Chapter 14

FENRIS

HINDI ko alam kung bakit bigla na lamang akong kinutuban ng masama. Kasama ko na ang aking ama at mahal na reyna dito sa isang karwahe habang papunta na kami sa kaharian ng Oudwech. Magdadapit-hapon na, saktong malapit na kami sa kaharian.

“Aking anak, may bumabagabag ba sayo? Bakit mukhang hindi ka mapakali?” tanong ng aking Inang reyna, napagigitnaan namin ito ng Amang hari. Hinawakan ko ang kamay nitong ipinatong sa aking braso.

“Wala lang po ito, Inang reyna. Siguro’y masyado lang akong nasasabik sa mangyayaring pag-iisang dibdib namin bukas ng aking Prinsesa,” nakangiti kong tugon dito. Isiwinalang bahala ko nalang ang kakaibang kaba na naramdaman ko. Makakasira lang ito sa aking isipan, dapat ay maging masaya ako ngayon dahil magiging katuwang ko na sa buhay ang aking Prinsesa.

Ilang sandali nga lang ay nasa harapan na kami ng tarangkahan papasok sa bayang nasasakupan ng kahariang Oudwech. Agad kaming pinapasok ng bantay, sa bawat nadadaanan namin ay yumuyuko ang mga nakakakita. Alam ng mga ito na kami ay isang maharlika base sa dalawang bantay sa unahan namin na may suot na para lamang sa mga bantay ng mga maharlikang engkantado.

Hanggang sa nakapasok na rin kami sa tarangkahan papasok sa kastilyo ng Oudwech. Naunang lumabas ang Amang hari at inalalayan nito ang aking Inang reyna, sunod ako. Napangiti ako ng makita ang mga bulaklak sa paligid na ginawang dekorasyon. Sa hardin gaganapin ang aming pag-iisang dibdib, isa iyang suhestiyon ang aking Prinsesa na siyang aking sinang-ayunan.

Sinamahan kami ng dalawang bantay na personal na pinadala ng Amang hari upang kami’y gabayan. Pumasok na kami sa palasyo, at walang tao sa bulwagan. Ginabayan kami ng bantay patungo sa tronong silid ng Amang hari ng Oudwech. Nasa harapan lang ito ng bulwagan.

“Narito na ang maharlikang pamilya ng Azra!” sigaw ng dalawang bantay sa malaking pintuan papasok sa tronong silid. May nagbukas ng pinto galing sa loob, at agad naming nakita ang Amang hari na nakaupo sa kaniyang trono. Agad kaming pumasok at yumuko bilang pag galang.

“Maaari nang tumaas,” sambit ng Amang hari. Nasa bawat gilid din pala ang ibang miyembre ng maharlikang pamilya ng Oudwech. Ngunit wala dito ang aking hinahanap. Nasaan ang aking Prinsesa?

Waring nabasa ni Prinsipe Ephraim ang aking iniisip, “Ang aking anak ay nagpapahinga, siya’y akin nang pinapagising. Maupo muna kayo,” sambit nito. Naupo kami sa kaliwang bahagi kung saan katapat lang nila. Narito rin ang nag-iisang kapatid ni Prinsipe Ephraim na si Prinsesa Mara na nasa tabi ang katuwang na si Prinsipe Erdel ng kaharian ng Valjyre. Wala rin pala rito si Prinsesa Haramara at Prinsipe Elydyr.

“Ngayon, andito tayo sa aking—” naputol ang sasabihin ng Amang hari ng makarinig kami ng sigawan mula sa labas.

“Isa kang taksil! Wala kang kasing sama! Wala kang utang na loob, Prinsesa Tina!” boses iyon ni Prinsesa Haramara. At nang marinig kong binanggit nito ang pangalan ng aking Prinsesa ay agad akong napatayo. Ngunit, bumukas nalang bigla ang pinto ng walang paalam, at napasinghap ako ng makitang hila hila ni Prinsesa Haramara ang aking Prinsesa gamit lamang ang kaniyang buhok, habang suot suot nito ang isang kulay puting kasuotan.

“Anong ginagawa mo, Prinsesa Haramara? Bitiwan mo siya!” galit kong sigaw at akmang lalapit na sa kanila ng pigilan ako ng aking Ama. “Hayaan mong sila ang lumutas sa problema,” sambit nito sa akin.

“Anong kaguluhan ito, Prinsesa Haramara? At maaari bang bitawan mo ang buhok ni Prinsesa Tina, siya’y nasasaktan na,” seryoso ngunit may diing sambit ni Prinsipe Ephraim. Binitiwan naman ito ni Prinsesa Haramara kaya naman napalugmok ang aking Prinsesa sa sahig, at hindi ko na ito kayang panoorin pa. Kaya naman hindi na ako nagpapigil at nilapitan ko na ang aking Prinsesa.

“Aking Prinsesa… tahan na,” umiiyak na kasi ito. Agad itong yumakap sa akin at ibinaon ang mukha sa aking dibdib. Lubos na sakit ang naramdaman ko habang nakikita ko itong umiiyak at nasasaktan. Siguraduhin lang ng Prinsesang ito na mayroon siyang sapat na dahilan upang tratuhin ng ganito ang aking Prinsesa.

“Ika’y magsalita, Prinsesa Haramara,” may diing sambit ng Amang hari. Tiningnan kami ni Prinsesa Haramara at may kakaibang ngisi sa labi nito na gusto kong burahin. Lumingon ito sa pintuan na ngayon ay nakabukas pa rin.

“Pasok, Prinsipe Elydyr,” nakangising tawag nito sa kaniyang kadugong Prinsipe. Pumasok ang Prinsipe, kita ko pa ang pag-aalinlangan sa mukha nito. Ngunit nang mapatingin kay Prinsipe Haramara ay agad itong umiwas ng tingin at parang kinondisyon ang sarili.

“S-si Prinsesa T-tina… may nangyari sa amin…” Agad akong napatayo sa aking narinig at agad sinugod ang Prinsipe. Hindi! Wala siyang karapatang magsalita ng ganyan! Hinding hindi ako pagtataksilan ng aking Prinsesa!

“Fenris!” rinig kong sigaw ng aking Inang reyna. Ngunit hindi ako tumigil at sinuntok ko ng sinuntok si Prinsipe Elydyr. May umawat sa amin kaya napaglayo kami.

“Huwag kang gumawa gawa ng kwento, Prinsipe Elydyr! Hinding hindi ako pagtataksilan ng aking Prinsesa!” galit na diin ko dito. Dumudugo ang ilong at labi nito habang namamaga ang mga mata nito.

Nginisihan ako nito, “At diyan ka nagkakamali, Prinsipe Fenris. Prinsesa Haramara, ipakita mo ang ebidensya,” sambit nito. Napatingin naman ako kay Prinsesa Haramara na lumapit sa aking Prinsesa na pupuntahan ko sana ngunit nakahawak sa akin ang aking ama na siyang umawat sa akin.

Pinunit ni Prinsesa Haramara ang tela sa ibabaw ng dibdib ni Prinsesa Tina, at doon ay may nakitang marka sa balat nito. Napakunot ako at napatingin kay Prinsesa Tina, nakatingin din ito sa akin habang umiiling. May luhang dumadaloy sa mga mata, ngunit hindi ko na alam ang aking gagawin. Gulong-gulo na ako.

“Tingnan niyo kung gaano ka walang modo ang ating Prinsesa, Amang hari. Siya’y nakipagtalik sa hindi niya katuwang o kasintahan, at iisiping mag-iisang dibdib na sana sila ni Prinsipe Fenris bukas, hindi ba’y isa itong kasalanan?” sambit ni Prinsesa Haramara. Lumapit sa akin si Prinsesa Tina at yumakap sa aking mga binti.

“F-fenris… huwag kang maniwala sa k-kaniya…” nanghihina nitong usal. Ang puso ko’y parang nilalamukos habang tinitingnan ko ito. Hindi ko kaya.

“Prinsesa Tina, hindi—” naputol ang aking sasabihin ng may bago na namang dumating—si Divina. Kasa-kasama nito ang isang engkantadang pamilyar sa akin ngunit hindi ko na matandaan kung sino ito.

“Magandang araw, Prinsesa Haramara,” nakangising ani ng engkantadang kasama ni Divina. Ano na naman ba ang maisisiwalat ngayong araw? Hindi pa ba tapos ang kagulohang ito?