Chapter Seven Good Points
"GRABE 'YUNG MUKHA MO!" natatawang sabi ni Ryu.
"Nakakatakot ka kasi," mangiyak-ngiyak namang paninisi ni Aireen, "Bigla-bigla ka na lang lumilitaw!"
Tumawa lang ng malakas ng binata na halatang sinadyang manggulat.
"Umalis ka na nga!" pagtataboy ni Aireen, "Istorbo ka! After nito, maghihilot pa ako kay Lola!"
"Tulungan na nga kasi kita!" pangboboluntaryo nito saka inagaw ang sponge.
Bahagyang namang na-touch si Aireen sa ginawa nito. Tuwa na may kasamang konting kilig. Napatunayan lang din niya sa kanyang sarili na talagang hindi siya magawang iwanan nito kahit ano man ang dahilan.
"Hoy, ano'ng ningingiti mo d'yan?" biglang sita ni Ryu sa kanya sabay ang pagwisik nito ng tubig sa kanyang mukha.
Napakislot naman siya. Ilang saglit pa ay gumanti siya. Tumawa siya ng malakas dahil sa nakita niyang reaksyon nito.
"Ah, ganito pala ang gusto mo ah!" paghamon ni Ryu. Saka inipit siya ng mga bisig nito at siya naman ang muling winisikan ng tubig nito sa mukha.
Napuno ng tawanan nila ang buong kusina sa sandaling iyon. Naaalala niya, ganito rin sila noong kakulit kapag sila lang ang magkasama. Minsan naman, kahit kaharap ang mga magulang nila ay nagagawa nilang maghuratan na katulad nito.
"Tama na... Tama na!" pagpupumiglas ni Aireen. Pero sadyang malakas si Ryu kaysa sa kanya, at hindi niya magawang makawala rito.
Nabasa na ang mukha niya. Ganoon din si Ryu.
Nasa ganoon silang biruan nang makarinig sila ng pagtikhim.
Kapwa sila napahinto at napalingon sa likuran.
Si Tita Diana.
Para na silang napaso sa isa't isa ni Ryu at mabilis silang naghiwalay. Tumayo na rin sila ng tuwid sa harapan ni Tita Diana na parang mga sundalo.
"Hindi ka pa ba tapos maghugas, Ai?" tanong ni Tita Diana sa kanya.
"M-malapit na po," tugon niya. Mabilis na niyang binalikan ulit ang naiwang hugasan.
"Iwanan mo na 'yan," utos nito, "Puntahan mo na si Mama sa kuwarto niya. Kanina ka pa niya hinihintay."
"Opo," kaagad naman siyang sumunod. At bago pa siya tuluyang lumabas ng kusina ay nilingon pa muna niya si Ryu na siya nang nagpatuloy sa paghuhugas ng pinggan.
"Ano ba, Aireen?" sita sa kanya ni Tita Diana nang makita pa siyang nakatayo sa pintuan ng kusina.
"Opo!" mabilis na siyang kumilos.
Nagmamadali na siyang nagtungo sa kuwarto ni Lola Martha. Nang nasa harapan na siya ng pintuan, nagpakawala muna siya ng marahas na hininga bago kumatok.
"Pasok," dinig niyang sabi ni Lola Martha mula sa loob.
Pinihit niya ang doorknob, at binuksan ang pintuan. Naabutan niyang nakahiga na sa kama ang matanda. At syempre, magkasalubong na naman ang mga kilay.
"Bakit ngayon ka lang?" galit na tanong nito.
"T-tinapos ko lang po 'yung hugasan ko," pagsusunungaling niya dahil ang totoo ay hindi pa niya tapos ang hinuhugasan niya at si Ryu lang ang nagpatuloy niyon.
"Hala, lumapit ka na dito at hilutin mo na ako!" utos na nito.
Saka na rin siya sumunod rito.
Sinimulan na niya ang paghihilot. Paminsan-minsan ay nagrereklamo si Lola Martha, at pinapalakas ang pagpisil niya sa mga kalamnan nito. Pero kapag nilalakasan naman niya ay nagagalit na naman ito.
"Hindi naman hilot ang ginagawa mo!" reklamo nito.
Napasimangot ulit siya.
Hindi naman kasi siya albularyo o isang therapies, ngayon pa lang niyang narasanang magmasahe ng ganito, eh!
Lumipas ang kinse minutos ay naramdaman na niya ang pangangalay ng kanyang mga kamay.
"Yung mga binti ko naman," biglang utos ni Lola Martha.
Hindi na siya nagreklamo pa, sumunod na lang siya.
Lumipas pa ang isang oras....
Ang isa't kalahating oras....
At kalahati pa...
Tulog na si Lola Martha!
Yehey!
Pero natatakot naman siyang huminto kasi baka magalit na naman ito sa kanya at hampasin na naman siya ng tungkod.
Tuloy pa rin siya sa paghilot. Kahit ramdam na ramdam na talaga niya ang pananakit ng kanyang mga kamay dahil sa kakapisil.
Ilang saglit pa'y nadinig niya ang paggalaw ng doorknob.
Napalunok siya.
Hindi niya maiwasan ang makadama ng takot nang napansin niyang dahan-dahan nang bumukas ang pintuan. Dumagdag pa sa kanyang takot ang konting ingay na nagmumula roon na madalas niyang marinig sa mga horror movies.
Tandang-tanda niya, ganitong-ganito ang eksena noon sa pelikulang 'The Ring' na may babae pang gagapang sa sahig at bali-bali ang buto.
Si Sadako...
"M-my God..." napaka-sign-of-the-cross siyang bigla dahil sa kanyang naiisip.
"Ate..." tawag sa kanya ni Ferlyn na siyang nagpagising sa kanya sa realidad.
"I-ikaw pala," nakahinga siya ng maluwag.
"Okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong sa kanya nito.
"O-oo..." tumango naman siya saka pinagpatuloy na niya ang pagpisil sa binti ni Lola Martha.
"Sinabi ni Kuya Ryu na wala kang bitbit na damit, kaya papahiramin kita!" nakangiting sabi nito habang inaabot sa kanya ang mga naturang damit.
"Thank you!" nakangiting kinuha naman niya ang mga iyon.
"P'wede ka nang huminto," sabi nito nang makitang natutulog na si Lola Martha, "Nakatulog na rin naman si Lola. Maligo ka na para makapagpahinga ka na rin. Doon ka raw sa kuwarto ko matulog sabi ni Mama."
Nakangiting tumango siya.
At lihim siyang nagdiwang sa loob-loob niya.
Sabay na silang lumabas ni Ferlyn sa kuwarto ni Lola Martha. At hindi niya maiwasan ang mapa-inat, at paghimas sa kanyang balikat.
"Finally, I'm free!" sigaw ng kalooban ni Aireen. Pakiramdaman niya ay para siyang isang kriminal na nakalaya sa mahabang pagkakakulong sa bilangguan sa mga sandaling iyon.
"Ganyan talaga si Lola!" natatawang sabi ni Ferlyn.
"Grabe..." tanging nasabi niya.
"Ate, mauna na ako..." pagpapalam na nito, "... Need ko nang matulog kasi maaga pa ang pasok ko bukas."
"Ganoon ba?" paghihinayang niya, "Akala ko makakapagkwentuhan pa tayo."
"Don't worry, Ate..." ngumiti ito, "... Half-day lang kami bukas! After 'nun, pwede na itong magbonding!"
"Sige..." nakangiting tumango na lang siya.
Naghiwalay na silang dalawa. Si Ferlyn ay dumiretso na kuwarto nito, samantalang siya naman ay dumiretso sa banyo para maligo.
Halos umabot din siya ng isang oras sa pagligo. Nang matapos siya, dumiretso na siya sa kuwarto ni Ferlyn. At tulad ng sinabi nito, maaga nga itong natulog.
Nagdesisyon na lang muna siyang magtungo sa sala para doon patuyuin ang kanyang buhok. Pero hindi niya inaasahan na maaabutan niya roon si Ryu na nanunuod ng TV.
"Bakit hindi ka pa nagpapahinga?" tanong nito nang mapansin na siya.
"Magpapatuyo muna ako ng buhok," tugon niya saka tumabi siya sa upuan, "Nakakahiya kasi kung doon pa ako magpapatuyo baka magising ko pa 'yung pinsan mo. Eh, ikaw bakit hindi ka pa natutulog?"
"Hindi pa ako inaantok," tugon naman nito saka muling binaling ang paningin sa pinapanuod.
"Sabagay, sanay kasi tayong magpuyat dahil sa mga Gig!" sabi niya saka napabuntong-hininga, "Babalik pa kaya ang lahat sa dati?"
Hindi ito kumibo.
Hindi na rin siya kumibo dahil nakita niyang abala ito sa pinapanuod. Pero ilang minuto lang ang lumipas, nadinig niya itong napabuntong-hininga.
"Binabalak ko nang kausapin si Papa," biglang sabi nito.
"Ha?" hindi naman niya maunawaan ang biglang sinabi nito.
"Narealize ko, need ko nang magseryoso sa buhay," pagpapatuloy nito, "Tutulungan ko na si Papa sa Auto Shop namin."
"P-pero...?" gulat niya, "P-papaano ang banda?"
"May kanya-kanya na silang plano sa buhay. Hindi kasi sapat ang kinikita ng banda natin para sa pangangailangan ng family nila."
Tumango lang siya.
"Alam ko noon pa na mas priority mong maging chef," seryosong sabi nito.
"P-pero sigurado ka ba sa binabalak mo?" paniniguro niya rito.
Nakangiting tumango ito.
Hindi na siya umimik pa, napatingin na lang siya sa pinapanunod nito habang tuloy pa rin siya sa pagpunas ng kanyang buhok.
Kahit pa sabihing mas priority niya ang pagiging chef, masakit pa din sa kanya ang binabalak na pagbitaw ni Ryu sa bandang pinaghirapan nitong buuhin. Naging saksi siya sa mga pinagdaan nito. At nanghihinayang siya.
"Hindi porquet madi-disband na tayo ay bibitawan ko na ang musika," napabuntong-hininga ito, "Pwede pa akong magsulat ng mga kanta habang tumutulong ako sa family business namin."
Habol nito na parang nabasa ang tumatakbo sa isip niya. Nagpatangu-tango na lang siya kahit ang totoo, sobra na siyang nagtataka. Maraming katanungan ang mabilis na nagramble sa utak niya. Pero 'ni isa sa mga iyon, hindi niya magawang itanong rito.
Sa maikling panahon, bakit parang biglang nagmatured ito?
Hindi niya alam. Wala siyang ideya kung ano nga ba ang tumatakbo sa utak nito.
Kapwa na silang naging tahimik sa isa't isa. Tinuon na lang nila ang kanilang atensyon sa panunuod ng TV.
Hindi na niya alam kung gaano na siya katagal na nakatitig sa TV hanggang sa mabaling muli ang kanyang tingin kay Ryu, at nahuli niya itong nakatitig sa kanya.
"M-May problema ba?" kinakabahan niyang tanong rito.
Nagulat naman ito at mabilis na umiwas ng tingin sa kanya.
Muli na lang niyang tinuon ang kanyang paningin sa TV, nagbabakasali siyang mawala ang nararamdaman niyang pagkailang rito. Pero hindi, ramdam na ramdam pa rin niya ang malakas na pagkabog ng kanyang dibdib.
Hindi na niya alam kung ano nga bang nangyayari sa kanya. Hindi naman talaga siya ganito dati kapag katabi niya ito. Pero ngayon ay parang nilalamig pa siya sa sobrang kaba.
Muli niyang sinulyapan si Ryu pero bigla na lang siyang nagulat nang pinatay nito ang TV sa pamamagitan ng remote control, at saka ito tumayo.
"S-sandali...!" tawag niya, "... Saan ka pupunta?"
"Matutulog na!" masungit nitong tugon saka tuluy-tuloy nang humakbang papalayo na hindi na siya nililingon.
Naiwan na siyang mag-isa sa sala na natulala. Wala siyang ideya kung bakit ito nagkaganoong bigla samantalang wala naman siyang ginagawang masama.
May sakit na yata iyong bipolar. Daig pa ang klima sa bilis pagpalit ng ugali.
Tumayo na rin siya, at nagtungo na sa kuwarto ni Ferlyn. Ayaw na niyang magstay mag-isa sa sala, baka may biglang magparamdam sa kanyang nakakatakot.
Kinabukasan, nagising si Aireen na wala na si Ferlyn sa kanyang tabi. Nang matapos niyang mag-almusal kasama nila Lola Martha, Tita Diana at Ryu, nagkusang-loob na siyang tumulong sa mga gawaing bahay.
Nakakaramdam na rin kasi siya ng pagka-inip kahit wala pang bente-quatro oras silang nananatili ni Ryu sa bahay na iyon.
Bahagya namang nagulat si Lola Martha nang maabutan siya nitong nagwawalis ng bakuran. Halos hindi mabali-bali ang pagkakatitig nito sa kanya.
Hindi niya alam kung naa-amazed or hindi lang talaga makapaniwala na ang katulad niyang bruhildang isip-bata ay may pagkukusa rin sa mga gawaing bahay.
Hindi na rin nakawala sa kanyang paningin ang pagkakangiti ni Tita Diana sa kanya.
Mukhang naka-good points na siya dahil sa mga naging reaksyon ng mga ito. At kung magpapatuloy ito, hindi malayong mangyari na magustuhan na rin siya ng matanda at hindi na siya nito kailangang ipagkumpara sa kapatid niyang mas mukha pang bruhilda ang ugali kaysa sa kanya.
"Kapag natapos ka d'yan sa ginagawa mo pakilinisan 'yung kuwarto ko, ah?" utos ni Lola Martha sa kanya.
"Opo!" nakangiting tumango naman siya, at saka na rin niya pinagpatuloy ang pagwawalis.
Pakanta-kanta pa si Aireen habang ganadung-ganado siya sa kanyang paglilinis. Nang matapos na siya sa lahat ng gawain niya sa bakuran na iyon ay naisipan naman niyang lapitan si Lola Martha.
Magpapaalam lang sana siyang lilinisin na niya ang kuwarto nito. Pero nakita niyang mahimbing na itong natutulog.
Presko kasi ang hangin roon. Tapos tahimik pa.
Napangiti na lang siya.
Hindi na niya ginising pa si Lola Martha. Mahirap na kasing istorbohin, at baka bigla na lang siyang hampasin ng tungkod. Dumiretso na lang siya sa kuwarto nito para magsimulang maglinis doon.
Habang pinupunasan na niya ang isa sa mga pigurin na naka-display sa kuwarto ni Lola Martha ay saka naman niya napansin ang ilang photo-album na nakalagay sa ilalim ng lamesa nito.
Nacurious siya kaya kinuha niya ang isa sa mga photo album at buksan ito.