Chapter 46

Ewen's Pov

"Naiintindihan ko ang ibig mong sabihin ngunit hindi ako sang ayon na dagdagan pa ang buwis ng mga mahihirap" Sabi ko sa lahat ng mga opisyal habang nagpupulong kami sa bulwagan

"Ngunit Pinuno wala tayong pagkukuhanan ng panrustos para mapatayo ang makinaryang pahayagan. Malaking tulong sa mga mahihirap nating kababayan ang pagkakaroon ng makinarya" sagot ni Ministro Abe

"Malaking tulong sa mahihirap o sa mga mayayaman na katulad niyo?!" Tanong ko na hindi naiwasang magtaas ng boses. "Aminin na ninyo na mas malaki ang magiging pakinabang niyo kaysa sa mga mahihirap!" Sabi ko pa at tinignan silang lahat. "Karamihan sa mga mahihirap ay hindi marunong magbasa kaya paano niyo nasabi na malaking tulong ito sa kanila?" Tanong ko "batid ko rin na malaking panustos sa kuryente ang kailangan para gumana ito. Bakit hindi nalang kayo mag isip ng paraan para matugunan at maabutan lahat ng kuryente ang ating mga mamamayan?!" Sabi ko sa mga ito

"Kung hindi natin maipapatayo ang makinarya pang pahayagan ay maiiwanan tayo ng ibang bayan" Sabi naman ni Ministro Romulo

"Mas mahalaga pa ba ang makinarya na iyan kaysa sa ating mga kababayan? Ano ngayon kung mapag iwanan tayo ng ibang bayan ang mahalaga hindi kumakalam ang sikmura ng mga tao sa Dalya!" Sagot ko na nag iigting ang mga panga.

"Huwag kang magalit Pinuno ibig lang namin mapabuti at mapaunlad ang bayan natin" sabi naman ng isa pang opisyal

Napahilot nalang ako sa aking sentido.

"Ayoko ring magalit ngunit ang mga sinasabi ninyo sa'kin ngayon ay kagalit galit. Alam ko at nauunawaan ko na nagmamalasakit kayo para sa ikauunlad ng bayan natin, ngunit hindi tama isakripisyo ninyo ang mga kababayan natin para lang dito. Mahihirap na sila at lalo pang maghihirap kung sa kanila niyo pa kukunin ang buwis na ipantutustos niyo para sa makinarya" Sabi ko

"Naiintindihan namin ang ibig mong sabihin Pinuno siguro ay kanselahin nalang muna natin ang pagpapatayo sa makinarya at pag usapan nalang ulit ito sa susunod na araw" Sabi naman ni Ministro Abe

"Bakit kailangan kanselahin at pag usapan pa sa ibang araw kung maari naman nating ituloy ito ngayon at mapag usapan narin ngayong araw?" Nakakunot ang mga noong tanong ko kay Ministro Abe

"Paumanhin Pinuno iniisip ko lang ang kalagayan mo at baka ika'y pagod na" sagot naman nito

"Nang tanggapin ko ang posisyong maging Pinuno ay alam ko na na wala na akong karapatan para mapagod. May magandang suhestiyon ako sa makinaryang isinusulong niyo na hindi matatamaan ang mga mahihirap nating kababayan sa buwis" Sabi ko

"Kung may ibang paraan para hindi dagdagan ang kanilang buwis ay magandang balita nga iyan" Sabi ni Ministro Abe

"Tutal sinabi niyo kanina na nagmamalasakit kayo sa ating mahal na bayan at gusto niyo itong umanlad bakit hindi nalang kayong mayayaman ang dagdagan ng buwis? Magandang ideya hindi ba? Nakatulong na kayo sa bayan nakatulong pa kayo sa mahihirap nating kababayan" nakangising sabi ko

Nagbulungan naman ang lahat at sa hilatsa ng mga mukha nila ay hindi sila pabor sa aking sinabi.

"Hindi tama na kami ang umako sa buwis dahil kami rin ang nagbibigay trabaho sa mga mahihirap nating kababayan" Sabi naman ni Ministro Narciso na sinang ayunan naman ng iba pang mga Ministro

"Gaano ba kalaki ang pinapasahod niyo sa kanila? Tapos ano? Sa kanilang kakarampot na sahod ay babawasan pa ng buwis. Kung tutuusin ang mga sahod nila ay hindi sapat para bumuhay ng pamilya kaya pati mga kabataan ay napipilitan magtrabaho kaysa mag aral!" Sabi ko

"Hindi na namin kasalanan kung hindi sapat ang kinikita nila. Ibinibigay lang namin ang sahod na nararapat sa kanila" Sabi naman ni Ministro Justo

"Kung gusto nilang umangat ang buhay nila kailangan nilang magtrabaho ng maayos para masahuran ng maayos. May tauhan nga ako na napupunta lang sa alak ang sahod niya" Sabi pa ng isang Ministro

"Kung tutuusin mas maganda na ang pamumuhay natin ngayon kumpara noon. Mula ng maipanalo mo ang digmaan kontra sa Astor ay mas gumanda na ang takbo ng pamumuhay natin dito. Kahit wala na ang babaeng itinakda ay ginagalang parin nila tayo bilang mas nakakaangat sa kanila. Kaya kung mapagiiwanan tayo pagdating sa mga iba't ibang makinarya bababa na naman ang tingin nila sa atin at hihilingin na naman natin na sana may dumating na panibagong babae na galing sa ibang mundo" Sabi ni Ministro Rolando. Matalim ko siyang tinitigan habang bumababa sa entablado at lumapit sa kanya.

Kinwelyuhan ko siya at akmang susuntukin na sana siya ngunit hindi natuloy dahil sa malaking liwanag na bigla nalang lumitaw sa gitna ng bulwagan. Lahat kami ay napatingin sa nakakasilaw na liwanag hanggang sa unti unting nawala ito at naiwan ay isang pigura ng babae

Literal na napanganga ako ng makita ang babaeng matagal ko ng hinihintay na bumalik. Mabilis akong tumakbo palapit sa kanya at nagtama ang paningin naming dalawa.

"Kapitan" nakangiting sambit niya

Halo halo ang nararamdaman ko sa mga oras na iyon. Hindi ko mapigilan ang mapaiyak sa saya dahil heto siya nandirito siya.

"Mahal ko" Sabi ko at niyakap siya. Gumanti ito ng yakap sa'kin sa'kin hanggang sa bumagsak ang mga kamay nito.

"M-mahal ko" natatarantang tawag ko sa kanya ng makitang nawalan siya ng malay. "Tumawag kayo ng doktor!" Pasigaw na utos ko at binuhat siya.

*****

"Kumusta na siya?" Tanong ko kay Doktor Gilberto pagkatapos niyang tignan si Chandee na ngayon ay nakahiga sa higaan namin.

"Huwag kang mag alala Pinuno natutulog lang siya, mukhang napagod ang binibini sa paglalakbay nito. Huwag kang mag alala magigising din siya ano mang oras" nakangiting sabi nito

Nakahinga ako ng maluwang at napangiti. "Maraming salamat Doktor" Sabi ko at hinawakan ang kamay ni Chandee na natutulog ngayon

Narinig ko ang pagsinghot ni Salve at Lenlen kaya naman napatingin ako sa kanila, nagpupunas naman ng mga nalaglag na luha si Doktor Gilberto.

"Paumanhin po Pinuno natutuwa lamang po kami dahil nakabalik na ang Binibini" Sabi ni Lenlen na pinunasan ang mga luha niya

"Maraming salamat sa inyo sigurado matutuwa din siya kapag nakita kayo" Sabi ko naman

"Ang mabuti pa'y mauna na kami, ipatawag mo nalang po kami kung kailanganin ninyo kami. Binabati ka namin Pinuno sa pagbabalik ng binibini. Alam namin na hindi mapapantayan ang tuwa at saya na nararamdaman mo ng kahit sino sa mga oras na ito. Aalis na po kami" paalam ni Doktor Gilberto. Nagpaalam narin ang kanyang dalawang anak.

"Kumusta po siya Pinuno?" Nag aalalang tanong ni Aling Gilda

"Huwag po kayong mag alala natutulog lamang siya, ang sabi ng doktor ay mukhang napagod lang ito sa byahe at maaring magising ng anumang oras" nakangiting sagot ko kay Aling Gilda kasama nito sa tabi niya ang kanyang asawa.

*Kung ganoon magluluto ako ng sinabawang manok ng manumbalik ang lakas niya" Sabi nito tsaka hinila ang asawa niya paalis sa tapat ng silid namin.

Sinarado ko ang pinto at muling nilapitan ang natutulog kong asawa. Hinawakan ko ulit ang kamay niya at hinaplos ang daliri niyang suot ang singsing na binigay ko. Hindi parin ako makapaniwala na nandito na ulit siya ngayon sa tabi ko nakikita at nahahawakan siya.

Tinitigan ko ang mukha niya at hinaplos ang pisngi niya. Sa loob ng anim na taon wala paring pinagbago ang itsura niya. Ang nagbago lang siguro sa kanya ay ang kakaibang suot niya. Sadya sigurong mahilig magsuot ng maiikling damit ang mga taga ibang mundo. Mabuti nalang natakpan ko agad kanina ang katawan niya.

Nilagay ko ang dalawang palad niya sa mukha ko at dinama ang init ng mga ito. Kung dati umiiyak ako dahil sa lungkot kapag naaalala ko siya ngayon naman ay naiiyak parin ako ngunit dahil naman sa saya. Tama ang sinabi ni Doktor Gilberto na hindi matutumbasan ng kahit sino ang sayang nararamdaman ko ngayon.

"Maraming salamat mahal ko at bumalik ka" Sabi ko habang tumutulo ang mga luhang nakatingin sa kanya. Hinalikan ko ang likod ng mga palad niya at ibinalik ang mga ito sa gilid ng katawan niya. Natawa pa ako ng gumalaw ito at tumagilid. Mas lalo ko tuloy napagmamasdan ang mukha niya.

May mga mahihinang katok akong narinig at ang pagsasalita ng tao sa likod ng pintuan. Mukhang nabalitaan na ni Ama na nakabalik na si Chandee. Tumayo ako at binuksan ang pintuan.

"Totoo nga" sambit nito habang nakatingin kay Chandee "kumusta siya?" Tanong ni Ama habang nakatingin sa mahimbing na natutulog na si Chandee

"Walang dapat ipag alala natutulog lamang siya" sagot ko

"Mabuti kung ganoon, siyanga pala nabalitaan ko ang nangyari sa pagpupulong kanina. Hindi magandang kalabanin mo ang mga Ministro isa pa'y mas nakakatanda sila sa'yo" Sabi nito

"Ama ayoko munang pag usapan ang tungkol sa trabaho ngayon" Sabi ko at tumingin sa natutulog na si Chandee. "Wala akong ibang iisipin ngayon kundi ang asawa ko" Sabi ko pa

"Naiintindihan ko, patawad kung nabanggit ko ang mga Ministro" Sabi naman nito at tinapik ang balikat ko "pagkagising niya ay pakainin mo siya ng marami at huwag niyong kalimutan dalawin ako sa bahay" bilin nito

Matipid ang mga ngiti na tumango ako. Niyakap ako ni Ama at gumanti rin ako ng yakap sa kanya. Alam kong masaya siya dahil nakabalik na si Chandee sa Dalya.

*****"