Chapter 29

Pormal nang ipinakilala ni Niam kay Ace si Byron na nobyo niya ito. Natutuwa ang kanyang pamangkin dahil dentista nito ang nobyo na niya ngayon.

“So, para malusog ang mga ngipin mo, hindi ka dapat masyadong nagkakain ng mga sweets, ng mga candies, o ng chocolates kahit na gawa pa ng Tita Niam mo,” paalala ng katipan sa bata habang kumakain sila ng dinner.

Napahagikhik ang bata.

Sinundot naman ni Niam sa tagiliran ang nobyo na nasa tabi niya lang nakaupo sa may dinner table. Samantalang nasa kabisera naman ang kakambal niya at nasa opposite side nila ang bata.

Napangisi ang lalaki sa kanya at nakita niyang napangiti kahit papaano si Ace. Nalaman nito mula sa bata na libre lang ang ginawa nitong pagbunot sa ngipin nito kaya pinasalamatan ito ng ama.

“Kung pipilitin ka ng Tita Niam mong kumain, tawagan mo ‘ko kaagad, Benjamin. Deal?” dagdag na sabi ng dentista sa bata.

“Okay. Deal!” anang batang nag-thumbs up pa.

Napangiti na lang si Niam sa dalawa.

Nagkuwentuhan pa sila ukol kay Byron dahil sa may mga katanungan naman si Ace dito. Pagkatapos ay dinala na niya sa kuwarto ang bata para makatulog ito nang maayos nang magreklamo itong inaantok na. Pero pinasipilyo niya muna ito bago pinahiga sa kama at hinalikan sa noo pagkahila niya ng kumot nito hanggang baba.

“Goodnight, Tita. I love you,” mahinang sabi ng bata bago tuluyang nakatulog.

“I love you, too,” mahinang bulong niya.

Maingat siyang bumaba nang makatulog na ang pamangkin. Naabutan niya sa may sala nag-uusap ang dalawang lalaki sa buhay niya. Mukhang seryoso ang mga ito kaya napasandal na lang siya sa dingding habang pinapanood ang mga ito nang may ngiti sa mga labi niya.

***

“Hindi ko napapansin si loverboy mo ngayon,” ani Lala.

“Huh?” anang Niam. Busy siya sa paggawa ng chocolate cashew pie para sa isang birthday party sa makalawa.

“Dalawang araw ka nang hindi sinundo ni Byron,” paliwanag ni Roda sa sinabi ng bakla. Inaayos naman nito ang isang layer ng cake sa fridge samantalang tinitikman ng bakla ang pinipritong chicken wings.

“Ah! Nasa isang dental outreach program siya kasama ang…” Napakunot-noo siya na natigilan.

“Sino’ng kasama niya?” tanong ng bakla.

Napatingin siya sa bakla at kay Roda na lumapit sa kanya. Napailing pa siya. “Ex… love interest.” Kumibit siya.

Napamaang si Roda at nandilat ang mga mata ni Lala. “Ano?” halos sabay na bulalas ng mga ito. Talaga namang laging in sync ang dalawang ito. Parang kambal.

“At okay lang sa ‘yo ‘yon? Hindi ka nagseselos, Nini?” taas-kilay na usisa ng assistant.

“Oo nga naman, Nini. Alam mo na. Baka… it’ll bring back those long forgotten familiar feelings, ‘di ba?” ani Lala na kinanta ang phrase na iyon. Ikinumpas pa nito ang hawak na skimmer.

Sinimangutan niya ang dalawa. “Ano ba naman kayo? Ginagatungan n’yo pa ‘tong pinipigilan kong pagseselos at pagdududa, eh! Kainis kayong dalawa!” reklamo pa niya. “Magtrabaho na nga kayo. Wala na kayong ibang ginagawa sa buhay n’yo. Puro kayo tsismis sa love life ko, eh!”

Napangiwi si Roda na napasulyap sa bakla. Hindi na nagsalita ang mga ito at baka sesesantehin niya.

Tumunog ang cell phone niya bigla. Hindi naman niya kilala ang numerong iyon pero naisip niyang baka kustomer lang. Ipinahid niya ang mga kamay sa suot na apron.

“Hello,” sagot niya.

“This is Byron’s father. Puwede ka bang makausap mamaya sa parehong restoran?”

Bigla siyang kinabahan. “Ah… s-sige po. Ano’ng oras?”

Nang masabi nito ang oras ay nagpaalam na ito. Hindi pa rin tumigil ang kaba sa puso niya at napaisip siya kung ano ang kailangan nitong pag-uusapan nilang dalawa.

Halos mapalundag siya nang muling tumunog ang cell phone. Pero si Byron pala iyon at napangiti na siya. Bumalik na sa kani-kanyang trabaho ang dalawang empleyado niya at lumabas siya ng kusina upang magkaroon ng privacy kahit papaano.

“Hello, baby,” bati niyang sumigla at lumambing ang boses.

“Hi, baby! I’ll see you tomorrow. Sa wakas. Miss na miss na kita!” anang binata.

“Miss na miss na rin kita. So, kumusta ang outreach n’yo ni Chinnie?”

“Dagsaan ang mga tao. Kahit malalapit na mga barangay ay sumali na rin kaya marami kaming pasyente. Pero worth it naman. Masaya sa pakiramdam na nakakatulong sa kapwa. Alam mo ‘yon? Ang ibang international dentists ay may libreng case reports at articles na ipu-publish pagkatapos nito. At siguro gano’n din si Chinnie. Kasama at kakilala niya ang iba sa mga iyon kaya malamang magiging mas busy pa siya kaysa sa ‘kin pagkabalik diyan,” kuwento nito.

Napa-ah naman siya. Naalala niya pa ang tawag ng ama nito pero ayaw niya itong malaman ng nobyo at baka magalit o mag-aalala. Baka naman ay walang masamang intensyon ang ama nito para makipagkita sa kanya.

Nakita naman niyang pumasok sa shop ang guwapong si Charlie. Napasinghap siya nang may dala itong isang pumpon ng rosas. Agad na tumama ang mga mata nito sa kinaroroonan niya.

“O, natahimik ka, baby,” anang nobyo sa kabilang linya.

“A-ah… kapapasok lang ni Charlie sa shop.”

“Oh! Okay.” Parang na-disappoint at nagtaka ang tunog ng boses nito. “Ngayon lang ba siya nagpunta riyan?”

“Oo. Kakausapin ko lang, ha? Babalitaan din kita, baby,” pangako niya.

“Okay. I’m just at a short break lang naman para matawagan kita. Sige, I’ll just call you again later. I love you, baby!”

Napamaang siya sa narinig. Ito ang pangalawang pagkakataong sinabi iyon ng nobyo sa tawag lang na ito at para siyang nilipad sa hangin. Napangiti siya bago tinapos ang tawag nito.

“That was Byron,” saad ni Charlie. Hindi iyon tanong.

Tumango siya sa binatang kaharap bilang kumpirmasyon.

“For you. I mean, this is not really like the first time. It’s for my apology… dahil sa inasal ko noong huli tayong nagkita.” Iniabot nito ang pumpon ng bulaklak sa kanya.

Napangiti siya rito nang matipid. Tinanggap niya iyon nang bukal sa dibdib. Kahit papaano ay natutuwa siyang nandito ito ngayon at mukhang magiging magkaibigan na sila nito sa wakas.

“Salamat. Walang anuman ‘yon, Charlie. Natutuwa lang ako na natanggap mo na ang desisyon at damdamin ko.”

Tumango ito nang marahan habang nakatitig sa mga mata niya. “So, about your request. I’ve been thinking… a lot about it. What the heck? Let bygones be bygones! My offer still stands. Gusto kong i-expand ang catering service mo, like in a partnership. By this, hindi ko sosolohin ang responsibilidad. And… I can just return to the U. K. kung kinakailangan at ikaw pa rin ang mamamahala ng Sinfully Tasty Catering, which is yours in the first place.”

“Meaning, lulutuin mo ulit ‘yong dish na gusto no’ng kustomer?” Excited pa siya.

Tumango ito. “Anything for you, Niam.”

Napatikom pa siya ng bibig para pigilan ang ngiti. Tumango siya sa binata.

“Salamat, Charlie.” Niyakap niya ito at hinalikan sa pisngi. “I owe you a lot! At, oo, payag na ako sa deal natin. You can expand my catering service all you want. ‘Tsaka business partners na tayo.”

Bahagya pang pinamulahan ang binata nang dahil sa ginawa niya at sinabi. Huli na niyang na-realize ito. Pero iyon naman talaga ang nasa isipan niya. Kumawala rin siya kaagad nang mapagtanto ang ginawa.