Chapter 48.2

"W-Wala akong pipiliin."

Hindi napigil ni Raya Fae ang paglandas ng kanyang luha.

Bakit pakiramdam niya ay may bahagi ng puso niya ang humapdi.

Hindi ba pumunta si Damielle Astin upang iligtas sila?

At papanoorin lamang ba siya nitong mamatay?

Kung sabagay, bakit naman siya ililigtas ni Damielle Astin? Hindi siya mahal nito. Oo nga't mag-asawa sila ngunit iyon ay sa papel lamang. Pinakasalan lamang siya nito para sa mga anak nila.

Hindi mawari ni Raya ngunit tila lalong humapdi ang kanyang puso sa ideyang pumasok sa kanyang isipan.

"Kung ayaw mong mamili, ako ang pipili." Muling kumilos ang kamay ni Rio upang tutukan ng baril si Raya. Lalo namang nanginig si Raya Fae kasabay ng pagtulo ng kanyang luha. Aniya, katapusan na niya. Mangyayari na ang plinano ni Rio Costor.

Ngunit bago pa magtagumpay si Rio na maitutok ang baril kay Raya ay umalingawngaw ang putok ng baril. Tumama iyon sa mismong baril sa hawak ni Rio. Sa gulat niya ay tumilapon ang baril.

Bago pa siya makahuma ay nagsalita si Damielle Astin kasabay ng paglabas at pagtutok nito ng forty-five calliber na baril kay Rio Costor.

"One wrong move from your men then you'll get shot on your heart or worse... on your head."

At tila tumigil ang ikot ng mundo ni Rio nang makita niya ang kulay pulang marka ng laser ng sniper gun sa tapat ng kanyang dibdib.

Napalunok siya. Pakiramdam niya ay nanuyo ang kanyang lalamunan sa labis na kaba. Parang kahit paghinga ay gusto na niyang pigilan.

"Boss." Hindi naiwasang maisatinig ni Runo nang makita niya ang kulay pula ring marka ng laser sa ulo ng kanyang amo.

"Now, give me my wife."

Nagngitngit naman ang kalooban ni Rio ngunit wala siyang magagawa.

"I-Ibigay niyo sa kanya si Raya." Hindi niya naiwasang mapakuyom ng kamao.

"D-Damielle." Lalo namang naluha si Raya Fae.

Pakiramdam niya ay hinaplos ang kanyang puso. Ngayon, alam na niya, pinuntahan nga sila ni Damielle Astin upang iligtas.

"Come, Raya." Masuyong tumitig si Damielle Astin sa kanyang misis. At hindi niya naitago ang takot sa kanyang mga mata habang nakatitig sa kanyang misis. Isang pagkakamali lamang ay maaari rin silang mapahamak. Marahan siyang kumilos palapit upang salubungin ang kanyang nanginginig na si Raya. Kitang-kita rin ang takot sa mga mata nito.

"Don't be afraid. I'm already here."

Naging malikot naman ang mga mata ni Runo. Isang hakbang na lamang ang layo nina Damielle Astin at Raya nang makahanap siya ng pagkakataon. Mabilis niyang hinila si Rio at pinaputukan ng baril si Raya Fae. Mabuti na lamang at naging maagap si Damielle Astin. Mabilis niyang nahila at nayakap ang kanyang misis.

Nagawang maiputok ng mga sniper ang baril nila ngunit sa dingding na iyon tumama.

Naging mabilis naman na nag-bigay ng cover ang mga tauhan ni Astin sa kanilang mag-asawa. Hanggang sa makahanap sila ng malaking poste ng mansiyon na pwede nilang pagtaguan.

Nagsimulang magkapalitan ng putukan.

"Damn you, Astin! I'll make sure you'll regret it!" Sigaw ni Rio mula sa pinagtataguan nito.

"No, Rio! Ikaw ang magsisisi sa ginawa mong 'to. Nagkamali kang idinamay mo ang pamilya ko!" Ganting sigaw ni Damielle.

Magsasalita pa sana siya ngunit natigil siya nang maramdaman niya ang paghawak ni Raya Fae sa kanyang kamay. Awtomatiko siyang napalingon rito.

"Damielle, ang mga bata." Kitang-kita pa rin ang hilam na luha sa mga mata nito.

Masuyo namang hinaplos ni Damielle Astin ang kanyang pisngi.

"Don't worry, ililigtas natin sila. How are you? Hindi ka ba nila sinaktan?"

Umiling siya bilang tugon. Pinilit rin niyang huwag maluha. Hindi niya mawari ngunit hindi niya mapigil ang sariling maging emosyonal. Labis-labis siyang natatakot sa maaaring sapitin ng kanyang mga anak.

Nasa gano'n silang ayos nang marinig nila ang sigaw ni Rio sa gitna ng putukan.

"Ang mga bata!"

Parehong napalingon sina Raya Fae at Damielle Astin sa monitor. Mula roon ay kitang-kita ang pagbaril ni Milo sa tauhan ni Rio na nakabantay sa mga bata. Kitang-kita rin ang pagdala ni Milo sa mga bata palabas ng silid.

"P*tangina! Sundan natin si Milo. Itinakas niya ang mga bata."

"Alegrado, boss." Kumilos ang mga tao ni Rio upang sundan ang kambal na itinatakas ni Milo Costor.

Pinaulanan naman ng bala ng mga tauhan ni Damielle Astin ang mga tao ni Rio. May ilan na ang nalagas ngunit may mga nagtagumpay namang makapagtago.

"Kilos na! Huwag niyo hayaang makatakas ang dalawang bata! Patayin niyo na sila sa oras na makita niyo sila!"

Lalo namang nakamramdam ng takot si Raya Fae. Tila naghurumentado ang kanyang puso.

"Puntahan natin ang mga bata." Kumilos ang kanyang paa ngunit mabilis siyang nahila ni Damielle Astin. Naging dahilan din iyon upang mapalingon siya sa kanyang mister.

"Kami na ang bahala." Sumenyas siya sa tauhan niyang si Thano. Mabilis namang lumapit ang lalaki. "Sumama ka kay Thano. Iuuwi ka na niya sa bahay."

Mabilis namang umiling si Raya Fae. Agad rin siyang kumawala sa pagkakahawak ng kanyang mister.

"Hindi! Hindi ako uuwi hangga’t hindi ko kasama ang mga anak ko." Muli siyang humakbang ngunit muli siyang pinigilan ni Damielle Astin.

"But Raya, this is for your own safety."

Muling umiling ang babae. Marahas niyang tinabig ang kamay ng kanyang asawa.

"No, Damielle!" Hindi na niya napigil ang maghisterikal. "Walang silbi na ligtas ako kung 'di ko kasama ang mga anak ko!"

Bago pa makaimik si Damielle Astin ay mabilis na nahugot ni Raya Fae ang baril sa nasa tagiliran ni Thano.

Mabilis rin niya iyong naitutok sa nagulat na tauhan.

"R-Raya, please put it down." Marahan itinaas ni Damielle Astin ang kamay nito upang pakalmahin ang babae ngunit sa halip na makinig ay agad namang kumilos ang kamay ni Raya Fae at sunod na itinutok ang baril sa kanya.

"Ililigtas ko ang mga anak ko."

Kumilos ang mga paa nito paatras nang makahanap siya nang tiyempo ay agad siyang tumakbo patungo sa direksyon ng silid na pinagkulungan sa kanilang mag-iina.

"Raya!" Narinig pa niyang sigaw ni Damielle Astin ngunit ipinagsawalang-bahala niya iyon.

Desidido na siya. Handa siyang suungin kahit anong kapahamakan, masiguro lamang niyang ligtas ang kanyang mga anak.