Chapter 32

Mabilis na lumipas ang mga linggo. Naka-set sa isang weekend ang kanilang high school reunion bago lilipad pabalik sa America si Jasmine kasama ang CEO nitong boyfriend at bodyguards. May plus one daw iyong reunion nila kaya wala siyang kawala dahil sabi ni Jasmine na dapat isama na niya si Caleb. Pumayag naman ang huli na sumama sa kanya. Mukhang excited pa ito nang sabihin iyon ni Darielle sa binata. Gusto rin nitong makilala ang mga kaibigan at kaklase niya.

Nabasa niya sa announcement na darating ang isang potential client ng kumpanya nila para bumisita at may kasama na potential investor din kaya kasama rin siya sa meeting na iyon, pati na ang site director at ang ama nito.

Ang ikinaasim lang ng mukha ni Darielle ay kilala niya ang investor na iyon. Ito iyong minsan ay narinig niya sa tsismis na ex-girlfriend ni Caleb na si Meliza. May paninibugho kaagad na bumangon sa kanyang dibdib dahil dito.

“O, sweetheart ba’t mukha kang kinokotongan nang isang daang beses?” puna ng nobyo nang sinundo siya sa opisina niya para sabay na silang mag-lunch.

“Wala,” aniyang nakasimangot pa rin habang naglalakad na sila sa hallway papuntang cafeteria.

“Sus! Kulang ka lang sa karenyo ko, eh. Mamaya, doon tayo sa office ko.” Hinawakan nito ang kanyang maliit na baywang habang naglalakad. Hinayaan na lang niya ito pero ‘di siya kumibo.

Kahit na araw-araw siyang may bulaklak at regalo mula rito at alam na niya at na-flatter tungkol sa picture frame niyang nasa mesa nito at sa screensaver ng laptop nito ay sabi naman nitong dahil iyon sa matagal na siyang crush nito. Pero mahal? Hindi nito sinabi iyon sa kanya kahit kailan.

Habang tumatagal ay para siyang hindi mapakali. What if one day ay babalik ito sa pagiging babaero dahil nakuha na siya na parang isang quest noon? She knew she was being very paranoid and feeling inferior and insecure, but she could not help it. She wanted his assurance. Of course, she could not just blurt it out and demand it from him. Siyempre gusto niyang sabihin nito iyon sa kanya nang kusa. Iyon kung mahal talaga siya nito.

Bukod doon ay nag-aalala rin siya. She was already a week late sa period niya. Hindi pa siya nagpe-pregnancy test dahil natatakot siya sa kung anong magiging resulta.

All of this was driving her mad! She was even more grumpy and sensitive. Sa kahit na ano na lang. Naiinis siya nang basta.

Tulad na lang ngayon.

Naratnan niyang nasa opisina ng binata ang investor na si Meliza. Pinapasok naman kasi siya ng lalaki at hindi niya inasahang nandoon ang babae. At ang nakakaloka ay pasimpleng ibinutones ng babae ang blusa nito nang nakangiti sa kanya.

‘What the hell? Did they just have a quickie or something?’ inis siyang napabaling sa binata na kuyom ang mga palad. Ang mga mata ay sinasabing ‘Akala ko ba ay para sa ‘kin lang ang opisina mo, Caleb?’

“Sweetheart, it’s not what you think,” agad na sabi sa kanya ng binata. Nakuha agad ang timpla niya.

Hindi na niya ito hinayaang magpaliwanag. Para ano pa? Hindi ba’t obvious naman? Pang-ilang babae ba talaga siya na inihiga ng lalaki sa sofa nito? Ang boba naman niya para maniwala rito noon! Hindi man lang niya pinagdudahan iyon kahit minsan, kahit na alam na niyang babaero ito. Paano rin naman kasi ay nawawala siya sa tamang huwisyo sa tuwing nakadantay na ang mga labi nito sa kanyang mga labi at sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan. And now, she felt like shit!

Mabilis siyang umalis doon. Bahala na ito sa buhay nito. Nanunubig ang kanyang mga mata pero pinilit niyang huwag kumawala ang mga iyon. Mabilis niyang kinurap-kurap ang mga mata habang hinahabol siya ng lalaki.

Dumiretso na siya sa parking lot at mabilis na pinasibad ang kanyang kotse. Bahala na. Sasabihin lang niyang hindi maganda ang pakiramdam niya kaya nag-undertime siya.

Umuwi na siya sa kanyang apartment. Hindi naman niya naratnan doon ang ina. Sigurado siyang nagde-date na naman iyon at ang Tiyo Cesar niya. Hindi niya alam kung maiinggit ba siya sa ina dahil nagmamahalan ito at ang nobyo nito nang tunay o malulunod sa self-pity at sa pagkaunsyami ng unang pag-ibig niya.

Humabol pala talaga sa kanya ang binata pero hindi niya ito pinagbuksan ng pinto. Hindi niya sinagot ang tawag o text nito. Para ano pa? Para mauto siya nito sa matatamis nitong mga salita at halik?

Oo, isang halik lang niyon at sigurado siyang magpakatanga siya sa binata. Kaya mas maigi na sigurong huwag silang magkaharap. Ayaw niya. Dapat na nasa tamang katinuan siya.

Magdamag siyang umiiyak at nakatulog na lang siya nang hindi niya namalayan. Nagising na lang siya nang dahil sa mga boses na nasa labas ng kanyang silid. Isang lalaki at isang babae.

Tumambol na naman ang puso niya. Mukhang pinapasok ng ina niya ang Caleb na iyon. Bumangon ang sobrang inis niya.

Puwes, hindi siya lalabas ng kuwarto niya kahit sasabog pa ang pantog niya! Namaluktot siya sa kama at nagtago sa ilalim ng kumot.

Baka kadarating lang din ng ina niya dahil hindi naman niya ito namalayang tumabi sa kanya sa kama kagabi. Siguro doon ito natulog sa bahay ng nobyo nito. May plano na naman yatang makipag-live-in ulit sa selosong lalaking iyon.

‘Huh! Mas mabuti na siguro ‘yong seloso at napagsabihan ang Nanay na mahal siya kaysa sa naman na hindi! Gago ka talaga, Caleb! I so hate you! I hate you to the hell and back!’ sigaw ng isipan niya. Nagpupuyos ang dibdib niya.

Narinig niyang bumukas ang pinto ng silid niya.

“Hoy, bangon na riyan, Darielle! Alam mo bang sa labas ng apartment mo natulog ang nobyo mo? Ano’ng nangyayari sa inyong dalawa, ha?”

Hindi siya kumibo. Paki niya? Baka sa kotse naman iyon natulog at hindi sa mahamog at uncomfortable na doorstep ng apartment niya. Ano ang lalaking iyon? Bird brain? ‘Tsaka, hindi ba nito sinabi sa ina niya na kasalanan naman ng gagong iyon kung bakit sila ganito?

Narinig niya ang pagbuntong-hininga ng ina. “Bumalik ka na lang, hijo. Baka ayaw pang magpasuyo ngayon ng anak ko.”

“Sige po, ‘Nay,” marahang pagsuko na lang ng lalaki. Kahit hindi niya ito nakikita ay alam niyang sinilip siya nito.

‘Hmp! ‘Nay ka diyan! Ang kapal ng mukha mong babaero ka! Sarap mo talagang sapakin!’ inis na nasa loob-loob niya at nagtiim-bagang siya.

Ilang oras pa ang lumipas ay nakahilata pa rin siya sa kama. Bumangon na siya nang nakaramdam siya ng gutom. Naisip niyang manood na lang ng TV maghapon. Hindi niya pinansin ang mga text at tawag na naman ng binata.

“O, hindi ka ba maghahanda para sa reunion n’yo mamaya?”

Natampal niya ang noo. Nakalimutan niya iyon.

Ngali-ngali siyang tumayo at napatingin sa wall clock. Tatlong oras pa naman bago ang oras na napagkasunduan kaya may oras pa siya para makapaghanda.

Minura na naman niya sa isip si Caleb. Huwag lang itong magpapakita talaga sa kanya at baka masapak niya!