Chapter 8: Closure
NANG makalabas ang batang si Darkien, palingon-lingon ito sa paligid ng kanilang bahay. Hinahanap-hanap ng kaniyang munting puso ang presensiya ng isang tao. Mabagal siyang naglakad papunta sa bakanting lote ng kinatatayuan ng kanilang bahay na nagsisilbing basketball court niya. Yakap-yakap ng bata ang kaniyang bola.
Nanatili siyang nakatayo ng ilang minuto at nakaramdam nang lungkot at pagkadismaya nang hindi dumating ang kaniyang hinihintay.
Naiiyak siyang yumuko sa kaniyang ulo at mabigat ang mga paang naglakad papunta sa bench. Hindi mapaliwanag ng isang batang katulad niya ang sakit na kaniyang nararamdaman ng kaniyang inosenteng puso. Pagkaupo sa bench ay napasinghot ito at ginawang pangpunas ng kaniyang luha ang suot niyang damit.
“Bakit umiyak ang pinakagwapo at pinakamabait na batang nakilala ko?”
Nang marinig ang pamilyar na boses na iyon ay agad na napa-angat ng ulo ang batang si Darkien. Nagningning ang madilim nitong mga mata nang makita ang taong kaniyang hinihintay. Mabilis siyang tumayo at niyakap ang bagong dating.
“Tahan na. Narito na ako. Hindi kita iiwan.” Nais dagdagan ni Demon ang salitang ‘son’ subalit nagdalawang-isip siya rito. Nahabag ang kaniyang puso sa pag-iyak ng kaniyang anak. Ramdam nito ang pangungulila ng isang ama—tunay na ama.
Dalawang oras na sinamahan ni Demon ang anak sa lilim ng malaking punong mangga. Panay kwento ang batang si Darkien sa mga bagay-bagay at hindi binigyang pansin ni Demon ang paulit-ulit na pinagsasabi ng kaniyang anak. Masaya siya na makasama nang matagal ang bata kahit na palihim lang.
“Gutom ka na ba?” agad na tanong ni Demon sa anak nang mapansing nakahawak ito sa kaniyang maliit at may umbok na tiyan. Tumango ang batang si Darkien sa kaniya. “Anong gusto mong kainin? Bibilhin ko!”
“Gusto ko nang…” Nag-isip nang mabuti ang batang si Darkien kung anong pagkain ang gusto niyang kainin. “Gusto ko ng hotdog at—”
“Darkien? Darkien? Nasaan ka?” Isang pamilyar na boses ang nagpatigil sa batang si Darkien.
Napatingin ang dalawa sa direksiyon ng narinig nilang boses. Kinuyom ni Demon ang kaniyang mga kamao nang mapagtanto niya kung sino ang hampas-lupang gumambala sa kanilang momentong mag-ama.
“Hala! Narito na si tito Stephan!” Malungkot ang boses ng batang si Darkien. Tinignan niya ang malaking mama na katabi niya ngayon. “Tara po! Sumama ka sa akin. Ipapakilala kita kay tito!”
Napatingin si Demon sa kaniyang anak. Makikita niyang nais siya nitong isama at ipakilala bilang kalaro sa tinatawag na tito ng kaniyang anak. Kahit gustuhin man niyang samahan pa nang matagal ang anak subalit hindi siya maaaring magpakita.
“Pumunta ka na roon, Darkien.” Nakangiti man si Demon subalit nagngingit-ngit naman ang kaniyang kalooban. “May pupuntahan pa si manong mo.”
Napangiwi nang palihim si Demon nang sinabi niyang ‘manong’. ’Yon ang tawag sa kaniya ng sarili niyang anak. Masakit man sa kaniyang kalooban subalit kailangan niyang tanggapin hangga’t hindi pa niya nakukuha ang loob ng kaniyang asawa.
Lumubo ang kyut na mukha ng batang si Darkien at nilabas ang kaniyang ibabang labi nang marinig ang sinabi ng tinuturing niyang kalaro. “Okay.” Malungkot ang kaniyang ekspresiyon. “Maglaro tayo bukas, a!”
Tumango lang si Demon at mabagal na umalis ang batang si Darkien. Palingon-lingon pa siya sa kaniya at halatang umaasa ang bata na sasama siya rito.
“Tito!” sumigaw ang batang si Darkien nang dalawang metro na ang pagitan niya kay Stephan na nakatayo sa paanan ng main door.
Agad na lumingon si Stephan at nakita ang batang si Darkien na tumatakbo papalapit sa kaniya. “Let’s go?”
“Hmm.” Tumango ang batang si Darkien at kinuha ang kaniyang maliit na backpack.
•••
Papunta si Allyce sa cereals section. Pagkarating ay agad niyang tinaas ang kaniyang kanang kamay upang abutin iyon. Sinuri niya nang mabuti ang kaniyang napili at nakitang mayroong maliit na butas sa box ng cereal. Nag-vibrate ang dalang cellphone ni Allyce na nasa kaniyang bulsa. Ang box ng cereal na hawak niya ay binalik niya sa kinalalagyan nito kanina at agad na dinukot ang kaniyang cellphone.
“Hello—” Napatigil siya nang makita ng kaniyang pheripheral vision na mahuhulog ang box ng cereal na kaniyang hinawakan kanina. Nataranta siya sa kaniyang gagawin at kung ano ang uunahin.
Isang kamay ang nakasalo sa box ng cereal na siyang ikinagaan ng kaniyang pakiramdam. Natatakot siya kaninang magkalat ang laman no’n at magiging problema iyon kung sakali.
“Thank you!” pagpapasalamat ni Allyce sa estrangherong nagligtas sa kaniya mula sa magiging kahihiyan.
Tumango lang ang estranghero at binalik nito ang box ng cereal sa kinalalagyan. Pilit na sinusulyapan ni Allyce ang mukha ng estranghero subalit hindi niya ito maaninagan dahil na rin sa suot nitong itim na sumbrero.
“Allyce? Are you still there? May problema ba?” Rinig ni Allyce na tanong ni Stephan sa kabilang linya ng cellphone.
“No, nothing.” Binigyan niya nang huling tingin ang binata at pinukos ang atensiyon sa natanggap na tawag. “Kumusta? Nahatid mo na ba si Darkien sa school niya?”
“Oo, kanina. After this ay susunduin ko siya sa school pauwi. Diyan ako mag-di-dinner, okay lang ba?”
“Yes, of course! Magluluto ako nang masarap na panghapunan. Hihintayin ko na lang kayo mamaya!” Napangiti nang kaunti si Allyce nang malamang nasa mabuting kalagayan ang kaniyang anak.
‘Dinner? Tss!’ Nagseselos na nakamasid si Demon sa kaniyang asawa na ngayo’y katatapos lang sa kaniyang tawag. Nanatili siyang walang imik kanina nang sinalo niya ang hindi inaasahang pagkahulog ng box of cereal.
Kanina niya pa sinusundan ang asawa sa pag-iikot at sa pag-gro-grocery nito. Nasa mall sila ngayon at tila nagmukha siyang stalker sa kaniyang ginagawa. Ang kaniyang atensiyon lamang ay nakapukol lamang sa kaniyang asawa at hindi pinansin ang mga taong nakatingin sa kaniya nang may pagtataka at paghahanga.
Tinignan ni Allyce ang orasan sa suot niyang relo at mayroon pa siyang isang oras para maghanda bago dumating ang kaniyang anak kasama na si Stephan. Bitbit niya ang biniling groceries habang papalabas siya ng mall. Agad naman niyang binuksan ang passenger seat at doon niya nilagay ang kaniyang binili. Umikot siya papunta sa driver seat at inumpisahang paandarin ito.
Ilang minuto lang ay nakarating na siya sa kaniyang bahay at pinark ang kaniyang kotse sa garahe at dumiretso sa loob. Hindi na siya nag-abalang magbihis ng damit at dumiretso siya sa kusina at nilagay ang kaniyang binili sa frigider at sa cupboard.
Nagsimula siyang maghiwa ng kaniyang lulutuin pagkatapos niyang nasuot ang kaniyang apron. Matapos niyang mailagay ang mga sangkap sa kaniyang niluluto ay agaran siyang nagpunta sa kaniyang silid upang magbihis ng pambahay.
Nang makitang wala na ang asawa sa kusina ay agad namang lumitaw si Demon doon. Napangiti siya nang mapait at puro mga ‘what if’s’ ang bumabagabag sa kaniyang isipan. What if hindi nalaman ng asawa ang kaniyang tinatagong lihim ay sila pa rin ba hanggang ngayon? Masaya ba silang magkakasama ng kanilang anak? Ipagluluto at ipaghahandaan ba siya ng asawa tulad ng ginagawa nito sa karibal niya ngayon?
Napabuga na lang ng hangin si Demon at naglakad papalapit sa niluluto ng asawa. Binuksan niya iyon at agad na nanuot ang aroma nito sa kaniyang ilong. Na-mi-miss na niya ang luto nito. Pinigilan niya ang kaniyang sarili na tikman ito.
Naninikip ang kaniyang dibdib nang maalalang para iyon sa manliligaw ng kaniyang asawa. Pinigilan niya ang sariling madala sa temptasiyon at iniisip na hindi masarap ang luto ng kaniyang asawa. Hindi man makatuwiran ang kaniyang iniisip at alam niyang napakasarap magluto nito ay hindi niya maiwasang mag-isip ng masama.
Bagot siyang lumayo at lumabas ng kusina. Napatingin siya sa hagdan papuntang ikalawang palapag. Ramdam niya ang kaniyang asawa na naroroon sa isa sa mga silid sa itaas. Matalas ang kaniyang pandinig at sa tantiya niya ay naliligo ito dahil na rin sa naririnig niyang pagbuhos ng shower.
Nahagip ng kaniyang mga mata ang isang picture frame. Wala sa sariling lumapit siya rito. Dahil na rin sa kaniyang pambihirang tangkad ay walang kahirap-hirap niya itong naabot at kinuha sa pagkasabit.
Napangiti siya nang makita ang nakangiting mukha ng kaniyang asawa habang nakahiga ito sa kama ng hospital at tangan nito sa kaniyang bisig ang bagong silang nilang anak. Napaluha siya sa tuwa, lungkot, at sakit. Wala man lang siya sa tabi nito noong pinagbubuntis pa ng kaniyang asawa ang kanilang anak. Miski magbigay ng inspirasiyon dito noong panahong niluluwal nito ang kanilang anak. Sa kabila ng lahat, masaya siya dahil nagbunga ang kanilang pagmamahalan. Itinuloy ng kaniyang asawa ang pagbubuntis nito kahit na kinasusuklaman siya niyo dahil sa pagiging demonyo niya. Kung mayroon lang paraan na maalis sa pagiging ganap na demonyo ay noon pa niya ito ginawa.
Mga yabag ng paa ang nagpabalik kay Demon sa sarili. Napasinghot siya sa kaniyang sipon at napalingon sa kaniyang likuran kung saan makikita ang hagdan patungong itaas. Alam niyang ang asawa niya iyon at pababa na ito rito. Nataranta siya nang kunti at mabilis na sinabit ang picture frame at nagtago sa kaniyang sarili.
Si Allyce ay pababa na ngayon sa hagdan. Mabilis lang ang ginawa niyang pag-ha-half bath sa sarili. Nakasuot siya nang maluwang na damit at maong na short. Naka-tsinelas din ito. Hindi niya alam kung bakit ang ganda ng kaniyang mood ngayon at pa-hum pa siyang bumaba.
Didiretso na sana siya sa kusina nang makitang wala sa ayos ang pagkasabit ng kaniyang picture frame. Napakunot ang kaniyang noo at nagkibit-balikat lang. Lumapit siya rito at dahil hindi niya maabot ito ay iniusog niya ang single sofa at ginawang tungtungan ang sandigan nito. Inayos niya ang pagkasabit ng frame at sa hindi inaasahang pagkakataon ay may lumuksong isang putting butiki sa kaniyang dibdib na ikinatakot niya.
“Ahhh!” Nataranta si Allyce at pinagpagan ang kaniyang dibdib at nawala sa sariling balanse. “Ahhh!” Napapikit siya nang maramdamang babagsak na siya sa mwebles.
Malambot at well built na mga bisig ang nakasalo kay Allyce na ikinataka niya. Napadilat siya sa kaniyang mga mata at bumungad sa kaniyang paningin ang pamilyar na tao—ay hindi! Sinalo siya ng kaniyang demonyong asawa.
Napakabilis ng pangyayari at natulala siya habang nakatitig sa perpektong mukha ng asawa. Hindi niya pinansin ang napakapulang mukha ni Demon bagkus ay nahy-hypnotize siya sa madilim na mga mata nito subalit napakaganda tignan.
Magkasabay ang pagtibok ng kanilang puso at unti-unting binababa ni Demon ang kaniyang mukha sa asawa. Napapikit naman si Allyce at hinihintay ang pagdampi ng labi ni Demon sa kaniya.
“Mommy, we’re home!” malakas na sigaw ng anak ni Allyce pagkabukas nito sa pinto at nasa likuran nito si Stephan. Kapwa’y nanglalaki ang kanilang mga mata habang nakatingin sa kaniya.