Chapter 9: Chapter Eight Parusa
HINDI MAIWASAN NI AIREEN ANG tumawa nang makita niya ang mukha ng pumanaw na asawa ni Lola Martha sa photo album na hawak niya. Dahil malaki ang pagkakahawig nito kay Ryu. Parang pinagbiyak na bunga ang maglolo.
Sinimulan niyang ilipat ang mga pahina ng photo-album hanggang sa natapos.
Napasimangot siya dahil parang nabitin siya sa kanyang mga nakita. Kaya naman, kumuha pa siya ng isa photo album. Napansin niyang hindi naman ito masyadong kaluma kaysa sa unang photo-album na nakuha niya kanina. Aktong bubuksan na niya ito nang biglang bumukas ang pintuan. At pumasok roon si Ryu.
"Si Lola?" tanong nito.
"Nasa bakuran," nakangiting tugon niya.
Aktong lalabas na sana ulit ang binata nang bigla itong napatingin sa hawak ni Aireen.
Hindi nakawala sa paningin ni Aireen ang gulat sa mukha ni Ryu. Alam niya kung ano ang tinitignan nito kaya mabilis niyang itinago ang naturang photo-album sa kanyang likuran.
"Bakit nasa sa'yo 'yan?" tanong nito at mabilis na lumapit sa kanya.
"N-Nakita ko lang dito!" tugon niya at mabilis na siyang lumayo dahil alam niyang kukunin nito sa kanya ang naturang photo-album na 'yun.
At hindi nga siya nagkamali.
Tinangka nang agawin ni Ryu sa kanya ang naturang photo-album.
Wala namang ideya si Aireen kung anong mayroon rito, at ganoon na lang nagpupumilit si Ryu na agawin ito sa kanya.
Halos naghahabulan na silang dalawa sa loob ng kuwarto ni Lola Martha. Paikot-ikot na parang mga batang naglalaro.
"Amina na 'yan!" pag-uutos pa rin ni Ryu.
"Ayoko nga!" pang-aasar pa ni Aireen. At nagawa pa niyang tumungtong sa ibabaw ng kama ni Lola Martha. Para lang hindi siya maabot ni Ryu. Pero bigla siyang nagkamali ng hakbang at hindi niya sinasadyang madulas dahil sa sapin ng kama. Alam niyang babagsak siya. Kaya mabilis siyang napakapit sa braso ni Ryu. Pero nawalan din ito ng balanse, at kapwa sila bumagsak sa kama.
Kapwa nagkagulatan at nakatinginan ang dalawa.
Pakiramdam ni Aireen ay biglang huminto ang oras sa pagitan nila nang magtama ang kanilang mga mata ni Ryu. Halos malapit na malapit lang ang mukha nito sa mukha niya. Para pa ngang nararamdaman rin niya ang mainit na hininga nito na dumadampi sa kanyang mukha na lalong nagpalakas ng pagtibok ng kanyang puso.
"Ai..." biglang sambit nito sa kanyang pangalan.
Napalunok siya. Parang may ibang hatid sa kanyang pandinig ang boses nito. Para namang pag-iisip ang kanyang mga mata dahil kusa iyong pumikit. Tila may inaasahan siyang gagawin ni Ryu.
At hindi naman siya nabigo.
Naramdaman niya ang pagsayad ng mga labi ni Ryu sa mga labi niya. Saka niya naramdaman na para bang may mga paru-parong nagwawala sa kanyang sikmura. At wala siyang ibang naririnig sa mga sandaling iyon kungdi ang malakas na pagtibok ng puso niya. Para siyang matutunaw na ice cream, at parang lumulutang pa siya sa alapaap.
Masuyo siyang hinalikan ng binata sa kanyang mga labi hanggang namalayan na lamang niyang tumutugon na siya sa mga halik nito. Hindi na niya alam kung anong nangyayari sa kanya, at nagagawa na niyang halikan ang lalaking na itinuring na niyang pinakamatalik na kaibigan, at kapatid. Dapat ay itulak niya ito palayo sa kanya para putulin ang halik na hindi dapat nangyayari. Pero hindi niya magawa dahil ayaw na rin niya mismong gawin. Ang katawan niya, puso at kanyang isipan, pati kaluluwa... parang nagkaka-isa!
Alam niyang lumalalim na ang ang halik na iyon hanggang sa biglang bumukas ang pinto!
Doon na itinulak ng malakas ni Aireen si Ryu papalayo sa kanya, at hindi sinasadyang mahulog sa kama ang binata.
"Mga w**** H*** kayo!!!!" singhal ni Lola Martha sa kanila. At mabilis na rin nitong inihanda ang paghampas sa kanila ng tungkod.
Napatayo silang pareho ni Ryu at kaagad na umiwas sa nagbabantang pagpalo sa kanila ni Lola Martha. Hindi niya maiwasan ang matakot dahil sa nakita niyang galit sa mukha ng matanda. At alam niya sa kanyang sarili na may ginawa silang hindi maganda.
"L-lola!" tuloy sa pag-iwas ni Ryu, samantalang nasa likod lang si Aireen nito at nagtatago na parang bata.
"Hindi n'yo na nirespeto 'tong pamamahay ko!" nanggagalaiting sabi ni Lola Martha, "At dito pa mismo sa kuwarto ko naisipan ninyong mag-honeymoon!"
"Lola, wala-"
"Manahimik ka, Ryulito!" sigaw ni Lola Martha, "Matanda na ako pero hindi malabo ang paningin ko. Kitang-kita ko ang ginagawa n'yo!"
"Ma, ano'ng nangyayari?" bungad na tanong ni Tita Diana nang mapasugod na rin ito sa kuwarto nang marinig ang malakas na boses ng Ina.
"Itong dalawang 'to!" pagsusumbong ni Lola Marta sa anak nito.
Nagtatakang napatingin naman si Tita Diana kina Aireen at Ryu.
"Naku... naku... naku..." daing ni Lola Martha habang hawak nito ang sariling batok, "... pinapa-high blood ako ng dalawang 'to! Sumunod na lang kayong dalawa sa sala!"
Inalalayan ni Tita Diana ang matanda patungo sa sala. Samantalang sumunod ang dalawa.
Hanggang nakarating na sila sa sala ay nananatili pa ring nakayuko si Aireen dahil sa matinding kahihiyan. Parang gusto na lang niyang lamunin ng sahig para maglaho na lang siyang bigla sa paningin ng mga ito.
"Magsindi ka ng anim na kandila, Diana!" utos ni Lola Martha sa anak matapos itong umupo sa tumba-tumba nito.
Saka naman nagtatakang pinagmamasdan ni Aireen ang ginagawa ni Tita Diana. Wala siyang ideya kung ano ang gagawin nila sa mga kandilang iyon, at bakit andami naman yata?
Napatingin siya kay Ryu.
Wala itong imik. Parang alam na nito kung ano ang gagawin nila.
"Nandito na ako!" masiglang salubong ni Ferlyn kanilang lahat pero bigla rin itong napahinto nang makita ang ginagawa ng ina.
"Tamang-tama ang dating mo, ija..." nakangiting sabi ni Lola Martha, "... magro-rosaryo tayo!"
"Ngayon na po?" nagtatakang tanong ni Ferlyn sabay mano sa matanda, at saka rin ito napatingin kina Aireen at Ryu.
Nakuha naman ngumiti ni Aireen sa dalagita upang maitago ang hiya at takot na nararamdaman niya sa mga oras na iyon. Pero nang mapatingin naman siya sa kinaroroonan ni Lola Martha ay muli na lamang siyang napayuko lalo nang makita na naman niya ang panlilisik ng mga mata nitong nakatitig sa kanya.
"Kayong dalawa," baling ni Lola Martha sa kanilang dalawa ni Ryu at ginagawang pagturo sa kanila ang tungkod nito, "Lumuhod kayo dito!" utos nito saka tinuro ang sahig..
"Po?!" gulat ni Aireen saka muli siyang napatingin sa binatang katabi niya. Gusto sana niya itong tanungin pero hindi na niya magawa dahil sa muling tinuktok ni Lola Martha ang dulo ng tungkod nito sa sahig. Nagawa na lang nilang sumunod sa inuutos nito.
Lumuhod sila sa harapan ng altar kung saan naroroon ang mga antigo rin nitong Santo.
Ang buong akala niya ay luluhod lang sila, pero laking gulat niya nang ibinigay sa kanila ni Tita Diana ang mga kandilang sinindihan nito.
Hawak ang dalawang kandila sa magkabilang kamay ay tinaas nila ni Ryu ang kanilang mga kamay.
"H'wag na h'wag n'yong ibaba ang mga braso n'yo," pagbabanta pa ni Lola Martha.
Napakagat ng ibabang labi Aireen. Hindi niya alam kung hanggang saan niya kakayanin ang parusang ito. Nang lumuhod na rin sina Tita Diana at Ferlyn ay nagsimula na silang magdasal.
Nasa ikalawang-istasyon pa lang ang pagdarasal nila nang makaramdam na siya ng pangangawit. At kapag napapansin ni Lola Marta na bumababa ang kamay nila ni Ryu ay nakakatikim sila ng pagtapik ng tungkod nito.
Hindi naman masakit ang pagtapik nito pero mas masakit ang lumuhod na halos isang oras na may hawak-hawak na kandilang unti-unting natutunaw sa kanyang kamay.
Napapapikit na lang si Aireen at napakagat ng labi kapag nararamdaman niya ang mainit na pumapatak sa kanyang kamay. Pakiramdam niya ay mamatay na siya sa mga oras na iyon. Nang matapos na ang pagdarasal nila ay lihim na siyang nakahinga ng maluwag nang pinakuha na ni Lola Martha ang mga kandila sa kanila ni Ryu pero mahigpit pa rin ang bilin nito na mananatili pa rin silang nakaluhod.
Tumatagakgak na rin ang kanyang pawis at ramdam na ramdam na rin niya ang pamamanhid ng kanyang mga tuhod.
Samantalang si Lola Martha naman ay matiyagang nagbabantay sa kanila.
Nakaalalay lang naman si Ferlyn, at ito ang nagpapa-inom sa kanila ng tubig.
Hindi na niya alam kung ilang oras na silang nasa ganoong sitwasyon hanggang sa may makarinig sila pagpasok ng sasakyan sa bakuran.
"Ma, nandiyan na po sila Kuya Vicente!" tuwang sabi ni Tita Diana.
Biglang sumigla ang kanyang mukha dahil sa kanyang mga narinig.
Sa wakas, matatapos na rin ang kalbaryo nilang ito.
"D'yan lang kayo!" mariin na utos ni Lola Martha, "Hindi porque't nandito ang mga magulang n'yo ay makakaligtas na kayong dalawa!"
Nadismaya si Aireen. Ang buong akala niya ay makakatakas na siya.
"Mommy!" malakas na niyang tawag nang makita na niyang pumasok ito kasama ang Daddy niya, pati sina Ninong Vicente at Ninang Annie.
Kitang-kita niya ang gulat sa mukha ng mga ito nang makita sila ni Ryu sa ganoong kalagayan.
"Baby ko!" aktong lalapitan na sana siya ng kanyang Mommy nang bigla hinarang ni Lola Martha ang tungkod nito.
"H'wag n'yo silang lalapitan..." banta nito, "... nakagawa ng malaking kasalanan ang dalawang ito kaya kailangan ko silang parusahan!"
"Pero, Tita..." pasagot pa sana ang Mommy niya pero pinigilan na naman iyon ni Ninang Annie.
Ang Daddy naman niya ay wala nang nagawa pa kungdi ang mapakamot ng ulo.
"Halikayo..." tumayo na si Lola Martha sa tumba-tumba nito, "... kakausapin ko kayo tungkol sa kanilang dalawa. Doon tayo sa silid aklatan!"
Wala nang nagawa pa ang mga magulang nila ni Ryu kungdi ang sumunod kay Lola Martha. Pero bago pa man pumasok ang mga ito sa loob ng silid-aklatan ay nagbilin muna si Lola Martha kay Ferlyn na bantayan sila ng mabuti. Huwag na huwag silang hahayaang umupo o tumayo man lang.
Umalis na ang lahat, at naiwan si Aireen kasama ang mag-pinsan. Napansin niyang sinilip-silip muna ni Ferlyn ang pintuan ng silid-aklatan ni Lola Martha bago nito sabihin sa kanila ni Ryu na...
"Magpahinga muna kayo kahit saglit lang!"
"T-talaga?" parang hindi pa siya makapaniwala.
Sadyang napakabait ni Ferlyn noon pa. Kaya sa lahat ng pinsan ni Ryu, ito ang lang malapit sa kanya. At dahil sa sinabi nito, saka na sila nagpahinga ni Ryu.
Sa sahig na lang sila umupo para kung sakaling biglang lumabas si Lola Martha ay kaagad silang makakabalik sa pagkaluhod.
At nang maka-upo na si Aireen ay saka naman niya naramdaman ang pamamanhid ng kanyang tuhod. Ang buong akala niya ay hindi na niya makakaya ang parusang ito.
"Ang sakit..." daing niya habang minamasahe ang sariling paa.
"Masakit?" sabi ni Ryu.
Halos nanlaki ang mga mata niya nang biglang kunin ni Ryu ang kanyang paa, at hinilot ito. Hindi na niya magawang bawiin iyon lalo na't may naramdaman siyang konting kasiyahan.
Nakangiting napatingin siya rito, at saka niya napansin ang pawis sa mukha nito.
Wala sa loob na pinunasan niya ang mga iyon sa pamamagitan lang ng kanyang kamay.
"Ay, sus! Magbestfriend daw! May magbestfriend bang ganyan ka-corncered sa isa't isa? Sana all!"
Bigla namang nakaramdaman ng pagkahiya si Aireen dahil sa ginawang pagsita ni Ferlyn sa kanila ni Ryu.
"Ano ba talaga ang nangyari sa inyo?" biglang usisa nito na kasalukuyan nang nakaupo sa tumba-tumba ni Lola Martha, "Bakit pinarusahan kayong dalawa ni Lola? Diba, okay na kayo kahapon?"
"Siya kasi..." kapwa sila nagturuan ni Ryu.
Natigilan naman si Ferlyn, at pinasalin-salin ang tingin sa kanilang dalawa.