Chapter 22
Nagtungo sila sa Manila Ocean Park isang weekend. Ilang oras din silang gumala roon dahil sa iba’t ibang atraksyon katulad ng Oceanarium. Isinama nila ulit ang pamangking si Benjamin.
Nasa tunnel sila at nanonood sa mga sea creatures na iba’t iba ang klase. Nanood din sila ng Jelly Exhibit. Pagkatapos ay sinubukan nila ang fish spa. Kiliting-kiliti si Niam dahil dito. Hindi siya makatigil sa paghagikhik, pati na si Benjamin. Si Byron naman ay nakangiti sa kanya habang kinukunan sila ng videos at pictures na magtiyahin.
Pagkatapos niyon ay nanood din sila ng Sea Lion Show. Tuwang-tuwa sila sa kanilang pinapanood. Pati na rin ang All Star Bird Show ay pinanood din nila.
Magkahawak-kamay silang nag-o-obserba sa mga penguins sa Trails to Antarctica. Sa isang kamay ay hawak niya ang pamangkin na tuwang-tuwa sa nakikita. Kumuha sila ng ilang videos at pictures. Pati na rin selfies. Para silang perfect family habang magkasama na tatlo. Kita niya rin ang saya sa mukha ng pamangkin.
‘Ah, this is what he misses,’ sa isip ng dalaga. Kaya naisip niyang paminsan-minsan ay igagala nilang magkatipan ang kanyang pamangkin upang punan ang pagkukulang ng kanyang abala sa trabaho na kakambal.
“Pumunta na ba kayo rito ng papa mo, Benjamin?” tanong ng nobyo niya sa pamangkin.
Kumain sila sa pinakamalapit na restoran pagkatapos nilang malibot ang buong lugar at napanood ang lahat ng dapat panoorin doon. Napakasaya nilang tatlo sa kanilang weekend date na iyon.
Tumango ang bata.
“Buti naman. Pero hindi ka nabo-bored kahit nakita mo na ang mga ‘to?” tanong ni Niam kay Benjamin.
“No, Tita. Naaalala ko lang si Papa at masaya na ako. Nag-promise na kasi siyang igagala niya ako kahit once a month lang daw.”
“Oh, improvement ‘yan ng papa mo, ah,” aniya. “Hindi ko alam ‘yon. Buti naman at nagbo-bonding na kayo ng papa mo.” Bumulong siya sa katipan, “Pinagalitan ko kasi ‘yon minsan kasi wala na siyang panahon para kay Benjamin kaya heto na ang resulta.” Bumaling siyang muli sa pitong taong pamangking nasa tabi niya. “So, masaya ka na?”
“Siyempre, Tita!” nakangising tugon ng bata.
Pinahid niya ang ice cream na dumungis sa baba nito.
***
Dinala ni Byron ang nobya sa bahay bakasyunan nila sa Tagaytay isang weekend. Inasikaso sila ng katiwala roon at umalis din kaagad upang bigyan sila ng privacy. Nandoon sila sa balkonahe kung saan nila nakikita ang papalubog na araw habang nakatanaw sila sa Taal Lake. Makikita ito mula roon at napakaganda ng view nito ngayon.
Magkahalong kulay-kahil, pula, rosas, ginto, at dilaw ang kalangitan. Presko ang hanging nasasamyo nila sa kanilang kinaroroonan kaya masarap sa pakiramdam.
Gamit ang cell phone ng dalaga ay kinunan nito ng larawan ang magandang tanawin. Nag-selfie rin sila na background ang Taal Lake. Nasisiyahan siya at natutuwa ang nobya sa nakikita.
“I love this place.” Kumumpas itong nakangiti. Nagigiliw ang mga mata.
“Ito rin ang paboritong lugar ng mommy ko noon at ito ang huling lugar na nakita niya bago siya namatay,” turan niya at lumungkot ang tono.
“Oh! Sorry to hear that, Byron.” Medyo lumungkot ang mukha nitong nakatingin sa kanya. Ganoon din ang bumahid sa kulay-light brown nitong mga mata.
Tumango lang siya.
“Pero, salamat sa pagdala mo sa ‘kin dito, baby,” sabi ng dalagang nakangiti sa kanya. Sinipsip nito ang straw na nasa buko.
Napangiti siya nang maluwag. “It’s my pleasure, baby.”
Lumapad ang ngiti nito at nagpatuloy sa pag-inom ng tubig ng buko.
“Baby?”
“O, bakit?” Medyo humaba pa ang nguso nito.
“Hindi mo ‘ko tinawag na baby,” paalala niya sa dalaga. Nanunukso pa ang mga mata niyang nakatingin sa nobyang naglikot ang mga mata.
“Huh? Kailan?”
“In general, kapag nasa clinic tayo.”
“Eh, kasi nga nasa clinic tayo. Nakakahiya naman sa bisita mo no’n at kay Ate Nida,” paliwanag naman nito. “Eh, ikaw. Hindi mo rin ako tinawag ng baby, ah.”
Napatawa siya nang marahan. Bigla niya itong hinila sa kamay. Nakaupo siya sa isang pang-isahang sofa na nakaharap sa tanawin kaya napakandong ito sa kanya ngayon. Ang mga bisig niya ay nakapulupot sa maliit nitong baywang. Ramdam niya ang mainit at malambot nitong katawan at amoy na amoy ang halimuyak nitong mala-rosas na lumukob sa kanya.
“So, ano’ng gusto mo? Hindi kita tatawaging baby sa public?” Inayos niya ang side-swept bangs nito habang nilandas ng hinlalaki ang malambot nitong pisngi.
“Hmm… Ano’ng gusto mo?” balik-tanong nito.
“Siyempre, gusto kong iyon ang palaging tawag ko sa ‘yo. Para naman malaman ng lahat na akin ka,” turan niya.
Napangiti ang babae sa kanya na parang napahiya. Hinawakan niya ang baba nito para salubungin ang mga mata niyang kulay-tsokolate. Gusto niyang sabihing totoong mahal na niyang talaga ang dalaga. Pero bakit parang dinaga ang puso niya?
“I’d like that,” marahang sabi nitong hinaplos ang pisngi niya.
Kinabig niya ito nang marahan at inangkin ang mga labi nito. Para siyang mababaliw sa tamis ng labi nitong halos nilamukos na niya.
Sa bawat sandaling lumilipas ay tumitindi naman ang pagnanasa niya rito. At hindi na niya ito maitatago pa…