Chapter 16

Pinagalitan ni Darielle ang sarili. Bakit kasi siya nagpahalik sa bastos na iyon? Bakit hindi man lang niya agad ito itinulak nang umikot ang bisig nito sa baywang niya o kaya noong unang saglit pa lang nang dumampi ang mga labi nito sa labi niya? Bakit ramdam pa rin niya ang tamis ng halik nito hanggang ngayon?

Nasa kama na siya nakahiga pero hindi pa rin mapalis sa isipan niya ang sarap ng halik na iyon ni Caleb. Para siyang sirang plaka. Paulit-ulit na lang.

Dapat niyang isiksik sa kukote niyang hindi siya ang unang babaeng pinormahan nito. Dapat niyang isipin na kung sinu-sino na lang ang pinapatos nito kaya dapat na balewala lang sa kanya ang halik na iyon. Dapat na hindi niya bigyan ng kahulugan at dapat na hindi niya hahayaan ang sariling magpapadarang lalo na sa susunod.

‘Teka lang. Dapat wala nang kasunod, D. Hindi tama. Hindi maaari ‘yon!’

Napatiim-bagang siya at bumuga ng hangin.

“Ano ba, anak? Hindi ka mapakali diyan,” puna ng kanyang ina na nasa tabi niya.

Akala niya ay tulog na ito. “Uh… Sorry, ‘Nay. M-may importante lang akong iniisip. T-tungkol sa trabaho,” palusot niya.

Niyakap siya ng inang tumagilid paharap sa kanya. “Matulog ka na, ‘nak. Bukas na ‘yang trabaho. Lagi lang namang nandiyan ‘yan. ‘Yang tulog, may oras din para diyan. At ito na ‘yon kaya ipagpahinga mo na ang isip at katawan mo,” himok at payo nito. Nakapikit ang mga mata nito.

Ipinikit na lang niya ang kanyang mga mata nang mariin. Tanging ang malamlam na maliit na lampshade ang nakabukas at nakalagay iyon sa sahig para hindi nakasisilaw.

“’Nay? Mahal n’yo ba si Tatay?” marahang tanong niya nang halos pabulong.

“Oo naman. Hindi ka sana nabuo kung hindi.”

Napasingasing siya sa sinabi nito. Sayang, maagang pumanaw ang ama niya dahil sa isang aksidente. Driver ito noon ng jeepney at nabangga iyon ng isang bus. Hindi kaskasero ang ama pero nadale naman ng kaskaserong driver ng bus. High school pa siya noon. Ang ina niya ang nagtatrabaho sa isang factory hanggang sa makapagtapos siya ng pag-aaral, sa kursong Business Management.

Nang makilala ng ina si Tiyo Cesar niya sa isang grocery store ay na-love at first sight daw ito sa ina niya at niligawan ito. Medyo guwapo naman daw kasi ang kumag na iyon, ayon pa sa ina niya kahit na ordinaryo lang ito sa paningin ni Darielle. Hindi nagtagal ay sinagot ng ina at naging mag-live-in partners ang dalawa saka pinatigil sa pagtatrabaho sa factory. Iyon nga lang, away rito at away roon ang mga ito. Hindi naman naghiwalay ang dalawa. Ngayon lang pinalayas ang ina niya sa bahay nito at sobrang unfair niyon. Kaya nga naaawa siya sa ina na mahal na mahal ang live-in partner na tatlong taon ang nakakatanda rito.

“Tumawag ba sa inyo si Tiyo Cesar, ‘Nay?” mahinang tanong niya.

“Oo. Hindi ko sinagot. Nag-text, sabi ay pupuntahan niya ako rito. Hindi naman. Bahala na nga siya.”

Napahagikhik tuloy siya. “Para kayong mga teenager, ‘Nay, ‘no?” obserba niya pa.

“Anak, walang pinipili ang pagmamahal. Kahit anong edad pa ‘yan. Basta tinamaan ka ng pana ni Kupido, wala ka na talagang kawala. Mahuhulog ka talaga kahit pa na ayaw mo. Kahit na ano pa ang gawin mong pagkapit para huwag mangyari iyon. Uusbong lang talaga ang damdaming ‘yan sa puso mo na pinili nito. Hindi mo mapipigilan kahit kailan, kahit na anong tago mo. Sa kalaunan man o hindi, lilitaw lang ‘yan at makikita talaga ‘yan. Para ‘yang punla, ‘nak. Nakatago ang similya sa ilalim ng lupa pero sisibol din ‘yan at lalabas din kalaunan para makita ang mundo ng pag-ibig.”

“Wow, ‘Nay! Hindi ko alam na poetic ka rin pala,” tudyo niya sa ina.

“Tsk! Anong poetic? Sinasabi ko lang sa ‘yo kung ano ang pag-ibig. Minsan ko lang ‘to sinasabi sa ‘yo, ‘nak. Alam mo naman ako,” tugon nito.

Natahimik na lang siya. Ilang sandali pa ay napansin niyang nag-vibrate ang kanyang cell phone. Biglang kumabog ang dibdib niya nang mapaisip si Caleb pero tinuya niya ang sarili. Baka naman hindi kaya dinampot na niya ang cell phone at tiningnan kung sino ang nag-text.

Ngunit… si Caleb nga!

Napakagat-labi siya.

‘Alas-dose na at ngayon pa nag-text? Bastos talaga!’

Pero binasa nga naman niya ang text nito.

Happy birthday, D! :* Sana ako ang unang bumati sa ‘yo para hindi mo naman makalimutan. ;-)

Napakunot siya ng noo. Birthday ba niya? Namilog ang mga mata niya. Tama! Birthday nga pala niya. Nakalimutan niya talaga. Wala na kasi siyang sense sa date dahil sa dami niyang iniisip sa trabaho.

Kahit papaano ay napangiti siya. Noon ay sa e-mail lang ito bumabati sa kanya pero ngayon ay sa text na. May ibig sabihin kaya ito? Napapilig siya ng ulo. Ayaw niyang maging assumera. Ayaw niyang bumalik ang isipan sa halik nito.

“Matulog ka na, anak. Parang awa mo na,” sabi ng inang napaungol at tinalikuran siya dahil sa ilaw ng kanyang cell phone.

“Opo, ‘Nay.” Nagdadalawang-isip pa siya kung magpapasalamat ba kay Caleb o hindi.

‘Tch! Huwag na nga. Baka sasabihin pa niyang hinihintay ko ang text niya kahit hindi.’

‘Hindi nga ba? In denial ka lang, eh.’

Akala niya kasi ay tatawag ito o magte-text man lang kahit papaano para banggitin ang tungkol sa nangyari kanina sa pagitan nila sa opisina nito. Pero hindi. Nagkamali siya. So, that kiss meant nothing to him. He was just playing her. Iyon ang katotohanan. Kaya dapat ding balewalain na niya iyon. He was not worth a penny for her thoughts.

‘Manigas siya! Ang kapal ng mukha niya, ah!’