Kabanata 6 : Cally

Huni ng mga ibon ang gumising kay Paul kinabukasan at kahit patang pata ang pakiramdam ng katawan niya ay pinilit niyang bumangon kaagad nang makita niya sa bintana ang pumapasok na liwanag galing sa sinag ng araw.

Tinanggal niya ang kumot na nakatakip sa kaniya at saka umupo at nagdasal ng mataimtim. Nang matapos sa pagdadasal ay nagmulat siyang muli at kaagad nang tumayo upang maghanda. Nagplano na kaagad si Paul sa kaniyang isip kung ano-ano ang mga gagawin niya sa unang araw niya sa mundo ng mga tao bilang isa ring tao. Naalala niya kasi na sa tuwing nababa siya mula sa Paraiso ay palaging may taning ang pagpunta niya dito sa mundong ito at malimit pa ay para lang subaybayan at panain ang mga taong itinadhana para sa isa't-isa.

Wala naman doon angal si Paul, sa totoo nga ay masaya siya sa ginagawa niya ngunit dahil nandito na din naman siya, bakit nga ba hindi niya sulitin ang animnapu't isang araw niyang pagtigil sa mundong ito?

Tiniklop na ni Paul ang kumot at ganadong inayos ang higaan. Natutuwa siya sa kaniyang mga plano at hindi na makapaghintay pang lumabas nang bigla naman may kumatok sa pinto niya.

"Anghel Ria?" Sabi ni Paul pagbukas niya ng pinto.

"Maigi naman at maaga kang nagising, ang akala ko ay matutulad ka sa karamihan ng mga bagong saltang anghel dito sa mundong ito na naparusahang magkatawang tao." Seryosong sabi ni Ria.

"Matulad na ano po?"

"Na masyadong nag-enjoy sa unang beses na nakaranas na matulog. Dahil alam mo naman, tayong mga anghel, hindi naman tayo natutulog."

"E-en.. enjoy?" Nagtatakang tanong ni Paul. "Hindi ba iyan ay isang salitang inggles? At saka bakit po biglang parang nagbago ang pananalita ninyo?"

"Tama ka, salitang inggles nga 'yun. Ganito talaga sa mundong 'to. Masyadong moderno ang mga tao kaya pati pananalita nila ay naging moderno na din at 'yan ang isa sa mga bagay na kailangan mong aralin." Pangaral ni Ria.

"Bakit naman po? Maaari naman akong makipagusap sa karamihan sa mga tao na nandito dahil parehas lang naman po kami nang lenggwaheng sinasalita." Katwiran ni Paul.

"Pag pinagpatuloy mo 'yan, madali nilang mahahalata na may kakaiba sa 'yo at kakaiba ka."

Napaisip bigla si Paul at nang makita niya ang punto ni Ria ay tumango na lamang ito na para bang sinasabing 'oo nga ano?'

"Mag-ayos ka na at magbihis ng maayos. Isasama kita sa pagtatrabahuhan mo."

"Sige po."

"Ah. Isa pa nga pala, dumating na ba 'yung mga gamit na galing sa mga Tierran?"

"Opo. Kagabi." Sabay tinuro ni Paul ang maleta na dala-dala nila Levi at George kagabi. Lumingon doon si Ria at tumango sabay tingin kay Paul mula ulo hanggang paa.

"Kung sabagay, nakapagpalit ka na pala ng damit. Hindi tulad kagabi na nanlilimahid ka sa dumi, buti ngayon mukha ka ng--"

Nag-isip ito ng isusunod na sasabihin, naghintay naman si Paul habang nakataas ang dalawang kilay.

"... tao." Tapos ni Ria sabay lakad paalis.

**************************

Ang lamig ng simoy nang hangin pagkalabas ni Paul at Ria. Naninibago si Paul at naiilang sa mga tingin ng mga nakakasalubong niyang tao dahil ito ang unang beses na nakikita siya ng mga ito. Sinuway siya ni Ria na umarte na normal lang ang lahat at huwag magpahalatang may itinatago.

Malayo layo din ang nilakad ng dalawa mula sa apartment papunta sa pinakasakayan ng mga 'jeep' ika-nga ni Ria na ipinaliwanag din naman niya nang mabilis kay Paul kung para saan iyon at kung papaano ang gagawin kung sakaling sasakay siya dito. Pinara ni Ria ang isang paparating na jeep at huminto ito sa harapan nila. Naunang sumakay si Ria at hahawakan sana ni Paul ang kamay nito upang alalayan nang bigla niyang maalala na hindi nga pala siya maaaring dumikit o humawak sa isang anghel dahil baka mawalan siya ng malay kung kaya ay hinayaan na lang niya ito at pagsakay ng isa ay siya namang sunod ni Paul.

Umupo siya sa tabi ni Ria ngunit iningatan niyang mapadikit dito.

"Ibayad mo 'to sa driver." Utos ni Ria kay Paul habang iniaabot ang isang papel na pahaba at kulay pula.

Nag-aalangan si Paul kunin ito dahil hindi niya alam ang gagawin pero kinuha na rin niya ito sa takot na baka mainis sa kaniya si Ria. Inabot ni Paul ang papel na pahaba sa tinutukoy na driver at pagkaabot ay sinabi ni Ria na bayad iyon para sa dalawa at sa pangatlong kanto sila bababa. Nakatingin lang si Paul habang nangyayari ito at inoobserbahan niyang maigi kung ano ang mga dapat niyang tandaan. Ilang segundo pa ay may inabot ang driver at sinabing 'sukli niyo ho'. Kinuha ni Paul ang inaabot ng driver at ibinalik ito kay Ria.

"Ayan na." Mahinang sabi ni Ria kay Paul.

"Po?" Nagtatakang tanong ng isa.

Tumabi at tumigil ang jeep sa harap ng isang tindahan ng kape. Isang babae na may mahabang itim na buhok na nakasuot ng blusang dilaw na may terno na palda ang sumakay. Naupo ito kaharap sina Paul at Ria. Hindi napigilan ni Paul na mapatitig dahil napansin niyang napakaganda nito. Patuloy lang siyang tumitig dito habang umaandar ang jeep. Hindi siya napapansin ng babae kahit nasa harap niya ito dahil abala ito sa pagbabasa ng isang libro at tila ba ay masyadong nakatutok ang atensyon niya doon.

Mga ilang saglit pa ay narinig na lamang ni Paul ang boses ni Ria na nagsabing bumaba na. Sa gulat at pagmamadali ay biglang napatayo si Paul at nauntog ang ulo niya sa kisame ng jeep.

"Aaacckk!" Ingit ni Paul pagkatama ng ulo niya. Agad niya itong kinapitan. Napalingon ang babae sa kaniya nang marinig ang malakas na tunog gawa ng pagkakauntog ni Paul ngunit hindi na nagtagpo ang kanilang tingin dahil nakatalikod na si Paul at mabilis na lumalakad pababa ng jeep.

"Nagkatagpo na kayo ng misyon mo." Bigla nanamang sabi ni Ria pagkababa nila at habang naglalakad sa isang mahabang kalsada.

Hawak-hawak ni Paul ang kaniyang ulo at madahan itong hinahaplos para mawala ang sakit.

"Misyon ko? Alin po?" Tanong ni Paul habang tumitingin tingin sa paligid.

"Oo. 'Yung babae na kaharap natin kanina sa jeep. Siya si Cally Mendoza."

Natigilan si Paul sa narinig.