Kabanata 9: Mga Pinagtagpo

Tanghali na halos nang umalis ulit si Paul galing sa ‘apartment’. Nakasalubong niya pa si Ria sa tanggapan ng mga bisita bago siya lumabas at tinanong nito kung anong oras si Paul pinapapasok sa trabaho ni Mr. Yu, ang may-ari ng restaurant na pinagpasukan ni Ria kay Paul bilang waiter at nang sumagot si Paul na ala una ang pasok niya dahil pinag ‘overtime’ siya ni Mr. Yu kahapon ay tumungo lang si Ria at sabay lumakad na papasok.

Naglakad lang si Paul papunta sa restaurant dahil tinitipid niya ang pera na kinita niya kahapon, nag-iipon kasi siya ng pangbayad sa upa at pangbigay kay Ria bilang kontribusyon niya sa pagkain na inihahanda para sa araw-araw. Nilinaw din sa kaniya ni Ria na hindi iyon sapilitan at kung gugustuhin ni Paul ay puwede naman itong bumukod ng pagkain ngunit ang gastos ay hindi na sagutin pa ng mga anghel na nakatoka sa pangangalaga sa mga anghel na nakatira sa mahiwagang lugar na iyon. Pero dahil nag-aalangan pa si Paul sa mga bagay bagay tungkol sa mundo ng mga tao, minabuti na lang niya na magbigay na lang ng kontribusyon para sa pagkain para makasiguro siyang tama ang mga kinakain niya dahil hindi pa naman siya sanay sa pagiging isang tao.

**************

Buong hapon na naging abala si Paul sa trabaho. Kahit pangalawang araw pa lang niya dito ay halos nakakabisa na niya ang mga gawaing nakatoka sa kaniya at kahit din na medyo may pagka istrikto ang kaniyang amo, natutuwa naman ito kay Paul dahil sa sipag nito sa pagtatrabaho ganoon din ang puri sa kaniya nang kaniyang kasamahang si Miggy at ang kanilang tinatawag na 'cook' na si Kuya Jojo.

Maagang pinagsara ni Mr. Yu ang restaurant dahil kaarawan ng kaniyang asawa at uuwi siya ng maaga kung kaya naman ay bandang alas singko y media pa lang ay nagliligpit na sila at pagdating ng alas sais ay tuluyan na silang nagsara. Naunang umalis si Paul dahil balak niya sanang dumaan kanila Cally para tingnan kung nakuha na nito ang pangalawang sulat kaya lang ay hindi ni Paul alam kung papaano niya gagawin na malaman iyon pero nagaalangan man at kahit ganoon pa man dumiretso pa din siya papunta kanila Cally ngunit di pa siya nakakalayo masyado mula sa restaurant ay natanaw niya si Cally sa di kalayuan na nakatayo at tila nagaabang ng masasakyang jeep.

Nagtago muna si Paul sa likod ng isang poste habang tinitingnan kung anong gagawin ni Cally pero ilang saglit pa ay may isang lalaki na bumaba galing sa isang itim na sasakyan at lumapit ito kay Cally. Maya-maya pa ay naulinigan niyang parang nagtatalo ang dalawa pero hindi niya marinig maigi kung anong sinasabi ng mga ito.

"Sandali, sino ba 'yun?" Tanong ni Paul sa kawalan.

Sumimple siyang lumapit at yumuko habang nagtatago sa mga nakaparadang sasakyan.

"Bakit ka kasi nandiyan? Puwede ka naman dito sa kabila?" Inis na sabi ng lalaking galing sa itim na kotse.

"Bakit, sa 'yo ba tong daanan para utusan mo 'ko?" Mataray na sagot ni Cally.

"Aba, aba. Matapang pala siya ha." Komento ni Paul habang kausap ang sarili at nanonood sa nangyayari.

"So anong gusto mong gawin ko? Hintayin ka na makasakay bago makadaan 'yung kotse ko dito? Cally, gabi na. Hindi lang ikaw ang may gustong makauwi na." Hirit ulit ng lalaki.

"Oo nga naman." Bulong nanaman ni Paul sa sarili.

Nakita ni Paul na huminga si Cally ng malalim at sabay hinawi nito ang buhok sa likod ng tenga niya. Napansin nanaman ni Paul kung gaano ito kaganda pero ipinikit-bukas niya ng mabilis ang kaniyang mga mata sabay iling ng paulit ulit para hindi mapatulala kay Cally.

"Alam mo, Luigi, puwede ka naman magsabi ng maayos kaso inuuna mong magalit."

Nabigla si Paul sa narinig at natuwa na rin dahil naisip niya na baka ang Luigi na kinakausap ni Cally ay ang parehong Luigi na sinabing dapat makatuluyan ni Cally.

"Mr. Lastimosa!" Biglang tawag ng isang babae na may parehang kulay at disenyo sa damit na suot ni Cally. Lumapit ito kay Luigi at may iniabot na libro. Narinig ni Paul na nagpasalamat ito at umalis na rin pagkatapos.

"Luigi Lastimosa? Siya nga." Kausap nanaman ni Paul ang kaniyang sarili.

"Pasensiya ka na, Cally. Pagod lang ako. Sorry, naaway kita." Mahinahong sabi ni Luigi na para bang inaamo niya si Cally.

Tumango si Cally at iniwas na ang tingin mula kay Luigi sabay lumipat ng puwesto kung saan hindi niya mahaharangan ang dadaanan ng sasakyan nito. Lumingon si Luigi kay Cally at tila nakaramdam ito ng pagkakonsensya sa pagiging magaspang ng ugali niya. Lumapit siya kay Cally habang bumubwelo ng sasabihin.

"Cally..." Umpisa niya.

Tumingin sa kaniya si Cally na blangko ang ekspresyon ng mukha.

"... hatid na kita. Baka matagalan pa bago ka makasakay. Punuan ngayon mga jeep."

"Okay lang. Kaya ko naman maghintay." Malamig na sagot ni Cally.

Napakamot si Luigi sa ulo niya at para bang nahihiya.

"Look... sorry talaga kanina. Hatid na kita sa inyo ngayon para makabawi naman ako." Seryosong sabi nito.

Iniwas ni Cally ang tingin sa kaniya at diniretso ang tanaw sa mga nagdadaanang sasakyan sabay halukipkip ng dalawang kamay.

"Hindi. Okay lang talaga. Makakasakay din ako maya-maya, mauna ka na."

Nagbuntong hininga si Luigi sabay dukot ng kanang kamay sa bulsa.

"Oh sige, ganito na lang. Pag after ten minutes at ‘di ka pa nakakasakay, papayag ka ng ihatid kita. Kasi pag hindi, ‘di rin kita titigilan na kulitin. Gusto mo ba ‘yun?"

Tumingin ulit sa kaniya si Cally at nag-isip.

"Cally… Cally… pumayag ka na." Komentong muli ni Paul habang nanonood at nakikinig sa usapan nina Cally at Luigi.

"Rush hour ngayon oh. Mahirap sumakay." Dagdag ni Luigi habang umaasang papayag na din si Cally.

"Sige, sige. Pag after ten minutes at wala pa din, sasabay na ‘ko sa ‘yo." Napipilitang sagot ni Cally para lang matigil ang isa.