Chapter 45.1
Nagising si Raya na tila sasabog ang ulo niya sa sobrang sakit. Kumilos ang kamay niya upang sapuin ang kanyang ulo ngunit hindi siya nagtagumpay dahil sa bagay na pumipigil sa kanyang kamay. Awtomatikong napunta roon ang kanyang tingin. At tila lalong nagising ang kanyang diwa nang makita niyang nakatali paitaas ang kanyang kamay. Noon rin niya natanto na nakatayo siya at nakatali ang kanyang kamay. Pinilit niyang magpumiglas ngunit sadyang mahigpit ang pagkakatali sa kamay niya.
"Huwag mo nang piliting tumakas pa."
Awtomatiko siyang napatingin sa pinagmulan ng tinig. Iyon ay galing sa isang lalaking matangkad at malaki ang pangangatawan. Nakasuot ito ng itim na T-shirt at kitang-kita ang braso nitong punong-puno ng tattoo.
"Sino ka?" Iginala niya ang paningin sa silid ngunit wala siyang nakitang kahit sinuman maliban sa kanilang dalawa. "Nasa'n ang mga anak ko?"
Sa halip na sumagot ay gumuhit naman ang nakakakilabot na ngisi sa labi ng lalaki.
"Sino ka ba? Bakit mo 'to ginagawa? Wala naman akong kasalanan sa'yo."
Bago pa makaimik ang lalaki ay nakuha ng isang tinig ang atensiyon nila.
"Sa kanya wala pero sa'kin... malaki."
Mabilis na napunta ang atensiyon ni Raya Fae sa pintuan.
"Iwan mo muna kami, Runo," utos nito sa kanyang tauhan.
Pakiramdam ni Raya Fae ay para siyang tinakasan ng dugo sa nakita. Pakiramdam rin niya ay nanuyo ang kanyang lalamunan.
"Hindi maaari." Ugong ng kanyang isipan.
"Pa'no nangyaring buhay siya?" Aniya muli sa isip.
"Nagulat ka ba, Raya?" Gumuhit ang ngisi sa labi nito.
Hindi naman nakaimik si Raya Fae sa halip ay lalo lamang itong namutla. Unti-unti namang nawala ang emosyon sa mga mata ni Rio Costor.
"Akala mo ba, gano'n niyo lang ako kadaling mapapabagsak?"
Napalunok si Raya Fae. Kung matindi na ang takot na nadarama niya kanina ay tila trumiple iyon ngayon.
"Ginagawa mo ba 'to para maghiganti?"
Naramdaman niya ang paghapdi ng kanyang mga mata. Alam niyang iyong ang dahilan ni Rio ngunit hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit pa niya tinanong iyon.
"Paano kung sabihin kong oo?" Nanatiling walang emosyon ang ekspresyon ng mukha ni Rio.
"Nakikiusap ako, Rio." Hindi niya napigil ang pangiliran ng luha. "Huwag mo namang idamay ang mga anak ko. Wala silang kasalanan dito. Ako na lang, please."
Mahina namang napabuga ng hangin ang lalaki.
"Habang nakatingin ako sa'yo, wala akong ibang nakikita kundi si Naya," gumuhit ang lungkot sa mga mata nito, "-ang mahal kong si Naya."
Muli namang tumulo ang luha sa mga mata ni Raya Fae. Sa tinurang iyon ni Rio tila muling nagbalik sa kanya ang pagkamatay ni Naya--ang pinakaugat ng lahat ng nangyari.
"Mahal?" Pakiramdam niya ay namait ang kanyang panlasa. "Kung mahal mo siya then bakit mo siya pinatay?"
Hindi naman nakaligtas sa paningin ni Raya Fae ang pagkuyom ng kamao ng lalaki. Kitang-kita rin niya ang pag-igting ng panga nito.
"Dahil mas pinili niya si Astin kaysa sa'kin. Ako ang mas nauna sa buhay niya pero mas pinili pa rin niyang pakasalan si Villacorda!" Namula ang mga mata dahil sa luhang kanyang pilit na pinipigilan na tumulo. "Ibinigay ko lahat sa kanya, pinagsilbihan at minahal nang higit pa sa sarili ko pero sa huli mas pinili pa rin niya akong iwan. Bakit? Anong nakita niya kay Astin na wala sa'kin?"
Tila naman nadama ni Raya ang sakit na nadarama ni Rio Costor. Hindi na niya nagawang umimik dahil sa rebelasyon ng lalaki. Nagpatuloy naman sa pagsasalita si Rio.
"Pinagsisihan ko ang ginawa kong pagpatay sa kanya noon. Kung buhay siya baka may chance pang maayos kami at bumalik sa dati. At noong muli kitang makita, akala ko, panibagong simula na iyon. Wala na si Astin, magiging akin na lang ang mahal ko pero nagkamali pala ako," tumalim ang titig nito sa kanya, " dahil niloko mo ako! Pinaniwala mo ako sa kasinunggalingan!"
Lalo ring bumagsik ang tingin nito sa kanya. Gayunpaman ay nagawa namang sumagot ni Raya Fae.
"I just wanna find justice for my sister."
"Justice?" Humalaklak naman si Rio Costor.
"Walang hustisya sa mundo ko, Raya Escobar! Ako ang batas sa mundo ko! Everything will favor me!"
Mariin itong tumitig sa kanya bago nagpatuloy sa pagsasalita.
"Sige nga, sabihin mo sa'kin, nakamtan mo ba ang hustisya?"
Hindi umimik si Raya. Alam niya sa sarili ang sagot. Muli namang nagsalita si Rio at ito na ang nagbigay ng sagot na hindi niya masabi.
"Hindi. Lalo mo lang ginawang komplikado ang sitwasyon mo. Ipinahamak mo lang ang sarili mo at ang mga anak mo."
Muli namang tumulo ang luha sa pisngi ni Raya Fae.
"Huwag mo nang idamay ang mga bata, please. Ako lang naman ang nagkasala sa'yo. Ako na lang ang parusahan mo."
Hindi niya napigil ang pagkawala ng hikbi sa kanyang labi ngunit sinikap niyang magpatuloy sa pagsasalita."
"Please Rio, parang awa mo na. Patayin mo na ako kung 'yan ang gusto mo, basta pakawalan mo lang ang mga anak ko."
Umiling naman si Rio Costor.
"No, Raya!" Gumuhit ang bangis sa mga mata nito. Kitang-kita rin ang pagngitngit ng kanyang mga ngipin. "They will die! I will kill them! Pagkatapos ay isusunod kita!"
"No!" Napahagugol si Raya Fae. "Please, no. Maawa ka please."
Muli namang napailing si Rio.
"Alam mo, pwede ko sanang pakawalan ang mga anak mo! Pero hindi! Hindi pwede dahil nananalaytay sa dugo nila ang dugo ng mortal kong kaaway! Kung hindi sila anak ni Astin, baka pwede pa!"
"It's just a rivalry for Naya's heart, Rio. Wala na si Naya at hindi ka na niya magagawang mahalin pa ulit. Bakit kailangan madamay ang mga anak namin? You can't undo things by killing my children, Rio. "
"Looks like you don't know nothing. Hindi lang ito tungkol kay Naya. Marami pang bagay ang inagaw sa'kin ni Astin. He has stolen power and wealth from me!"
Hindi naman naiwasan ni Raya Fae ang mapakunot-noo.
"Anong ibig mong sabihin?"
Gumuhit naman ang ngisi sa labi ni Rio Costor. Nagbitiw ito ng salitang lalong nagbigay ng confusion sa babae.
"Now I got it, wala ka ngang alam.”
Napailing ito bago nagpatuloy.
“Hindi ko akalaing magpapakasal ka sa lalaking hindi mo lubos na kilala."