Chapter 32
Gustong magsisi ni Byron sa sinabi niya sa katipan. Bakit ba siya sumama rito? Bakit ba siya napunta rito?
Nakita niya ang ama kasama sina Cynthia at ang ina nitong si Mrs. Deneres. Ano naman ang plano ng mga ito at bakit siya hinikayat ng nobya para sumama at kasama pa ang pinsan niyang si Charlie?
Napakuyom siya ng mga palad. Medyo marami nang tao sa loob ng malaking event hall ng hotel na iyon at may iilang press siyang kilala na naroroon din at pakalat-kalat sa lugar. Malamang naghihintay ng anumang scoop na makukuha.
“Let’s get out of here,” bulong ng binata sa nobya.
“No. Let’s stay,” tanggi nito.
“Are you out of your mind? Paano kung i-a-announce na ni Daddy ang engagement namin ni Cynthia? I don’t care about my reputation, but how about yours? I care about you a lot, baby. Ayokong may sasabihing masama ang press tungkol sa ‘yo.”
Hinila na niya ang dalaga pero nagmamatigas ito. “Charlie, pigilan mo nga ‘tong pinsan mo!” utos nito sa pinsan niya.
Humarang naman kaagad ang pinsan niya. Para itong alila ng nobya. Halos hindi pa siya makapaniwala rito.
“Just wait, Byron. Let’s stay for a bit,” himok ni Charlie sa kanya.
Tinitigan niya nang maigi ang pinsan. Seryoso ito.
“I can’t believe you’re doing this!” sabi niya sa pinsan.
Pagkuwa’y napabaling siya sa nobya. Ano na ngayon? Pinagkaisahan siya ng mga ito? Ganoon ba?
Kumukulo ang dugo niya at natatakot din siya. Ayaw niyang isiping nagbabago na kaagad ang damdamin ni Niam para sa kanya gayong nag-aminan naman na silang dalawa sa nararamdaman nila para sa isa’t halos isang linggo na ang nakalipas.
Tatalikod na sana siya dahil hindi niya talaga kayang tumagal pa rito. Subalit hinawakan siya ni Niam sa braso.
“Ano ba, Byron? Just stay, okay?” pakiusap ng dalaga pero ayaw niya itong pakinggan. Ayaw niyang maging isang bagay lang na gustong gamitin ng sariling ama para lang palaguin ang negosyo nito sa pamamagitan ng kasal at merger. Cliché na ang istoryang ito. Pero nagtataka siya kung bakit ganito umaasta ang nobya niya.
“Bakit? Ayokong hahayaan ng ama kong manipulahin niya ang buhay ko, Niam! Kung gusto mong manatili rito, puwes, ako hindi!” Binawi na niya ang kanyang braso mula sa dalaga at saka iniwan ito.
“Byron!” tawag ng dalaga sa kanya.
Ilang saglit pa ang lumipas nang papalabas na siya nang tuluyan sa lugar na iyon ay nakita niyang papalapit si Cynthia. Maganda ito sa suot na formal dress na kulay-ginto. Pero para sa kanya ay pinakamaganda ang nobyang may suot ding formal dress na kulay-asul para sa okasyong ito.
“Can we talk for a minute?” anang Cynthia na humingi ng permiso sa nobya niyang sumunod pala sa kanya.
Tumango naman ito nang tila walang alinlangan na siyang ipinagkatataka niya. Pero wala siyang magawa. Hinila na siya ni Cynthia papalayo.
Samantalang lumapit naman ang pinsan niya kay Niam at may ibinulong pa ito. Napaisip siya kung ano iyon. Mukhang natutuwa ang kasintahan niya sa anumang sinabi nito. Mamaya ay tatanungin niya ito. Ayaw niyang may sekreto ito sa pagitan nila at lalo na ukol kay Charlie. Nagseselos siya sa pinsan kahit na binasted ito ng nobya. Alam na niya kasi ang kalibre ng pinsan at baka mabiktima ang nobya niya.
“What do you want?” angil niya kay Cynthia na humila sa kanya.
“I just want to thank you.”
Nabigla siya sa sinabi nito. Hindi niya inasahang marinig iyon mula sa babae.
“For what?” nagulumihanang tanong niya.
Napangiti ito sa kanya nang totoo sa unang pagkakataong nakilala niya ito. “Your father and my mother are not going to pressure us anymore about the marriage of convenience. Hindi rin naman tayo magiging convenient, ironically. Anyway, my boyfriend is just as happy as I am nang malaman ang pagbago ng desisyon ng parents natin.”
Nalilito pa siya sa sinabi nito. “Ano’ng ibig mong sabihing nagbago na ang isipan nila tungkol sa ‘tin?”
“Thanks to your outburst and conviction the last time, nag-uusap nang masinsinan ang mga magulang natin. And thanks to your girlfriend na dinala mo sa oras na ‘yon. Nagdalawang-isip sila kaya heto tayo ngayon. We’re free to be with the one we truly love, Byron.” Nakangiti pa rin si Cynthia na nakatitig sa kanya.
Hindi siya nakapagsalita. Pinoproseso pa ng utak niya ang mga sinasabi nito. Pagkatapos ng ilang saglit ay hinalikan siya nito sa pisngi bago ito umalis nang nakangiti.
Napasunod siya rito ng tingin at nilapitan na ito ng isang lalaking nakahapit sa baywang nito. Pagkatapos ay napabaling siya ng tingin sa nobya niya. Akma siyang lalapit dito nang humarang sa harap niya ang ama na noon pa lang niya napansin.
“Dad,” nabiglang aniya rito at kumurap.
Napalingon ito kina Niam at Charlie na mukhang masayang nag-uusap. Nagtatagis na naman ang kanyang bagang dahil sa pagseselos. Dapat kasi ay balaan na niya ang pinsang huwag lumapit sa nobya niya. At si Niam naman ay dapat pagsabihan niya rin. Ayaw niyang pag-uusapan ng mga tao na isang malanding babae ang nobya niya.
“I want to say I’m sorry, son.”
Halos mabingi siya sa sinabi nito. Ni hindi niya inasahang hihingi ito ng paumanhin sa kanya. Nag-iba na ba ang ikot ng mundo?
Nagpatuloy sa pagsasalita ang kanyang ama. “I’m sorry sa lahat ng mga sinabi at ginawa ko sa ‘yo, sa pagtulak sa ‘yo papalayo sa ‘kin. Dapat sana ay hindi kita ginawang parang commodity o asset para lang makamit ang mithiin ko para sa kumpanya natin. But I just thought I was doing something really important for you. Ipapasa ko rin naman sa ‘yo ang kumpanya natin sa darating na araw, sa gusto mo man o hindi.”
“Dad…”
Umiling ito. “I won’t pressure you anymore, I promise. May oras ka pa para makapaghanda hanggang sa magreretiro ako. Pero… kung hindi mo kayang pangatawanan ang kumpanya… well…” Napalingon itong muli kay Niam at napangiti sa sarili. “I think your bride-to-be is going to do well on her own kapag ipapasa ko sa kanya ang lahat, hindi ba?”
Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito. “Dad!”
Niyakap siya ng ama. “You’re so lucky to have Niam, son. I should’ve trusted you. I should’ve listened to you a long time ago. Nagmatigas lang ako. Pero tanggap ko na ang desisyon mo at tanggap ko na rin ang mapapangasawa mo. Alam kong mahal na mahal n’yo ang isa’t isa. At alam kong hindi pera ang habol sa ‘yo ni Niam. Don’t ask me how I know it and why I’m so sure of it.”
Tinapik pa siya nito sa balikat. Napangiti na lang siya sa ama. Parang biglang nawala nang basta lang ang pasanin niya nang ganoon lang. Para ring nabunutan siya ng tinik sa tagiliran kaya nakahinga siya nang maluwag.
“Sige, lapitan mo na si Niam at baka aagawan ka pa ng nobya ng pinsan mo. I’ll announce the merger pati na ang engagement mo. Matutuwa ang press nito.”
Napangiti siya sa ama. Hindi niya inakalang mangyayari ito ngayon.
“Salamat, Dad.” Buti na lang at nagkaroon siya ng pagkakataong ito. Kahit sorpresa ito para sa kanya. Plano na rin kasi niyang mag-propose sa nobya sa gabi ring ito.
Napabaling ang babae sa kanya. “I have something to confess to you. ‘Di ba itinanong mo na sa ‘kin kung ano ang napag-usapan namin ng daddy mo?”
Tumango siya at nagkuwento na ito sa nangyari sa pagkikita nito at ng ama niya noong nasa outreach pa siya.