Chapter 11

Napasimangot si Niam dahil tila nagkakagulo sa shop niya nang hindi niya mawari. Sana naman ay walang masamang nangyari doon. Kabababa lang niya ng taxi galing sa bahay niya. Pagkatapos magbayad sa driver ay mabilis na siyang pumasok sa shop.

Napakunot-noo siya dahil isang lalaking tisoy ang siyang parang pinagkakaguluhan ng mga empleyado niya. Siyempre kasama na roon sina Roda at Lala.

“Ano’ng nangyayari dito?” usisa niya. Nagsalubong ang mga kilay niyang palipat-lipat ang tingin sa mga nandoon.

Lumingon ang tisoy na lalaki sa kanya nang marinig ang boses niya. Kumakain ito ng dessert na gawa niya para kina Byron. Ipapadaan niya sana iyon kay Mike mamaya papunta sa isang okasyong pagke-cater-an nila.

“This is just heavenly!” sabi ng tisoy na lalaki. Nakuha pa niya ang English accent nito. “Sinfully Tasty Catering, huh?” dugtong nitong napatango-tango.

Napamaang pa siyang nakatingin dito samantalang nakatingin sa kanya ang mga empleyado. Naghihintay sa sasabihin niya.

“A-are you a customer?” naitanong niya rito nang kunot-noo pa rin. Gusto niyang makasigurado.

Napangiti sa kanya ito. “I guess I’m not at the moment.”

Lalong nagsalubong ang mga kilay niya. Inis niyang tiningnan sina Lala at Roda, humigpit ang kanyang panga. Inagaw pa niya ang chocolate pudding mula sa kamay ng tisoy at napatingin nang isa-isa sa mga empleyado niya.

“This is not supposed to be for sale or for taste test!” Bumaling na naman siya sa tisoy pagkatapos. Nagkiskis pa rin ang kanyang mga bagang.

Pinaghirapan niya itong maigi dahil ibibigay niya ito kay Byron. Pero ano na ngayon ang ibibigay niya sa lalaki?

Nagtungo siya sa fridge. Napanganga pa siya dahil ang hawak niya na lang pala ang tanging natitira!

“Isa siyang British chef!” excited na sabi ni Roda.

Napanganga siya rito nang saglit. “So? Ano’ng ginagawa niya rito? Hindi man lang siya kustomer, Roda! Bakit basta-basta na lang kayong nagpapakain sa isang taong hindi man lang kustomer natin? At ang pinaghirapan ko pa ang ibinigay n’yo! Hindi n’yo man lang ako tinanong kung puwede n’yong kainin ‘yon o hindi!” galit na pakli niya sa empleyado. “Kahit text man lang. Hindi n’yo ako tinanong kung puwede ba o hindi! At least, malalaman ko rin at sana hindi n’yo ibinigay sa taong ‘yon!” dugtong niya pa. Gusto niyang mapamura pero hanggang sa isip niya lang ito.

Napayuko ang pinagalitang empleyado. “Sorry, Niam. Nagsu-survey daw siya sa area natin. Nakita niya ang shop natin kaya nandito siya. Nakita niya ang ilang display natin at ang promo video nating naka-play nang pababalik sa labas. Magte-trade daw tayo ng recipe kung gusto natin for free. ‘Yong gawa mo kahapon ay kinain namin ni Lala. Sorry ulit. Napakasarap kasi! Kaya, ‘yon ang ginawa naming pang-sample para sa kanya. Baka kasi vlogger siya kaya naisip naming magiging promo rin iyon sa shop,” paliwanag ni Roda. Pinagsalikop at piniga-piga nito ang sariling mga daliri.

Napaawang ang mga labi niya. “Ano?” bulalas niya. “Kayo talaga ang kumain noon?” Para siyang maloloka. Napatampal pa siya sa noo. “Hindi ba nga sinabi kong may pagbibigyan ako no’n?”

Guilty itong tumango at humingi uli ng despensa. “Eh… akala namin ni Lala na gawa-gawa mo lang siguro ‘yong kuwento…” Humina ang boses nito at napababa ng tingin.

Para siyang bubuga ng apoy anumang oras dahil sa galit at nasasayangan siya sa chocolate pudding. Gawa iyon mula sa puso niya. Para siyang biglang maiiyak sa inis.

“Eh… hindi mo naman sinabing huwag naming galawin ‘yon, Nini,” mahina ang boses na dagdag ni Roda. “Wala kasing label.”

Oo nga naman. Dahil sa excited siya sa dinner nila mamaya ni Byron ay nawala sa isipan niyang lagyan ng label iyon para siguraduhing huwag galawin ng mga empleyado niya. Kalimitan kasing nag-e-experiment siya at tagatikim ang mga ito kaya nasanay na rin ang mga itong may naiiwang gawa niya sa fridge. Isa pa, malapit na sa kanya ang mga empleyado kaya medyo sumusobra ang mga ito paminsan-minsan. Masyado siyang lax at itinuturing ding kaibigan ang mga ito.

Pinagalitan na niya si Roda pero wala na siyang magagawa ngayon.

‘Breathe in, breathe out, Niam,’ sabi ng isipan niya para kumalma. Iyon na nga ang ginawa niya.

Ilang saglit ay bumalik na siya sa labas, hinarap ang British na chef. Nanggigigil talaga siya rito pero nagpipigil lang siya.

“You leave your best recipe, and then, you can finish this if you want!” inis pang sabi niyang inilapag muli ang chocolate pudding na nasa bowl sa harap nito. Halos padabog niya iyong inilapag sa mesa.

Ngumisi ang lalaki at nagpatuloy sa pagkain nang parang walang nangyari. Parang nagtutulo-laway pa ang mga empleyado niyang nakamasid sa lalaki. Hindi iyon dahil sa pagkain kundi dahil mismo sa lalaki. Hindi niya masisisi ang mga ito. Ang guwapo rin naman kasi nito. Maganda ang katawan at height. Mukha pa lang ay tisoy na, may English accent pa! Kahit na sino yata ay maglalaway sa lalaking itong sa tingin niya ay nasa early thirties lang nito.

“Plano kong magtayo ng restoran,” sabi nito pagkatapos kumain.

‘Aba, marunong palang mag-Tagalog ito,’ sa loob-loob niya. Tinaasan niya ito ng kilay.

“In this area?” Bahagya siyang nang-uuyam dito. “Sa tingin mo ba ay may lugar pa ang British cuisine dito?” pagtataray niya.

Napatitig sa kanya nang husto ang lalaking nakaupo pa rin sa harap ng mesa kung saan sila kalimitang nagpapa-taste test sa mga customers nila. Sa kabilang banda naman ay ang TV na nakaharap sa labas para ipakita ang kanilang promo video ng mga pagkain na iba’t ibang full course kasama ang iba’t ibang desserts.

“Now that I met you, I’m having another thought,” anang lalaki. Titig na titig ito sa kanyang mukha, tipong naughty at maharot.

Nanunudyo ang mga empleyado niya nang dahil sa sinabi nito pero pinilit niyang balewalain ang mga ito. Matalim pa rin niyang tiningnan ang lalaki. Hindi niya talaga ito gusto lalo na sa ginawa nitong pagkain sa chocolate pudding niya.

“Excuse me?” aniya sa estranghero.

“What if we’ll make your place bigger? I’m thinking of expanding your business instead. Isn’t that great?” propose nito out of the blue.