Chapter 21

“Uh… This is Chinnie. Magkatabi lang ang clinic namin. Dentist siya na katulad ko. Chinnie, this is Niam, my girlfriend.” Ipinakilala na silang dalawa ng babaeng ngayon niya lang nakita.

Inilahad ni Chinnie ang kamay kay Niam. “Nice to meet you, Niam! Finally, Byron has a girlfriend. Isn’t that great, Ate Nida?” Parang totoo naman ang tuwa nito nang malamang nobya siya ng binata. Pero may tila hindi siya gusto na nararamdaman sa kaibuturan ng puso niya nang hindi niya mawari.

“Hi. Nice to meet you, too,” sabi niya.

“Um… so, I think I have to go. I think may last appointment pa akong haharapin bago ako makauwi,” sabay sulyap nito sa relong pambisig.

“Okay, go ahead,” anang nobyo niya.

“So, sasama ka sa ‘kin, ha, Byron? Talk to you later,” paalam nito. Ngumiti pa ito sa kanya bago umalis at isinara ang pinto ng klinika ng binata.

Napalingon siya sa lalaki pagkatapos, nang hindi alintana ang tingin sa kanila ng sekretarya nito.

“What?” ani Byron.

“N-nothing,” deny naman niya.

May pasyenteng pumasok at saka inasikaso ito ng sekretarya ng lalaki. Pumuwesto siya sa isang sofa nang tahimik.

“This is my last patient for today, so we can go somewhere if you want,” sabi ng binata sa kanya nang halos pabulong.

Tumango siya rito nang nakangiti nang matipid. Napabaling na lang ang binata kay Ate Nida.

“Ikaw na muna ang bahala sa girlfriend ko, ha, Ate Nida?” habilin nito bago pumasok sa work area. Nakita pa niya ang nag-assist noon kay Benjamin na OJT nito para tulungan ito sa pasyente.

Kumuha siya ng isang magazine para libangin ang sarili. Ayaw niya kasing istorbohin si Ate Nida kung sakaling may trabaho pa itong ginagawa.

“Masarap ‘yong bigay mong chocolate pudding, as usual, Niam. Salamat, ha?” bukas pa ng sekretarya.

“Wala pong anuman,” napapahiyang aniya.

“Ilang beses mo na kaming binigyan pero hindi ako magsasawang kainin ‘yon,” dagdag nito.

“Iba naman po ang ibibigay ko sa inyo sa susunod,” pangako niya rito.

“Oy, baka hahanap-hanapin ko, ah. Siyanga pala, kilala ko si Mr. Ace Pamintuan. Fraternal twins kayo, ‘di ba?” At nagkuwento na ito kung paano nito nakilala ang kapatid niya.

Natutuwa naman siya dahil dito. At least, may isang paksa silang mapagkukuwentuhan nang hindi awkward.

“Talaga po? Oo nga po. Fraternal twins kami kaya hindi agad naniniwala ang mga taong kambal kami. Alam n’yo bang paminsan-minsan lang ‘yon sumasama sa mga party? Busy sa pagiging ama kay Benjamin kung hindi man sa trabaho.”

Tumango naman ito bilang pagsang-ayon.

“Um… Ate Nida, matagal n’yo nang kilala si… Chinnie?” naitanong na lang niya.

“Ah, oo. Halos sabay silang umupa sa building na ‘to ni Doc. Mga halos limang taon na rin.”

“Ah. So… close sila ni Byron?” kuryusong aniya.

Napangiti ito. “Ah… sa totoo lang… nanligaw noon si Doc kay Doctora Olalia.”

“Oh!”

“Pero past na ‘yon.” Kumumpas pa ito sa ere. “Ikaw na ang girlfriend niya. At sa tingin ko, mahal ka ni Doc. Natutuwa akong ikaw ang girlfriend niya. Matagal na ring single ‘yon, eh!” kuwento nito.

Napangiti siya rito. Nagkuwentuhan pa sila ng ilang bagay ukol sa catering service niya. Pinasalamatan niya rin ito dahil ilang pasyente sa clinic na ito ay naging customers na nila dahil sa calling cards niya na bigay nito sa mga iyon.

Tumunog ang kanyang cell phone kaya nag-excuse muna siya sa sekretarya ng nobyo.

“O, Benjamin? Napatawag ka,” ang sagot niya sa pamangkin.

“Tita, kailan ka ulit bibisita sa ‘kin?” lambing nito.

“Kabibisita ko lang noong isang araw, ah. Bakit, miss mo na ‘ko?” napangiting aniya sa bata.

“Yes! Hindi mo ba ako nami-miss, Tita?”

Napatawa siya sa sinabi nito. “Siyempre naman. Ano, gusto mong gumala tayo ngayon?”

“Yay! Yes, Tita! Sasabihin ko kay Yaya Luming na maghahanda ako, ah?”

“Sige, sige. Sabihin mong igagala ka ni Tita. Gusto mong bang isama si Yaya Luming?”

“No! Tayo na lang Tita please?”

Napaisip siya. Inaya pa naman siya ng nobyo na gumala sila pero sigurado siyang ayos lang dito kung isasama niya ang pamangkin.

‘Minsan lang naman ito,’ sa isip niya.

“Sige, sige. Susunduin kita sa bahay bago dinner. Tatawagan ko na lang ang papa mo at ipagpapaalam kita, okay?”

“Yay! Thank you, Tita! You’re the best! Mwah!”

Napahagikhik siya sa sinabi ng pamangkin. “Tsk! Marunong ka na talagang mambola, ah! Sige, see you later. Mwah!”

Rinig niyang naputol na ang linya nang tinapos ng pamangkin ang tawag. Sigurado siyang excited na itong magbihis ngayon para maghintay sa kanya.

Natigilan naman siya nang mapansing nasa tabi na niya si Byron at nakatitig sa kanya.

“O, tapos ka na?” tanong niya.

“Obviously, I’m here. Sino ‘yong kausap mo? May ‘mwah’ ka pa, ah,” anito nang pabiro.

Napasulyap siya kay Ate Nida na kausap ang kliyenteng nagbabayad. Pumasok ang sekretarya sa loob ng work area ni Byron para i-check at linisin ang lahat ng gamit bago umuwi. Naiwan sila sa labas habang nagpapaalam at umalis na ang huling kliyente ni Byron para sa araw na iyon.

Napangiti siya nang malapad. “Si Benjamin,” sagot niya sa nobyo. “Can we take him with us?”

“Oh, of course, baby. Akala ko kung sino ang pinag-mwah-han mo, eh.”

Napatawa siya sa kasintahan. “Loko ka!”