Chapter 17
“Important luncheon meeting at the conference room today.” Iyon ang e-mail ni Caleb sa mga supervisors, TLs, at CS, kasama si Darielle.
Napataas ng kilay si Darielle sa e-mail ng lalaki. Hindi niya alam kung tungkol saan ang meeting dahil hindi naka-indicate doon ang agenda.
‘Tch! Iyan na nga ba ang hindi sanay magpapatawag ng meeting. Basta lang sinasabing may meeting pero hindi naman binanggit kung ano ang topic,’ reklamo niya sa isip.
Napakiling siya ng ulo. Pinilit niyang isipin kung anuman ang puwedeng paksa ng kanilang meeting mamaya para naman ay makapaghanda siya ng mga ideya sana.
‘Buwisit talaga ‘tong si Caleb. Ano’ng gusto niya? Magre-reply ako at magtanong kung bakit may meeting?’
Nagdadalawang-isip siya kung magre-Reply To All o simpleng ito lang ang re-Reply-an niya para klaruhin. Subalit nagbago ang isip niya. Hindi na lang siya nagtanong dahil kung anuman iyong meeting ay dalawa lang ang paksang naisip niya: ang upcoming meeting sa isang kliyente galing US at ang nareresolba lang na negative feedback nila mula sa Germany. Alin man sa dalawa ay alam naman na niya kung ano ang gagawin o sasabihin.
“O, nagpaalam ka na ba sa trabaho na hindi ka papasok ngayon, ‘nak? Birthday mo, eh. May birthday leave ka naman at paid ‘yon,” anang ina niya habang inihanda ang almusal nila.
Hindi niya inasahan na nag-bake na pala ng cake ang ina niya kahapon at nakalagay na ito sa mesa ngayon kasama ang niluto nitong mga paborito niyang pagkain.
“Eh, magse-send sana ako ng e-mail, ‘Nay kasi nakalimutan kong birthday ko pala ngayon pero sinabi ng boss kong may meeting kami mamayang tanghali,” turan niya sa ina. Inilapag ang kanyang cell phone sa tabi. Ito ang ginamit niya sa pag-check ng kanyang office e-mail.
“Ah, emergency meeting ba ‘yon, ‘nak?” Na-disappoint ang ina niya sa narinig.
Napalabi siya rito at tumango.
“O, siya. Ikaw ang bahala. Basta happy birthday, ‘nak! Nawa’y lagi kang gabayan, protektahan, at pagpalain ng Panginoon. I love you, ‘nak!” saka hinalikan siya nito sa pisngi at niyakap habang nakaupo siya sa kanyang puwesto.
Napangiti siya at pinasalamatan ang ina. Tinapik niya ito sa kamay at hinalikan din ito sa pisngi. Masaya siyang nasa tabi niya ang ina para ipagdiwang ang kanyang kaarawan ngayon. Naalala niya pa noong isang taon ay hindi niya ito nakasama dahil nagkataong umalis ng bansa ang ina at ang live-in partner nito para magbakasyon sa Thailand.
Hayun, dahil nilambing siya ng ina niyang huwag pumasok sa trabaho nang maaga lalo na’t kaarawan niya kaya naman ay nagpaalam siya sa superior niyang bago tanghalian siya darating sa trabaho. Hindi naman ito sumagot kaya naisip niyang ayos lang.
***
Pagdating ni Darielle sa kanyang opisina ay may nakita siyang hamper basket na nakapatong sa desk niya. Galing ito kay Caleb. May regalo rin itong nakabalot na kasama. First time niyang makatanggap ng regalo mula sa lalaki para sa birthday niya. Kalimitang gift na natatanggap niya ay galing sa kumpanya, sa HR. Last year ay nakatanggap siya ng smartwatch pero hindi naman niya ginagamit maliban na lang kapag weekends dahil nag-e-exercise siya sa isang gym na pinag-enrol-an niya. Nalalaman niya sa pamamagitan ng smartwatch ang kanyang calories, heart rate, at iba pang indicators ukol sa kalusugan.
“Surprise, Miss D!” Halos mapalundag siya nang pumasok ng conference room. First time niyang magkaroon ng surprise birthday party. Kalimitan naman ay nililibre lang niya ang kanyang team sa cafeteria pero hindi siya dumadalo.
Nakita niyang papalapit sa kanya si Caleb na nakangiti nang napakatamis. Kita ang pantay-pantay nitong mapuputing ngipin. Namumungay pa ang mga matang nakatitig sa kanya. Gusto niya itong murahin. Ang guwapo kasi kahit na sanay siyang makita itong nakasuot ng three-piece suit. Pinakabog pa ang puso niya nang husto.
‘Hindi, hindi ito dahil sa kanya kundi dahil sa pagka-surprise ko. Nagulat lang ako,’ piping kumbinsi niya sa sarili.
Hinalikan siya nito sa sulok ng kanyang labi na ikinakilig ng mga naroroon sa conference room at ikinatigas ng katawan niya. Hindi niya napaghandaan iyon na gawin ng boss niya.
‘Shit! Mapagsamantala talaga ang bastos na ‘to!’ Pero alangan namang sasampalin niya ito sa harap ng mga kapwa empleyado? Hindi naman siya ganoon kababaw, lalo na’t binati lang siya sa kanyang birthday.
Napatikom na lang siya ng bibig.
Nagputukan ang party poppers at nakadikit sa kisame ang iba’t ibang kulay ng mga balloons na may printang ‘Happy birthday, D!’ at nakalatag sa conference table ang mga pagkain. Hindi niya inasahang pinaghandaan ito ng team niya.
‘Sino kayang may pakana nito?’ Naninibago talaga siya.
Binati na siya nang isa-isa ng mga supervisors at iba pa at pinasalamatan niya ang mga ito. Nagkuhanan na ng larawan. Napilitan na lang siyang ngumiti nang matipid dahil dito.
“Happy birthday, Darielle!”
Narinig niya ang pamilyar na boses na iyon nang pumasok ito sa conference room.
Ang daddy ni Caleb.
Nagulat siya dahil dito. Sadyang sorpresa nga ang pagdating nito ngayon sa opisina.
Binigyan siya nito ng dalawang halik sa magkabilang pisngi nang binigyan siya nito ng isang bear hug.
“Thank you po, sir,” mahinang sabi na lang niya. Pinamulahan siya ng pisngi. Dapat kasi ay nasa kabilang site ito pero nandito ito para makipagsalo sa kanila sa “luncheon meeting” na ito na birthday celebration niya pala. Naalala niya tuloy iyong tsismis na narinig niya sa CR noong isang araw o kahapon ba iyon na gusto raw siya ni Mr. Montenegro para sa anak nito?
Iniwasan na lang niyang mapasulyap kay Caleb.
“It’s good that Caleb did this surprise birthday party at the office for you, isn’t it?” anang Mr. Montenegro.
Napaawang ang mga labi niyang napasulyap kay Caleb na nakangiti sa kanya. Hindi siya makapaniwalang ito pala ang may pakana sa lahat.
Si Caleb pa ang nag-aasikaso sa kanya mismo. Binigyan siya ng pagkain at maiinom nang makaupo siya sa kabisera ng conference table kung saan siya pinaupo nito. Sa magkabilang gawi naman niya umupo ang mag-ama at ang iba ay kanya-kanya nang pumuwesto para maging komportable habang kumakain.
Siyempre, napagawi rin sa trabaho ang usapan nila habang kumakain.
“You can take a paid birthday leave on Monday next week instead, Darielle,” sabi ni Mr. Montenegro sa kanya.
“Yes, sir. Thank you.” There was no way to debate about it with the older man, anyways. Kaya sumang-ayon na lang siya. Ayaw pa niya noon? Ito na ang nagsasabing mag-day off siya.
“Naghahanda na ba kayo ni Caleb para sa meeting this Saturday?” tanong nito.
“Yes, Dad,” ang binata ang maagap na sumagot para sa kanilang dalawa.
Pinamulahan naman siya ng pisngi nang maalala na naman ang nangyari noong nakaraang araw sa opisina nito. Isa kasi iyong paghahanda para sa importanteng business meeting sa weekend. Alam niyang dapat na makuha ang bagong potential na kliyenteng iyon para madagdagan ang kanilang projects⸺at siyempre ang kita ng kumpanya.