Chapter 46.2

Hindi naiwasan ni Raya Fae ang mapalingon sa pintuan nang bumukas iyon. Mula roon ay pumasok ang isang lalaking nakasuot ng black rugged jeans at kulay kremang T-shirt. Naging simple ang hitsura nito dahil sa suot nitong step in. Mapapansin ang maputi nitong balat, natural na mapulang labi, matangos na ilong at singkit na mga mata. Maamo ang mukha nito ngunit dahil nasa poder sila ng kaaway, natitiyak niyang halang din ang bituka ng lalaki.

"Raya Escobar?"

Hindi umimik si Raya sa halip ay kumilos ang mga kamay niya upang yakapin ang kanyang mga anak.

"I brought some food." Inilahad ng lalaki ang food tray na hawak nito kasabay ng lalo pa niyang paglapit sa mag-iina.

"Kain na." Gumuhit ang munting ngiti sa labi nito kasabay ng paglapag nito ng tray sa harap nilang mag-iina.

Tila parehong natakam ang dalawang bata nang makita nila ang fried chicken na dala ng lalaki. Kumilos ni Damon upang lumapit sa kunin ang pagkain ngunit mabilis na napigilan ni Raya Fae ang kamay nito.

"Sandali lang." Mabilis na wika ni Raya. Naging dahilan rin iyon upang mapalingon sa kanya ang mga bata. Kitang-kita ang tila nagtatanong nilang mga mata.

"Titikman muna ni Mommy, okay?"

Kitang-kita ang pag-aalinlangan sa mukha ng babae habang nakatingin sa pagkaing nakahain sa kanilang harapan.

"Don't worry, walang lason 'yan." Mahinahon namang wika ni Milo. Umupo rin ito upang mapantayan ang mag-iina.

"Safe 'to, ako mismo ang nagluto nito. At saka, masarap kaya luto ko." Kasabay no'n ay ang pagkuha ng pagkain. Walang alinlangan niya iyong sinubo at nginuya.

Napaawang naman ng bibig ang dalawang bata habang nakatingin sa estrangherong lalaki.

"Kain na." Nakangiting yaya nito sa dalawa. Nagkatinginan naman ang kambal. Ilang sandali lamang ay kumilos na si Devonne. Marahan itong kumilos na tila nag-aalinlangan. Nang makakuha ng pagkain ang bata ay sunod namang kumuha ang kakambal nito.

Tila nananuyo naman ang lalamunan ni Raya Fae. Hindi niya mawari kung paano siya aakto.

"How old are you, children?" Magiliw na tanong ng lalaki sa dalawang bata. Nagpatuloy din ito sa pagkain na tila ba nasa isang salu-salo lamang sila.

"Four, mister." Si Damon ang sumagot.

Napatango naman ang lalaki.

"You have the same age with my son." Gumuhit ang ngiti sa labi nito ng lalaki. "He's also adorable just like you."

Nanatili namang nakamasid sa kanila si Raya Fae.

"Really, mister?" Sa isang iglap ay tila naging komportable na ang batang si Damon sa lalaki. Nanatili namang walang imik ang kapatid nitong si Devonne bagama't halatang nakikinig naman sa usapan.

"Yes. He also loves playing volleyball."

"I love that game, too!" Hindi naitago ng batang si Damon ang excitement. "Maybe we can play together."

Hindi mawari ni Raya Fae ngunit tila napansin niya ang unti-unting paglaho ng ngiti ng lalaki. Ngunit makalipas ang ilang sandali ay gumuhit ang tila pilit na ngiti sa labi nito.

"For sure, he would love that." Marahan din nitong hinaplos ang ulo ng bata. Napahagikgik naman si Damon bago ito muling nagpatuloy sa pagkain. Napunta naman ang tingin ng lalaki kay Raya Fae. Mukhang naramdaman nito ang paninitig sa kanya ng babae.

"Kain ka. Marami naman 'tong dala ko." Magiliw niyang yaya sa babae. Ngunit sa halip na tumugon si Raya Fae sa tanong nito ay muli itong nagtanong.

"Sino ka ba?" Pinakatitigan niya ang lalaki. "Hindi ka mukhang tauhan ni Rio."

Bukod kasi sa maamo nitong mukha ay wala rin itong dalang baril, hindi gaya ng mga lalaking kumalag sa kanyang tali kanina.

Ngumiti naman ang lalaki.

"Well, you're right. Hindi niya ako tauhan." Tumayo ito sa pagkakaupo. "Pero hindi na importante kung sino ako. Ang role ko lang naman dito, bigyan kayo ng makakain niyo."

Nang hindi umimik si Raya ay muli itong nagsalita.

"Maiwan ko na kayo."

Humakbang ang paa nito paalis ngunit natigil siya nang magsalita si Raya.

"Sandali!"

Muli namang napatingin sa kanya si Milo Costor.

"Kung hindi ka niya tauhan, then bakit ka nandito?"

"Because I can access the place. Hindi niya ako tauhan pero pwede natin sabihin na pinagkakatiwalaan niya ako."

Muli siyang kumilos upang umalis na ngunit mabilis na nagsalita si Raya kasabay ng pagtayo nito.

"Sandali lang muna."

Nang muling tumitig sa kanya si Milo ay binigyan niya ito ng tinging tila nagsusumamo.

"Kung pinagkakatiwalaan ka niya, ibig sabihin, alam mo kung anong plano niyang gawin sa amin."

Hindi naman umimik si Milo. Sa halip ay nanatili itong nakatitig sa babae. Sinamantala naman iyon ni Raya Fae upang magpatuloy sa pagsasalita.

"Tulungan mo kami please." Magkadaop ang palad ni Raya kasabay ng pagtawid nito sa kanilang distansiya. "Parang awa mo na, tulungan mo kaming makatakas."

Napabuntong-hininga naman ang lalaki. Hindi rin niya naiwasang maawa sa babaeng lumuluha sa harapan niya.

"Gusto ko man pero hindi naman gano'n kadali 'yon. Pasensya na, hindi ko kayo matutulungang makatakas."

Tila naman pinanghinaan ng loob si Raya Fae. Aniya, bakit pa nga ba niya hiniling na tulungan sila ng lalaki? Sa sitwasyon nila ngayon ay malabong may tumulong sa kanila. Kahit pinakitaan sila nito ng mabuti ay kay Rio pa rin ito nakapanig.

"Hindi ko kakayanin ang maraming tauhan ni Kuya. Pasensya ka na."

Tuluyan itong humakbang patungo sa pinto. Humawak ito sa seradura at handa nang lumabas nang muli itong lumingon sa kanila.

"The least thing I can do is to tell Astin your whereabouts. Siya lang ang nakikita kong makakapagligtas sa inyo."

Hindi naman naiwasan ni Raya Fae ang pagkabog ng kanyang dibd*b. Kahit papaano ay nabuhayan siya ng pag-asa na maliligtas sila ngunit hindi niya naiwasang matakot. Aniya sa isip, paano kung si Damielle naman ang mapahamak.

"Maraming tauhan ang Red Majesty, siguradong kakayanin nila kayong iligtas."

Hindi naman naiwasan ni Raya Fae ang mapakunot-noo.

"Red Majesty?" Hindi na lingid sa kanyang kaalaman ang naturang samahan dahil sa illegal na gawain ng organisyon gaya ng pagkasangkot nito sa human trafficking at illegal drugs.

"Bakit makikialam ang Red Majesty sa pagliligtas sa 'min?"

Hindi naman naiwasan ni Milo ang mamutla. Sa tinuran ng babae ay natiyak niya na wala itong alam sa Mafia na pinamumunuan ng kanyang mister. Hindi naman nakaligtas sa paningin ni Raya ang pamumutla ng lalaki.

Lalo tuloy kumabog ang kanyang dibd*b. Bigla rin niyang naalala na minsang tila narinig niyang winika ni Damielle Astin ang salitang Mafia.

Napalunok siya. Nabuo ang isang hinuha sa kanyang isip ngunit gusto pa rin niyang makasiguro.

"Anong kinalaman ni Damielle sa Red Majesty?"