Kabanata 7: Ang Unang Sulat
Palubog na ang araw nang makarating si Cally sa harap ng bahay na inuupahan nila ng kaniyang nakatatandang kapatid na babae na si Gene. Nagmamadali siyang buksan ang tarangkahan para makapasok kaagad at maabutan ang sinusubaybayan nilang palabas sa telebisyon tuwing ganitong oras.
"Ate! Umpisa na ba??" Malakas niyang sabi ngunit hindi siya narinig ni Gene. Isinara niya ang tarangkahan at papalakad na sana siya papaloob nang bigla siyang may natapakan na kung ano. Napatingin siya sa ibaba at isang puting sobre ang kaniyang nakita. ‘Bill nanaman ‘to.’ Sabi niya sa kaniyang sarili.
Dinampot ni Cally ang sobre at dinala ito kasama sa loob ng bahay. Walang tao sa sala pagkabungad niya pero nakabukas ang telebisyon at nagpapakita ito ng isang patalastas ng gatas. Ibinaba niya ang kaniyang mga gamit sa mahabang upuan at sabay yumuko para hubarin ang kaniyang mga sapatos. Pagkatanggal ng mga ito sa kaniyang paa ay inilagay niya ito sa loob ng isang istanteng kahoy na nakatayo malapit sa pinto.
"Ano na? Nakabili ka?" Biglang sabi ni Gene na galing sa kusina. May dala-dala siyang isang plato na may laman na kung ano.
"Ano’ng niluto mo, ‘te?" Tanong ni Cally sa masayang tono.
"Alam ko na ‘yang mga ganyang tanong mo. Manghihingi ka lang eh." Pabirong sagot ni Gene.
Natawa bigla si Cally dahil parang alam na alam na ng kaniyang kapatid kung ano ang tumatakbo sa isip niya.
"Iba ka talaga, Ate Gene. Lakas makatelekinesis niyang sinabi mo." Natatawang sagot ni Cally habang lumalapit sa ate niya at sabay kinuha mula dito ang plato.
"Nakabili ka ng laptop?" Tanong ni Gene kay Cally pagkaupo nila sa mahabang upuan.
Kinuha ni Cally ang tinidor na hawak ni Gene at humiwa sa pancake na nasa plato.
"Hindi pa." Sagot nito sabay subo ng pancake.
"Ha? Eh bakit? Akala ko ba ngayon ka bibili?" Sabi ni Gene habang kinukuha ang tinidor kay Cally.
"Eh kasi kapag bumili ako ng laptop ngayon, hindi ako makakahati sa pagbabayad natin ng bills pati ng upa. Kaya next month na lang siguro pagkasahod ulit." Paliwanag ni Cally.
"Kaso sira na ‘yung laptop mo. Kailangan mo ‘yun sa trabaho. Sabi ko naman sa ‘yo ako na muna bahala sa bills natin eh."
"Nag-aalala kasi ako baka wala ka ng panggastos sa sarili mo kung sakali. Ang dami dami pang babayaran. Tulad nito, may bill nanaman. Baka sa tubig."
Kinuha ni Cally ang sobreng puti na dinampot niya sa labas kanina. Binuksan niya ito at hinugot palabas ang papel na nakatiklop sa loob sabay tiningnan niya kung bill ba iyon ng kuryente o tubig pero laking pagtataka niya dahil isang napakagandang sulat-kamay ang nakita niya. Binasa niya ng tahimik ang mga nakasulat.
"Pinapasan ng pag-ibig ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, tinitiis ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay walang katapusan."
1 Corinto 13:7-8
Kahit ano pa ang nangyari, nangyayari, at mangyayari… sana ay maniwala ka pa rin sa pag-ibig dahil ito’y isang napakagandang bagay na kaloob sa atin ng Diyos.
Higit na nagmamalasakit,
Ang iyong anghel sa lupa"
Pagkatapos basahin ay sumimangot si Cally at tinuping muli ang papel at ibinalik ito sa loob ng puting sobre.
"Hay naku. Mukhang scam ‘to." Sabi niya sa naiinis na boses sabay inihagis ang sobre sa kabilang banda ng mesa sa harapan nila. Kinuha niya ulit ang tinidor kay Gene para kumuha ulit ng pancake.
"Bakit? Ano ‘yun?" Tanong ni Gene habang nanguya.
"Alam mo ‘yung mga nauuso ngayon na scammers na nagpapanggap na parte sila ng isang religious group o kung ano man tapos ‘yun pala modus lang."
"Ah. Madami ngang ganiyan ngayon. ‘Yung iba naman nagpapanggap na sales representative tapos modus din lang." Pagsang-ayon ni Gene.
Umiling ng ilang ulit si Cally sabay sabing: "Ginagamit pa ang Diyos sa masasama nilang gawain."
"Oh. ‘Kala ko ba ‘di ka na naniniwala sa Diyos?" Nakangiting sabi ni Gene.
Hindi umimik si Cally at nagpatuloy lang sa pagkain. Sumubo pa siya ng isa at tumayo na, binitbit ang mga gamit niya sabay lakad papunta sa kwarto.