Chapter 12 Last Part MAID OF CEO

Galing si Vinn sa kompanya ng hapong iyon at pauwi na siya sa mansiyon ng tumawag si Antonette sa kaniya. Kinuha niya ang cellphone sa dashboard at sinagot ang tawag nito.

"Ate, ba—" naudlot ang iba pa niyang sasabihin ng magsalita ito.

"Hello, babe. Kamusta? Pauwi ka na ba?" malambing nitong sabi. Napabuntong-hininga siya sa inasal ng pinsan. Talagang kinareer nito ang pagpapanggap. Siguro tama na ito, ititgil na niya ang napagkasunduan nila dahil nitong mga nakaraang araw naging ilap sa kaniya si Cassey. Isa lang ang ibig sabihin nun. Mahal siya nito. Napangiti siya sa isiping iyon.

"Ate, umuwi ka na. Itigil na natin ito. Ayaw ko ng masaktan pa si Cassey," sabi niya. Natawa ang nasa kabilang linya.

"Okay. Sabi mo eh. Magtapat ka na sa kaniya at sabihin mo lahat ng nasa puso mo. Bye!" anito at pinatay na ang tawag.

Nang marating ang mansiyon. Iginarahe niya ang kotse at lumabas saka pumasok sa loob ng mansiyon. Nadatnan niya si Cassey na nagwawalis. Nag-angat ito ng tingin at nagtama ang kanilang mga mata. Ngumiti siya. Ngumiti rin ito ng pilit pero kitang-kita ang lungkot sa mga mata nito na siguradong siya ang dahilan.

"Nagmeryenda ka na ba?" tanong niya habang titig na titig sa maamo nitong mukha. Umiling ito.

"Hindi pa," tipid nitong sagot. Mabuti na lang at may salad siya sa ref, bigay iyon ni Antonette noong nakaraang araw. Hinawakan niya ang kamay nito pero iwinaksi iyon ng dalaga. Napatingin siya rito.

"Sorry," hinging-paumanhin niya. Napakagat-labi ito.

"May girlfriend ka, Vinn," anito. Huminga siya ng malalim.

"Magmeryenda muna tayo," paanyaya niya saka nauna ng naglakad patungo sa kusina. Sumunod naman si Cassey sa kaniya.

Nang mailapag ni Vinn ang cake sa mesa. Umupo na siya sa kaharap na upuan ni Cassey saka ibinigay ang platito ng cake rito.

"Salamat," tipid nitong sagot.

Naninibago siya sa pananahimik nito. Dahil ba ito sa pagpapanggap niya? Nasasaktan ba ito? Nagtaas ito ng tingin kaya nagtama ang kanilang mga mata ngunit nagbawi rin ito ng tingin.

"May sasabihin sana ako sa iyo, Vinn," panimula nito at muli siyang tiningnan.

"Ano iyon?"

"Gusto ko ng umalis bilang katulong mo. Pwede ko naman siguro ibayad ang ipon ko, kulang man iyon pero sisiguraduhin ko na mababayaran kita sa lalong madaling panahon," Nasaktan si Vinn sa sinabi ni Cassey. Para bang ayaw siya nitong makasama o dahil ba ito sa alam nito na may kasintahan siya? Tumango-tango siya.

"Sige, kung iyon ang ikapapanatag ng loob mo," aniya kahit ng mga sandaling iyon ay naninikip na ang kaniyang dibdib sa kirot dahil hindi na niya makakasama si Cassey.

Ngumiti lamang ito ng tipid at nagpasalamat. Biglang may sumagi sa isip niya na ideya kung paano niya ito mapapaamin na mahal niya ito. Magalit na ito kung magalit pero wala na siyang ibang pagpipilian. Kung iyon lang ang tanging paraan para makuha niya ang puso nito ay gagawin niya.

Nang gabing iyon ay hindi makatulog si Cassey. Nakatitig lamang siya sa kisame ng kaniyang silid. Hindi niya maiwasang mapahawak sa bandang dibdib niya dahil ng mga sandaling iyon ay nasasaktan siya. Iniisip pa lang niya na mapapalayo siya kay Vinn ay parang hindi na niya kaya. Oo, maha niya ito. Siguro si Vinn ang dahilan kung bakit hindi siya tumatanggap ng manliligaw. Huminga siya ng malalim at tumayo saka kinuha ang maleta niya at inilagay doon ang mga gamit niya. Masakit man pero kailangan dahil may kasintahan na ito. Natawa siya.

"Kelan ka ba niya seneryuso? Di ba pinaglaruan ka lang naman niya. Eh ikaw naman heto at mahal po pa rin siya," aniya at marahang napabuntong-hininga.

Nang matapos sa ginagawa, muli siyang nahiga at ipinikit ang mga mata. Mamimiss niya si Vinn. Hindi niya namalayan na may luha na palang dumausdos sa kaniyang pisngi hanggang sa igupo na siya ng antok.

Kinaumagahan, lumabas siya ng kaniyang silid na hila-hila ang bagahe niya. Muntik na siyang atakihin sa gulat ng makita si Vinn na nasa labas ng kaniyang silid at nakahalukipkip.

"Anak ka ng kabayo!" bulalas niya. Binigyan niya ityo ng masamang tingin. "Ano ba ang ginagawa mo diyan?!" snghal niya. Hindi ito nagpatinag sa pagsusungit niya bagkus umalis ito sa pagkakasandal sa dingding at hinarap siya. Bumaba ang tingin nito sa kaniyang bagahe.

"Stay," utos nito sa kaniya. Napakunot-noo siya.

"Vinn, napag-usapan na natin ito kagabi," aniya at humakbang na pero humarang ang binata sa kaniyang daraanan.

"Paraanin mo nga ako!" Nanlaki ang mga mata niya ng bigla siya nitong yakapin.

"Please, stay," pagmamakaawa nito. Naamoy niya ang amoy-alak nitong hininga. Uminom ba ito?

"Napag-usapan na natin ito, Vinn. May girlfriend ka," pagmamatigas niya.

"HIndi ko siya girlfriend. Pinsan ko si Antonette. Mas matanda siya sa'kin ng tatlong taon," anito ng humiwalay sa pagkakayakap sa kaniya. Pinaningkitan niya ito ng mata.

"Alam mo lasing ka lang kaya kung ano-ano ang lumalabas diyan sa bibig mo," aniya at akmang hihilahin na muli ang bagahe niya ng sapuin nito ang kaniyang mukha at hinalikan siya ng mapusok sa labi.

Nalasahan niya ang alak sa bibig nito. Hindi niya alam pero ng mga sandaling iyon ay nagpaubaya siya. Kusa niyang ipinikit ang mga mata at sinabayan ang paggalaw ng labi nito. Pinagdikit nito ang kanilang noo ng maghiwalay ang kanilang labi.

"Please, stay. Mahal kita Cassey. Noon at ngayon hindi nawala ang nararamdaman ko para sa iyo. Ginawa ko ito para mapalapit muli sa iyo," anito sa nagmamakaawang tinig. Ramdam niya ang sinseridad sa boses nito. Nagkatitigan sila.

"Lasing ka lang, Vinn,"

"Nakainom lang ako at hindi ako lasing. Please tell me that you love me too," paanas nitong sabi. Kitang-kita niya sa mga mata nito ang pagsusumamo. Ano pa ba ang magagawa niya?

"Mahal din kita. Hindi ko maiwasang masaktan dahil sa kasweetan niyo ni Antonette eh, pinsan mo lang pala siya!" singhal niya at inirapan ito. Pinisil nito ang ilong niya.

"So tayo na?" tanong nito. Namula ang kaniyang pisngi sa tanong nito saka tumango.

"Oo tayo na," aniya. Nagulat siya ng bigla siya nitong buhatin at ipaikot sa ere.

Natawa na lang siya sa ginawa nito. May mga taong talagang inilaan para sa iyo sa tamang panahon at iyon ang nangyari sa kanila ni Vinn. Pinaglayo man sila ng landas pero heto sila ngayon nagtapat ng nararamdaman para sa isa't-isa.

"Saan mo ba ako dadalhin?" tanong ni Cassey ng lulan sila ni Vinn ng kotse nito at patungo sa lugar kung saan siya nito dadalhin.

Ngumiti lamang si Vinn. Dalawang taon na silang magkasintahan at ito ang unang pagkakataon na sosurpresahin siya nito. May balak na ba itong yayain siya ng kasal? Hindi niya naiwasang ma-excite sa isiping iyon at manlumo dahil baka imahinasyon lamang niya iyon. Huminto sila sa isang restaurant na paborito nilang kainan. Ang Yuki's Restaurant. Lumabas sila ng kotse. Akmang maglalakad na siya patungo sa entrance ng hawakan nito ang kamay niya. Napatingin siya rito.

"Bakit?" tanong niya. May inilabas si Vinn na panyo galing sa bulsa nito. Kinunotan niya ito ng noo.

"Bakit iyan?" tanong niya na naguguluhan.

"Dahil may surpresa ako sa iyo. Kailangan nakapiring ka para hindi mo malaman ang surpresa ko sa loob," anito sa seryusong tinig pero kitang-kita niya ang ngisi nito. Sinimangutan niya ito at tumalikod siya para mapiringan siya nito.

"Siguraduhin mo lang na matutuwa ako diyan sa sorpresa mo dahil kung hindi isang linggo kitang hindi kita papansinin!" pagtataray niya. Natawa na lang si Vinn at piniringan siya.

"Oo naman, matutuwa ka sa sorpresa ko," anito at iginiya na siya sa loob ng restaurant. Pagpasok nila, napansin niyang tahimik ang loob.

"Hon, ano ba! Kinakabahan ako!" pagrereklamo niya pero at the same time nakakaramdam siya ng excitement.

"Pwede mo ng tanggalin ang piring mo, hon," anito.

Ramdam niya base sa boses nito na nasa harapan niya ito. Kumabog ng mabilis ang kaniyang dibdib na baka totoo ang nasa isip niya. Tinanggal niya ang piring niya saka dahan-dahang iminulat ang mga mata. Natutop niya ang bibig dahil sa nakita. Nakaluhod si Vinn sa harapan niya habang hawak nito ang isang box na naglalaman ng singsing. Ipinalibot niya ang tingin. Napakaganda ng lugar at talagang pinaghandaan.

"Will you marry me, hon? Handa ka na bang makasama ako habang buhay at bumuo ng isang pamilya?" sinsero nitong wika. Naluha siya dahil sa sinabi nito. Pinahid niya iyon gamit ang likod ng palad at dahan-dahang tumango.

"Yes, I will marry you, hon," aniya at inilahad ang kamay rito. Inilagay naman ni Vinn ang singsing sa palasingsingan niya. Tumayo si Vinn at hinapit siya palapit sa katawan nito at siniil ng halik sa labi. Halik na punong-puno ng pagmamahal.

Napangiti ng matamis si Vinn ng makatanggap ng mensahe galing sa kaniyang maybahay na si Cassey. Hanggang ngayon hindi pa rin nagmamaliw ang pagmamahal niya sa asawa. Sa paglipas ng panahon ay mas lalo niya itong minamahal. Huminga siya ng malalim at hinintay ito.

Biglang bumilis ang kabog ng kaniyang dibdib ng bumukas ang pintuan ng kaniyang opisina at pumasok si Cassey na may nakapaskil na ngiti sa mga labi. Anim na taon na silang mag-asawa. Hindi naging madali ang pagsasama sila. Madami mang pagsubok silang pinagdaanan pero nasosolusyunan nila iyon.

"Daddy!" ang sigaw na iyon ni Calvin ang pumukaw sa pagkakatitig niya sa asawa. Napunta ang atensiyon niya sa anak na nasa tabi ni Cassey. May matamis itong ngiti sa mga labi habang may hawak na papel. Lumabas siya sa mesa at sinalubong ang mag-ina niya. Nang makalapit siya sa dalawa. Hinapit niya sa bewang ang asawa at kinintalan ng isang halik sa noo. Samantala, binuhat naman niya si Calvin. Tinitigan niya ng buong pagsuyo at pagmamahal ang asawa.

"Kamusta, hon?" tanong niya. Ngumiti ito sa kaniya.

"Ayos lang, ikaw? Hindi ka ba napagod sa pagtratrabaho?" tanong nito sa kaniya. Kitang-kita niya sa mga mga nito ang pagmamahal. Hinalikan niya sa pisngi si Calvin.

"Alam mo naman na kayo ang inspirasyon ko kung bakit ako nagsusumikap ng ganito. Gusto kong mabigyan kayo ng magandang hinaharap," sinsero niyang sabi. Isinandig ni Cassey ang ulo sa kaniyang dibdib.;

"Thank you," madamdamin nitong pahayag.

"Daddy, look! Nakapasa po ako sa quiz namin!" agaw-pansin ng kanilang anak na nakalimutan na niyang buhat-buhat niya. Tiningnan niya ang anak at msuyong nginitian.

"Patingin, iho?" aniya.

Ipinakita ng anak ang dala nitong papel. Kinuha niya iyon at tiningnan. Nakakuha ito ng walo out of 10. Okay na iyon sa kaniya, ang mahalaga nag-aaral ng mabuti ang anak nila. Hindi maganda sa bata ang prenepressure na makakuha ng mataas na grado.

"Wow! Ang galing naman," bulalas niya at napatingin sa asawa. Cassey mouthed thank you na tinugon naman niya ng ngiti.

"Let's go na daddy!" masigla nitong sabi na ikinatawa nila ni Cassey. Umabrisete sa kaniya ang asawa at lumabas na sila ng kaniyang opisina. Makikita sa mukha ng mga ito ang saya.