Chapter 10
Napatawa si Ate Nida kay Byron. Nagtataka naman siya na nakatingin sa sekretarya. Parang nambubuska talaga ito sa kanya ngayon.
“Hindi pa ako dumako sa newsflash,” sabay iling nito. “Ito ang newsflash, Doc. Hindi iyon ang ina ng bata.”
Napamaang pa siya sa narinig. Pagkatapos ay nalilito siyang nakatitig dito. Napailing nang dahil sa hindi niya makuha iyon. Tumatawa naman ang sekretarya niya na parang nanunuya. Ang lakas talaga ng tawa nito.
“Puwede ba? Linawin mo nga ‘yang sinasabi mo, Ate Nida.”
“Hay naku! Bakit ang slow mo ngayon, Doc?” Umarte pang nabagot ang sekretarya at umismid sa kanya.
Hindi siya nakapagsalita. Nagkandabaluktot ang utak niya sa pag-iisip.
“Tiyahin ‘yon ng bata, Doc! Kaya magkapareho sila ng apelyido. Actually, nalaman kong isang biyudo si Mr. Ace Pamintuan. Namatay sa panganganak ang asawa niya. Kaya halos yaya lang ang nagpapalaki sa bata maliban sa kanya at sa babaeng iyon. ‘Yong napagkamalan mong ina ng bata? Gets mo na, Doc?” panunuya sa kanya ng sekretarya.
Noon na nalaglag ang kanyang panga at saka napatawa siya na parang isang tanga. Napasuklay pa siya sa buhok gamit ang mga daliri.
‘Oh, God! This is so unbelievable!’ Nagdiwang ang puso niya sa nalaman. Bago pa niya napigilan ang sarili ay niyakap niya at hinalikan sa pisngi ang sekretarya. Napasimangot pa ito at napangiwi nang bahagya sa kanya.
“Wow, kung makapag-react ka naman, Doc, wagas!”
Ngumisi pa siyang kinuha ang isang calling card sa bundle na ibinigay ng dalaga sa sekretarya. Tiningnan niya iyong maigi, ang pangalan ng catering service nito at ang address. Ang saya niya! Para siyang nanalo sa lotto.
***
Gaya ng pangako ni Niam sa pamangkin ay binilhan niya ito ng ice cream sa isang mall at gumala sila nang saglit bago sila umuwi. Hindi sila nanood ng palabas dahil puro love story at horror ang nasa programa. Dumaan muna sila sa pharmacy para bilhin ang resetang ibinigay ng dentista para sa bata para walang impeksyon sa sugat nito. Bumili rin siya ng dagdag na gamot at vitamins para kay Yaya Luming para gumaling na ito. Baka paubos na ang gamot nito.
Nang maihatid na niya ang bata sa bahay ng kapatid ay dumaan siya ng talyer para tingnan ang pinapaayos niya na second-hand na sasakyan. Ilang araw na rin siyang hindi nakagamit ng sariling sasakyan dahil sa ipina-overhaul niya ito.
Sa susunod na linggo pa raw matatapos iyon dahil medyo busy rin daw ang mekaniko sa daming gawain. Wala na siyang magawa kaya bumalik na siya sa shop niya. Magta-taxi na lang daw pauwi ang kakambal niya dahil mag-o-OT na naman ito.
Naging busy naman siya sa paggawa ng chocolate pudding na ibibigay para kina Byron at sa dalawang kasamahan nito sa klinika. Nakangiti pa siya habang gumagawa niyon at napansin iyon nina Lala at Roda na gumagawa ng dessert para sa susunod nilang kustomer.
“Teka, may order ba niyan?” tanong ni Roda nang kuryuso.
Napangiti siya ritong umiling. Nagpatuloy pa rin siya sa kanyang ginagawa habang nakamasid sa kanya ang dalawa.
Nagkatinginan ang bakla at ang assistant niya.
“Para kanino ‘yan? Hindi ka naman talaga mahilig sa matatamis, which is ironic by the way,” hindi mapigilang tanong ni Lala.
“Secret,” misteryosang aniya rito.
Napakurap-kurap ang mga mata ng bakla na may false lashes. “Aba, may secret ka na ngayon!”
“Lalaki, ano?” hula ni Roda na nanunukso ang mga mata.
“Well, kung hindi ba lalaki ang dahilan, eh ‘di magbibigti ako, Roda!” sansala ni Lala, sabay aksyon na nagsakal sa sariling leeg.
Napatawa si Niam sa bakla. “Huwag mong gagawin dito ‘yon. Sa bahay mo lang, Lala,” aniya sa bakla na sinabayan ang panloloko ito.
Binangga pa nito ang balakang niya. “Naku! Ayoko ngang magbigti, ‘no? Ang dami pang mga lalaking hindi ko natitikman at siyempre, dapat makatikim din sa ‘kin.”
“Gaga!” aniya rito.
“O, magkuwento ka naman, Nini,” kulit ng bakla.
“Ano? Ayoko nga! Masyado pang maaga para may ikuwento ako sa inyo, ‘no? Wala itong malisya. Pasasalamat lang.”
Subalit nanunudyo pa rin ang tingin ng dalawa sa kanya. Binalewala na lang niya iyon at tumawag sa bahay ng kapatid para i-check ang pamangkin. Kumain na raw ito ng dinner pero medyo nagrereklamo sa sugat nitong sumasakit daw kaya pinainom ng gamot ng katulong. Kinausap niya ang bata para sabihing normal lang iyon at gagaling din iyon pagkatapos ng ilang araw.
“Hello,” sagot niya sa landline phone nang tumunog iyon, pagkatapos ng tawag niya sa bahay ng kapatid.
“Hello. May I speak with Miss Niam, please?”
Biglang sumikdo ang puso niya nang marinig ang pamilyar na boses na iyon ng lalaki. Si Byron. Pinatahan niya ang kanyang hininga bago sumagot.
“Speaking. Napatawag ka… Doc—”
“Hey, it’s Byron. Don’t call me ‘Doc’ dahil masyadong pormal. But I am calling you dahil sa maliit kong pasyente para kumustahin siya,” anito.
“Oh! Oh, I see,” mahinang aniya.
‘Akala ko pa naman tumawag ka para kausapin talaga ako.’
“Salamat sa pag-aalala,” pagpatuloy niya. “Pinainom na siya ng gamot, ‘yong reseta mo. Pero… ganito ka ba sa mga… maliliit mong pasyente? Tumatawag ka sa guardian kahit sa ganitong oras?” Napakagat-labi pa siyang nakangiti pagkasabi niyon.
Narinig niya ang mahina nitong pagtawa. “Actually, it was just a pretext,” turan nito. “Kung puwede ka ba ng dinner bukas, iyon sana ang gusto kong itanong sa ‘yo.”
Napangiti pa siya sa sarili na kinilig bigla. “I-I’ll check my calendar first,” kunwari pa niya. Pero wala naman talaga siyang appointments sa gabi. Kapag mayroong okasyon na panggabi ay si Lala o si Roda ang inuutusan niyang magsu-supervise. Aanhin pa niya ang pagiging boss kung hindi nang-uutos?
“So?” untag ng lalaki sa kanya.
“Um… I’m free tomorrow,” tugon niya sa wakas.
“Great! I’ll pick you up at six… Saan nga pala?” tanong nito.
“I’ll just text you the address. Salamat.”
Kinikilig pa ang dalagang nagpaalam sa lalaking tumawag. Napabuntong-hininga siyang nakangiti habang napapaisip kay Byron. Excited na siya sa dinner nila bukas. Hindi man lang niya naisip na mangyayari ito.
‘Teka nga lang. Humaharot na ba ako?’