Chapter Six Lola Martha
MAPUTI NA ANG BUHOK AT kulubot na rin ang balat ni Lola Martha. Medyo kuba na rin ito at hirap nang maglakad. Inaalalayan na lang ito ng tungkod at ng isang dalagita sa paglalakad.
Biglang napaisip si Aireen dahil parang kilala niya ang dalagitang kasama ni Lola Martha. At kung hindi siya nagkakamali, ito ang pinsan ni Ryu na si Ferlyn.
Noong nakaraan taon lang din niya huling nakita ito kaya laking-gulat niya na halos magkasing-tangkad na sila nito.
Nakita niya ang pagkakangiti ni Ferlyn sa kanya kaya gumanti rin siya ng ngiti rito.
"Lola!" masiglang bati ni Ryu kay Lola Martha. Nagbukas pa ang dalawang bisig nito na handa na sanang yumakap sa matanda. Pero bigla rin itong napahinto nang umarko na sa ere ang tungkod ni Lola Martha.
"Mga lintiang mga bata kayo!" singhal ni Lola Martha at tinangka nang hampasin si Ryu.
"L-lola!" mabilis naman napaatras ang binata.
Pati siya ay pinagtangkaan rin ni Lola Martha na paluin ng tungkod pero mabilis siyang napakapit sa likuran ni Ryu at nagtago roon.
Ito na ang bagay na labis niyang kinakatakutan sa matandang ito. Alam niya kung gaano kasakit ang mararamdaman niya sa oras na matikman niya ng paghampas ng tungkod nito.
"L-lola, 'yan ba ang isasalubong n'yo sa amin?" may himig na paglalambing na sabi ni Ryu.
Kahit hirap na hirap nang maglakad ay nakukuha pa rin ni Lola Martha na sundan silang dalawa ni Ryu kahit saan sila magpunta. Para na nga silang naglalaro ng patintero, at ito ang taya! At kung manghahampas pa ng tungkod ito ay parang wala itong nararamdaman anumang sakit.
"Lola ang rayuma n'yo!" biro pa ni Ryu, at patuloy na nagpapahabol sa matanda.
Pero hindi pinansin ni Lola Martha ang birong iyon ng apo, at abala pa rin ito sa paghabol sa kanila. Sa tuwing itinataas na nito ang kamay para makabuwelo sa paghampas ay kaagad na silang umiilag. Paikot-ikot lang sila sa lugar na iyon na parang walang kapaguran si Lola Martha sa paghabol sa kanila.
"Alam mo bang tumawag ang Mama mo sa akin," galit na sabi ni Lola Marta at pinanduduro pa nito ang tungkod kay Ryu, "Sinabi niyang tinanan mo 'tong babaeng ito!"
"Tanan?!" halos sabay nilang react ng binata saka sila nagkatinginan.
"At dito pa talaga ninyong naisipang pumunta!" sabi ni Lola Martha. At muling nagtangka ng paghampas ito.
Dahil sa pagkabigla ni Ryu sa narinig na nagtanan sila ay hindi na ito kaagad na nakaiwas kaya natamaan ito sa binti.
Hindi niya napigilan ang mapangiwi nang marinig pa niya ang lagotok ng tungkod ni Lola Martha sa pantalong suot ni Ryu, at kung umarte siya ay parang siya ang nasaktan roon.
"Lola, masyado ka namang exaggerated!" react na ni Aireen.
"Exaggerated ka d'yan bruhildang bata ka!" singhal na naman ni Lola Martha. At narinig na niya ang magic name sa kanya. Katibayan lang 'yan na galit pa rin ito sa kanya.
"At isa pa!" duro pa rin ni Lola Martha sa kanila saka binalingan na naman si Ryu, "Sa dami-daming babaeng itatanan mo, Ryulito... bakit ito pang babaeng ito?"
"Wow, ah!" react muli ni Aireen saka napasimangot bigla. Lihim siyang nasaktan.
Eh, ano naman ngayon kung siya ang tinanan, este ang sinama nito. Hindi naman siya masamang tao pero kung makapag-react si Lola Martha parang daig pa niya ang isang bayarang babae.
"Lola, hindi po kami nagtanan!" tanggi pa rin ni Ryu.
"Ano'ng ibig sabihin ng pagtakas n'yo, huh?" galit pa rin na sabi ni Lola Martha, "Nakikipaghabulan lang kayo sa mga magulang n'yo, ga'nun ba 'yun?"
"Lola naman!" nagawa nang hawakan ni Ryu ang tungkod ni Lola Martha, "Kaya nga kami tumakas kasi pinipilit nila kaming maikasal!"
"Totoo po 'yun, Lola!" segunda niya.
"Pinipilit nila kayong ikasal?" paniniguro pa ni Lola Martha saka pinasalin-salin ang tingin sa kanilang dalawa.
"Ma, tama na 'yan..." awat na ng isang babaeng lumapit na rin sa kanila.
Ito ay si Tita Diana, ang nakakabatang kapatid ni Ninong Vicente at ina naman ni Ferlyn.
"Hayaan muna natin silang ipaliwanag kung ano nga ba talaga ang nangyayari," mungkahi nito.
Pagkasabi iyon ni Tita Diana ay huminto na rin si Lola Martha sa paghahabol sa kanila. At dahil doon, kapwa sila nakahinga ng maluwag ni Ryu.
Pero alam niyang hindi pa tapos ang pag-aalboroto ng matanda. Natitiyak niyang lagi siyang makakatikim ng paghampas ng tungkod nito hanggang narooroon sila ni Ryu sa bahay na iyon.
Niyaya na sila ni Tita Diana na pumasok sa loob ng bahay. At doon, sinimulan na rin ni Ryu ang mahaba-haba nitong paliwanag. Halos kinikwento nito ang buong detalye kung ano nga ba ang tunay na nangyari nang gabing malasing siya.
"Inalok ako ni Tita Luz ng kape matapos niyang bumalik bitbit 'yung mainit na tubig para kay Ai. At habang kausap ko siya bigla na lang nandilim ang paningin ko..." kwento ni Ryu saka sumulyap sa kanya, "... Wala na akong natatandaan pagkaatapos 'nun, Lola. Nang sinubukan kong tanungin si Ate Ging dahil siya lang kasama namin ng gabing iyon, sinabi niya na dumating pa raw si Mama para makausap si Tita Luz. Wala na rin masyadong alam si Ate Ging kasi kapag ganoong oras ay nakikinig na raw siya ng radio sa kuwarto n'ya. Inorsebahan ko ang kilos nila, at doon ko napatunayan na arte lang nila ang lahat. Ginawa nila iyon para maipit kami ni Ai, at mapilitang magpakasal."
Halos hindi niya tinanggal ang pagkakatingin niya kay Ryu habang isinalaysay nito ang tunay na nangyari. At halos hindi siya makapaniwala na planado ng kanilang mga magulang ang lahat.
Tanging iling at buntong-hininga na lang din ang nagiging reaksyon nina Lola Martha at Tita Diana.
Parang hindi rin makapaniwala ang mga ito sa mga narinig mula sa binata.
"Kasalanan mo na naman!" sisi ng matanda.
Napakislot si Aireen nang itinutok ni Lola Martha ang tungkod nito sa kanya. Dahil sa takot, mabilis siyang nagtago sa likuran ni Ryu na siyang katabi lang niya sa antigong upuan.
"Ikaw na naman!" diin ni Lola Martha sa kanya.
Napabuntong-hininga siya.
"Lagi naman, eh! Napaka-unfair talaga! Lagi na lang sa'kin ang sisi samantalang may kasalanan din naman si Ryu!" inis niyang bulong sa isip niya.
"Kumain na ba kayong dalawa?" biglang paglilihis ni Tita Diana sa usapan.
Kapwa naman silang napailing ni Ryu.
"Teka, magluluto ako..." nakangiting sabi ni Tita Diana, "... tapos sabay-sabay na tayong maghapunan."
"Ahhh... Tita!" habol niya, "Tutulungan ko na po kayong magluto!"
"Pero siguradong napagod kayo sa biyahe," pagtanggi ni Tita Diana, "Magpahinga na lang-"
"Pabayaan mo siya, Diana," agaw ni Lola Martha, "Magandang tumulong siya. Hindi 'yung nakakapit siya lagi na parang tuko rito kay Ryu. Kaya napag-iisipan sila ng mga magulang nilang ipakasal dahil hindi siya humihiwalay sa apo ko!"
Napasimangot na naman siya. Medyo hindi niya nagustuhan ang pagkakasabing iyon ni Lola Martha. Talagang dinidiin pa nito sa kanya na siya ang kapit ng kapit sa apo nito! At pinapamukha pa talaga sa kanya na kasalanan niya ang lahat ng nangyayaring ito sa kanila!
Napaka-unfair talaga! Gusto man niyang ipagtanggol ang kanyang sarili ay mas pinili na lang niyang manahimik dahil kahit papaano ay ginagalang niya ito.
Tinulungan na lang niya si Tita Diana sa pagluluto.
Madilim na ang kapaligiran nang matapos sila, at magsimulang maghain sa lamesa. Tinulungan na din sila ni Ferlyn kaya napabilis ang trabaho nila.
"Ai, tawagin mo na si Ryu para makakain na tayo. At ikaw naman Ferlyn, ikaw ang mag-asikaso kay Lola Martha mo," utos ni Tita Diana matapos nitong ilapag sa lamesa ang niluto nilang nilagang baboy.
Kapwa naman silang sumunod ni Ferlyn sa mga inutos ni Tita Diana.
Pinuntahan ng dalagita si Lola Martha, at si Aireen naman ay umakyat sa ikalawang palapag ng bahay kung saan naroroon ang kuwarto ng binata. At dahil ilang beses na rin siyang nakapunta sa bahay na ito, alam na rin niya ang pasikut-sikot dito.
Huminto na siya sa isang pintuan malapit sa banyo. Aktong pipihitin na niya ang doorknob nang bigla siyang natigilan. Naalala kasi niya ang mahigpit na bilin sa kanya ni Ryu na matuto siyang kumatok sa pinto.
Sinimulan na niyang itaas ang kanyang kamay para kumatok. Pero muli siyang natigilan nang bigla itong bumukas. Daig pa niya ang nabuhusan ng malamig na tubig dahil bumungad sa kanya ang mukha ni Ryu na bagong ligo.
Basa pa ang buhok nito, at halos naamoy rin niya ang mabangong sabon na ginamit nito.
"O, bakit?" masungit na tanong nito sa kanya.
"A-E... K-Kakain na raw," nauutal niyang tugon.
"Sige," sabi nito saka umaktong lalabas na ng kuwarto. Pero bigla rin itong natigilan dahil sa nakaharang siya sa daraanan nito.
Hindi niya malaman ang kanyang gagawin o kung saan siya dapat tumabi para makadaan ito. Kapag pupunta siya sa kanan ay kakanan rin ito, at kapag sa kaliwa naman siya pupunta ay kakaliwa rin ito. Para lang silang naglalaro ng patintero sa ginagawa nila.
Pero bigla siyang natigilan nang biglang hinawakan ni Ryu ang magkabila niyang balikat at dinala siya sa kaliwa.
"Ang gulo mo!" inis nito saka siya nilagpasan.
Wala na siyang nagawa pa kungdi ang sumunod na lang rito habang papunta na ito sa kusina.
Habang nakasunod lang siya sa likuran nito ay hindi niya maiwasan ang lihim na amuyin ang pabangong sabon na ginamit nito. Para siyang nahi-hypnotise, at halos humaba ang kanyang nguso sa kakahabol ng amoy nito.
Pero bigla rin siyang natigilan nang marealize niyang nasa kusina na sila at nakatingin sa kanya ang lahat, lalo na si Lola Martha na halos hindi na maipinta ang mukha dahil sa pagkakasimangot nito.
"Ano'ng ginagawa mo?" maang tanong sa kanya ni Ryu nang lingunin siya nito sa likuran.
"W-wala," tanggi niya saka nagmamadaling dumulog sa hapagkainan.
Halos itago niya ang kanyang mukha sa sobrang pagkahiya. At lalo pa siyang napahiya dahil makita niya ang pagtawa ni Tita Diana at ang pagbungisngis ni Ferlyn. Pero napakislot naman siya nang padabog na umupo si Ryu sa kanyang tabi.
Alam niyang nagagalit na naman ito sa kanya dahil sa ginawa niyang iyon. Kaya nga hanggang sa magsimula na silang kumain ay hindi niya magawang tumingin rito. Hindi rin siya nagsasalita.
"Ikaw ang maghugas ng pinggan, Aireen!" utos ni Lola Martha nang isubo na nito ang huling kanin sa pinggan.
"Opo," tugon na lang niya.
"Pagkatapos mo'ng maghugas pumunta ka sa kuwarto ko," dagdag pa nito.
"B-bakit po?" nagtatakang tanong niya.
"Hilutin mo ang likod ko't biglang sumakit, kakahabol sa inyo kanina!" reklamo nito.
Tumango na lang siya.
Wala na rin naman siyang magagawa kung tatanggi pa siya dahil baka hindi lang paghampas ng tungkod ang abutin niya rito, baka palayasin rin siya nito ngayong gabi sa pamamahay nito kapag hindi siya nagpakabait.
Nang matapos na silang kumain, kumilos na rin siya para maghugas. Saglit naman siyang tinulungan ulit ni Ferlyn, pero nagpaalam na rin ito sa kanya dahil gagawa pa raw ito ng homework.
Nakangiting pumayag naman siya.
Si Tita Diana naman ang naghatid kay Lola Martha sa kuwarto nito.
Samantalang si Ryu ay walang paalam na umakyat sa taas.
Naiwan siyang nag-iisa sa kusina, at tahimik na naghuhugas.
Nasa kalagitnaan na siya ng pagsasabon nang makaramdam siya ng malamig na ihip ng hangin. At dahil doon, nagsimulang tumindig ang mga balahibo niya sa katawan. Ito ang ayaw niya sa lugar na ito.
"Tulungan na kita!"
Halos patili siya sa sobrang gulat nang biglang lumitaw sa kanyang tabi si Ryu. Mabilis niyang kinapa ang kanyang puso dahil pakiramdam niya ay aatakihin siya sa ginawa nito.