Chapter 20

‘It’s not about the game, Dad!’ Gusto niyang ipahayag pero wala pa siyang lakas ng loob para sabihin ito sa ama.

Gusto niyang magmura pero nagpigil lang siya. Wala siyang pakialam talaga sa game na ito. Concerned siyang masyado sa parang pagiging familiar ng Amerikano sa dalaga simula nang nagpalitan ng number ang dalawa kani-kanina lang. Parang may ipinakita pa ang foreigner sa dalaga. Ano iyon? Nude picture nito? Nakita niya kasing parang hindi makapaniwala ang dalaga sa nakita at saka napatawa pa.

Hindi naman siguro, on second thought. Hindi tatawa ang dalaga kapag nude iyon. Maeeskandalo ito. Pero hindi naman niya marinig kung ano ang pinag-uusapan ng dalawa dahil iyong bola niya ay malayo sa mga ito at kailangan na niyang paluin iyon para umusad na sila. Sa tingin niya ay para namang wala sa laro ang isipan ng Amerikano kundi nasa kay Darielle na.

Nalintikan na. Kung makukuha nga naman nila ang kliyenteng ito dahil sa gusto nito ang dalaga ay ewan na lang niya. Baka bakuran na talaga niya ang babae. Makikita nito.

“I’ve never seen Darielle this jolly before,” pansin ng ama niya. Natutuwa itong nakatingin sa dalaga.

Pinalo niya ang bola na parang ibinunton doon ang inis niya. At selos na rin.

“And what do you mean by jolly, Dad? Sana hindi ako nakinig sa inyo noon, eh.” May paninisi pa sa boses niya saka marahas na pinakawalan ang isang buntong-hininga. Heto na, hindi na niya napigilan ang sarili na huwag ilabas ang nasasaloob niya.

His father was slightly taken aback. “What do you mean, Caleb?”

“Remember you told me that she’s off-limits?” His frown deepened as he regarded his father.

Napatawa ang ama niya. “And you took it literally?”

Para siyang matilihan sa sinabi nito. “What? Wasn’t it what you meant then?”

“Ang ibig kong sabihin noon na kung makikipagrelasyon ka man sa isang babae tapos paglalaruan mo lang naman, huwag mo nang isali roon si Darielle. She has a lot of potential, son. I don’t want to lose her. May naririnig pa naman akong gusto siyang i-pirate simula nang nasa position na niya siya ngayon. Pasalamat tayo na loyal siya sa kumpanya. Teka, nagseselos ka ba ngayon kaya ka ganyan kung makaasta at sinisisi mo pa ako? Darielle deserves a person who’s strong, smart, committed, and caring, not someone who plays around, Caleb.”

“Nasa akin naman lahat ng ‘yon, Dad.” Nakasimangot pa rin siya.

“Huh! What? Committed ka ba?” Naiiling na pakli ng ama. “Isinusuot mo ang ulo mo sa ilalim ng palda ng iba’t ibang babae, Caleb, and you’re telling me committed ka? Committed ka ‘kamo sa ginagawa mong kagaguhan!” he scolded his son.

Bumuga si Caleb ng hangin. “Dad, I was just… you know, playing around. Bachelor naman ako. At least, let me have fun before I settle down!” palusot at paliwanag naman niyang dinepensahan ang sarili.

Tumawa ang ama niya at umiling ito. “Settle down? Are you serious?”

Seryoso siyang nakatitig sa ama. Hindi nagsalita.

“Damn! I didn’t know, son. Really?” kulit nito.

Tinalikuran niya ang amang patawa-tawa. Papalapit naman sa kanila sa wakas sina Darielle at Mr. James Carter. Kung hindi ay kinaladkad na siguro niya ang dalaga palayo sa mga ito.

***

Ilang oras pa ang nakalipas ay si Caleb nga ang nagwagi sa kanilang laro at pumangalawa ang Amerikano, tapos ang ama at ang dalaga. Pumunta sila sa restoran na sakop ng golf course, nagpahinga at nagpatuloy sa pag-uusap ng tungkol sa trabaho. Nasa pagitan nila ng ama niya si Darielle sa kanan niya at sa kaliwa niya ang Amerikano habang nakatayo sa likuran ang bodyguards nitong mukhang secret service lang ng presidente ng America. Parang pa-impress lang ang taong ito. Inis pa rin siya.

“I’d like to take you on that offer of a walk-through at your site,” sabi ni Mr. Carter kay Darielle.

Napatingin silang mag-ama sa dalagang ngumiti nang simple sa Amerikano.

“That’d be great, Mr. Carter, and it’ll be my honor to show you around,” tugon ng dalaga.

‘Ano? Show him around? Around where? Hindi lang ba sa site?’ sa loob-loob niyang tumiim ang ekspresyong nakatitig sa dalaga. Napansin man nito iyon ay inignora lang siya ng project manager. ‘Mamaya kang babae ka.’

“I’ll just call you when I have the definite date and time. I still have a lot on my plate right now, so my schedule is pretty tight.” Ngumiti pa ang Amerikano na parang may ibig sabihing iba.

‘What? Pretty tight? At talagang tinitigan pa niya nang makahulugan ang D ko? Fucking American!’ Kumukulo ang dugo niya. Hindi pa siya nagseselos nang ganito sa isang lalaki at hindi niya gusto ang damdaming ito. It was beyond words. Gusto niyang tusukin ang mga mata nito dahil sa katititig sa dalaga.

Ewan niya pero parang gusto niyang itago lang ang dalaga sa kung saan at iyong siya lang ang nakakakita rito.

‘No, no, no. This is not right. I must be crazy if I’d do that.’

But then again, he was acting so possessive of Darielle. Gusto niyang malaman ng lahat na sa kanya lang ito, kung maaari lang. Iyon nga lang ay wala siyang karapatan dahil hindi naman siya gusto ng babae. Gagawan pa lang niya ng paraan iyon para mapasakanya na ito nang tuluyan. Hanggang sa huling hininga niya.

Ngumiti naman nang matamis ang dalaga nang masulyapan niya. Simple lang itong uminom ng juice. Hindi na siya umimik sa sobrang inis kaya ang ama niya ang parang neutralizer sa atmospera ngayong patapos na ang kanilang meeting na ito.

He was not really in the mood anymore. Ang gusto niya lang gawin ngayon ay ang solohin si Darielle… somewhere… if she would let him.