Chapter 18
Later that afternoon, tinulungan si Darielle ni Bert na isakay sa kotse niya ang hamper at ang lahat ng mga regalong natanggap. Pagdating niya sa bahay ay nagulat ang ina niya sa dami niyon.
“Para kang ikinasal, ‘nak,” biro ng inang napahagikhik nang makita siyang pabalik-balik sa kotse at sa loob ng apartment. Tinulungan na rin siya nito kalaunan para madali nang matapos.
“Kasalanan ‘to ni Caleb, ‘Nay, eh!” inis na aniya sa ina. Ngumuso pa siya.
“Ah, mapag-alalahanin pala ‘yong boss mo. Sigurado kang hindi iyon nanliligaw sa ‘yo, ‘nak?”
Napatawa siya nang mapakla. “Huh! Iyon? Naku, hindi iyon marunong manligaw, ‘Nay. Babaero ‘yon, eh. Puro lang yata one-night stand ang alam no’n.”
Napansin niya ang pagkawala ng ngiti sa labi ng ina. Napalingon tuloy siya sa direksyong tiningnan nito, sa pintuang nakabukas.
‘Shit! Narinig niya ang sinabi ko? Kailan pa siya dumating? Bakit ba kasi siya nandito?’ Pakurap-kurap siya nang makita si Caleb. Para siyang matilihan.
“Ikaw talaga, bata ka! Kung anu-ano ‘yang pinagsasabi mo, eh,” sansala ng ina niya bago bumaling sa bisita. “Caleb, napadaan ka. Salamat nga pala sa mga regalo n’yo sa anak ko sa birthday niya. Ito na ‘yong kaarawan niyang may pinakamarami siyang regalong natanggap.”
Napangiti nang matipid ang binata. “Ah, ayos lang po. May isa pa nga po akong pahabol na regalo para sa kanya, eh.”
Napatingin sila sa isang malaking kahon na bitbit nito. Pinapasok na ito ng kanyang ina sa loob ng apartment niya. Ang ina niya ang nagbukas ng kahon imbes na siya. Wala rin naman kasi siyang plano at baka nahulaan iyon ng ina.
Napaiwas na lang siya ng tingin sa lalaki habang inilapag ang hamper na bigay rin nito sa isang tabi.
“Ano ‘to?” tanong ng ina niya.
Nang masulyapan niya ay portable golf putter iyon na ikinalaglag ng kanyang panga.
“Para makapag-practice ako ng golf, ‘Nay,” pagpaalam niya rito. “Kailangan ko kasing matuto para sa business meeting namin ngayong Sabado.”
“Ah, gano’n ba?” nasabi nitong napangiti at sumulyap kay Caleb. “Huwag kang uuwi kaagad, ha? Dito ka na maghapunan. May inihanda ako para sa birthday ni Darielle, eh.”
Tumango naman kaagad ang nakangiting si Caleb.
“Huh? ‘Di ba nag-celebrate na tayo kaninang umaga, ‘Nay?” punto niya pa sa ina.
“Eh, gusto kong magse-celebrate tayo ulit, ‘di ba? At least, ito ang pinaka-memorable mong kaarawan. May handaan sa umaga, tanghali, at gabi,” anang ina na lumuwag ang ngiti at sinulyapan si Caleb.
‘Don’t tell me she likes him for me, kahit na sinabi ko sa kanyang babaero si Caleb? Aba! Ano’ng klaseng ina meron ako?’ himutok niya sa sarili.
Sinundan ni Caleb ng tingin ang ina niyang nagpaalam na maghahanda na sa mesa. Hindi tuloy siya mapakali. Dagdagan pang lumapit ito sa kanya. Napaatras siya pero naramdaman niya ang pader sa likod niya.
“So, babaero ako, hmm?” anang lalaki.
‘Narinig nga niya.’
“Bakit, hindi ba totoo?” paasik na balik niya.
Ngumisi ito at kumibit. “One-night stand, huh?” dagdag nito. Inapuhap ng mga mata nito ang mukha niya.
“Hindi ba?” aniya ulit.
Tumawa ito nang mahina. “Baka hindi na, D, basta ikaw.” Lumambing ang boses nito, plus ang pungay-pungay ng mga mata nito. Nakaloloka talaga.
‘Naloko na! Seryoso ba siya?’ Lumukso na naman ang puso niya. Bakit ba kasi ganito na lang ang epekto nito sa kanya?
Dumukwang itong kaunti at hinalikan na lang siya nito nang basta sa labi. Siya naman ay parang template na ginamit nito at hinayaan ito. Tumugon pa siya nang tila nawawala sa sarili.
“Happy birthday ulit, D,” mahinang bati nitong nakangiti sa kanya nang mahalay. Alanganin pa itong tumalikod sa kanya. “Aayusin ko na lang ‘to para sa ‘yo.” Tinutukoy nito ang portable golf putter.
Napilitan siyang tumango habang napalunok at napaiwas na naman ng tingin mula sa lalaki. Ramdam niya ang paggapang ng init sa pisngi at hindi tumigil sa pagtahip ang dibdib niya. Napasulyap siya sa ginagawa nito, sa kamay nito. Naalala niyang hinawakan niyon ang pang-upo niya. Ang sarap pa ng pakiramdam niya noon nang hindi niya mawari. May parang hinalukay ito sa kaibuturan ng lamang-loob niya at tumakbo iyon sa puson niya pababa sa pinakasentro ng kanyang katawan. At kung hindi siya nagkakamali ay ramdam na naman niya ito ngayon kahit hindi man lang siya nito hinimas!
Baliw na yata siya. At ang lalaking ito ang dahilan. Ano kaya ang puwede niyang gawin para matigil ito? Gusto na niyang bumalik sa dati⸺normal iyon para sa kanya. Bakit kasi pinagkakaabalahan siya ng lalaking ito gayong alam na alam niyang may marami pa namang ibang babae riyan sa tabi-tabi na gusto itong makasama. Mayaman. Maganda. Sexy.
She groaned inwardly. Ayaw na niyang isipin.
Ilang minuto pa ang nakalipas ay natapos din ito sa pag-setup niyon. Tinawag naman sila ng ina para kumain na.
Nang nasa hapag na sila ay kita niya ang maraming pagkaing natira mula noong kaninang umaga. Kahit anu-ano na lang din ang tanong ng ina niya sa binata.
“Ano? Wala kang girlfriend sa guwapo mong ‘yan, Caleb?” anang ina.
Napatawa ang lalaking medyo napahiya. “Wala po, eh.” Napadako ang mga mata nito sa dalaga. Pinandilatan niya ito. “May crush po talaga ako matagal na, kaso… mukhang mas gusto yatang mamatay siyang virgin.”
Napabunghalit sa pagtawa ang ina niya. Magkasundo talaga ang dalawang ito, walang duda. Nang matantiya kasi ng lalaki na walang preno ang bibig ng ina ngayon ay nakiayon na rin ito. Parang gusto niyang pompiyangin ang dalawang ito.
‘Ano raw? May crush siya? Sino kaya ‘yon? At kailan pa?’
Napataas siya ng kilay rito. Teka, nagpasaring ba ito sa kanya? Siya ba talaga ang tinutukoy na matagal nang crush nito?
Bigla na namang kumabog ang dibdib niya nang hindi niya mawari.
“Hijo, ‘pag crush mo talaga, gawan mo ng paraan para mapasaiyo. Sa guwapo mo naman bang iyan hindi siya maaakit? Kung bata pa lang ako at hindi ko mahal ang gago’t selosong Cesar na ‘yon, eh… baka tayo na ang mag-on.” Taas-baba pa ang kilay ng ina ni Darielle.
‘Juskolord. Ito ba talaga ang tunay kong ina?’ Pakiramdam niya ay parang may nang-abduct na alien sa ina niya at pinalitan ito ng iba.
Napatawa nang mahina ang lalaki sa sinabi ng ina niya. Napahawak na lang ang dalaga sa kanyang pisngi dahil sa pag-iinit nito. Grabe lang kung mag-usap ang mga ito. Hindi niya keribels.