Chapter 12

Lalo itong sinimangutan ni Niam. “At sino ka para palakihin ang negosyo ko?” Kahit papaano ay naiintriga siya sa proposal nito. Sino bang may ayaw palaguin ang sariling negosyo kapag bibigyan ng pagkakataon? “Isa ka bang con artist? Tigilan mo nga ako at umalis ka na pagkatapos mong ibigay ang best recipe mo. Iyon ay kung meron man!” giit pa niya rito. Duda talaga siya sa estrangherong ito. Hindi naman siya nagpreno ng kanyang bibig nang dahil sa inis.

Napatawa nang marahan ang kausap. Sumenyas pa siya kay Roda na bigyan ito ng ballpen at papel. Tinanggap naman iyon ng lalaki at nagsimula nang magsulat ng recipe nito.

“Since natikman ko ang pinakamasarap na dessert sa araw na ‘to, isang beef dish recipe ang ipapalit ko, katulad ng pangako ko. I promise, you’ll love it.” Pasulyap-sulyap pa ito sa kanya habang nagsusulat. “How long have you been doing this?”

“Why do you want to know?” balik-tanong niya.

“To gauge how your business is doing,” tugon nito at tumitig sa kanya nang ilang saglit.

“Two years. So?”

Tumango-tango lang ito. “You’re pretty,” anito sa kanyang nakangiti.

Hindi niya napaghandaan iyon. Uminit ang kanyang dalawang pisngi nang ngumiti sa kanya ang lalaki subalit binalewala niya lang ito. Naisip niyang baka binobola lang siya dahil sa masarap na dessert niya.

Pagkatapos ng ilang minuto ay ibinigay na sa kanya ng lalaki ang papel. Tiningnan niya ito. Pagkatapos ay ipinasa niya iyon kay Lala.

“Subukan mo itong gawin at sabihin mo sa ‘kin ang resulta,” utos niya.

“Okay,” sabi ng bakla.

Tumayo na ang tisoy at nagpakilala sa kanya, “Nice meeting you, by the way. I’m Charlie.”

Nagpakilala naman ang mga kababaihan at isa-isang nakipag-shake hands dito. Huling nagpakilala rito ang bakla at hinaplos pa ang kamay ng lalaki at saka nag-blow ng kiss.

‘Hay, naku! Ang landi ng baklang ‘to.’

“Charlie, bumalik ka, ha? Huwag mo nang pansinin ang amo naming si Nini. Mahirap kasi kapag may PMS kaming mga babae, eh,” sabi ni Lala kahit nasa harap siya ng mga ito.

Gusto niya talagang batukan ang baklang ito. Inismiran niya ang tisoy na natatawa sa sinabi ng bakla. Ano ba talaga kasing klase ang ginagawang pagsu-survey ng British chef na ito at napadpad pa ito sa shop niya? Naimbyerna na siya kahit kararating lang.

“Oy, Nini. Huwag ka namang masyadong high blood. May bago na tayong dish para isama sa menu natin, o,” dagdag pa ni Roda. Parang nakalimutan na yatang pinagalitan niya ito kani-kanina lang.

‘Isa pa ‘to! Kung makatingin sa tisoy na ‘to ay parang gusto nang lampungin magdamag,’ inis na nasa isip niya.

Napabuntong-hininga siya. Ayaw niyang ma-stress lalo dahil sa mga maharot na empleyado. Sinundan niya na lang ng tingin ang papalabas na tisoy na pangiti-ngiti. Kung saan ito pupunta ay wala na siyang pakialam.

‘Buwisit na taong ‘yon. Kinain ba naman lahat ng chocolate pudding na gawa ko? Ano na ngayon ang gagawin ko?’ Halos mapasabunot siya sa sariling buhok. Inis niyang hinarap ang mga empleyado.

“Sa susunod, huwag n’yo nang gagawin ‘yon, ha? Basta-basta n’yo na lang pinapakain sa estranghero ang gawa ko. Kainis kayo!” babala niya sa mga ito.

Hindi nakaimik ang mga empleyado niya. Tumalikod na rin lang siya at nagtungo sa kusina para gumawa ulit ng chocolate pudding para kina Byron at sa mga kasama nito sa klinika.

Pinalamig na niya ang mga ito nang matapos at tumulong siya sa paghahanda sa ilang putahe para sa naka-book na catering nila. Kaya naman ay ang bilis na ring lumipas ng mga oras. Ipinack na niya ang chocolate pudding at inilagay sa paper bag. Nagpahatid siya kay Mike sa bahay niya nang bakante na ito.

Mabilis siyang nag-shower at nagbihis. Ilang minuto na lang ay darating na si Byron para sunduin siya. Pinili niya ang isang printed sundress at pinaresan ng wedges para hindi masyadong pormal. Nag-makeup siya at nag-perfume pagkatapos, katulad ng lagi niyang ginagawa.

Narinig niya ang pag-doorbell ng bisita niya kaya naman ay pinagbuksan niya ito kaagad. Eksaktong tapos na rin siya sa paghahanda.

“Hi!” masiglang bati niya sa lalaki. May suot itong maliliit na stripe dark blue at puti na polo shirt at dark gray slacks na pinaresan ng pormal na sapatos. Namanguhan pa ito na nasamyo niya kaagad.

“Hi. You look great!” puri ni Byron na tila hinaplos siya ng tingin mula ulo hanggang paa.

“Thank you. Ikaw rin.” Uminit ang pisngi niya nang dahil sa ginawa nito. Ewan ba niya at nag-react ang katawan niya nang dahil sa simpleng pag-apuhap sa kanya ng tingin ng lalaki.

“And this is for you,” sabay abot nito sa isang hindi kalakihang kahon.

“Nag-abala ka pa. Ano nga pala ‘to?” tanong niya.

“Buksan mo na lang mamaya. Shall we?” Inilahad nito ang kamay sa kanya.

Napaisip ang dalaga kung ano ang nasa kahon pero mukhang gusto na nitong umalis na sila kaya ipinagpaliban na lang niya muna ang kuryusidad. Kinikilig pa siyang humawak sa isang kamay ng binata. Ramdam niya ang init, lakas, at banayad na hawak ng kamay ng lalaki sa kamay niya. Para iyong may enerhiyang nanunulay sa buong katawan niya. Parang nanghihina siya pero nakasuporta naman ang binata sa kanya kaya ayos lang siya.

Sa loob-loob niya, parang hinalukay-ube ang kanyang sikmura sa sensasyong dulot niyon. Bagay na noon pa niya naramdaman nang dahil sa isang lalaki.

‘Ito na ba ang first date namin?’ Napatanong siya sa kanyang isip. Gusto niyang isipin na first date na nga nila iyon ngunit iyon din kaya ang inisip ng lalaki ay wala siyang ideya.