CHAPTER 2
Nagising akong masakit ang buong katawan. Pinikit kong muli ang mga mata nang mahilo ako.
Habang nakapikit ang mga mata ko ay hindi ko maiwasang maduwal sa masangsang na amoy galing sa kung saan. Dahan-dahan kong minulat ang aking mga mata at nang maka-adjust ang paningin ko sa madilim na lugar ay sana pala hindi ko nalang binuksan ang mga mata ko.
Sinuyod ko nang tingin ang buong paligid. Puro mga damit ng mga babae ang nagkalat sa harapan ko. May nakita pa akong ilang mga buto? Hindi ko alam kung ng hayop o buto ng tao.
Napalunok ako at napatingin sa aking harapan. May mga bakal na nakaharang na tila selda ang lugar na ito.
Kahit kinakabahan ay dahan-dahan akong gumapang sa maduming semento. Nang makalapit sa mga rehas na bakal ay napahinto ako. Puro marka ng dugo ang naroon. Dugong natuyo na dahil na rin sa tagal na siguro. Kaya rin marahil masangsang ang amoy ng lugar.
Tila impyerno ang lugar na ito sa bawat babaeng madadala dito. Madilim at wala man lang liwanag ang makikita, tila kaunti lang ang hangin dahil sa hirap kong paghinga. Ganoon din sa likod ng mga rehas na nasa harapan ko.
Pawang dilim lamang at ni katiting na liwanag ay wala kang makikita. Napaupo ako dahil sa kawalan ng pag-asa na makakatas pa ako.
Napatingin ako sa labas ng rehas nang makarinig ng mga bulungan at yapak ng mga paa patungo sa kung saan ako. Dahan-dahan akong umatras at hindi gumawa ng kahit na anong ingay.
Tumingin ako sa likod ko at nakitang malapit na ako sa kinahihigaan kong semento kanina kaya mabilis akong gumapang patungo doon at humiga muli.
Tinakpan ko ang mukha ko gamit ang aking buhok kung kaya hindi nila makikitang nakabukas ang mga mata ko bukod sa sobrang dilim dito sa aking kinahihigaan.
Mabilis ang pagtibok ng puso ko sa kabang aking nararamdaman. Nakita kong huminto sila sa harapan, kaya pinikit ko agad ang aking mga mata lalo na at may dala silang lampara. Hinayaan kong nakapikit ang mga mata ko at nakinig sa pinag-uusapan nila.
"Maganda ang babaeng ito, ganoon din ang hubog ng katawan. Tiyak akong malaking salapi ang makakalap natin pag nasalang na siya sa entamblado," narinig kong salita ng lalaki.
"Tama ka. Mabuti pang gisingin na natin siya nang makapagbihis na at madala na natin siya sa Friego."
Makalipas ang ilang minuto lang ay wala na akong narinig na salita ngunit halos mapasigaw ako nang biglang may isang bagay silang pinangpukpok sa selda.
"Gising!" narinig kong sigaw nito ngunit hindi ko dinilat ang mga mata.
"Alam kong gising kana. Huwag mo nang hayaan na makapasok pa ako diyan," malamig at tila galing sa lupa ang boses ng lalaking nagsalita.
Natakot ako sa banta nito kaya, binuksan ko na ang mga mata ko at dahan-dahang umupo. Nakayuko lang ako at tinatakpan ng mahaba kong buhok ang aking mukha . Walang nagsalita at nagulat nalang ako ng biglang may binato sila sa 'kin.
"Suotin mo iyan. Mag ayos ka para naman presentable ka pagdating sa entablado," wika ng isa. Hindi ako nagsalita at nagkunyaring umiiyak. Kailangan kong ipakita sa kanila na mahina ako, nang sa ganoon ay hindi nila maiisip na may plano akong tumakas.
Dahan-dahan kong kinuha ang mga damit na tinapon nila sa direksiyon ko. Napansin kong nawala ang liwanag na dala ng lampara. Senyales na tumalikod na sila. Segundo lang ay madilim na ulit ang lugar. Sinuyod ko nang tingin ang buong lugar. Naghahanap ng pwesto kung saan ako pwedeng magbihis.
Kahit nanghihina ay sinubukan kong tumayo. Sinabit ko sa aking balikat ang damit at napawak sa aking tagiliran.
Naramdaman kong may malapot sa bandang tagiliran ko. Ito ata ang dahilan bakit ako nanghihina. Kahit madilim ay nagsimula akong maglakad.
Kumakapa ako sa aking bawat paglakad dahil wala akong makita. Nakakagulat din na malaki ang seldang ito. Nang may makitang pwesto na hindi ako makikita sa labas ay umupo ako.
Napatingin ako sa aking gilid ng may makitang tela. Kinuha ko ito dahil naisip kong pwede ko itong pangtakip sa aking katawan ngunit halos magulat ako nang malamang butas ito.
Kakasiya ang isang tao sa butas na iyon. Tinignan ko muna ang paligid at nang masigurong walang tao ay naisipan kong pumasok.
Yumuko ako at padapang gumapang. May nakita pa akong harang sa harapan kaya marahan ko itong tinulak. Muntik na itong makagawa ng ingay kaya mabilis ko itong pinigilan.
Nang tuluyang makapasok ay sinuyod ko ng tingin ang paligid. Sa likod ng pader na dinaanan ko ay isang silid. Liwanag lang ng buwan ang nagbibigay liwanag sa madilim na kwartong ito. May kama, kabinet at isang maliit ngunit pahabang lamesa. May nakakalat ding mga damit na sa tingin ko'y sa lalaki.
Humakbang ako nang may makitang kabinet hindi kalayuan sa akin. Maingat ang aking bawat pag hakbang ko dahil na rin sa takot na baka marinig nila ako.
Nang tuluyang makalapit ay may nakita akong patalim sa taas nito. Binuksan ko ang dulo ng kabinet at nakitang may mga patalim din doon.
Mabilis kong tinago ang isa sa likod ko at binaba ang damit ko. Pagkatapos non, ay pumunta naman ako sa pahabang lamesa.
Napaatras pa ako nang may makitang dugo doon. Ngunit ang nakakuha ng atensiyon ko ay ang perang nakakalat dito. Hindi naman siguro mahahalata na kumuha ako roon. Mabilis kong sinilid sa aking bulsa ang ilang salapi. Sinulyapan ko ang pinto. Naisip kong baka bumalik na sila sa selda kaya mabilis akong umalis na doon.
Ilang sandali ay nakabalik na ako sa seldang kinaroroonan ko kanina. Binalik ko ulit ang telang nakatabon doon at mabilis na nagbihis. Hindi ko makita ang disenyo ng kasuotan ko ngunit nararamdaman kong hapit ito sa aking katawan.
Hanggang tuhod ito at sleeveless. Hindi ko na tinanggal ang pantalon ko, tinaas ko na lamang ito hanggang tuhod. Pagkatapos ay sinuot kong muli ang jacket upang matakpan kahit papaano ang balat ko.
Bumalik akong muli sa aking kinahihigaan kanina at umupo. Laking pasalamat ko na hindi pa sila nakakabalik. Hinawakan ko ang patalim sa aking likuran. Makalabas lang ako sa impyernong lugar na ito ay sisiguraduhin kong makakatakas ako.
Kung sino man ang gumawa ng butas sa silid na iyon ay alam niyang may babae pang malalagay sa kalagayan niya, kaya niya ito ginawa.
Ilang minuto pa ay dumating na sila. Inilawan nila ang kinauupuan ko at napansin kong napangisi sila. Pinasadahan nila ng tingin ang kabuan ko at nahinto sa binti ko. Magkasalubong na kilay akong tumingin sa kanila.