansin niyo ba iyon?" tanong ko. Na hindi pinapahalata ang kaba sa aking boses.

"Simula nang makaalis tayo sa bayan ay may nakasunod na sa atin," sabi ni Mayeth na kinalaki ng mga mata ko sa gulat.

"Sa tingin ko po naghihintay lamang silang makalayo tayo sa bayan ng magawa na nila ang balak na nila," sabi ni Marien. Kinilabutan ako dahil doon at alertong nilibot ng tingin ang paligid.

"Matalinong bata."

Natigilan ako ng marinig ang boses na iyon. Sabay kaming napatingin sa harapan at dumapo ang tingin ko sa lalaking nasa harapan namin.

Isa lang ang masasabi ko sa kaniya.

Hindi siya katulad ni na Mayeth. Dahil sa likod ng mga kulay ginto nitong mga mata ay ang paghihiganti at galit ang naroon.