Chapter 19

“Ano ka ba, D? Relax,” himok ni Caleb na may paglalambing sa tono. Inakbayan pa niya si Darielle pero ipiniksi nito ang kamay niya at binigyan siya ng isang matalim na tingin.

Nakasuot ngayon ng simpleng T-shirt na puti, asul na stretchable blue jeans, at flat shoes ang dalaga. Siya naman ay nakasuot ng pantalon at T-shirt, sneakers, shades, at baseball cap. Mas kaswal dahil nasa golf course naman sila. Pagmamay-ari din nila ito pero iba ang pinapa-manage ng ama niya dahil gusto nitong mag-focus muna siya sa publishing. Wala pa itong masyadong tiwala sa kanya lalo na’t puro pambabae ang inaatupag niya. Pero ipapakita niyang magbabago na siya. Siguro ay panahon na. Isa pa, gusto niyang ma-impress sa kanya si Darielle. Baka hindi siya nito siniseryoso sa mga pasaring niya at sa mga da-moves niya dahil hindi siya seryoso sa trabaho. At oo nga, nasaksihan nito ang eksena sa klinika. Huwag niyang kalimutan iyon.

Napangiti siya sa dalaga habang naglalakad sila papalapit sa kanyang ama na may kasamang kasing-tangkad niyang foreigner na may dalawang bodyguards, sa tantiya niya. Hindi niya akalaing hindi pala matanda ang kliyente nila.

Nang makalapit na sila ay nakangiting ipinakilala sila ng kanyang ama sa kanilang kliyente.

“This is our site director and my son, Caleb, and this is Miss Darielle Marie Baron, our project manager. The youngest but one of the best. The pride of Montenegro Global Publishing!”

Napangiti si Darielle dito na ikinamangha niya at para na siyang matilihan. Dahil ba sa halos kasing-edad niya lang ang kliyente, blond, blue eyes, at medyo guwapo? Crush na kaya ito ng dalaga? Feeling threatened tuloy siya. Hindi puwede.

Napatingin siya sa magkahawak na kamay ng mga ito dahil sa pag-shake hands. Hindi agad binitiwan ng Amerikano ang kamay ng dalaga kaya tumikhim siya. Bumitiw na ang dalaga rito.

“You know what? You look familiar,” sabi ng Amerikano kay Darielle.

‘Ano raw? Pick-up line na ba ‘yon?’ Naaasar na siya ngayon pa lang, ah.

“Really? But I don’t think we’ve met before,” sabi ng babae.

Tumikhim siya ulit. “It’s a great day, isn’t it? How about we play a round?” panghahamon niya. Wala pang nakakatalo sa kanya sa golf kahit ang ama niya na nauna pa siyempreng matuto kaysa sa kanya. Hindi naman sa pagmamayabang pero kung magpalit yata siya ng career baka matalo niya pa ang world champion.

“Sure! I’d like that,” sabi ng Amerikano sa kanya bago napasulyap na muli sa dalaga.

‘Fuck! Mukhang gusto niya si D ko! Hindi puwede!’ Gusto niyang sumigaw. Gusto niyang ilayo na mula roon ang dalaga pero hindi niya gagawin. Ipapakita niyang puwede siyang maging professional.

Bago sila nagsimula ay hinawakan niya muna ang dalaga. Ngumiti siya rito. Sinigurado niyang makikita ng Amerikano ang gagawin niya. Kinuha niya ang kanyang cap at saka isinuot iyon sa dalagang nakalugay ang buhok ngayon. Inalis kasi niya ang tali nito sa buhok kanina nang nasa sasakyan niya sila para hindi masyadong uptight itong tingnan. Kumbaga medyo carefree itong tingnan kapag nakalugay ang buhok. Oh, how he wanted to run his fingers in those soft tresses. Pero nagpigil lang siya.

“Mainit kasi, kaya isuot mo na ‘yan.” Nginitian niya ito nang matamis at kinindatan.

Hindi na lang ito nakipagtalo sa kanya tungkol doon. Ang cute nitong tingnan na suot ang cap niya. Gusto niya itong halikan dahil nanggigigil siya pero, of course, as usual ay dapat magpigil lang siya.

Habang naglalaro sila ay nag-uusap sila nang pasimple tungkol sa business. Iyon naman din kasi ang pakay nila kaya nakipaglaro sila sa Amerikanong ito. Siyempre hindi rin lingid sa Amerikano ang kanilang pakay. Sigurado siyang may initial nang usapan ito at ang ama niya bago pa sila nag-meet ngayon.

Kalimitang si Darielle ang nakikipag-usap sa Amerikano at nag-i-interject lang siya kapag kinakailangan. Alam niyang iyon naman talaga ang plano ng ama dahil ang dalaga ang mas may alam sa pasikot-sikot sa mga proyekto at sa kumpanya. Proud naman siya rito. Dagdagan pang hindi naman pahuhuli ang dalaga sa pakikipaglaro ngayon sa golf. Ilang araw lang na practice ay hindi halatang unang laro pa ito ng dalaga sa golf course.

‘Naman! Ang galing ng future wife ko,’ natutuwang nasa isipan niya habang pinapanood ang dalagang nag-swing. Hindi man na-i-shoot ay muntik naman na. ‘Tsaka bigla siyang natigilan. Teka, sinabi niya bang future wife niya? Bakit nga ba hindi? Talaga naman na tinamaan na siya rito matagal na. Iyon nga lang ay hindi niya iyon maamin sa sarili. But then, was he ready to settle down? There was no question how badly he wanted her, but was he really into settling down, having a family with her?

‘Ang bilis ng iniisip mo, Caleb. Hindi ka pa nga nanliligaw kay D,’ saway ng isip niya.

Ilang saglit pa ay napuna niyang laging dikit nang dikit ang Amerikano sa dalaga. Nahuli naman niya ang kanyang amang nakangiti sa kanya.

“What is it, son? Mukhang hindi na maipinta ‘yang mukha mo. You’re winning the game.”