Chapter 47.2
"Boss! Dumating si Astin Villacorda!" Iyan ang ibinalita ng hinihingal na tauhan ni Rio. Hindi naman napigil ni Rio ang mapatayo mula sa pagkakaupo.
"Paano niya tayo natunton?"
Nagngitngit ang kanyang kalooban. Hindi niya inaasahang alam na nang lalaki na buhay pa siya.
"Pinagpipilitan niyang pumasok, boss. Gusto ka raw niyang makausap."
Bago pa makaimik si Rio Costor ay narinig na niya ang tinig ng kanyang kaaway.
"Harapin mo ako, Rio!"
Umigting naman ang panga ni Rio Costor.
"Ang tapang din ng lalaking 'to para sumugod dito." Humakbang siya at agad na tinungo ang malaking tarangkahan ng mansion.
"Dati naman na siyang matapang, boss."
Agad naman siyang napalingon sa kanyang tauhan. Hindi rin niya napigil ang sariling panlisikan ito ng mata.
"Lumabas ka diyan, Rio! Ako ang harapin mo at huwag mong idamay ang pamilya ko sa gulo natin!"
Lalo tuloy nanggigil si Rio sa ideyang nagawang makapasok ni Damielle Astin sa kanyang bakuran.
Nasa bungad pa lamang siya ng pinto ay agad na niyang nakita si Damielle Astin Villacorda. Bumalik na ang dating mukha ng lalaki. Tila nga mas lalo pang kumisig ito. Wala na ang pilat sa pisngi nito na ginamit niya upang makapagbalat-kayo bilang Damie Vallejos.
Humalukipkip siya at sinalubong ang tingin ni Damielle Astin. Napapalibutan ng si Damielle Astin ng mga tauhan nito na nagsilbi niyang pananggalang. May hawak na de kalibreng armas ang mga ito at nakikipagtutukan ng baril sa kanyang mga tauhan.
"I didn't expect having an unexpected and unwelcomed visitor!"
"I came here to claim my family." Hindi kakikitaan ng kahit anong emosyon ang mukha ni Damielle Astin. Hindi tuloy mawari ni Rio kung sadyang matapang ba ang lalaki o nagtatapang-tapangan lamang.
Pinaningkitan naman siya ng mata ni Rio Costor.
"Makukuha mo lang ang pamilya mo kung bangkay na sila, Astin."
"Name what you want, Rio. Ibibigay ko kapalit ng pamilya ko."
Gumuhit naman ang ngisi sa labi ng lalaki.
"Eh paano kung sabihin kong wala akong ibang gusto kundi ang patayin ang pamilya mo?"
Hindi naman napigil ni Damielle Astin ang pag-igting ng kanyang panga.
"At ang lakas din ng loob mong sumugod sa teritoryo ko, Astin. With the few numbers of your men you have right now, pwede na kitang patayin ngayon."
Totoo iyon. Dehado ang kampo ni Damielle Astin dahil sampung tauhan lamang ang dala nito.
"Your death will also means victory to me and the whole Black Cult."
Muling gumuhit ang ngisi sa labi nito.
"But I don't want to see you dying. I want to see you breaking so hard."
Nanatili namang mahinahon si Damielle Astin. Sa pakikipag-usap niya kay Milo Costor ay natanto niya ang gustong mangyari ni Rio, iyon ay paghigantihan siya sa pamamagitan ng pananakit ng damdamin nito. At hindi niya hahayaang mangyari iyon.
"Pakawalan mo ang mag-iina ko then you can do everything that you want from me."
Hindi naman naiwasan ni Rio Costor ang mapahalakhak.
"Hindi ako bobo para gawin 'yan, Astin. Sorry na lang dahil hindi kita mapagbibigyan."
Napakuyom naman ng kamao si Damielle Astin. At hindi iyon nakaligtas sa paningin ni Rio.
Gumuhit ang munting ngiti sa labi nito.
"But I have a sudden change of plan."
Nang hindi umimik si Damielle Astin ay muli siyang nagsalita.
"Alam mo ba kung anong plano ko?" Tumalim ang titig nito bago nagpatuloy. "Papatayin ko ang mag-iina mo tapos ipapadala ko sa 'yo ang mga ulo nila."
Humalakhak ito ng nakakakilabot.
"Hindi ba napakagandang regalo ng naiisip ko?"
Mariing naglapat ang mga labi ni Damielle Astin. Matiyak lang niyang ligtas na ang mag-iina niya ay sisiguraduhin niyang magsisisi nang husto si Rio Costor.
Napahawak ng kanyang baba si Rio.
"Pero dahil nag-effort kang pumunta rito, biglang nagbago ang isip ko. Pagbibigyan kitang makita ang pamilya mo, Astin."
Bago pa makaimik si Damielle Astin ay muli siyang nagsalita.
"How about you come in first?" Inilahad ni Rio ang kanyang kamay na tila nagsasabing pumasok sila sa bahay. Nang hindi umimik si Damielle Astin ay nagpatiuna ito sa pagpasok.
Hindi naiwasan ni Damielle Astin ang pagkabog ng kanyang dibdib. Sa pagpasok nila sa loob ng mansion ni Rio ay maaaring naghihintay sa kanila ang isang patibong.
Ngunit makalipas ang ilang sandali ay lakas loob na ring humakbang papasok ng mansion si Damielle Astin. Sumunod naman sa bawat hakbang niya ang mga tauhan niya. Nanatiling nakatutok ang baril ng mga ito sa mga tauhan ni Rio. Gano'n din ang kabilang panig. Matalim ang titig nila sa isa't-isa na tila anumang oras ay nakahanda silang kalabitin ang gatilyo.
Huminto si Rio nang makarating sila sa sala. Agad rin itong humarap kay Astin. Unti-unti ring gumuhit ang ngisi sa labi nito.
"Gaya nga ng sabi ko, biglang nagbago ang isip ko. Sa halip na ipadala ang ulo nila sa 'yo, mas mabuti kung papatayin ko na lang sila mismo sa harapan mo."
Pilit na lamang tinimpi ni Damielle Astin ang sarili. Ilang sandali namang naglakad-lakad si Rio bago muling nagsalita.
"But I will give you privileges. Hahayaan kitang mamili kung sinong uunahin kong patayin sa kanila." Nakaguhit ang malademonyong ngiti sa labi nito.
"Hayop ka, Rio!" Ngunit ang nanggagalaiting tinig ni Damielle Astin ay nanatili na lamang sa kanyang isip.
"I'll make sure, you'll never forget this night."
Bago pa makaimik si Astin ay bumakas na ang LED screen ng sala. Sa laki nito ay para na silang nasa sinehan. Mula roon ay makikita si Raya at mga bata. Pare-parehong nakasalampak ang mga ito sa malamig na sahig.
"Raya! Yoohoo!" Awtomatikong iginala ni Raya ang tingin sa paligid nang marinig niya ang tinig ni Rio sa speaker na nasa loob ng silid.
"My dear Raya, guess what? Your beloved husband is here."
Mabilis na napatayo si Raya Fae. Gano'n din ang mga bata. Pareho-pareho nilang iginala ang paningin.
"Mukhang gusto niya kayong iligtas. Pero ang gunggong, pumunta rito na sampo lang ang tao."
Humalakhak si Rio.
"Where's Damielle?" Kitang-kitang ang takot sa mga mata ng babae.
"Daddy!" Halos magkasabay na hiyaw ng kambal.
"Makikita niyo siya mamaya pero sa ngayon makinig ka muna sa 'kin dahil may ikukuwento ako sa 'yo. Well, pinapapili ko siya kung sinong uunahin ko pero ayaw naman niyang pumili." Gumuhit ang nakakakilabot na ngiti sa labi nito. "Kaya ako na lang ang gagawa."
Matapos iyon ay sandali itong bumaling kay Runo.
"Ilabas niyo 'yong salbaheng bata. Siya ang uunahin ko sa mismong harapan ng kanyang ama."
"No!" Mabilis na niyakap ni Raya ang kanyang mga anak. "Maawa ka, Rio. Huwag ang mga anak ko."
Bumuhos ang luha sa mga mata ni Raya Fae. Kitang-kita ring ang panginginig nito.
"Damn you, Rio!" Hindi na natimpi ni Damielle Astin ang sarili.
Tumikwas naman ang makapal na kilay ng lalaki.
"Ayaw niyo ba? Madali naman akong kausap. Sige iyong mas mabait na lang ang uunahin ko. Tutal deserve na niyang mapunta sa langit."
"Huwag, please." Lalong humigpit ang pagkakayap ni Raya sa kanyang mga anak. "Don't do this, please."
"Mommy." Napahagugol naman ng iyak ang batang si Damon. Nanguyom naman ang kamao ng batang si Devonne. Kitang-kita ang panlilisik ng mga mata nito.
Inilagay ni Raya Fae ang mga bata sa kanyang likod. Buong tapang siyang tumingala at tumitig sa inaakala niyang camera.
"Rio, ako na lang, please. Huwag ang mga anak ko." Patuloy pa rin ang pagluha nito. "Ako na lang."
"Raya, no!" Mabilis na nasambit ni Damielle Astin. Naging dahilan naman iyon upang mapalingon sa kanya si Rio Costor.
"Ohhh." Gumuhit ang ngisi sa labi nito.
Huli na nang matanto ni Damielle Astin na hindi niya napigil ang sarili.
Bago pa siya makaimik ay muling nagsalita si Rio.
"Your wish is my command, my dear Raya."
"Damn you!" Pakiramdam ni Damielle Astin ay para siyang maluluha dahil sa labis na takot at galit.
Ilang sandali lamang ay bumukas ang pinto ng silid na kinaroonan ng mag-iina. Pumasok mula roon si Runo at isa pang armadong lalaki.
"Dalhin niyo ang babaeng 'yan!"
"Mommy!" Hiyaw naman ng batang si Damon nang hawakan ni Runo ang kanilang ina.
"You ugly man, let go of my mom!" Pilit na hinila ni Devonne ang kamay ni Raya.
Agad namang itinutok ni Runo ang baril nito sa bata.
"Tumahimik kang bata ka! Baka pasabugin ko 'yang bibig mo!"
Nanlisik na lamang ang mata ng bata. Hindi rin nito naitago ang pagkuyom ng kanyang mga kamao.
"Devonne." Umiiyak ang batang si Damon na yumakap sa kanyang kakambal.
Bago pa nila tuluyang mailabas ang umiiyak na si Raya Fae ay lumingon siya sa dalawang bata.
"Always remember, mommy loves you so much."
"Mommy!" Pumalahaw ng iyak ang batang si Damon nang muling hilain palayo ni Runo ang kanilang ina. Hindi na rin napigil ni Devonne ang sariling mapaluha.
Napaikot naman ng mata si Rio Costor matapas makita sa screen ang nangyari.
"Kayda-drama nga naman talaga."
"You'll regret this, Rio." Ugong naman ng isipan ni Damielle Astin. Ang matalim nitong titig ay hindi naman nakaligtas sa paningin ni Rio.
"Huwag mo muna akong titigan ng masama. Saka mo na gawin 'yan kapag bumabaha na ang dugo ng mag-iina mo sa harap mo."
Hindi na nagawang makaimik ni Damielle Astin nang makita niya sa 'di kalayuan ang papalapit niyang asawa at mga tauhan ni Rio.
"Raya," sambit ni Damielle Astin. Kung pwede lang sana siyang lumapit upang yakapin ang babae ay kanina pa niya ginawa.
"Damielle," lumuluhang sambit ni Raya Fae.
At tila tumalon ang puso ni Damielle Astin nang itutok ni Rio Costor ang baril sa kay Raya.
"Ngayon, Astin, ikaw na ang mimili. Saang parte ko babarilin ang asawa mo?"