Chapter 16

HAILA’S POV

“Hala! Sir, bakit mo binili ‘tong teddybear? Hindi naman na kailangan e. Nagsayang ka tuloy ng pera sa’kin,” asik ko habang hawak ang teddy bear na iniregalo niya sa akin. Iyon ang teddy bear na nakakuha ng atensyon ko kaninang namalengke kami.

Hindi ko alam ang dapat na maging reaksyon sa ginawa niyang ito. Mayroon sa parte ko na kinilig at mayroon rin ang pagkahiya. Masasabi kong may kamahalan ito. Sinabi ko naman kasi sa kanyang huwag na namin iyon bilhin kanina pagkakita sa presyo nito.

“That’s my gift to you. Hindi mo ba nagustuhan?” Naroon na sa tono ng kanyang boses ang pagiging matamlay. Nakita niya kasi ang reaksyon ko at sigurado akong nalungkot siya roon. Taena naman kasi!

“Nagustuhan naman, Sir,” depensa ko.”Ang problema kasi, ang mahal nito e. Kung tutuusin, kalahati ng sweldo ko ang presyo ng teddybear na’to.”

“I don’t care.” Walang nagbago sa kanyang itsura. Titig na titig ito sa akin at konti na lang ay maiilang na ako. Kung nakakamatay lang ang titig niya baka kanina pa ako nakahandusay sa aking kinatatayuan.

“Sir naman e,” napakamot na ako sa aking ulo. Hindi naman sa nagpapakipot ako pero sadyang iniisip ko ang presyo nito. Marami ng mabibiling mga mahahalagang bagay sa presyo ng teddy bear na hawak ko. Bakit ba nahuli niya akong nakatingin dito sa teddybear kanina? Psh!

“Magpasalamat ka nalang. Actually, wala akong alam na iregalo sa’yo e buti nalang nakita kitang nakatingin kanina dyan,” pagtutukoy niya sa hawak ko.”Pansin kong gustong-gusto mo siya kaya kinuha ko na para sa’yo.”

Nadala ako sa sinabi niya. Talagang nahuli niya ako kanina. Magdedeny sana ako pero huli na. Alam kong madali niya akong mabasa lalo na sa mga bagay na makakapagpasaya sa akin. Ewan ko nga ba kug bakit lahat nalang ng gusto ko ay binibigay niya.

Hindi ko siya sinagot at tumingin sa teddy bear na hawak ko. Human size iyon kaya nakaramdam rin ako ng bigat. Ang cute naman kasi talaga ng stuff toy na ito kaya nakuha niya ang atensyon ko. Hindi ko naman sinasadyang makita ito. At mas lalo nang hindi ko sinasadyang makita ni Sir na gusto ko itong teddy bear na ito.

“See, your smiling at the teddy bear. Ibig-sabihin nyan, nagustuhan mo nga ang regalo ko sayo. Pakipot ka pa kasi,” Suhestiyon niya at narinig ko ang kanyang pagtawa. Napansin nito ang ginawa kong pagtitig sa teddy bear.

Base sa ngiti niya na nakikita ko sa kanyang labi, alam kong nawiwili siyang pinapanood ako. Pero hindi ko nagustuhan ang sinabi niyang pakipot ako. Duh! Hindi kaya. Ang akin lang, inaalala ko ang presyo. Wala akong panahon para magpakipot.

Dahil sa kanyang sinabi ay hinampas ko siya gamit ang hawak kong teddy bear. Mahina lang naman iyon kaya hindi siya nasaktan bagkus pinagtawanan ako ng malakas. Inis na inis talaga ako kapag pinagtritripan niya ako. Oo na happypill na niya ako.

“Tsk! Hindi ako nagpapakipot, okay? Iniisip ko kasi ‘yong presyo, naiintindihan mo? PRESYO!” diniian ko pa ang pagbigkas sa salitang presyo para ipamukha sa kanyang mali ang iniisip laban sa akin.

“Okay, sabi mo e.”

Pagkatapos ng bigayan ng mga regalo ay napagdesisyunan nina Kuya na mag-inuman muna kasama sina Sir at Dave. Narito na rin sa bahay si Criza at kasalo ko sila rito sa sala, nanonood naman kami. Binigay ko na rin sa kanya ang regalo niya mula sa akin.

Kita sa katabi kong bintana sina Kuya na nag-iinuman. Nagtatawanan na sila at mukhang magkakasundo silang lahat. Napapansin ko na ang pagiging malapit nina Sir at Dave. Hindi ko makakalimutan ang first meetup nila. Kaagad nainis si Sir sa kanya noon. Nakapagtataka kung bakit naging close sila bigla.

“Ehem,”pekeng ubo ni Criza na hindi nakawala sa pandinig ko. Nakaramdam ako ng hiya ng mapansing nakatingin sila ni Ate sa gawi ko. Nahuli nila ang panonood ko kina Sir sa labas.”Huwag mo masyadong titigan, baka mainlab ka ng tuluyan.”

Napaiwas ako ng tingin at kunwaring uminom ng softdrinks. Kami nalang ang gising at tanging si Lola lang ang tulog. Mahina siya sa puyatan kaya hindi na naman siya pinilit pa. Hindi naman siya makakarelate sa mga pangmellenial naming usapan.

“Luh! Sinasabi mo dyan,” asik ko. Tinapon nalang sa telebisyon ang tingin upang hindi mabisto.

“Hoy! Lokohin mo na lahat,’wag lang kami nitong hipag mo,” depensa niya. Binato niya pa ng bahagya ang unan na kanina’y hawak. Mabuti na lang at nasalo ko iyon at kung hindi baka tumama iyon sa mukha ko.

“Psh! Mapanakit?” Singhal ko sa kanyang ginawa. Natawa yata sila sa naging reaksyon ko kaya umingay ang paligid. Mabuti na lamang at hindi rinig ng mga kalalakihan na nasa labas nag-iinuman.

“Lala, matanong ko nga, umamin na ba si Rhaiven sa’yo?” Pag-iiba ni Ate sa usapan. Napatingin ako sa kanya ng nakakunot ang noo. Hindi ko magets ang sinabi niya.

Tumaas ang aking kilay at hindi alam ang aking isasagot sa kanyang malabong tanong.”Ano naman ang aaminin ni Sir sa’kin, Ate?” Tanong ko pabalik.

Wala akong ideya sa pinupunto niya. Masyadong blangko ang utak ko at wala kahit na katiting na ideya manlang. Kung gets ko ang punto niya, malamang, binaha na siya ng sagot mula sa akin. Kaso nga lang, hindi ko siya magets. Ano kaya ang aaminin ni Sir na sinasabi niya?

Nagkatinginan sila ni Criza. Nasa pangdalawahan silang sofa habang ako ay pang-isahan lamang. Nakasquat pa sila roon at pinagkasya ang mga sarili. Ngumisi sila sa akin at mukhang lugi ako dahil ako lang ang hindi nakakarelate sa usapan namin ngayon.

“Teka, mukhang wala kang ideya sa pinag-uusapan natin e,” usal ni Ate. Umayos pa sya ng pagkakaupo paharap sa akin. Pinanood ko lang siya at hinintay ang mga susunod niyang sasabihin.

“Ate naman, binato mo naman kasi kaagad sa kanya iyong tanong. Ayan tuloy, nabobo na ang frenny ko,” pag-iingay naman ni Criza. Bumungisngis pa ito na para bang sa aming apat sya ang mas excited sa usapan namin ngayon.

Inirapan ko lang sya tsaka diretsong tumingin kay Ate. Hindi ko mawari kung seryosong usapan ba ito o hindi. Base sa mukha nilang dalawa, may parte na seryoso at may parte ring hindi. Aish!

“Pansin lang namin, Lala,” panimula ni Ate. Humawak pa siya sa baba na animo’y may iniisip.”Hindi ka ba nagtataka kung bakit ang sweet ng amo mo sa’yo? Ang ibig kong sabihin, hindi kaya may gusto yon sa’yo? Opinion lang ha,’wag ka masyadong stress.”

Napaisip naman ako. Sa katunayan, hindi lang naman ako ang may mata sa amin kaya imposible hindi rin nila nakikita ang mga kasweetan ni Sir sa akin. Pero, binibigyan nila iyon ng malisya. Samantalang ako, teka, ano nga ba ang ang opinyon ko sa bagay na iyon?

“Oo nga naman, bes,” sabat ni Criza.”Akalain mo ‘yon, niregaluhan ka pala ng mamahaling teddybear. Hoy! Para sabihin ko sa’yo, ganon ang nobyo ng ate ko noon. Hmm, baka may ideya ka na sa point namin.”

Marami nang nagawa si sir sa akin hindi lang doon sa bahay nila kundi pati na rin dito sa amin. Hindi na rin mabilang ang mga kabutihang ginawa niya sa akin. Kung tutuusin, mula ng magkamabutihan na kami, pakiramdam ko hindi na ako yaya sa kanya. Tinuring niya ako na kaibigan at hindi na bilang kanyang utusan.

Ang daming nagsasabi na baka may gusto ito sa akin. Na kaya nagiging mabait sa akin ay dahil naghahangad ito ng kapalit. Kailanman, hindi ko inisip na sisingilin ako ni Sir sa maling paraan. Sa katunayan, ang mga utang ko sa kanya nilimot na niya na parang hindi ko na kailangan na bayaran. Hindi ko na halos maintindihan ang mga ngiti at trato niya sa akin.

“Hindi naman siguro ganon, mabait lang talaga si Sir. Ganoon rin naman siya sa ibang tao e, gaya niyo,” depensa ko. Kahit ang totoo ay kinakabahan na ako sa pwedeng kahantungan ng lahat.

“Pero, hindi ganoon kasweet, Lala. Babae ka rin dapat alam mo ang pinagkaiba ng trato ng kaibigan sa trato ng gustong ka-ibigan,”pagpapaliwanag nito sa akin na lalo lang nagpagulo sa utak ko.

Ngayon, naiintindihan ko na ang punto nila. Hindi na ako mangmang para magbulag-bulagan pa. Ang ibig nilang sabihin ay may kakaiba sa kinikilos ni Sir. Kitang-kita naman iyon noon, hindi ko lang pinansin at baka mahotseat ako bigla.

“Hindi iyon magkakagusto sa’kin. Malayong-malayo ako sa mga tipo niya sa babae. Tsaka, hindi maaring magustuhan niya ako lalo na yaya niya lang ako. Nakakahiya kaya kapag ganon ang mangyari sa’min,” asik ko.

Magatal ko na ring naisip ang bagay na ‘yon. Kilala siya sa buong unibersidad. Ano nalang ang sasabihin ng ibang tao sa akin? Pineperahan ko siya? Gusto kong yumaman kaya ganon? Psh! Alam ko sa sarili kong hindi ako ganon. Kaya, hindi maaaring magustuhan namin ni Sir ang isa’t isa. Naiisip ko pa lang ang mga salitang hindi kanais-nais mula sa ibang tao, nasasaktan na ako. Paano nalang kung totohanan na? Potek!

“E, natanong mo na ba sa kanya?”

“Ang alin, Ate?”

“Kung talagang hindi ka niya gusto.”

Hindi ako nakapagsalita. Kahit kailan, hindi pumasok sa isip kong tanungin siya sa bagay na iyon lalo na nililigawan ako ng kaibigan niya. Isa pa yon sa nakakahiya, magkaibigan sila kaya hindi maaaring magustuhan ko si Sir. Masasaktan lang si Kenneth kung magpapadala ako sa mga tukso nila Kuya sa akin. Hindi ako ganoon kasama para manakit ng ibang tao.

“Bes, alam mo, mas mabuti na kasing sigurado tayo. Kami na nga itong nag-aassume para sa’yo. Tanungin mo kaya siya kapag may time ka,” suhestiyon ng kaibigan ko.

“Bahala na.”

Matapos ang seryosong usapan namin ay naging tahimik na ako. Wala akong alam na sabihin o kaya naman ay ikomento. Napatingin ako sa gawi nina Sir at hindi ko maiwasan ang mamangha sa mga ngiti niya. Sa katunayan, hindi ko na rin maintindihan ang sarili ko. Wala akong sapat na basehan para masabing gusto ko nga siya.

Minsan, naisip ko na rin natanong sa sarili ko kung ano ang ibig-sabihin ng mga pinapakita niya sa akin. Kahit na sinong babae ay maghihinala talaga sa mga kilos niya.

“Bes,”tawag sa akin ni Criza.”Selpon mo yata ang tumutunog,” inginuso niya pa ang bulsa ng pants ko.

Nabalik ako sa reyalidad ng tumutunog nga ang selpon ko sa aking bulsa. Kaagad ko iyong kinuha at nakaramdam ng tuwa ng si Kenneth ang tumatawag. Nagpaalam ako saglit kina Ate na sagutin ang tawag. Pumaroon ako sa kusina. Hindi ko alam kung bakit ganito ako kasabik na makausap siya. Matagal-tagal na rin ng huli kaming mag-usap.

“Merry Christmas, Haila,” malambing nitong wika sa kabilang linya. Pakiramdam ko nag-iinit na ang pisngi ko pagkarinig ko sa kanyang boses.

“Merry Christmas din.”

“Kumusta kayo diyan? Hindi ko muna maibibigay iyong regalo ko sa’yo. Siguro pagkauwi ko nalang,” usal niya at narinig ko ang mahina niyang pagtawa.

“Maayos naman kami dito tsaka huwag ka ng mag-abala. Hindi naman na ‘yon importante basta umuwi’ng safe, okay na ‘yon sa’kin.” Sambit ko. Matatawag na akong baliw rito dahil nakangiti ako ng mag-isa.

“Christmas naman e, kaya pagbigyan mo na’ko.”

“Okay, sige, basta huwag ‘yong mahal masyado ah. Ayokong gumastos ka ng malaki para lang regaluhan ako, Kenneth.”

Mayroon sa akin ang hiya kapag may mga taong nagbibigay ng regalo sa akin at nalalaman kong may kamahalan ang presyo noon. Masasabi man na regalo nila sa’kin iyon ay hindi ko maiwasang isipin ang presyo.

“Noted, Madam.”

“Nga pala, kailan ang uwi niyo?” Pag-iiba ko sa usapan. Hinila ko ang isang monobloc chair sa ‘di kalayuan at umupo roon.

“Bakit? Miss na miss mo na ba ako?” Asar nito sa akin kaya napanguso ako. As if naman makikita niya ang pag-iinarte kong ito.

“Nagtanong lang miss na agad? Assumero!” Asik ko sa kanya. Narinig ko nalang ang malakas niyang pagtawa. Napag-usapan na namin ang tungkol sa sagutan namin noon. Hindi ko naman kasi siya matitiis e. Mahal ko na yata siya. Kinausap ko siya tungkol sa kanila ni Sir kaso ang sabi niya sa akin ay siya na ang bahalang umayos sa bagay na iyon. Hindi na ako umangal pa.

“Just kidding, baby,” bumungisngis pa siya at rinig na rinig ko.”We’re going to spend here at New York until New Year’s Eve. So, kailangan mo pang maghintay ng matagal bago mo ako makita.”

“Sana kayanin ko,” matamlay kong usal. Sa katunayan, namimiss ko na siyang kasama na lumabas at mamasyal sa mall. Kahit pa man minsan hindi kami magkasundo, masaya at enjoy pa rin siyang kasama.

“You can do it, baby. Just wait for me, okay? I love you.”

“Basta umuwi ka,” para akong bata na takot maiwan. Nakakatawa man pero para akong baliw na nasasabik sa pag-uwi niya. Matagal pa man bago siya umuwi ay hihintayin ko siya.

Kinabukasan. Naisipan namin nina Papa na magpiknik sa ilog. Wala naman naglakas loob na pigilan ang gusto nito dahil lahat na yata kami ay sang-ayon. Nagluto ako ng babaunin naming pagkain at karamihan sa mga iyon ay mga pagkaing natira kagabi.

Halos hindi ako makatulog kagabi dahil sa mahaba-habang pag-uusap namin ni Kenneth. Kinuwento yata niya lahat ng naging ganap ng bawat araw niya roon. Natawa pa ako dahil araw-araw silang lumalabas upang mamasyal. Hindi naman kasi siya ganoon kahilig ang gumala. Kapag nasa wisyo ay talagang gusto niya.

Nakwento niya pa sa akin iyong babae na pinakilala ng kanyang Kuya sa kanya. Hindi ko naman masisisi ang kuya nito kung bakit may ipinakilala siyang babae kay Kenneth. Hindi ko pa siya sinasagot. Wala pa kaming relasyon. Mayroon sa parte kong masakit at nakakaselos iyon pero naiintindihan ko ang kanyang kapatid.

“Uy,” may kumalabit sa balikat ko. Nang lingunin ko ito ay si Sir lang pala. “Tulungan na kita.”

Tumango ako bilang sagot. Ginamit namin ang sasakyan niya kahit sinabi kong huwag na. Hindi naman ganoon kalayo ang ilog na pupuntahan namin. Inaalala ko kasi ang gas noon dahil gagamitin namin iyon pauwi ng Manila. Pero nagpumilit pa rin siya kaya wala na akong nagawa.

Masaya silang naliligo nina Kuya roon sa medyo may kalamiman na ilog. Narito ako sa ilalim ng puno kung saan naglapag si Papa kanina ng kumot. Ayoko pang maligo kaya nagpaiwan ako upang asikasuhin ang makakain namin.

Nakahiga naman si Lola sa folding bed na nasa kanan ko. Natutuwa siya dahil ngayon lang ulit siya nakalabas ng bahay. Presko rin kasi ang hangin rito at talagang nakakarelax.

Kanina ko pa nahuhuling sumusulyap si Sir dito sa gawi ko. Hindi ko naman dapat bibigyan ng malisya iyon dahil narito sa tabi ko si Lola. Malay ko ba kung si Lola ang tinitignan nito at hindi ako. Ayokong magmukhang assumera. Psh.

Bumalik rin sa alaala ko ang mga naging usapan namin kagabi nina Criza. Masyadong komplikado at wala akong kasiguraduhan. Ang taong makakasagot lamang ng mga katanungan sa utak ko ay si Sir. Tama, siya lang at wala ng iba pa.

“Sigurado ka bang hindi mo siya gusto?” Tanong ni Papa nang hindi ko namamalayan na tumabi ito sa akin. Kumuha siya ng saging at binalatan iyon.

Napaiwas ako kaagad ng tingin. Alam na alam ko kung saan pupunta ang usapan namin. Ewan ko nga ba’t ayaw nila akong tantanan hanggang hindi naririnig mula sa akin ang nais nilang sagot. Ang sa’kin lang naman kasi, masasaktan si Kenneth kapag nagkataon na madala ako sa mga tukso nila. Ayokong saktan si Kenneth.

“Pa, ayan na naman kayo.” Usal ko at kumamot sa aking sentido. Kapag ganito na nahuhuli nila akong nakatingin kay Sir ay bibigyan nila ng malisya.

Tumawa siya.” Anak, gustong-gusto ko siya para sa’yo. Mabait siya, kaya niyang ilugar ang sarili niya, at marespeto rin. Ganoon dapat ang lalaking pangarapin mo.”

“Paanong marespeto ‘yon kung palamura?” At sabay kaming natawa ni Papa habang nakatingin kina Kuya na nag-eenjoy sa paliligo

“Basta anak, botong-boto ako sa amo mo. Hindi ‘yon magbabago,” kumindat pa siya ng bahagya.

Napailing nalang ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung paano napaamo lahat ni Sir ang taong nakapaligid sa akin rito. Kataka-taka naman talaga dahil sa Manila ubod sa sama ang pag-uugali niya pero dito dinaig niya pa ang santong banal. Ewan ko lang kung hindi matawa sina Luis kung nandito sila’t nakikita nila si Sir.

Pagkatapos ng munti naming pagpipiknik, nagyaya si Papa na mamasyal kami sa bayan. Tutal ito ang unang pagkakataon na buo kami. May konti naman daw siyang naitabi para sa pamamasyal namin. Walang naglakas-loob na umangal dahil lahat kami excited.

“Ganyan na ang suot niyo?” Tanong ni Papa ng nasa sala na kaming lahat. Sa tanong niyang iyon ay sinuri naming lahat ang suot namin. Wala namang mali sa suot namin kaya pinagkunutan namin siya ng tingin.

“Bakit, kailangan ba formal dress, Papa?” Tanong na ni Kuya.

Nakita namin kung paano ngumisi si Papa. Imbes na sumagot at may pinakita siya sa amin na basket at kung ano man ang laman noon ay hindi namin alam.

“Ano naman yan, Papa?”

“Nagpagawa ako ng family shirt natin. Bawat isa ay may pangalan kaya ayan ang isuot niyo,” iniabot nito ang ilang piraso ng damit kay Kuya. Kinuha ni Kuya ang damit nito na may pangalan niya at ganoon rin ang ginawa ni Ate.

“Pa’no pala si Rhaiven?” Tanong ni Ate Marie nang abala itong hinahalungkat ang mga damit.

Napatingin kaming lahat sa gawi ni Sir ng mayroong pagtatakang tingin. Hindi ko maiwasang kabahan na baka tama ang hinala ko. Pasimpleng ngumiti si Sir na animo’y hindi apektado sa pinupunto ni Ate. Totoo kayang hindi siya apektado?

Napunta ang tingin ng ama ko sa kanya. Nakita ko ito kung paano ngumisi na para bang may binabalak. Ang dami na tuloy tumatakbo sa utak ko. Maski puso ko sobrang ingay na rin. Jusmiyo!

Umakbay siya kay Sir at ginulo ang buhok nito. Pinanood namin ang susunod nitong gagawin. Hindi ko maalis ang tingin sa kanila. Sa nakikita ko, para ko nang nobyo si Sir sa treatment ni Papa sa kanya. Sana lang ganyan rin sila kapag si Kenneth na mismo ang dadalhin ko rito.

“Hindi naman iyon problema e,” usal ng tatay ko. Kumalas sa pagkakaakbay kay Sir at may kinuha sa malapit na drawer sa may left side niya.

May iniabot siya rito na paper bag at laking gulat ng malaman kung ano ang laman noon. Isang tshirt rin na gaya sa amin, may tatak na ‘Santiago Family’ sa harap at may pangalan si Sir sa may laylayan sa likod. Hindi ko alam ang nararapat na iakto sa nasaksihan kong iyon. Nakakalapigil hininga. Grabe.

Gulat na gulat si Sir na tumingin kay Papa habang nasa kamay na nito ang damit na kinuha sa loob ng paper bag kanina. Siguro ay nagtataka siya kung bakit binigyan siya nito ng damit na gaya sa amin. Base sa damit na nakita ko, alam ko na ang ibig-sabihin nito para kay Papa.

“Pinakilala ka ng anak ko sa amin kaya parte ka na ng pamilya namin,” wika ni Papa habang malaki ang ngiti sa mga labi.

Hindi inaasahan ni Sir iyon kaya naman mabilis siyang yumakap kay Papa. Naoverwhelmed siguro ito lalo na hindi naman sila ganoon kaclose. Kailan lang noong nagkakilala sila at wala pang isang buwan na nagsama sila.

Narinig ko ang hiyawan nina Ate at Kuya ng senyasan ako ni Papa na sumali ako sa yakapan nilang dalawa. Nagdadalawang-isip pa ako kung papayag ako pero kalaunan ay wala rin akong nagawa dahil sa pampipilit ni Papa.

“Ngayon na boto na ako sa iyo, Rhaiven, alam mo na ang gagawin,” suhestiyon ni Papa na halos magpatigil sa mundo ko habang nasa tabi nila ni Sir. Naistatwa ako at halos hindi na makagalaw sa aking kinatatayuan. Nanigas pati tuhod at bibig ko. Nakita ko ang sarili ko na tulala na para bang nabingi ako sa aking narinig. Ano ang ibig sabihin noon?