Chapter 30

Hindi mapakali si Byron. Nasa shop ng kasintahan ang pinsan. Napaisip pa siya kung ano na ngayon ang pinag-uusapan ng dalawa.

Naninibugho siya. At dahil dito ay nasabi niya ang totoong nararamdaman sa dalaga. Sa pangalawang pagkakataon. Pero hindi iyon ang plano niyang eksena para sabihin dito ang katotohanang hindi lang sa bugso iyon ng pagkakataon katulad ng pagtatalik nila kundi ay mula sa puso niya. Gusto niyang gawin iyon sa pagbalik niya kasama ang ilang sorpresa na naisip niya.

“Byron, can you hand me a bundle of new charts, please?”

Narinig niya ang boses ni Chinnie sa hindi kalayuan. Kinuha niya ang hinihingi nito sa isang drawer ng mesa sa tabi niya at ibinigay rito. Bumalik na siya sa puwesto niya para magpatuloy na sa kanyang serbisyo.

Tinawag na niya ang sumunod na pasyente. Isang may edad na lalaking nakapila sa labas ng gym kung saan ang venue ng medyo malaki-laking lugar para sa outreach program.

Mamaya na niya pag-iisipan nang maigi ang susunod niyang hakbang na gagawin para mas magiging romantic ang paghaharap nilang muli ng kasintahan.

***

Nagkausap na sina Niam at ang ama ng nobyo niya nang may sumingit.

“Hello, Tito Sheldon,” ang nahuhuling bati ni Charlie. Napabaling ito ng tingin kay Niam at umupo sa tabi niya. Inabot nito ang tinidor at kinain ang isang parte ng pagkain ng dalaga.

Napatingin sa tisoy ang ama ni Byron. “I didn’t know you were in the country, Charlie,” anito.

“I always thought of surprising you, Tito. I haven’t had the chance to find it. Medyo busy rin kasi ako kaya pasensiya na pero ito na ang pagkakataong naisip ko. Alam po ba ni Byron na nakikipagkita ka sa mahal niyang kasintahan?” suwabeng tugon ng tisoy. “Kung hindi, hindi po ba lalong gugulo lang sa pagitan n’yong dalawa, Tito? Iisipin niya siyempre na binu-bully mo ang orphan niyang nobya.” Saka ngumisi ito sa tiyuhin.

Tahimik lang ang dalagang nakamasid sa mga ito. Mukhang kumalma ang ekspresyon sa mukha ng ama ni Byron. Pagkatapos ay napangiti ito sa pamangkin sa asawa.

“Believe me. I had another intention for doing this.” Saka napatingin ito sa dalaga. “Gusto kong mas makilala nang mabuti ang babaeng gusto ng anak ko at… natutuwa akong isang marangal, mabait, at mapagmahal na babae ang napili niya.”

Napakunot-noo siya sa narinig. ‘Bakit biglang nag-iba ang timpla nito?’ nasa isipan ni Niam.

Ngumiti ang may edad na lalaki sa kanya. “Pasensiya ka na sa ginawa ko, Niam.”

“Hindi ko po maintindihan,” litong tugon niya sa ama ng nobyo.

“I’ll explain it to you. Pero kailangang ipangako mo sa ‘king darating si Byron sa party na naka-schedule na sa susunod na Linggo.”

Lalo siyang napasimangot dito samantalang naiintriga naman si Charlie na nakikinig sa tiyuhin. Naitanong sa isip nito kung ano ang ibig sabihin nito.

***

Miss na miss na ni Niam ang nobyo. Tinitingnan na lang niya ang gallery ng kanyang cell phone habang nakahiga sa kanyang kama. Inalala niya ang mga date nila noon habang nakatingin sa mga pictures.

Napatawa siya sa ibang mga videos at pictures. Habang nagbo-browse pa siya ay biglang tumawag si Byron. Imbes na sagutin iyon ay reject button ang kanyang napindot dahil sa excited siyang marinig ang boses ng nobyo.

“Shems!” naibulalas niya tuloy. “Kasalanan mo ‘to, eh.” Kinagat pa niya ang sariling daliri na pumindot ng reject.

***

Napakunot-noo si Byron dahil ni-reject ng nobya ang tawag niya. Kakausap pa naman niya kay Charlie na tumawag sa kanya upang sabihing nagkita ang ama at ang nobya niya. Gusto niyang tanungin ang dalaga kung ano ang pinag-usapan ng mga ito.

‘Magkasama kaya silang dalawa ngayon ni Charlie?’ naisip niya. Napatagis siya ng bagang. Nag-dial siya ulit para matawagan ang dalaga.

Sa pagkakataong ito ay sinagot na ng dalaga ang kanyang tawag. “Baby!” anito. Sa pandinig niya ay parang OA ang pagkabulalas nito ng endearment nila. Lalo siyang napasimangot.

“Bakit mo ni-reject ang tawag ko? Magkasama kayo ni Charlie ngayon, ano? Ano’ng ginagawa n’yong dalawa?” agad na sigaw niya.

“Ano ba ‘yang pinagsasabi mo? Nadisgrasya lang sa pagpindot ang daliri ko.”

“Bakit naman madidisgrasya? Hindi ka naman color blind para ‘di malaman kung alin ang reject o hindi. Sinadya mo ba ‘yon talaga dahil nandiyan at magkasama kayo ni Charlie?”

“Hindi nga! Sinabi ko na sa ‘yo ang totoo. Bakit ba iginigiit mong magkasama kami ng damuho mong pinsang ‘yon, ha?”

Napabuntong-hininga na lang siya. “Sinabi niyang nagkita raw kayo ni Dad. Totoo ba ‘yon?”

“Eh… may sinabi lang siya sa ‘kin. Hayaan mo na ‘yon.”

“Ano’ng sinabi niya?” kulit pa niya.

“Hindi na importante ‘yon. Huwag mo nang isipin ‘yon. Buti at napatawag ka ngayon.”

Hindi pa rin siya mapalagay. Nagdududa pa rin siyang kasama nito si Charlie. Hindi naman sa wala siyang tiwala sa dalaga pero wala siyang tiwala sa pinsan niya pagdating kay Niam.

“Na-miss din kita at gusto kong marinig kahit boses mo lang,” tugon niya.

“Ay, ang baby ko. Miss din kita, alam mo ba ‘yon?”

“Hindi halata.”

“Wow! Eh, ako nga itong hintay nang hintay na tumawag ka, eh, kasi ang busy mo sa outreach at malay ko ba sa kung ano pa habang nandiyan ka’t kasama mo ang ex-love interest mo, ‘no?”

Kahit papaano ay napatawa siya rito.

“At tumatawa ka lang diyan, ah?” inis na anito.

“Talaga bang nagseselos ka ngayon?” paninigurado niya.

“Oo naman! Hindi ko kasi alam kung ano ang pinaggagawa n’yo riyan. Malay ko ba, ha?”

Nilambing na lang niya ang nobya. Kulang na lang magpo-phone sex na silang dalawa.

“Ano’ng suot mo ngayon, baby?” malambing niyang tanong sa nobya.