Chapter Seventeen Nag-iisang Guest

"DUMAAN KA SA BAHAY NG MOMMY LUZ MO, KAPAG UUWI NA."

Nagpakawala ng marahas na hininga si Ryu matapos niyang mabasa ang text message sa kanyang ng Mama niya. Kakagaling lang niya noon sa Studio kung saan niya naisipang ipasa ang kantang ginawa niya.

Oo. Kahit na-disband na ang bandang tinatag niya ay hindi pa rin siya tumitigil sa pagsusulat ng kanta. Tumutulong na siya ngayon sa kanilang family business. Pero aywan nga ba niya, kahit anong gawin niya ay hinihila siya pabalik ng musika. Pakiramdam niya, ang musika ang sandalan niya sa mga ganitong may mabigat siyang pinagdaraanan.

Tulad ng bilin sa kanya ng mama niya, nagawa pa rin ni Ryu ang dumaan sa bahay ng mga Salazar. Hindi na siya nag-aksaya ng panahon para kumatok. Dahil hindi na rin siya iba sa pamilyang ito. At halos ito na rin ang tinuturing niyang ikalawang tahanan. Pero naging madalang ang pagbisita niya rito dahil sa mga nangyayari.

Iniisip niya, masyado ba siyang naging makasarili dahil pumayag siya sa kagustuhan ng mga magulang nila. At hindi niya inisip ang nararamdaman ni Aireen. Basta ang mahalaga lang sa kanya noon ay ang nararamdaman niya. Doon na lang kasi nagising ang damdamin niya para kanyang bestfriend kaya sinamantala niya ang panggigipit sa kanila ng mga magulang niya.

Ang isiping ito ang laging pumapasok sa kanyang utak. Hindi niya alam kung ano ba ang dapat niyang maramdaman. Guilt or awa sa sarili. Sinubukan niyang magalit kay Aireen dahil sa ginawa nitong pag-iwan sa kanya pero mas nangingibabaw ang damdamin niya rito. At pananabik na makita at makasama ulit ito.

Halos isang buwan pa lang ang nakakalipas, miss na miss na niya ito. Hanggang ngayon hindi pa rin niya alam kung nasaan ito. Kahit pa paminsan-minsan ay tumatawag ito sa mga magulang nito, palihim pa siyang naghahanap. Nag-aalala siya rito. Wala siyang ideya kung anong nangyayari rito. Dati-rati ay alam na alam niya ang mga activity nito. Pero iba na ngayon, at hindi pa rin siya masanay-sanay na wala ito sa tabi niya.

Nang makapasok na siya sa loob ng bahay ng mga Salazar, naabutan niya roon ang Mama niya na kausap ang Mommy ni Aireen na si Tita Luz. Magalang siyang nagmano sa dalawang ginang bilang paggalang sa mga ito.

"Bakit n'yo po ako pinapunta rito?" tanong niya sa mga ito.

"Ano kasi..." anang ng Mama niya sabay ang sulyap nito kay Tita Luz. Parang nagtuturuan pa ang mga ito kung sino ang dapat magsalita.

"Ano kasi, Ijo... May ginawa kasi kami na baka ikagalit mo," panimula ng Mommy ni Aireen.

Na siya namang pagkakakunot ng noo ni Ryu.

"Actually nai-file namin ito noong araw na maglayas si--" hindi na natapos pa ang sasabihin sana ng kanyang Mama nang makarinig sila ng kalabog sa bandang pintuan.

Sabay-sabay silang napatingin rito nang bigla itong bumukas, at iniluwa roon si Mary.

"Nandito na ako!" sabi pa nito na pagewang-gewang pa ang lakad habang papasok.

Nagulantang naman silang tatlo dahil sa nakitang paglasing ni Mary.

Dali-dali naman itong nilapitan ni Ryu para alalayan.

"Huwag! Huwag kang lalapitan! Baka magselos na naman ang little sister ko at hindi na siya talaga umuwi rito!" pagtataboy ni Mary sa binata.

Natigilan naman si Ryu.

"Mommy!" parang batang pang lumapit ito, at malambing itong yumakap sa ina nito.

"Lasing na naman!" may himig na pagkainis na turan ni Tita Luz sa anak.

"Nakainom lang ako, Mommy! Konti lang naman! Pero hindi ako lasing!" katwiran ni Mary at patawa-tawa pa.

Nagpakawala ng marahas na hininga si Tita Luz, "Umakyat ka na! May mahalaga kaming pina-uusapan rito!"

"Sandale! Sandale..." awat ni Mary, "Bakit nandito sila, Mommy?"

Kahit nagkakaduling-duling na ang mga mata nito ay nagawa pa nitong ituro sila Ryu at ang mama niya.

"Sinabi mo ba sa kanila, Mommy?" bumakas ang pag-aalaa sa mukha ni Mary.

"Ano'ng sasabihin ko sa kanila?" naguguluhang tanong ni Tita Luz, "Hindi ko alam ang sinasabi mo!"

"Hindi mo rin ba alam, Mommy? Noong nakaraang araw lang nakita ko si Aireen!" sabi ni Mary na siyang kinagulat nilang lahat.

"Nakita mo si Aireen, Mary?" paniniguro ni Tita Luz.

"Hala, patay!" gulat ni Mary saka ito napaupo habang sinasabunutan ang sarili, "Hindi ko pala dapat sinabi iyon!"

"Saan mo nakita ang kapatid mo, Mary?" tila nagsimula nang mag-hystical si Tita Luz. Naging maagap naman ang Mama ni Ryu, at mabilis nitong inalalayan ang kaibigan, "Please, Mary! Saan mo nakita ang kapatid mo?" pangungulit ng Mommy nito at niyyugyog-yugyog ang balita ng anak.

"Mommy huwag akong yugyugin nahihilo po ako!" reklamo ni Mary at umakto itong susuka.

Inawat na ni Ryu si Tita Luz. Inalalayan na rin niya ito palayo sa lasing na si Mary.

"Ija, sabihin mo lang kung saan mo nakita si Aireen?" nakiki-usap naman na sabi ng Mama ni Ryu.

"Sa Las Vegas po, Ninang kong maganda!" nakuha pang mambola ni Mary.

"Las Vegas?" pagtatakang reaksyon nilang tatlo.

"P-Paano siya nakapunta roon eh nasa akin ang mga ID niya at passport!" nagtatakang sabi rin ni Tita Luz.

"Sigurado ka bang nasa Las Vegas siya?" paniniguro ng Mama ni Ryu. Dahil parang alam rin nitong imposibleng makarating sa ibang bansa si Aireen, at makita ito ni Mary.

"Sigurado ka bang si Aireen 'yun, anak?" paniniguradong tanong na rin ni Tita Luz.

"Opo, nag-usap pa nga kami eh!" pagmamalaki ni Mary.

"Paanong nasa Las Vegas siya kung nakausap mo pala!" napapakamot na ng ulo si Tita Luz dahil sa magulong salaysay na lasing na anak.

"Ha?" nag-angat ng tingin si Mary, "H-hindi Las Vegas. Sabi ko Las Piñas! Las Piñas!"

Natigilan ang lahat. Tila nabuhayan ang lahat nang nalaman ng mga ito na hindi naman ganoon kalayo ang pinuntahan ni Aireen.

"Saan banda sa Las Piñas?" tanong uli ni Titw Luz.

"Sa Las Piñas nga po!" tugon ni Aireen saka nag-angat ng tingin. Para bang may hinahanap ito. At nang makita siya nito ay saka nagpailing-iling, "Hindi pwede!"

"Ano ka bang bata ka! Parehas na lang kayo ng kapatid mo kapag naglalasing!" reklamo ni Tita Luz sabay ang mahinang paghampas sa braso ng anak.

"Kaya nga iyon ang ginamit n'yo ni Ninang Annie para mapilitang pumayag ang dalawa sa kalokohan n'yo!" natatawang pang sabi nito.

"Sabihin mo na lang kasi kung saan banda sa Las Piñas! Nabanggit ba niya sa'yo kung saan siya nakatira?" pangungulit pa rin ni Tita Luz.

"Opo, kaso ..." tumingin si Mary kay Ryu, "Hindi daw pwedeng malaman ni Ryulito! Natatakot kasi siya! Baka daw umbagan mo kasi inurong niya ang kasal n'yo! Baka maski ako kapag ganoon ang ginawa sa akin, baka pakainin ko pa siya ng isang katebang sili bilang parusa niya sa ginawa niyang pang-iiwan!"

"Hay.... kung ano ang kinatahimik mo, iyon naman ang kinadaldal mo kapag lasing ka!" napapailing na sabi ni Tita Luz, "Sabihin mo na lang kasi kung saan nakatira si Aireen."

"Mommy," hinawakan pa ni Mary ang mukha ng ina para matitigan ito sa malapitan, "Sabi niya sa akin, pwede kong sabihin sa inyo kung saan siya nakatira ngayon. Pero hindi pwede sa kanya!"

Natigilan si Ryu nang bigla siyang tinuro ni Mary. Para lang itong nagturo ng isang suspek sa isang krimen. Tapos nakita pa niya ang pagsensyas sa kanya ng Mama niya. Na pinaalis muna siya sa lugar iyon.

Nagpakawala ng marahas na hininga si Ryu. Gusto na niyang yugyugin si Mary para makausap na nila ito ng maayos. Pero kahit lasing ito, mukhang tutuparin pa rin nito ang binilin ng kapatid. Alam niyang hanggang nakikita siya ni Mary ay hindi ito magsasalita. Kaya naman tumayo na siya at nagtungo sa pintuan. Umarte siyang aalis. Pero bago pa siya lumabas ay nadinig niya ang lugar na kinaroroonan ni Aireen.

"Sa Heavenstar Guest House siya nakatira ngayon, Mommy! At nagtatrabaho siya sa convience store malapit doon!" sabi ni Mary.

"Talaga?" mangiyak-ngiyak si Tita Luz, at parang hindi ito makapaniwala na alam na nila kung nasaan si Aireen.

Pagkarinig ni Ryu ng pangalan ng lugar ay kaagad niyang isinearch iyon sa internet. At lumabas sa mapa ang isang malaking bahay kung saan mababasa sa arko ang pangalang ng guest house na binigkas ni Mary.

Kumabog ng malakas ang dibdib niya. Ngayon alam na niyang dito nakatira ngayon si Aireen, hindi na niya maipaliwanag ang kanyang nararamdaman. Parang kinakabahan siya, at the same time ay masaya siya.

Nang matiyak ni Ryu na iyon ang Guest House na tinutukoy ni Mary ay saka na siya umuwi sa kanilang bahay. Dumiretso kaagad siya sa kanyang kuwarto, at hinanap niya ang kanyang travel bag. Mabilis niyang pinili ang mga damit niya, at inilagay ito sa bag niya.

Wala pa siyang plano kung paano niya haharapin si Aireen. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay makita ito. Gusto niyang marinig ang paliwanag nito sa kabila ng pag-iwan nito sa kanya. Gusto niyang yakapin ito.

Isang buwan na siyang hindi matahimik. Gustong-gusto na niyang makita ito, at ngayong alam na niya kung nasaan ito ay hindi na siya mag-aaksaya ng oras at panahon.

Kasalukuyan na niyang nilalagay ang kanyang gamit sa likod ng kanyang kotse nang dumating ang Mama niya.

"Susunduin mo ba siya?" may pag-aalalang sabi nito, "Hindi kaya lumayo ulit siya kapag nakita ka niya?"

"Sisiguraduhin kong hindi po iyon mangyayari, Ma..." mariin niyang tinignan ito. Kahit alam niyang posibleng mangyari ang naiisip ng kanyang Ina. Pero pakiramdam niya, kapag hindi pa niya makausap si Aireen ay baka lalo lang lumayo ito sa kanila. At hindi na ito bumalik pa sa kanila.

"Anak..." hinawakan nito ang braso niya, "Inaalala ko lang ang mararamdaman mo sa oras na magkita ulit kayong dalawa."

"Don't worry, Ma. Matagal ko na ring pinaghandaan ito," matipid siyang ngumiti rito.

Hindi na nakaimik ang mama niya.

"Ma, hindi ako gagawa ng hakbang na lalong ikakalayo niya sa atin," turan niya.

"Kung iyan talaga ang pasya mo," pagsuko nito saka may inabot sa kanyang envelop.

Nagtatakang kinuha naman niya ito. Pagkaraan ay tinignan niya ang laman roon. At ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya sa nakita.

"Iyan talaga ang dahilan kung bakit gusto ka namin makausap ng Mommy Luz mo. Alam namin na napangunahan na naman namin kayo," nahihiyang yumuko ang ina nito, "Sorry. Nung nailakad na kasi namin 'yan bago pa lumayas si Aireen. Matagal nga namin pinag-isipan ng Mommy Luz mo kung papaano namin iyan sasabihin sa'yo."

Wala sa loob na niyakap niya ang ina, "Promise, Ma! Ibabalik ko rito si Ai! Hindi ako uuwi hangga't hindi siya kasama! Hintayin n'yo lang ako, ah!"

"Aasahan namin 'yan, anak. Promise, after nito, hindi na kami mangengealam ni Luz. Basta ibalik mo lang rito si Ai, ah?"

"Opo," matamis na ngiti muna ang binigay niya sa ina bago siya nagdesisyong na umalis na.

Halos hindi na niya alam ang dapat niyang maramdaman sa mga sandaling iyon. Naeexcite siya na kinakabahan. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon niya kapag nagkaharap na sila ni Aireen. Natatakot rin siya sa anumang magiging reaksyon nito. Natatakot siya na baka kapag nakita siya nito ay tumakas na naman ito.

"Bahala na..." mariin niyang hinawakan ang manibela ng kanyang sasakyan.

Hindi naman ganoon kahirap hanapin ang naturang guest house. Para lang itong malaking bahay na ginawang boarding house. May kalakihan ito, ag sadyang malinis.

Pumasok siya sa loob at sumalubong sa kanya ang isang may kaliitang babae.

"Welcome to Heavenstar Guest House!" natutulang bati nito sa kanya, "Ang guwapo mo naman Kuya! Artista ka ba?"

"Magrerent ako ng isang kuwarto," sabi lang niya rito na hindi niya pinansin ang paghanga nito.

"A-Ano po, paki-pirmahan lang po to. At hihingin ko po ang ID n'yo. Kasi, sinisiguro lang po namin ang kaligtasan ng ibanb guest." paliwanag ng babae.

"Sure. No problem," tumango siya saka niya inabot riro ang ID niya. Nakita pa niya ang pagkamangha sa mukha nito sa ID niya. Nakaramdam siya ng paghinga pero hindi niya iyon pinahalata.

"Sa Room Ilang-ilang po kayo! Ihahatid ko na po kayo!" magalang na sabi nito sa kanya.