Chapter 46.1

"Kuya, ano 'to?" Kitang-kita ang pagtutol sa mukha ni Milo Costor. "Seryoso ka ba talagang papatay*n mo ang mga bata?"

"Huwag kang makialam dito, Milo. Labas ka sa gulong ito!" Mariing wika ni Rio sa kanyang kapatid.

Hindi naman naiwasan ni Milo ang mapabuntong-hininga. Walang alinlangan din itong sumunod sa kanyang kapatid at lakas loob nitong inihayag ang kanyang argumento.

"Labas din ang mga bata sa gulo niyo ni Astin Villacorda, Kuya. At isa pa, hindi ka ba naaawa sa mga bata? May anak din ako, Kuya. At hindi ko kakayanin kapag nangyari rin sa anak ko ang plinaplano mong gawin sa mga anak ni Villacorda. Paano kung ganyan din ang gawin sa 'min ng mga kalaban ko sa negosyo?"

"Hangga't isa kang Costor, walang gagalaw sa anak mo, Milo." Lalo nagngitngit ang kalooban ni Rio sa inaasta ng kanyang kapatid. Gayunpaman ay tila naman hindi inintindi ni Milo ang mukha niyang namumula at kulang na lamang ay umusok sa galit.

"Hindi tayo nakakasiguro diyan, Kuya."

Hindi naman naiwasan ni Rio ang pag-igting ng kanyang panga sa tinuran ng kapatid. Ngunit bago siya makaimik ay muling nagpatuloy si Milo.

"Iba na lang kasi , kuya. Sa ibang paraan ka na lang maghiganti." Kitang-kita ang pagsusumamo sa mga mata nito. Lalo tuloy kumulo ang dugo ni Rio sa narinig.

"Nakalimutan mo na bang mortal na kaaway ng Black Cult ang Red Majesty? Nakalimutan mo na ba kung gaano kalaking perwisyo ang ginawa ng Red Majesty sa kabuhayan natin? Ipapaalala ko lang sa 'yo dahil mukhang nakalimutan mo na kung gaano kasalot si Astin Villacorda sa buhay natin. Itong gagawin ko, nararapat lang 'to sa lahat ng perwisyong binigay niya sa 'tin."

Muli namang napabuntong-hininga si Milo Costor.

"Hindi ako tutol sa paghihiganti mo, Kuya. Pero 'yong idamay mo 'yong mga batang walang muwang sa away ng Mafia, sobra na 'yon. Hindi na 'yon makatwiran."

Napailing naman si Rio Costor. Mahina rin itong napahalakhak kasabay ng paghakbang nito patungo sa wine rack.

"Makatwiran?" Mapaklang turan nito kasabay ng pagsasalin niya ng alak sa baso. Matapos iyon ay muli siyang tumingin sa kanyang kapatid at nagpatuloy sa pagsasalita.

"Really, Milo? Kailan pa nauso ang salitang makatwiran sa Black Cult? Halang ang bituka natin. Nananamantala at pumapatay tayo ng mga tao. Lahat ng ginagawa natin ay illegal. Nasa'n doon ang salitang makatwiran?"

"Pero, Kuya---" Hindi nito nagawang tapusin ang kanyang sasabihin nang muling magsalita si Rio.

"Killing Astin's children will be my victory. Sa gano'n paraan lang ako makakaganti kay Astin. Ang pagkitil ko sa buhay ng mga anak niya ang tanging alam kong makakadurog sa kanya nang husto," turan nito kasunod ng pagtungga niya ng alak.

"May iba pang paraan, Kuya."

Muli namang napabaling si Rio sa kanyang kapatid.

"At ano naman ang ibang paraan na 'yan, huh?"

Tila sandali namang nag-isip si Milo bago siya lakas loob na magbigay ng suhestiyon.

"Sirain mo ang relasyon nilang mag-asawa. Palabasin mong may kabit ang misis niya."

Hindi naman naiwasan ni Rio ang mapataas ng kilay sa suhestyon ng kapatid niya.

"Narinig ko ang usapan niyo kanina, kuya. Si Raya Escobar na rin ang nagsabi na handa siyang gawin lahat para sa kanyang mga anak, then grab it. Sabihin mo sa kanyang makipaghiwalay siya kay Villacorda para sumama sa'yo."

Napailing naman si Rio Costor.

"I'm not interested to that woman, Milo. Aanhin ko ang babaeng pinagsawaan na ni Astin?"

Lalo namang lumapit sa kanya si Milo. Nagpatuloy ito sa pagkumbinsi sa kanya.

"Kung ayaw mo sa kanya, edi palabasin na lang ninyo na iiwan niya ang mag-aama niya para sa 'yo. That's the best revenge for Astin Villacorda. Maipaparamdam mo na rin sa kanya kung paano ang pakiramdam ng ipagpalit sa iba. Siguradong sobra siyang masasaktan, kuya, dahil sa dami ng lalaki, sa mortal pa niyang kaaway sasama ang misis niya."

Tila naman namait ang panlasa ni Rio sa narinig. Sa suhestiyon ng kanyang kapatid ay tila ipinaalala lamang nito ang nakaraan--ang pakiramdam ng maiwan at ipagpalit sa taong sobra-sobra niyang kinaiinisan.

Hindi naitago ni Rio ang pagkalukot ng kanyang mukha.

"Enough with your pathetic suggestions, Milo. Nakapadesisyon na ako. Wala akong ibang gusto ngayon kundi kitlin ang buhay ng mga tagapagmana ni Astin."

"Kuya--" Hindi niya nagawang maipahayag ang pagtutol nang itaas ni Rio ang palad nito na tila nagsasabing tumigil na siya.

"Enough, Milo! Hindi mo mababago ang isip ko. Huwag mo akong kulitin pa dahil baka sa 'yo ko maibunton ang galit ko. Baka makalimutan kong kapatid kita."

Napabuga na lamang ng hangin si Milo. Nag-iwas naman ng tingin si Rio at nagpatuloy sa pagtungga ng alak. Namayani ang sandaling katahimikan. Nang hindi siya makatiis ay muli siyang nagsalita.

"Okay fine, Kuya, hindi ko na kokontrahin ang desisyon mo. Pero sana man lang bigyan mo rin sila kahit pagkain man lang."

Hindi naman naiwasan ni Rio ang mapabaling sa kanyang kapatid.

"Nakakaawa kasi sila, Kuya, lalo na 'yong mga bata. Mula noong dumating sila dito, isang beses pa lang silang binigyan ng pagkain."

Napahilot naman ng kanyang sentido si Rio Costor.

"Feed them if you want. Umalis ka na nga sa harapan ko, baka hindi kita matantiya!" Iritadong wika nito.

Lupaypay naman ang balikat ni Milo na tumalikod upang tunguhin ang pinto. Nakakailang hakbang pa lamang siya nang muling magsalita ang nakakatanda niyang kapatid.

"Siguruhin mo lang na pagpapakain lang ang gagawin mo sa kanila. Kung plinaplano mo silang iligtas, huwag mo nang tangkain. Hindi kita mapapatawad kapag sinira mo ang plano ko, Milo."

Napalunok naman si Milo bago siya lumingon sa kanyang kapatid.

"Huwag kang mag-alala, Kuya, wala akong planong gawin 'yan. At saka isa pa, bantay sarado ang hide out, malabong mailabas ko sila rito."

Nanatili naman ang mariing titig sa kanya ni Rio na tila ba tinatantiya ang binitiwan niyang salita. Nang hindi ito umimik ay muli siyang nagsalita.

"Sige, kuya, alis na ako."

Nanatili namang walang imik si Rio Costor. Nanatili rin itong nakatitig sa papalayo niyang kapatid.

Hindi niya maintindihan ang malasakit na ipinapakita ng kapatid niya sa anak ng kaaway nila.

Ngunit malinaw kay Rio ang dapat niyang gawin, sa oras na traydurin siya ni Milo, hindi siya mangingiming patay*n ito.