Kabanata 5 : Tahanan ng mga Anghel

Isang mahabang pasilyo ang nakita ni Paul pagkapasok niya sa pintuan. May mga ilaw na nakasabit sa bawat gilid ng pader at may ilang pinto ang nakahilera sa kaliwa at kanan. Lumakad ng madahan si Paul habang nagaalangan kung saan nga ba siya dapat pumunta. Nang mapatapat siya sa unang pinto sa kaliwa niya ay bigla itong bumukas. Isang lalaki na halos kasing taas ni Paul ang bumungad, matipuno ang pangangatawan at medyo matapang ang ekspresyon ng kaniyang mukha. Natigilan si Paul at hindi malaman ang gagawin.

"Bago ka ba dito?" Tanong ng lalaki sa malaki nitong boses na halos kasing laki din ng boses ni Paul pero mas malalim lang ng kaunti.

"O-opo.." Nauutal na sagot ni Paul.

"Hanapin mo na kung saan ang lugar mo. Masyadong matalas ang pakiramdam ko at alam na alam ko kapag may nakatambay sa harapan ng pinto ko." Aroganteng sabi ng lalaki.

Pumasok na muli siya sa loob at sinara ng malakas ang kaniyang pinto.

"Tambay?" Sabi ni Paul sa sarili habang iniisip kung ano ang ibig sabihin nito. Binalewala na lang niya muna kung ano man iyon. Magpapatuloy na sana siyang maglakad nang mapansin niya na may nakasulat sa harap ng pinto ng kaninang lalaki.

Anghel Federico (Departamento ng mga Bituin)

Lumingon si Paul sa sumunod na pinto para tingnan kung may nakasulat din dito.

Anghel Cassandra (Departamento ng mga Tagapag-ulat)

Patuloy na lumakad si Paul at nakita niya na bawat pinto ay may kaniya-kaniyang nakasulat na pangalan.

"Puro pala mga anghel ang nandito." Sabi niya muli sa sarili.

Dalawang pinto pa bago ang pinakadulo ay saka napansin ni Paul ang isang pinto sa kaniyang kanan na may nakasulat na pangalan niya.

Anghel Paul (Departamento ng mga Tagapana)

Binasa niya ito ng ilang ulit para makasigurado na tama ang nakikita at baka magkamali siya. Nang masiguro niyang tama nga iyon ay ipinasok na niya sa susian ang pilak na susing ibinigay sa kaniya kanina ni Anghel Ria. Inikot niya ito pakanan at may tumunog.

Binuksan ni Paul ang pinto at isang may katamtamang laki na ‘apartment’ ang nandoon. May maliit na mesa at dalawang upuan malapit sa bintana at sa bandang kaliwa nito ay ang lababo. Sa kanan ng bintana ay may maliit lamang na pagitan bago ang isang pinto at kaunting lakad pa at katabi naman nito ang kama na may kakaibang balot na hindi malaman ni Paul kung anong klaseng disenyo iyon.

Sa harap ng kama ay mga ilang hakbang at nandoon ang isang mesa na may mga hugutan sa ibaba nito at sa tabi naman ay isang aparador.

Pumasok na si Paul sa loob at isinara ang pinto, napalingon siya sa kaniyang kaliwa at doon lamang niya napansin na bukod sa isang pinto na malapit sa bintana ay mayroon pa palang isang pinto dito. Binuksan ito ni Paul upang tingnan kung ano ang nasa loob at pagkabukas ay biglang kusang nagliwanag ang loob nito at napansin niyang isa itong banyo.

Agad siyang pumunta sa maliit na lababong nandoon sa loob at pinihit ang gripo sabay umagos ang malakas na tubig. Nilapit ni Paul ang kaniyang mga kamay at naramdaman niya ang malamig na agos ng tubig at saka iniyuko ang kaniyang ulo para maghilamos at nang matapos ay napatingin nanaman siya sa kaniyang suot na damit. Sobrang dumi na nito dahil sa basang lupa na nahigaan niya kanina pagkahatid sa kaniya ni Feliz. Babalik sanang muli si Paul para puntahan si Ria upang magtanong kung saan makakakuha o makakahiram nang mga pamalit na damit nang bigla namang may narinig siyang ingay mula sa labas.

Dali-daling pinatay ni Paul ang gripo at saka lumabas mula sa banyo at doon niya nakita na may gumagalaw sa labas sa likod ng pinto na malapit sa bintana.

"Sino iyan?" Tawag niya habang lumalapit siya sa pinto.

"Paul, kami ito." Sabi ng isang pamilyar na boses.

Agad tumungo si Paul sa pinto at binuksan ito. Dalawang nakangiting lalaking kasing tangkad ni Paul ang nakatayo sa harapan niya. Ang isa ay medyo kulot ang buhok, katamtaman ang pangangatawan at may napakatangos na ilong at bughaw na kulay na mga mata. Katabi nito ay ang isang matipunong lalaki na may sobrang pantay-pantay na mga ngipin at kulay bughaw din na mga mata. Nakangiti sila parehas kay Paul.

"Levi! George!" Natutuwang tawag ni Paul sa dalawa.

Lalapit sana siya upang yakapin ang mga ito ngunit biglang humakbang pabalik ang dalawa. Natigilan si Paul.

"Paul... alam mo naman, hindi ba?" Sabi ng lalaking medyo kulot ang buhok.

"Ang alin George?" Tanong ni Paul.

"Na hindi ka puwedeng humawak sa amin dahil isa ka na ngayong tao. At kung hahawak ka, mauubos ang iyong lakas at maaaring mawalan ka ng malay."

Doon lamang naalala ni Paul ang tungkol dito. Kaya pala para siyang nanghihina matapos siyang ihatid ni Feliz na ang akala niya ay dahil lang iyon sa paglalakbay patungo sa mundo ng mga tao pero ang dahilan nga pala talaga ay humawak siya sa Tagalakbay na si Feliz.

"Oo. Naalala ko na. Nawala sa isip ko." Malungkot na sabi ni Paul.

"Hindi bale, sigurado naman kami na matatapos mo ang iyong misyon dito at makakabalik ka din kaagad sa Paraiso." Sabi ng matipunong lalaki.

"Siya nga. Isa ka kaya sa pinakamagagaling natin na mga Tagapana." Dagdag ni George.

"Salamat. Sandali, bakit nga pala kayo nandito?"

"Ang totoo, hindi talaga kami ang dapat nandito. Nakiusap lang kami kay Hukom na kami na lang ang ipadala sa iyo para kunin sa bodega ng mga Tierran itong mga ito." Tinuro ni Levi ang isang maleta na hindi ganoon kalaki at hindi rin naman ganoon kaliit. Natingin doon si Paul at ibinalik ang tingin sa dalawa.

"Tierran? Hindi ba sila ang mga nag-iipon ng mga gamit ng tao na hindi na napapakinabangan?"

"Oo, sila nga. Doon namin kinuha ang maletang iyan para kahit papaano ay may gamit ka dito.

"Salamat sa inyo. Lalo na sa pagpunta dito. Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ko nang makita ko kayo."

Tumango ang dalawa at ngumiti.

"Kailangan na namin umalis Paul. Sandaling oras lamang ang ibinigay sa amin pero bago kami lumisan --" May kinuha si Levi galing sa kaniyang bulsa. "Tanggapin mo ito at itago."

Inabot ni Levi kay Paul ang isang ginintuang relo para sa kamay. Kinuha ito ni Paul at ininspeksyon.

"Iyan ay isang uri ng Kahon ng mga Ala-ala." Sabi ni Levi.

"Para saan ito?"

"Hmmm... ang totoo hindi ko rin alam kung para saan nga ba talaga iyan ngunit ang nabanggit sa akin ng aking ina ay may kakayahan iyang relo na iyan na makapaglakip at makapag-ipon ng mga ala-ala. Hindi ko nga lang alam kung papaano. Pero ibinibigay ko na iyan sa iyo para lagi mo kaming maaalala."

Ngumiti si Paul na may halong lungkot at pait at sa isang iglap, lumiwanag si Levi at George na para bang lumabas galing sa katawan nila ang ilaw at saglit pa ay naglaho na ang mga ito.