Chapter 31
Natuwa si Niam sa natanggap na pasalubong ng binata pagdating galing sa outreach program nito. Isang magandang pulseras at ilang kakanin ang dala ng lalaki. Naalala niya tuloy ang pinakaunang regalo nito sa kanyang isang kuwintas sa unang dinner pa lang nila noong inimbitahan siya nito. Ito ang lagi niyang suot at hinuhubad lang kapag naliligo.
“So… how’s Chinnie?” naitanong niya. Umupo siya sa sofa, ipinatong sa center table ang regalong natanggap mula sa nobyong bisita niya ngayon sa bahay.
Bahagyang nagkasalubong ang mga kilay ng binatang nakatingin sa kanya. “She’s fine. Bakit? Bakit mo naitanong ang tungkol sa kanya?” Tumabi ito sa kanya sa pag-upo.
Kumibit siyang hindi makatingin dito. Gusto niya lang naman malaman kung may ginawa ito o wala. Tatlong araw ring magkasama ang mga ito sa outreach kasi at wala siya roon para obserbahan ang nangyayari.
Napangisi ang binata sa kanya. Kinabig pa siya nito at hinalikan sa batok.
“Nagseselos pa rin ba ang baby ko?” usisa nito.
“Sagutin mo lang kasi ang tanong ko maliban sa ‘fine’.” Napakuros siya ng mga braso at napanguso.
Napatawa si Byron. “How could you be jealous? Hindi mo ba alam ang tungkol sa kanya? Akala ko pa naman ichinismis na sa ‘yo ni Ate Nida.”
Nagtaas siya ng kilay. “Bakit hindi ako magseselos? May gusto ka sa kanya noon. Baka naman kasi bumalik ang dating damdamin mo dahil magkasama kayo nang ilang araw. Malay ko ba kung—”
“Magkasama kami sa dental outreach program,” agaw nito. “May pagkakaiba iyon sa sinasabi mong magkasama kaming dalawa,” pagtutuwid nito.
“Weh? Talaga lang, ha? Hindi ba… ano, bumalik ‘yang feelings mo sa nakaraan dahil sa outreach program na ‘yon?” taas-kilay na biro niya rito.
“Hindi nga at hinding-hindi ‘yon mangyayari,” kampanteng anito. Tunog-pangako pa ang mga salita nito.
Binigyan niya ito ng nanantiyang tingin habang pinasingkit ang mga mata. “Kasi ‘pag malalim talaga ang damdamin ng isang tao, hindi talaga ‘yon nawawala, Byron. Kaya nga may mga nangyayaring cheating, eh.”
“Are you saying that I’m cheating on you?” kumunot ang noo nito.
Napaismid siya. “Hindi nga ba?” pagsusubok niya pa rin dito.
“’Yong cheating na sinasabi mo, hindi naman lahat dahil sa may nalalabi pang damdamin ‘yong tao. May iba riyang mababaw lang at tawag lang ng laman ang pinaiiral. Hindi applicable ang dalawang ‘yon sa ‘kin, baby.”
“Talaga lang, ha?”
“Ngayon ka pa ba nag-aalinlangan sa ‘kin? Wala na nga akong damdamin para kay Chinnie at lalong wala akong pagnanasa sa kanya, I swear,” madamdaming anito. “Ayokong mawala ka sa ‘kin, baby. Ikaw lang ang para sa ‘kin. ‘Yan ang napagtanto ko simula nang malaman kong wala kang asawa.” Ngumisi pa ito.
Hindi siya nakakibo at pilit itinago ang kanyang ngiti. Niyakap siya nitong muli at hinalikan sa pisngi.
“Baby, walang kuwenta ang pagseselos mo, okay? May asawa na si Chinnie. In fact, sumama sa kanya roon sa outreach program namin ang asawa niyang Marine na nagkataong nagbakasyon. Gusto mo ng pictures? Ipapakita ko sa ‘yo ang ebidensya.”
Dinukot nito ang cell phone mula sa bulsa at ipinakita ang ilang kuhang larawan sa outreach program. Napagtanto niyang anim na dentists ang sumama at hindi kasali ang ilang international dentists, ayon sa kulay ng balat ng mga ito. Itinuro ng katipan ang isang guwapong lalaki na asawa raw ni Chinnie.
“May anak na silang dalawa pero hindi nila isinama. Iniwan nila sa in-laws ni Chinnie.”
Napatikom siya ng bibig at napatingin sa nobyo. “So… ‘yong sinabi mo sa ‘kin… totoong-totoo ‘yon?”
Napakunot-noo pa ito. “Alin doon?”
Inismiran niya ito. “Huwag mo nang isipin at kalimutan mo na ang tanong ko. Sige, umalis ka na. Umuwi ka na at kausapin mo na lang ang pinsan mong sawi sa pag-ibig kuno!” Itinulak niya ito.
Napatawa ito sa kanya saka nagsalita, “Nagtatampo ka naman kaagad, baby! Siyempre… ‘yong sinabi ko sa ‘yo ay totoong-totoo ‘yon. Hindi lang kita gusto. Mahal kita! At hindi ko pinlanong sabihin ‘yon sa ‘yo sa phone lang. Naisip ko pa kung paano ko sasabihin sa ‘yo ‘yon nang personal… nang espesyal nang hindi sa gano’ng sitwasyon. Baka kasi iba ang iisipin mo.”
“Huh? Paano?”
Hinawakan nito ang baba niya. “Mahal kita, Niam. Hindi lang kita gustong-gusto. Alam mo na ‘yon. Sorry kung hindi ko palaging sinasabi sa ‘yo. Ang totoo niyan ay na-love at first sight ako sa ‘yo. Maniwala ka naman, baby.”
Napakagat-labi siya at napangiti nang unti-unti sa nobyo. Nilaru-laro pa ng mga daliri niya ang collar ng suot nitong polo shirt at saka hinaplos ang matipunong dibdib.
“Mahal din kita, Byron. At… pareho ako ng nararamdaman para sa ‘yo. Love at first sight din ‘yong nangyari sa ‘kin, sa totoo lang. Kaya nga naman ay hiyang-hiya ako sa ‘yo nang dahil sa nakita mo noon. Natakot ako noon na baka ma-turn off ka sa ‘kin.”
Napatawa ito nang marahan dahil sa sinabi niya. Kapwa nila naalala ang inakala nitong dildo na dala-dala niya at tinawag pa siya nitong “Dildo Girl.” Pero itinama naman niya ang mali nitong akala sa kanya.
“I was attracted and intrigued by you kahit na inakala kong may asawa’t anak ka na,” kumpisal ng lalaki.
Napatawa naman siya sa sinabi nito. “Grabe ka talaga! Ang laki na ni Benjamin para mapagkamalan mo talagang anak namin ni Ace. At kambal ko pa talaga ang inakala mong asawa ko, ah! Eww lang. Wala akong mahumang salita para sa—”
“Katangahan ko!” natatawang supply nito ng salita.
Hinaplos niya ang pisngi ng nobyo. “I love you, baby. Siyanga pala, may pupuntahan tayo ni Charlie sa Linggo. It’ll be fun, and it’s a surprise. Kaya huwag kang magtanong, okay?”
Napangiti itong hinawi ang side-swept bangs niya. “Okay. Kahit saan mo man ako dalhin, sasama ako sa ‘yo.”