Chapter 11 Third Part MAID OF CEO

Pagdating niya sa mansiyon. Agad siyang lumabas sa kaniyang mamahaling kotse at pumasok sa loob ng bahay. Nagtaka siya dahil hindi naka-lock ang pinto. Inisip na lang niya na baka nakalimutan ni Cassey na isara iyon. Pagpasok niya, nagulat siya dahil nakita niya si Cassey na natutulog sa sofa.

Nakaupo ito at nakasandal ang ulo nito sa sofa. Hindi niya maiwasang mkaramdam ng awa sa nakita. Alam niya mahirap para sa dalaga ang maging katulong pero ito lang ang alam niyang paraan para mapalapit dito.

Huminga siya ng malalim saka nilapitan ang dalaga at dahan-dahang binuhat ito. Napapikit siya ng mapagtantong mabigat pala ito. Dinala niya ito sa silid nito at dahan-dahang inihiga sa kama. Pinakatitigan niya ito.

"Kahit kailan talaga hindi kumukupas ang iyong kagandahan, Cassey. Kung alam mo lang na minahal kita kahit pinagpustahan ka namin. Seneryuso kita, Cassey," aniya saka hinalikan ito sa noo. Tumayo siya at lumabas na ng silid nito.

May naisip siyang paraan para malaman kung may pagtingin pa sa kaniya ang dalaga. Pagkarating niya sa kaniyang silid, kinuha niya ang kaniyang cellphone at i-dinial ang numero ng kaniyang pinsan na si Antonette. Ilang ring lamang ay sinagot na nito ang tawag.

"Vinn?! At, bakit ka napatawag?" tanong nito. Hindi man niya nakikita ang pinsan pero alam niya na nakakunot-noo ito.

"Hihingi sana ako ng favor sa iyo ate," aniya.

"Ano naman iyon?" tanong nito. Sinabi na niya ang sadya niya rito. Natawa ang pinsan niya.

"Mahal mo talaga eh, no?" tanong nito. Alam niyang nakangisi ito.

"Syempre, ate. Kelan ba nawala ang pagtingin ko sa kaniya?"

"Okay. Bukas gawin na natin ang plano mo," anito sa pinal na boses. Natapos ang tawag na may ngiti siya sa mga labi. Sisiguraduhin niya na mapapaamin niya ito.

Nagising si Cassey bandang alas dose y medya na ng tanghali. Bigla siyang napabangon saka ipinalibot ang tingin sa kabuuan ng kaniyang kwarto. Anong ginagawa niya rito? Hindi ba dapat nasa salas siya? Sino ang nagdala sa kaniya rito? Ang daming katanungan sa kaniyang isipan at para masagot iyon, bumaba siya ng kama at lumabas ng silid.

Paglabas niya ng kaniyang silid saktong bumukas naman ang katabing silid niya na silid naman ni Vinn. Nag-iwas siya ng tingin dahil bigla siyang nakaramdam ng pagsikdo ng kaniyang puso. Kahit hindi niya tingnan, alam niyang sa kaniya ito nakatingin.

"Pasensiya na, nakatulog ako. Ikaw ba ang nagdala sa'kin sa kwarto?" tanong niya. Rinig niya ang mga yabag na papalapit sa kaniya.

"Oo, sino pa ba?" sagot nito. Nagtaas siya ng tingin para pagalitan sana ito dahil sa pamimilosopo nito pero dagli iyon nawala ng makita ang ngiti sa labi nito. Nag-iwas siya ng tingin.

"Ipagluluto kita ng makakain mo. Pasensiya na malalate ka sa trabaho," hinging-paumanhin niya. n

Napapiksi siya ng bigla nitong hawakan ang kaniyang kamay na dahilan para makaramdam siya ng kuryente.

"Bakit?" naguguluhan niyang tanong.

"Halika na, kumain na tayo. Nagluto na ako para sa ating dalawa," tugon nito at hinila siya patungo sa dining area. Hindi niya maiwasang mapangiti nang tingnan niya ang magkahawak nilang kamay. Ano kaya ang ibig sabihin ng mga nararamdaman niya? Bumabalik na ba uli ang pagtingin niya sa binata?

Asikasong-asikaso ni Vinn si Cassey ng tanghaling iyon sat wala siyang nakuhang pagtutol galing sa dalaga. Hindi niya maiwasang mapangiti habang nilalagyan ng ulam ang plato nito.

"Okay na ito," ani Cassey habang tumatawa. Napatulala siya. Napakasarap sa pandinig ang pagtawa nito.

Ngumiti lamang siya at ang plato naman niya ang nilagyan niya ng pagkain. Napakunot-noo siya ng may magdoor bell. Sino naman kaya iyon? Tatayo na sana si Cassey pero pinigilan niya.

"Ako na," aniya. Tumango ito. Tumayo siya at nagtungo sa labas para tingnan kung sino ang nagdoorbell. Walang iba kung hindi si Antonette, first cousin niya ito sa mother side. Mas matanda ito sa kaniya ng tatlong taon pero hindi iyon halata dahil alaga ito sa katawan.

"Ate Antonette," aniya. Ngisi ang iginawad nito sa kaniya.

"So ano na? Tuloy na ang plano." tanong nito.

Napaisip siya. Tuloy pa ba ang plano o hindi na? Ayaw niyang masaktan si Cassey lalo at nakikita niya na bumalik ang pagtingin nito sa kaniya.

"Ate, siguro huwag na lang," nag-aalinlangan niyang sagot. Tinaasan siya nito ng kilay.

"At ano aatras ka? Paano mo siya mapapaamin kung aatras ka? Tiyak kapag nasaktan iyan, doon mo malalaman na gusto ka niya o mahal ka pa rin niya," pangangaral nito sa kaniya. Huminga siya ng malalim. Tama nga siguro, kailangan niyang malaman kung nakapasok na ba siya ng tuluyan sa puso ni Cassey.

"Okay, ate. Kailangan kong maibalik ang dating kami," sang-ayon niya. Umabrisete ito sa kaniyang siko.

"Let's go! Ipakilala mo ako bilang girlfriend mo at ako na ang bahala," anito at kinindatan siya.

Napabaling si Cassey sa pintuan ng makarinig ng mga yabag. Hindi niya maiwasang mapakagat-labi ng makita kung sino ang kasama ni Vinn, isang napakagandang-babae. Hindi niya maiwasang masaktan sa nakita. Tipid siyang ngumiti.

"Hai," bati ng babae sa kaniya ng makalapit na ang mga ito sa mesa. Ipinaghila ni Vinn ng upuan ang babae na mas lalong nagpadagdag sa sakit na nararamdaman niya.

"Hello, nice to meet you," ganting-bati niya. Inilahad nito ang kamay sa kaniyang harapan.

"Antonette pala. Vinn's girlfriend," pagpapakilala nito sa kaniya. Tiningnan niya si Vinn ng masama na nahuli niyang nakatitig sa kaniya.

"Pasensiya ka na hindi ko alam na may kasintahan pala si Boss," hingi niya ng paumanhin. Natawa si Antonette at hinimas ang braso ni Vinn. Hindi niya alam pero parang gusto niyang putulin ang kamay ni Antonette ng mga sandaling iyon.

"Okay lang. May tiwala naman ako sa kaniya. Alam ko na hindi naman niya ako lolokohin," anito at masuyong ngumiti. Hindi niya alam pero nasasaktan siya sa sweetness ng dalawa. Siguro nga mahal pa niya si Vinn. Ni hindi niya magalaw ang kinakain niya. Tumayo nalang siya para magpaalam na pupunta muna siya ng kaniyang silid. Napatingin ang mga ito sa kaniya.

"Ayaw mo na?" nag-aalalang tanong ni Antonette. Tumango siya.

"Oo, pwede doon muna ako sa kwarto ko? Sumakit kasi bigla ang ulo ko," aniya at tumalikod saka umalis. Nang paakyat na siya sa hagdan hindi niya napigilan ang pagtulo ng luha na dumaosdos sa kaniyang pisngi. Patakbo siyang pumunta sa kaniyang silid at nahiga saka umiyak ng umiyak. Sa pangalawang pagkakataon, nasaktan na naman siya ni Vinn.