Chapter 17
Nakahawak sa siko ni Niam ang binata nang pumasok sila sa isang mamahaling restoran. Hindi siya sanay sa ganitong lugar. Elegante ang kabuuan ng establisyimento, pati na ang mga kustomer. Mamahalin sa unang tingin pa lang ang lahat ng mga kasangkapan pero kahit papaano, dahil kasama naman niya ang binata ay confident siyang naglakad. Buti na lang nakasuot siya ng semi-formal wear. Nakabestida siya at naka-high heels na pinaresan ng isang shoulder bag.
Iginiya siya ni Byron patungo sa isang mesang nasa isang sulok pero may magandang ambience. Nakaharap kasi iyon sa isang hardin sa labas. Dahil sa glass ang dingding ay makikita ang magagandang bulaklak at disenyo nito. May isa pang fountain sa hindi kalayuan. Tuloy, preskong tingnan ang lugar.
“Byron!” Tila nasorpresa ang pagkasabi niyon ng may edad na magandang lalaki. Hindi maipagkailang ama ito ng binata dahil halos magkamukha ang mga ito. May kasama itong dalawang babae sa mesa. Ang isa ay medyo may edad na rin at ang isa ay parang kaedad niya lang. Kapwa magaganda ang mga ito at halatang mayayaman.
“Everyone, this is Niam. Niam, my father and his well… let’s say business associates,” pakilala na lang ng binata.
Ngumiti sa mga ito ang dalaga. Tiningnan pa siya nang husto ng tatlong pares na mga mata. Medyo napahiya siya nang dahil dito. Mapanuri naman kasi ang klase ng pagtingin ng mga ito sa kanya.
Pinaupo siya ng binata sa isang silya bago ito nag-request ng isa pa para sa sarili nito. Pang-apatan lang kasi iyong mesa. Kumbaga, sampid lang siya.
“Great to see you, Byron,” saad ng babaeng maganda na kaedad niya lang. Ngumiti ito sa binata. May napakaikling bob cut ang buhok nito at litaw na litaw na makeup. Napaka-slim din nito. May suot itong mga alahas na puro sumisigaw na “Tunay at mahal ako!”
“It’s good that you made it, Byron,” sabi ng mas matandang babae. Mukhang magkahawig din ang mga ito. Sapantaha niyang mag-ina ang dalawang ito.
“Same here, Mrs. Deneres, Cynthia,” ang baling ng binata sa dalawa bago ito napatingin nang diretso sa amang nasa tapat lang nito sa mesa.
Sa tingin niya ay parang nagsusukatan ng tingin ang mga ito.
Dumating na ang order nila pero mahinang nag-uusap ang ama ng binata at si Mrs. Deneres.
“So, Byron. How’s it going?” baling ng nagngangalang Cynthia sa binatang nasa tabi ni Niam.
“The usual,” maikling sagot ng binata. Bumaling naman ito sa kanya at napangiti. “I’ll cut that for you,” tukoy nito sa in-order niyang Balsamic roasted pork loin. Kinuha ng lalaki ang plato niya at ito na nga ang naghihiwa para sa kanya.
Napangiti siya sa binata at pinasalamatan ito pagkatapos. Nahuli naman niya ang mga tinging nakatuon sa kanila. Kanina pa. Pagkuwa’y bumaling sa mga ito ang binata.
“So, what’s the occasion? Hindi ko pa nalalaman at heto tayo kumakain na,” anang binata sa ama pero hindi ito tiningnan.
Nakita ni Niam ang bahagyang pag-alinlangan sa mga mata ng ama ng binata. Napasulyap ito sa kanya bago ito nagsalita.
“Walang okasyon, as you very well know it. We were supposed to talk about your engagement party to be held in a couple months,” pahayag ng ama.
Napalingon si Niam kay Byron.
***
Napalunok si Byron na napalingon din kay Niam. Napatitig sa kanya ang babae. Napakuyom siya ng mga palad. Sinasabi na nga ba niyang walang mabuting hatid ang pagkikita nilang ito ng ama niya. Buti na lang isinama niya rito ngayon si Niam.
Malutong na tumawa si Niam. Kahit siya ay nagulat sa ginawa nito dahil biglaan iyon. Napatingin naman ang tatlong pares na mga mata sa babaeng katabi niya na tila ba ay naisip ng mga itong naloloka ito. Pero kalaunan ay nakita niyang tila nakangiting hindi makapaniwala si Cynthia rito.
“Mr. Maranan, I’m sorry. Hindi ko alam na may engagement party pala kaming gagawin ni Byron. Byron, hindi mo sinabi sa ‘kin. Sorpresa ba ‘yon, baby?” ang pagda-drama ng babae.
Nagulat man sa sinabi nito ay binigyan niya ito ng natutuwang tingin pero pinilit niyang huwag ding mapatawa sa sinabi ng dalaga.
‘At baby raw?’ anang isipan niya na natutuwa. Parang gusto niya tuloy kabigin at halikan ang dalaga sa labi sa pagkakataong ito. Subalit bumaling siya sa tatlo nang may matipid na ngiti.
“Dad, how did you know I was going to propose to Niam?” Sinabayan niya ang dalaga sa drama nito.
Halos mamula ang ama niya sa galit, pero nagtitimpi lang ito lalo na’t napabaling dito si Mrs. Deneres. Nagbubulungan ang mga ito. Halatang medyo nagtatalo ang dalawa. Sa tingin niya ay para namang nag-e-enjoy si Cynthia sa palabas na ito nang hindi niya mawari.
Napatingin siyang muli kay Niam. Ngumiti ito sa kanya nang napakatamis at hinaplos pa ng babae ang mukha niya nang banayad. Kung hindi siya nagkakamali ay parang totoong girlfriend itong umakto sa kanya ngayon sa harap ng tatlo.
“Can I have a word with you, Byron?” ang anang ama niyang nagtitimpi sabay tayo.
Sumunod na lang siya rito. Lumabas na sila ng hardin at doon naghaharap nang sila lang.
“What were you thinking? Bakit mo ba isinama ang babaeng ‘yan? Hindi ko man lang alam na may nobya ka na!” galit na kompronta sa kanya ng ama.