Chapter 20
“Kailan ‘to dumating, Ate Nida?” tanong ni Byron sa sekretarya nang makita sa mesa nito ang isang colorful pamphlet ng isang dental outreach program. Pinakli-pakli niya ito habang inii-scan ang laman.
“Actually, kanina lang. Si Doctora Olalia ang nag-abot sa ‘kin habang nag-lu-lunch break ka, Doc. Baka naman daw ay puwedeng mapakikinabangan ang service mo, sabi niya,” sagot nito. Kumakain ito ng chocolate pudding na bigay ng nobya niya.
Napangiti siya. “Dapat kausapin niya ako,” sabi niya.
Napataas ng kilay ang kausap. “Ayaw mong magkawang-gawa, Doc?”
Napatawa siya nang marahan. “Gusto naman. Gusto ko lang makausap siya. Alam kong kailangan niya ng dagdag-tao para sa outreach. Malamang, maraming tao kaya roon dahil probinsya at libre lang.”
“Ah, to tease her. Ikaw talaga, Doc. Hindi ka pa ba naka-get over kay Doctora Olalia?”
“Ano? May asawang tao na nga siya, ‘di ba? Matagal na akong naka-move on, ano?” Ngumisi pa siya nang misteryoso.
“Ah! Oo nga pala. Ang nagbigay pala nitong chocolate pudding, muntik ko nang makalimutan.” Ikinumpas nito ang kinakain bago sumubo ng halos isang kutsara.
Napangisi siya sa sekretaryang mas matanda sa kanya. Mukhang napansin nito ang kakaibang ningning sa mga mata niya.
“Nililigawan mo na ba ‘yon, Doc?” usisa nito.
“Huh?” patay-malisyang aniya rito.
Ngumisi naman sa kanya ang sekretaryang may nanunuksong mga mata.
“Aba, may itinatago ka na sa ‘kin ngayon, Doc, ah. Hmm… itatanong ko kaya sa kakambal niyang si Ace ang tungkol sa inyo?”
Bigla siyang nataranta sa sinabi nito. “A-ano? B-bakit mo naman gagawin ‘yan?”
Kumibit ito. “Gusto ko lang malaman. Pakialamera ako sa buhay mo, Doc. Nakalimutan mo na ba?” ngising tudyo nito.
Hindi mapuknat ang ngisi niya rito. Subalit biglang napalis iyon nang maalala ang ama. Sa totoo lang ay ito ang pinakaalamero sa lahat sa buhay niya para diktahan kung sino ang pakakasalan niya.
Biglang tumunog ang cell phone niya. Si Niam ang tumatawag at napangiti na naman siya. Agad nawaglit sa isipan ang tungkol sa ama. Kasabay niyon ay napabaling siya sa pinto nang may kumatok at bumukas iyon nang hindi pa man naglipas-saglit.
Si Chinnie ang iniluwa roon.
“Napatawag ka,” aniya sa nobya nang nakangiti.
“Gusto ko lang kasing marinig ang boses mo,” malambing na anito.
Napangiti pa siyang lalo dahil sa narinig.
“Hey, Byron. Nakapag-decide ka na bang sumama sa ‘kin?” ani Chinnie na tila hindi alintanang may kausap siya sa cell phone.
***
Napakunot-noo si Niam sa narinig. May nag-imbita sa nobyo niya na pumunta sa kung saan at isa pang babae? Sa boses pa lang ay naisip na niyang maganda ito.
Naghihintay siya sa sagot ng lalaki kaya wala lang siyang imik.
“Oh, I was going to talk to you about it, Chinnie. Mamaya na lang. May kausap pa ako.”
Narinig niyang sabi ng binata sa kabilang linya.
“Um… Is it work? Tawagan mo na lang ako kung hindi ka na busy,” aniyang nagpaalam. Pagkuwa’y napahinga siya nang malalim. Naglalaro sa isipan ang babaeng iyon na nasa klinika ngayon ng nobyo. Sana naman ay nandoon din si Ate Nida para walang milagrong gagawin ang lalaki.
“Teka nga lang, Niam. Wala ka bang tiwala kay Byron?” sumbat niya sa sarili.
Nakatingin siya sa sariling repleksyon sa salamin. Nasa loob siya ngayon ng banyo sa shop niya. Napahugot na lang siya ng malalim na hininga.
Naisip niyang lumabas at saka kinuha sa fridge ang ginawang chocolates para sa binata. Pupuntahan niya ito sa clinic. Baka naman maabutan pa niya ang babaeng iyon. Hindi naman malayo ang clinic ng nobyo mula sa shop niya.
Nagpaalam na siya kay Roda na maaga siyang uuwi. Nagtataka man ito ay wala naman itong magawa. Siya naman ang boss. Narinig na lang niyang tinanong ito ni Lala pero wala itong maisagot sa bakla.
***
Medyo napasimangot pa si Byron dahil sa ikli ng sinabi ng nobya. Kaya naman ay napatingin siya sa cell phone nang ilang saglit. Kumumpas naman ang isang kamay ni Chinnie sa harap ng mukha niya para kunin ang atensyon niya.
“Hey! So, ano? Mukhang wala ka nang kausap, ah.” Ngumiti ang magandang babae. Noon ay tila magkandarapa siya para lang makita itong ngumiti pero ngayon ay wala na iyong epekto sa kanya. Sa halip ay si Niam ang nakikinita niyang nakangiti ngayon sa harap niya.
“Well, marami pa tayong pag-uusapan. Gusto kong i-clarify ang equipment at supplies na gagamitin,” sabi niya sa kapwa dentista.
“Sagot na ‘yon ng charity organization na mag-o-organize sa dental outreach program na ‘to. But, of course, mas maiging may ibibigay ka ring contribution, hindi ba?” punto nito.
Napangiti siya sa babae. “So, ikaw? Ano’ng contribution mo?”
May marami pa silang pinag-usapan ukol dito hanggang sa dumako siya sa personal nitong buhay. Hindi na nila namalayan ang oras lalo na’t kasama si Ate Nida. Nagtuksuhan pa sila at nagkatawanan.
Narinig nilang may kumatok sa pinto. Nang bumukas iyon ay nakita niya si Niam. May matipid itong ngiti na binati ang dalawang babaeng kausap niya.
“Napadaan ka,” natutuwang aniya sa nobya. Hinalikan niya ito sa pisngi.
May dala itong paper bag at ibinigay sa kanya. “Medyo hindi kasi busy sa shop,” tugon nito saka napasulyap kay Chinnie.