Chapter 44.2

Mula sa bintana ng kanilang silid ay palihim na pinanood ni Raya Fae ang paglabas ng tatlong sasakyan kung saan nakasakay si Damielle Astin at ang mga tauhan nito.

Nang tuluyang makalabas ang sasakyan sa malaking gate ng mansion ay agad siyang humakbang patungo sa walk in closet ng kanilang silid. Napili niyang magsuot ng kulay itim na jogger pants at saka tinernuhan iyon ng itim na hoodie jacket. Matapos siyang makapagbihis ay agad niyang kinuha ang kanyang shoulder bag at inilagay sa loob nito ang kanyang cellphone.

Wala siyang sinayang na sandali, agad niyang tinungo ang garahe ng mansion. At gaya ng kanyang inaasahan ay nagawa niyang makuha ang atensiyon ng isa sa mga tauhan ni Damielle Astin.

"Ma'am? Saan po kayo pupunta?" Sinundan siya nito habang naglalakad patungo sa kanyang sasakyan.

"Pupuntahan ko ang Daddy ko." Walang kangiti-ngiting wika ni Raya kasabay ng pagpasok niya sa driver's seat. Hindi niya hinayaang kakikitaan siya ng pagkataranta. Hindi pwedeng makahalata ang mga tao ng kanyang mister sa totoo niyang binabalak.

"Pagbuksan niyo ako ng gate."

"Pero ma'am, kabilin-bilinan po ni Boss na bantayan namin kayo."

Muli siyang napatingin sa lalaki. Agad ring tumikwas ang kanyang kilay.

"Iyon naman pala eh." Mataray niyang wika. Wala na siyang pakialam kung nagmukha siyang masungit. Kung kailangang niyang magtaray makalabas lamang siya ng mansiyon ay gagawin niya.

"Ang sabi niya, bantayan ako, hindi niya sinabing huwag mo akong palabasin. Ngayon, kung gusto mo akong bantayan, edi sumunod kayo!"

Bago pa makaimik ang tauhan ni Damielle Astin ay malakas na isinara ni Raya Fae ang pintuan ng sasakyan. Wala na ring nagawa ang mga tauhan ng kanyang mister nang umandar na ang sasakyan.

"Huwag sana nilang maisipang tawagan si Damielle. Baka bigla silang bumalik." Piping hiling niya bago siya ay sunod-sunod na bumisina sa harap ng gate. Bahagya rin niyang ibinaba ang bintana ng sasakyan.

"Open the gate!" Galit niyang sigaw. Muli siyang bumisina ng sunod-sunod. Kitang-kita naman niya ang pagkataranta ng mga tauhan na nagbabantay sa tarangkahan.

Nang bumaling siya sa rearview mirror ay kitang-kita niya ang pagsakay ng ilang tauhan ni Damielle Astin sa isa pang sasakyan.

Pakiramdam ni Raya ay may nagkakarerahang mga daga sa kanyang dibd*b. Aniya, mamaya na lamang niya iisipin kung paano niya ililigaw ang tauhan ng kanyang asawa.

Nang tuluyang mabuksan ng mga tao ni Damielle Astin ang gate ay wala siyang sinayang na sandali at agad na pinaharurot ang kanyang sasakyan.

Nasa kalagitnaan siya ng pagmamaneho at pagtakas sa mga tauhan ni Damielle Astin na nakasunod sa kanya nang marinig niya ang pagtunog ng kanyang cellphone.

Hindi niya naiwasan ang lalong pagkabog ng kanyang dibd*b nang makita niya ang numero ng lalaking may hawak sa kanyang mga anak.

Wala siyang sinayang na sandali, agad niyang sinagot ang tawag at inilagay iyon sa loud speaker mode. Bago pa siya makaimik ay narinig niya ang mahinang halakhak ng lalaki sa kabilang linya.

["Ginugulat mo ako, Raya Escobar! Hindi ko inakalang makakaalis ka sa mansiyon ng gano'n kadali."]

Tila naman nanuyo ang lalamunan ni Raya Fae. Sa tinuran ng lalaki sa kabilang linya ay tiyak niyang nakamasid lamang ito sa kanya. Hindi niya maiwasang mapalingon. Gitgitan ang trapiko. Aniya, maaaring isa sa mga sasakyang nakasunod sa kanya ang kinalululanan ng lalaki.

"Where are you?"

Muli naman niyang narinig ang halakhak ng lalaki.

["Nakasunod pa rin sa'yo ang mga tauhan ni Astin. Takasan mo muna sila bago ko sabihin kung saan tayo magkikita."]

Napakuyom ng lamang ng kamao si Raya Fae. Nang lumuwag ang daloy ng trapiko ay inihanda niya ang sarili upang maging pukos sa pagmamaneho.

Hindi na niya mawari kung nakailang liko siya sa mga kalsada, matakasan lamang niya ang mga tauhan ng kanyang mister. Hindi maitatangging magaling ring magmaneho ang mga ito. Dahil inabot siya halos ng isang oras sa pagtakas. Nang makarating siya sa walang katao-taong eskinita ay tila noon niya naramdaman ang pagod. Nagpasya siyang ihinto ang sasakyan. Magpapahinga lamang siyang saglit tutal ay tiyak naman niyang natakasan na niya ang mga tauhan ng kanyang mister.

Halos wala pa siyang isang minutong nakahinto nang muling tumunog ang kanyang cellphone. Wala siyang sinayang na sandali at agad na sinagot ang tawag.

["Umalis ka sa sasakyan mo. Hangga't nakasakay ka diyan, masusundan ka ng mga tauhan ni Astin. Humanap ka ng pwede mong masakyan. I'll send you the address kung saan tayo magkikita."]

Bago pa siya makaimik ay muli nang namatay ang tawag. Ilang sandali lamang ay nakatanggap na siya ng mensahe kung saan sila magkikita ng lalaki. At alam niya ang lugar na iyon. Iyon ay sa isang park. Aniya, mukhang umaayon ang lugar na napuntahan niya dahil nasa kabilang kanto lamang no'n ang parke na tinutukoy ng sender. At kayang-kaya niya iyong lakarin.

Agad siyang bumaba ng sasakyan at agad niyang isinuot sa kanyang ulo ang kanyang hoodie.

"Konti na lang at makikita ko na ang mga anak ko." Ugong ng kanyang isipan. Baon niya ang pag-asa sa kabila ng matinding takot na kanyang nadarama.

Nakakailang hakbang pa lamang siya palabas sa kanyang sasakyan nang muling tumunog ang kanyang cellphone. Inaasahan niyang ang unregistered number ang kanyang makikita sa screen ngunit nagkamali siya ng akala. Pakiramdam niya ay nanuyo ang kanyang lalamunan nang makita niya ang pangalan ni Damielle Astin sa kanyang screen.

Sa sandaling iyon, tiyak niyang alam na ni Damielle Astin ang ginawa niyang pagtakas.

"Pero ayokong malaman ito ni Astin. Ikaw lang mag-isa ang pupunta sa'kin." Tila umugong sa kanyang isipan ang bilin ng lalaking nasa kabilang linya.

Napahugot siya ng hininga at lakas loob na isuksok sa kanyang bag ang cellphone niya kahit kasalukuyan pa rin itong nagri-ring. Hindi pwedeng hadlangan siya ng kanyang asawa.

Nagpatuloy siya sa paglalakad at lalo pa niyang binilisan ang kanyang paghakbang. Binalewala niya ang naririnig niyang tunog ng kanyang cellphone.

Nang tuluyan niyang marating ang parke ay tila lalong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib. Marahan niyang iginala ang tingin sa paligid. Walang katao-tao sa lugar. Ang malamlam na liwanag mula sa mga lamp post lamang ang nagbibigay liwanag sa paligid.

Nanuyo ang kanyang lalamunan. Tila lalo siyang kinabahan sa katahimikan ng paligid.

Kumilos siya upang humakbang sana ngunit natigil siya nang maramdaman niya ang paghawak ng malakas na bisig sa kanyang katawan. Naging mabilis rin ang kamay ng taong nasa kanyang likuran dahil nagawa nitong matakpan ng panyo ang kanyang bibig bago pa siya makasigaw.

"Huwag ka nang manlaban pa!" Mariing banta ng lalaki. Nagpumiglas niya ngunit sadyang mas malakas ito kaysa sa kanya.

"Bitiwan mo ako!" Ngunit ang pag-alma niyang iyon tanging sa isip na lamang niya umugong dahil tuluyan na niyang naramdaman ang panghihina ng kanyang katawan.

Pakiramdam niya ay para siyang tinakasan ng lakas. Ilang sandali lamang ay naramdaman niya ang pag-angat niya sa ere. Walang kahirap-hirap siyang isinampay ng lalaki sa balikat nito.

"Tiyak matutuwa si boss nito." Nagawa pang marinig ni Raya Fae ang mga mga salitang iyon bago siya tuluyang lamunin ng dilim.