Chapter 9: Possessiveness

“Aray!” daing ni Allyce nang tumama ang kaniyang pwet sa malamig na sahig.

“Mommy!” Mabilis na tumakbo ang batang si Darkien sa kaniyang mommy nang makita nitong nasaktan ito.

“Are you alright?” nag-aalalang tanong ni Stephan pagkalapit niya kay Allyce at tinulungan itong tumayo.

Tumango lang si Allyce at ngumiti nang tipid. Malakas pa rin ang kabog ng kaniyang dibdib. Akala niya ay mahuhuli sila ng kaniyang anak at ni Stephan sa ganoong pwesto. Hindi niya maisip kung ano ang magiging reaksiyon nito at kung ano ang kaniyang irarason. Sa kabila ng lahat, nagngingit ang kaniyang kalooban kung bakit hinayaan niya ang sariling maging marupok at mahina kapag nasa tabi-tabi lang ang asawa at talaga namang nanghihina siya kanina nang maramdaman ang pamilyar na mga bisig at titig nito. Gusto niyang sumigaw dahil sa pagka-inis sa sarili. Gusto niyang pukpokin ang sariling ulo dahil sa hiya. Nagsisisi siya ngunit mayroong isang parte ng kaniyang puso na nasiyahan siya sa nangyari kahit na agad siyang binitawan nito kanina bago pa lang nabuksan ni Stephan ang pinto.

“Salamat sa paghatid ni Darkien.” Tinignan niya si Stephan sa mata. “Mauna ka na sa kusina, bibihisan ko muna si Darkien.”

“O, sige!” tanging sagot ni Stephan kay Allyce at pinanuod lang itong kinarga ang batang si Darkien at umakyat paitaas.

Nakakunot ang kaniyang noo nang tingnan ang isang nakataob na picture frame na nasa ibabaw ng upuan. Pinulot niya ito at napangiti nang makita ang magandang ngiti ni Allyce sa litrato. Nagniningning ang mga mata nito. Muli siyang napabalik-tanaw sa nakaraan kung saan niya nakilala ang babae.

Sa kabilang banda, nahihirapang huminga nang maayos si Demon habang nakahawak sa katawan ng puno. Nagugusot na ang sarili niyang damit dahil sa mahigpit na pagkahawak niya rito sa bandang dibdib niya. Namumula ang buo niyang mukha at katawan. Nakalitaw rin ang mga ugat sa kaniyang leeg, braso, at noo.

Pilit niyang hinahakbang ang kaniyang mga paa papasok sa gubat. Hindi niya maipaliwanag ang matinding sakit na kaniyang nararamdaman. Hindi niya alam sa kaniyang sarili kung magpapasalamat ba siya o magsisisi sa mga nangyayari ngayon. Hindi niya naisip kanina na hindi niya maaaring madampian man lang ang kahit anong parte ng kaniya asawa. Matindi ang kaniyang pagtitiis kanina nang nasalo niya ang asawa. Sa lahat ng nangyayari ay hindi niya masisisi sa kaniyang asawa kung bakit siya nasasaktan ngayon. Kung medyo nahuli pa ang dating ng mga ito ay baka nahalikan niya ang asawa at baka… patay na rin siya sa oras ngayon dahil sa hindi mapaliwanag na mahikang bumabalot sa kaniyang asawa.

Napahiga si Demon sa damuhan, habol ang kaniyang hininga at pilit na kinakalma ang sarili. Unti-unti na ring bumabalik ang totoo niyang kulay. Nakapikit lang ang kaniyang mga mata at mapapansin pa rin ang pagbaba at pagtaas ng dibdib nito. Gusto niyang alamin kung ano ang kakaibang pwersang iyon at kung bakit nagkaroon ang kaniyang asawa nang ganoong mahika. Nagdadalawang-isip pa rin si Demon kung mahika ba iyon na galing kay Allyce o sa ibang tao. Mayroon bang galit sa kaniya at ayaw siyang mapalapit sa kaniyang asawa?

•••

“Umuwi ka na.” Isang boses ang narinig ni Allyce mula sa kaniyang harapan.

Napa-angat siya nang tingin at bumungad sa kaniyang paningin ang maaliwalas na mukha ni Stephan. Nakangiti ito sa kaniya. “Huh? Tatapusin ko muna ito,” pagmamatigas ni Allyce.

Linggo ngayon at sana ay nagpapahinga siya ngayong araw subalit heto siya at ginugugol ang kaniyang oras sa pagtatrabaho. Marami ang kaniyang tatapusin at nawala sa kaniyang bokabolaryo ang rest days. Hindi lang siya ang nag-o-over time ngayon at pati ang iilang mga empleyado ng kompanya.

“Please, itigil mo muna ’yan. Umuwi ka muna at makapagpahinga. Susunduin kita mamayang sais.”

Agad na napasinghap si Allyce nang marinig ang sinabi ng binata at napatingin siya rito nang nanglalaki ang mga mata. “Oh my! I forgot! Sorry, mabuti na lang pinaalalahanan mo ako.” Nahihiya na siya rito at ilang beses na siyang nakakalimot sa kanilang dinner date. “Okay lang ba?”

“Ako na ang nagsabi at huwag mo na alalahanin ’yon. Ako na bahala sa lahat.”

Tumango si Allyce at ngumiti siya rito nang alanganin. “O sige, Ikaw bahala! Pero… alam kong magiging isyu ito sa mga kaworkmates ko. Pinauwi mo ako at masasabing special treatment ito!” Nag-aalala lang si Allyce na baka masabihan siyang kapit-CEO.

“Hindi, hindi. Huwag mo nang isipin ’yon! Ako ang bahala sa kanila.” Sinamahan ni Stephan si Allyce palabas ng secretary office at huminto sila sa tapat ng pinto. “Pasensiya na kung hindi kita maihahatid ngayon. Aasikasuhin ko ang magiging venue natin.”

“No, walang problema sa akin. Huwag kang humingi nang pasensiya. Nahihiya na nga ako sa ’yo, eh! Masiyado na kitang naabala sa lahat.” Halos hindi makatingin si Allyce sa binata at nakakaramdam siya nang pagka-ilang sa kakaibang pagtitig nito sa kaniya at sa iba pang mga matang nakamasid sa kanila ngayon.

“Kailanman ay hindi ka naging abala sa akin. Importante ka sa lahat ng bagay. Tandaan mo ’yan!”

Napangiti si Allyce at napayuko ng kaniyang ulo. Hindi man siya kinikilig subalit nakaramdam siya ng saya sa narinig mula sa binata. Sino ba ang hindi? Kung titignan siya nito ay tila siya lang ang babae sa mundo subalit… kahit anong gawin ng binata ay hindi nito mapapantayan ang kaniyang asawa. Malas nga lang siya at isa pang demonyo ‘yon na siyang hinding-hindi katanggap-tanggap para kay Allyce.

Nang makatapak na si Allyce sa labas ng kompanya ay agad siyang pumara nang taxi. Hindi niya nadala ang kaniyang kotse kanina dahil sa sinundo lang siya ng CEO.

Samantala, hindi mapakali si Demon habang naghihintay sa pagdating ng kaniyang asawa. As usual, nagtatago pa rin ito sa likod ng malaking punong mangga na nasa kabilang bahagi ng kalsada at nasa tapat niya ang bahay ng asawa.

Maya-maya ay isang putting taxi car ang huminto sa tapat ng bahay ng asawa at agad siyang napalingon doon. Nang maka-alis na ang taxi ay agad siyang lumitaw sa likuran ni Allyce na may dalawang metro ang pagitan nilang dalawa.

“Huwag ka nang sumipot mamaya. Maniwala ka sa akin.”

“Ah!” Napatalon si Allyce sa gulat nang mayroong boses ang biglaang sumulpot sa kaniyang likuran at nang tignan niya kung sino iyon ay ang kaniyang demonyong asawa pala. “Tigilan mo na nga ako!” singhal niya rito at sarkastikong nagtanong dito, “Huwag mo sabihing nag-aalala ka sa akin?”

“Oo,” mabilis pa sa alas-kwatrong sagot ni Demon sa kaniya na ikina-roll-eyes niya.

“Oh, come on!” puno nang inis at pagka-irita ang boses niya. “Hanggang ngayon pa rin pala ay sinungaling ka pa rin, e no? Tch!”

Agad na tinalikuran ni Allyce si Demon. Kahit na gustuhin man niyang paniwalaan ang sinabi ng asawa ay hindi niya magawa lalo na’t nasaktan siya nang sobra noong nalaman niya ang totoo at dinagdagan pa nang hindi pa siya nito hinabol noong tumakbo siya palayo. Nagdamdam din siya rito. Ni minsan man ay hindi siya nito binisita sa hospital noong isinilang niya ang bata. Masasabi niya lang na wala itong pakialam sa kaniya at puro kasinungalingan lang ang lahat ng pinapakita at pinapakiramdam nito sa kaniya.

Wala sa mood niyang tinapon ang sarili sa malambot na kama. Galit siya at naiinis. Bakit pa ito bumalik nang malapit na niya itong lubusang makalimutan. Dahil sa pag-iisip ay agad siyang nakatulog.