Chapter 13

Nagpipigil lang sa sarili niya si Byron nang makita ang napakagandang dalaga. Bagay na bagay rito ang suot na damit na pinaresan ng sandals na may heels. Manipis lang ang makeup nito at saka lipstick na nagpapatingkad pang lalo sa kagandahan nito.

Ewan niya pero gusto niya itong yakapin at halikan. Kaya lang, alam niyang wala pa sila sa lebel na iyon at baka sasabihing napakapresko niya o kaya naman ay bastos. Dapat lang na respetuhin niya ito.

“I hope you like red tulips,” pahayag niya nang binuksan ang passenger seat ng kotse para sa dalaga. Nakalagay sa upuan ang bouquet.

Nakita niyang nagulat ang babae sa nakita. Halatang hindi nito iyon inasahan mula sa kanya. Napangiti ito sa kanya nang matamis at pinasalamatan siya. Nang makapuwesto na ito sa passenger seat ay saka na siya umikot para pumuwesto sa driver’s seat. Nang mapasulyap siya rito ay inamoy-amoy nito ang mga bulaklak. Pinaandar na niya ang sasakyan nang nakangiti.

Mas nakilala pa niya ang dalaga habang nasa restoran at nagdi-dinner na sila. Ikinuwento nito ang tungkol sa kakambal pala nitong lalaki na si Ace.

“That was Ace, my twin brother, that you saw at the elevator. ‘Yong second time na nagkasabay tayo?” paalala nito. Isinubo nito ang bite size na hiniwang beef steak saka nginuya.

“Oh, I see.” Napatawa pa siya sa naalala. “Noong una, I thought he was your boyfriend. Then, I thought he was your husband.”

Napatawa ito sa itinuran niya. “Seriously? Yuck!” anang babae. “Bakit ba ‘yon ang naisip mo?”

Kumibit siyang hindi makapagpaliwanag. It was silly of him to assume it. Napagtanto na niya ngayon. Pero hindi naman niya napigilan ang sariling huwag mapaisip ng ganoon.

“At naisip ko ring anak mo si Benjamin,” pag-amin din niya pagkatapos ng ilang saglit. Napahiya pa siya tuloy.

Lalo naman kasi itong napatawa. Nilakihan siya nito ng mga mata. “Wow! Ang grabe naman ng takbo ng imagination mo. Mukha ba talaga akong may asawa at anak?”

“Honestly, no. That’s why I got attracted to you the first time I saw you at the elevator.”

Ito naman ang medyo napahiya ngayon nang maalala iyon. Kita niya ang pamumula ng pisngi nito. Nagtaas ito ng isang kamay, hudyat na pinatitigil siya sa pagsasalita.

“Don’t even dare mention it,” napangiting saway nito na nahihiya.

“Bakit? I was really amused at the time. Alam mo ba ‘yon? Naisip kong nagkamali lang siguro ako ng pagtingin. But then… it really looked real. Alam mo ‘yon? Kaya naisip ko talaga iyon kahit sa tingin ko naman ay hindi mo gawain ‘yong gano’n.”

Namilog ang mga mata nito at naiiling na napatawa nang mahina. “You got me all wrong the first time pa lang. Pero… bakit?” Nabanaag niya ang kuryusidad na gumuhit sa mukha nito, sa kabila ng pagkapahiya nito sa sitwasyong iyon.

Napangiti siya rito nang matamis at saka napatingin dito nang seryoso. “I never met someone like you, Niam. Hindi na kita nakalimutan simula noon. Kahit sa mga maling akala ko, lagi pa rin kitang naiisip. Hindi ko lang kasi mapigilan ang sarili ko,” kumpisal niya sa babae.

Unti-unting napalis ang ngiti sa labi ng babae at napababa ito ng tingin. Ininom nito ang juice nang ilang saglit pagkatapos niyon at hindi nakakibo. Malinaw na iyon ay dahil sa ipinahayag niya.

“I’m sorry if this confession made you uncomfortable.”

Napalunok si Niam. “O-okay lang. Hindi ko lang kasi inasahan na… ito ang sasabihin mo sa mga oras na ito. I-it’s quite flattering, Byron.” Pinapaypay pa nito ang mukha gamit ang palad.

Napangiti siya rito nang banayad. Hinaplos niya ng tingin ang mukha at ang bare shoulders ng kaharap. Nakasuot lang ito ng sundress na may spaghetti straps kaya kitang-kita ang makinis nitong balikat at braso. Parang gusto niya yaong abutin at himasin.

‘Teka, ba’t puro hipo na lang sa kanya ang naiisip ko?’ Sinaway niya ang sarili.

“Anyway, how’s Benjamin doing now?” pag-iiba na lang niya upang nasa neutral ground sila ulit para naman hindi na magiging awkward.

“He’s doing great, thank you. I’m going to visit him tomorrow… para naman makita ko ‘yong estado ng pagpabunot niya. Nilambing kasi ako no’n na papupuntahin sa bahay nila.”

Napangiti na lang siya habang nagkukuwento pa ang dalaga tungkol sa pamangkin nito. Makinig lang siya sa magandang boses nito ay naeengganyo na siya.

***

Nasundan ng panonood ng sine ang dinner na iyon. Action-comedy ang palabas na pinili nila. Kaya nga naman ay tawang-tawa silang dalawa sa mga eksena.

Nang abutin ni Niam ang kanyang plastic bottled soft drink ay banayad na inagaw naman iyon ng binata upang buksan para sa kanya.

“Salamat,” ang nasabi na lang niya nang halos pabulong para hindi makaistorbo sa ibang manonood. Kaya naman ay malapit ang mukha niya sa mukha nito. Langhap na langhap pa niya ang pabango nitong parang nakapagpa-turn on sa kanya.

“You’re welcome,” ang sagot ng lalaking ipinihit ang mukha sa kanya. Langhap niya rin ang kaaya-aya nitong hininga at nagkikiskis ngayon ang mga daliri nila dahil sa soft drink na ibinalik sa kanya.

Nagkatitigan sila kahit sa dilim. Paminsan-minsan ay lumiliwanag naman ang silver screen dahil sa paiba-ibang eksena ng palabas. Iyon ang siyang nagtatanglaw sa kanila. Noon niya nakikita ang tila nag-aapoy na mga mata ng lalaki nang dahil sa pagnanasa. Ewan niya lang kung pakiramdam niya lang iyon at mali siya sa pagkakabasa niyon. Basta’t iyon ang kanyang paniniwala. Dagdagan pang gusto niyang mahalikan nito. Hindi naman siguro sa assuming lang siyang masyado o ano pero iyon ang pakiramdam niya.

‘Hay, Niam. Huwag ka ngang lumandi. First date n’yo pa lang ‘to, ‘no?’

Marahan na lang niyang binawi ang kamay at binigyan ito ng isang matipid na ngiti. Ininom na niya ang soft drink dahil bigla ring nanuyo ang kanyang lalamunan. Pakiramdam niya ay lagi yata siyang inuuhaw dahil sa eksena nila ni Byron. Feeling niya ay para siyang sinisilaban nang hindi niya mawari. Ang init ng pakiramdam niya kahit sa malakas na aircon sa loob ng sinehan.

‘No, no, no. I’m not in heat!’ sigaw na deny ng isip niya.