CHAPTER 4
Hindi ko maiwasang mailang sa tinging binibigay ng mga bata sa aking harapan. Kanina pa sila ganiyan noong magising ako at ikwinento sa akin ni Lola Christina ang nangyari.
Napatikhim ako at yumuko. Ilang segundo lang ay sinulyapan ko silang muli at nakatingin pa rin sila sa akin kaya nagsimula na akong magsalita.
"Hello?" sa pagkasambit ko ng mga salitang iyon ay mabilis silang lumapit sa akin. Nakangiti sila at nanlalaki ang mga matang nakatingin sa akin.
"Ang ganda niyo ho, Ate," sambit ng nakakatanda sa kanilang tatlo. Ang dalawa naman ay parehas lang nakangangang pinagmamasdan ako.
"Salamat," iyon nalang ang nasabi ko at nginitian silang muli.
Nawala lang ang atensiyon nila nang dumating si Lola. Napalunok ako at nakaramdam ng kaba nang makita ko siya. Alam kong naiiba siya at may kutob akong ganito din ang mga batang nasa harapan ko. Sa bawat pagtitig ko sa mga mata nila ay nakikita ko ang pag iba ng kulay ng kanilang mga mata. Mula sa itim ay nagiging kulay ginto.
"Ganiyan talaga sila, ngayon lang kasi may napadpad na normal na tao sa aming tahanan," nagsalubong ang kilay ko dahil sa sinabi ni Lola.
"Ano po ang ibig niyong sabihin, Lola?" tanong ko kahit na alam ko na ang pinupunto nito. Gusto ko lang marinig mismo sa bibig ni Lola ang totoo.
"Tao rin kami, ngunit may kakayahan kaming magpalit ng anyo bilang isang lobo," napalunok ako nang marinig ko na ang totoo.
"Napapadpad ka sa bayang ang naninirahan ay halos mga taong lobo, ngunit, may mga katulad mo rin na normal na taong naninirahan dito," nakangiti nitong saad at umupo. Sumenyas naman ito sa kaniyang mga apo na lumapit kaya nagsilapitan ito sa kaniya at tumabi sa pag-upo.
"Ang bayan kung saan ka nagmula ay sobrang layo mula dito sa amin, ngunit hahanap ako ng paraan upang makauwi ka," saad nito at nginitian ako bago nagpatuloy.
"Pansamantala, hahayaan kitang tumira muna dito," natuwa ako dahil sa narinig. Alam kong hindi sila masamang tao dahil niligtas niya ako mula sa mga dumukot sa akin. Hindi ko lang maiwasang kabahan sa tuwing sasagi sa aking isipan na hindi sila normal.
Na totoo pala ang mga taong lobo.
Nakakapagtaka lang dahil ang itsura nila ay hindi katulad sa mga nababasa kong libro, mukha lang silang normal na tao.
"Alam kong alam mo na ang totoo naming pagkatao, at hindi ko ipagkakait sa iyo ang totoo dahil alam ko at nakikita kong hindi ka masamang tao," nakangiti nitong saad at tumingin sa kaniyang mga apo.
"Samahan niyo siya sa bayan, kailangan niya ng mga maayos na kasuotan," wika nito sa mga bata na sabay namang tumango bilang tugon.
"Kung mero'n mang magtanong sa kaniyang pagkakakilanlan ay sabihin niyong dayaw lamang siya na napadpad sa ating bayan, maliwanag?" sabay-sabay naman silang tumango at binaling ang tingin sa akin. Mahina naman akong tumango at ngumiti ng tipid.
"Impormahan niyo na rin sa lead warrior ng ating pack ang tungkol sa kaniya," huling saad nito at mabilis naman silang tumango.
Makalipas ang ilang minuto ay tinatahak na namin ang daan papunta ng bayan. Masasabi kong malayo ang tahanan nila sa sentro ng bayan dahil kita ko mula dito sa taas ang mga kabahayan kung saan mas maraming naninirahan. Tila nasa taas ng bundok ang bahay nila, kaya kitang-kita namin ang buong lugar sa baba, kasama na rin ang sentro ng bayan nila.
"Kung nagtataka po kayo bakit malayo po ang aming tirahan sa bayan ay gusto po ni Lola na malayo kami sa mga matataong lugar," napatingin ako sa nagsalita. Marahan akong tumango dahil sa sinabi nito. Kaya pala.
"Anong mga pangalan niyo?" tanong ko ilang sandali dahil hindi ko pa alam ang mga pangalan nila. Kumislap naman ang mga mata ng dalawang bata sa aking tanong at sabay na binigkas ang kanilang mga pangalan.
"Mariel/ Marien," sabay nilang saad habang hindi pa rin inaalis ang mga mata sa akin. Napangiti naman ako at binaling ang tingin sa nakakatanda sa kanila.
"Ako naman po si Mayeth," sabi nito.
"Ang ga-ganda ng mga pangalan niyo," sabi ko at ngumiti ng malapad. Nakakagaan sa pakiramdam ang mga ngiti nila kaya hindi ko din mapigilang hindi ngumiti.
"Ako naman si Lilyana, pwede niyo akong tawaging Lily," sabi ko at sabay naman silang tumango.
Matapos magpakilala ay binaling ko ulit ang tingin sa bayan.
Kapansin-pansin ang mataong lugar doon. Umakyat ang kaba sa sistema ko nang maisip na halos lahat ng nandoon ay hindi normal na tao.
Napansin kong nagsimula na muli silang maglakad kaya sumunod na ako sa kanila. Nasa unahan ang dalawang kambal habang nasa harap ko naman si Mayeth. Sumulyap ito sa akin kaya nginitian ko siya. Lumapit siya sa akin at sinabayan akong maglakad.
Ngunit nang mapatingin ako sa harapan ay muntik na akong mapahinto nang makitang papasok kami masukal na kagubatan. Hindi ko maiwasang isipin ang mga nangyari akin kamakailan lang. Nakita kong napatingin sa akin si Mayeth.
"Huwag kang mag-alala, Ate. Kabisado na namin ang lugar na ito dahil dito kami lumaki. Wala kang dapat ikabahala," pagpapakalma nito sa akin. Nahalata ata ang kaba sa mukha ko.
Pinagpatuloy namin ang paglalakad at ilang sandali pa ay nasa loob na kami ng kagubatan. Nilibot ko ng tingin ang paligid at napaawang ang labi ko sa pagkamangha. Ang mga nagtataasang puno at ang mga sanga nitong tila sinasayaw ng hangin. Ang tahimik ngunit nakakakabang katahimikan ang namayani sa paligid, tanging mga huni lang ng mga ibon at ang bawat tunog na ginagawa ng aming paglalakad sa ilang tuyong dahon na naapakan namin ang tanging naririnig.
Nang masiguradong walang mga nakamasid sa aming paglalakad ay binaling kong muli ang tingin sa harapan.
Paranoid na kung paranoid, pero hindi niyo ako masisisi sa mga nangyari sa akin, hindi ko maiwasang mabahala.
Iniwaksi ko sa aking isipan ang mga bumabagabag sa isip ko dahil hindi lamang ito makakatulong. Nilakasan ko ang aking loob at binilisan ang paglalakad upang makarating na agad kami sa bayan.
Ilang minutong paglalakad pa ay nakikita na namin mula dito sa aming kinatatayuan ang bukana ng kagubatan. Tumingin sa amin sina Marien at Mariel na nakangiti.
"Malapit na tayo sa bayan, Ate. Huwag ka na pong kabahan," nakangiting sabi ni Mariel na lubusan kong ipinagtaka. Paano nila nalaman na kinakabahan ako kanina pa? Pinilit kong lakasan ang loob ngunit nangunguna talaga ang kaba sa sistema ko lalo na nang maisip kong hindi normal ang lugar na inaapakan ng mga paa ko.
Ilang hakbang pa ay nakalabas na kami ng kagubatan at sinalubong kami ng magandang kapaligiran. Hindi ko mapigilang humanga sa ganda ng tanawin na nakikita ko.