Kabanata 8: Ang Pangalawang Sulat

Alas sais ng umaga nang magising si Paul at agad itong lumabas at nagpunta sa malapit sa bahay ni Cally na ipinagtanong niya base sa ibinigay ni Ria na lokasyon ng tirahan nito noong isang gabi habang ipinapaliwanag niya ang magiging misyon ni Paul. Halos ilang kanto lang ang layo ng bahay ni Cally mula sa tinutuluyan niyang apartment kung kaya naman ay kahit nilakad niya lang ito, mabilis siyang nakarating.

Tumayo si Paul sa gilid ng isang maliit na tindahan na halos kaharap ng bahay nila Cally. Pinagmasdan niya ito maigi at naghintay. Gusto niyang malaman kung nabasa ba nito ang sulat na palihim niyang iniwan sa lapag kahapon na siya ngang naapakan ni Cally at nakuha pero dahil wala naman kapangyarihan si Paul upang mabilis niyang malaman kung ano na nga ang nangyari dito ay naisipan na lang niyang magmanman na patago.

Mga ilang minuto pa siyang naghintay at maya-maya lang ay nakita na ni Paul na lumalabas na si Cally at nagbubukas na ito ng tarangkahan. Hindi pa rin mapigilan ni Paul na mabighani sa ganda nito at halos mapatulala na siya habang pinagmamasdan ang paglakad paalis ni Cally. Susundan na sana niya ito nang bigla itong tumigil at itinapon sa malapit na basurahan ang isang plastik bag na puno ng laman at pagkatapos ay lumakad na itong muli.

Lumingon lingon si Paul sa paligid at napansin niyang dumarami na ang tao sa kalsada kung kaya naman ay agad na siyang lumakad at lumapit sa basurahan na pinagtapunan ni Cally ng plastik bag para tingnan kung ano iyon at baka sakaling may makuha siyang dagdag na impormasyon tungkol dito pero hindi niya inaasahan na pagtingin niya doon ang unang makikita niya ay ang sobreng puti na galing mismo sa kaniya.

Hindi makapaniwala si Paul na itinapon lang ito ni Cally at hindi man lang nagbigay ng pagpapahalaga.

"Aba at talagang siya pa ang may lakas ng loob na itapon ito." Naiinis na sabi ni Paul sa sarili. "Ang ganda ganda nga, hindi naman kagandahan ang ugali."

"Nino?" Biglang sabi ng isang malaking boses na halos pakiramdam ni Paul ay katabi ng tenga niya.

Napahakbang pakaliwa si Paul dahil sa gulat at hindi niya napansin na mayroon pa lang mga kahoy sa lapag na siyang natamaan at nakapatid sa mga paa niya. Bumagsak si Paul sa lapag pero buti na lang ay naitukod niya ang kamay niya at hindi siya napuruhan.

"Aray ko!" Ungot ni Paul pagkabagsak.

"Bakit ba kasi masyado kang magugulatin?" Tanong sa kaniya ng lalaki na nakatayo sa harapan niya. Nakasuot ito ng maong na pantalon at puting kamiseta.

Mabilis na tumayo si Paul at ipinagpag ang kamay. Tumingin siya sa lalaki na noo’y nagaayos ng sombrero nito.

"Pasensiya na po at nagulat ako. Hindi ko po kasi kayo nakita na dumating. Sige po, mauuna na ako." Sabay lakad ni Paul ng mabilis dahil ang pakiramdam niya ay may kakaiba sa lalaking iyon.

"Anghel ka ‘di ba?"

Natigilan si Paul sa paglakad. Humarap siya pabalik sa lalaki na nakatingin na sa kaniya at nakangiti.

"Sino po kayo?" Tanong niya sa lalaki.

"Zion." Mabilis nitong sagot. "Departamento ng mga Mensahero."

Nanlaki ang mga mata ni Paul at tumingin tingin sa paligid para tingnan kung may nakakarinig sa kanila.

"A.. a-anghel din po kayo?"

"Oo. At ikaw…—" Sagot ni Zion habang tinitingnan maigi si Paul na para bang sinusuri niya ang pagktao nito. "Anghel ka na nagkatawang tao, tama ba?"

Napalunok si Paul at hindi malaman ang isasagot dala na rin ng hiya.

"Ayos lang ‘yan. Ano bang misyon mo? Baka sakaling may maitulong ako."

"Mahabang istorya po. Ang kailangan ko lang sa ngayon ay maipadala itong sulat na ito doon sa tao na ibinigay sa akin bilang misyon." Paliwanag ni Paul habang kinukuha ang isa pang puting sobre na nakatiklop sa gitna galing sa bulsa niya.

"Kung ganun, kayang kaya kitang tulungan diyan."

"Paano po?" Interesadong tanong ni Paul.

Ngumisi si Zion. "Anong paano? ‘Di ba sinabi ko sayo galing ako sa Departamento ng mga Mensahero? Master na ‘ko sa pagdedeliver ng sulat." Makulit nitong sabi sabay kinuha mula sa kamay ni Paul ang puting sobre.

"Oo nga pala ano. Nakalimutan ko kaagad." Sabay kamot ni Paul sa ulo.

"Kanino ba ‘to ipapadala?" Sabi ni Zion habang nakatingin sa puting sobre. Inilagay niya sa ibabaw nito ang kaniyang kaliwang kamay at sabay pumikit at pagkatapos ng mga ilang segundo ay nagmulat ito at biglang sabi: "Cally Mendoza, No. 7, Amor Street, Narra Subdivision, Manila City.

Lumingon lingon si Zion sa paligid at nagumpisang magbilang habang itinuturo ang mga bahay isa-isa.

"…five, six, seven." Sabay hinto pagkaturo sa bahay nila Cally. "Dito?"

"Paano mo…—" Hindi pa man tapos magtanong si Paul ay bigla nang inihagis ni Zion ang sobre sa ere at isang iglap ay nawala na ito sa paningin.

"Okay na. Nahatid na ‘yung sulat. Sa ngayon libre muna, pero sa susunod sisingilin na kita." Kumindat ito sabay tapik ng malakas sa braso ni Paul. "Mauna na ‘ko sa ‘yo, may trabaho pa ‘ko."

"Salamat!" Sigaw ni Paul kay Zion habang tinitingnan ito na naglalakad ng mabilis papalayo ngunit bigla itong tumigil at humarap kay Paul sabay lumakad ulit palapit.

"Nga pala… ‘yang pagsasalita mo.. masyadong makaluma. Magpractice ka, okay? Ang weird eh." Sabi nito pagkalapit at sabay umalis na ulit pagkatapos.